Lumipas ang mga buwan at malapit na matapos ang unang semester nila. Panibagong yugto ng buhay na naman ang haharapin nilang magkakaibigan.
Maagang pumasok si Rein, matamlay at malungkot. Hindi niya malaman kung bakit. Naabutan niya si Hans at Tracy na nag-uusap, halatang masaya sila sa isa't-isa. Parang may kumirot sa parte ng puso ni Rein, ang hirap ipaliwanag.
"Good morning!" sabay nilang bati. Nagkatinginan pa sila Hans at Tracy at biglang tumawa.
"Ang saya niyo yata," mapaklang ngiting sabi ni Rein. Alam niya sa sarili niya na nasasaktan siya. Nasasaktan na makitang magkasama si Tracy at Hans. Oo! Tanggap niya na sa sarili niya na may gusto siya kay Hans, pero hindi puwede. Hindi puwede dahil masasaktan ang kaibigan niya kapag nagkagusto siya kay Hans.
"Ang ganda kasi ng gising namin."
Animong pinag-usapan nila ang isasagot, dahil sabay na sabay at pareho pa. Nagkatinginan ulit sila sa isa't isa at sabay na nagpakawala ng malakas na tawa.
"Sa tambayan muna ako," mahinang bulong ni Rein. Pero mukhang hindi ito napansin ng mga kasama niya dahil masayang nagtatawanan pa rin ang mga ito.
Dali-dali itong umakyat sa rooftop. Sa tambayan nilang magkakaibigan. Pumunta siya sa dulo nito at tinignan ang buong campus ng kanilang eskwelahan mula sa taas.
Tahimik.
Ang sarap sa pakiramdam ng ganitong sobrang tahimik, parang walang problema. Pero wala naman talagang problema si Rein. Okay naman ang pamilya niya, okay naman silang magkakaibigan, nakukuha niya naman lahat ng gusto niya, lahat ng tao sa paligid niya ay binibigyan siya ng atensyon. Kung sabagay, ano nga ba ang kulang sa kaniya? Hinawakan niya ang parte ng puso niya at malakas na bumuntong hininga.
"Okay ka lang?" Hindi siya tumingin kung sino man ang nagsalita at naka-focus pa rin ang paningin niya sa baba.
"Okay lang ako. Wala ka rin namang paki-alam kahit sabihin kong hindi ako okay 'di ba?" mahinang bulong niya sa sarili.
"H-Ha?"
Minsan tumatahimik na lang si Rein para malaman niya kung may paki-alam ba sila sa nararamdaman niya. Para malaman niya kung may halaga pa ba ito sa kanila.
"Wala," nakangiti namang tumingin sa kaniya si Rein.
"Bakit ka pala pumunta rito? Huwag mong sabihin na sinundan mo ako?" pagbibiro ni Rein.
"Asa Rein, may ibabalita lang ako sa'yo."
"Ano 'yon?"
"Let's end our deal." Parang bigla siyang nanlamig sa sinabi ni Hans.
Let's end our deal? End na rin ba ng pagsasama nila. Oo! Masaya siya sa tuwing kasama niya si Hans at super close na rin sila. Tinutulungan niyang mapalapit si Hans kay Tracy at bilang kapalit ay magiging alipin siya nito.
"B-Bakit?"
"Anong bakit? Hindi ko na kailangan ng tulong mo." Parang binagsakan ng langit at lupa si Rein dahil sa sinabi ni Hans. Para kasi sa kaniya ay hindi na siya nito kailangan at lalayo na siya. Wala na siyang silbi sa buhay nito.
Alam sa sarili ni Rein na sobra na siyang na-fall dito. Sa lahat ng pinapakita nito sa kaniya, kahit alam niya na ang gusto ni Hans ay ang kaibigan niya. Aware siya roon. Paano ba naman siyang hindi maiinlove? Super gentleman ni Hans. Naalala niya pa 'yong mga panahon na...
Pinahiram sa kaniya 'yong payong dahil wala siyang dala at sobrang lakas ng ulan.
Tinulungan siya sa mga subjects na hindi niya maintindihan.
Binilhan siya ng napkin noong minsang nagkaroon siya ng dalaw.
Pinahiram niya 'yong P.E. Uniform niya noong natapunan siya ng juice sa kaniyang uniform.
Hindi niya nakalimutan na araw-araw siyang dinadalhan ng chicken sandwich dahil paborito niya ito.
Tinulungan siyang gamutin 'yong sugat niya sa tuhod dahil sa pagkadapa sa pagiging lampa niya.
At marami pang iba.
Lahat ng 'yon, tandang-tanda niya pa. Dahil lahat ng 'yon naging memorable noong kasama siya.
"Rein, salamat talaga sa lahat. Kung hindi dahil sa'yo, hindi magiging kami ni Tracy," nakangiti pa nitong dugtong.
"K-Kayo na?" Hindi niya alam kung bakit sa lahat ng sinabi niya ay iyon ang pinaka-masakit. Unti-unting namumuo ang tubig sa kaniyang mata at unti-unti na ring lumalabo ang paningin niya. Bago pa tuluyang bumagsak ang kaniyang luha ay mabilis siyang tumakbo palayo kay Hans. Palayo sa taong gusto niya.
Sobrang sakit ng nararamdaman niya at unti-unti nitong pinapasikip ang dibdib niya.
Masyadong masakit ang sinabi ni Hans sa kaniya.
Dinala siya ng mga paa niya sa isang puno. Iyong puno na dating kasama niya sa pagpa-plano kung pano inisin si Hans at ngayon kasama niya naman dahil sa nasasaktan siya sa parehong dahilan.
Umupo siya sa damuhan at sinandal ang sarili sa puno, yumuko siya at tanging pagluha lang ang nagawa niya. Ilang minuto siyang nasa ganoong posisyon bago niya iangat ang kaniyang ulo, nakita niya ang bato sa gilid at kinuha niya ito. Tinitigan niya ito na para bang siya 'yong lalaking kinaiinisan niya.
"Ang sakit malaman na mahal kita, pero mahal mo siya. Ano ang magagawa ko? Sa kahit saang paraan at kahit anong paraan, talo pa rin ako. Talo ako dahil nagmahal ako sa isang taong may iba namang mahal." Patuloy ang pagbuhos ng luha ni Rein. Malakas niyang hinagis ang hawak niyang bato.
Kung sabagay kasalanan niya naman kasi talaga kung bakit siya nasasaktan. Bakit kasi siya nagmahal sa taong una pa lang ay hindi niya makuha ang atensyon, na una pa lang walang paki-alam sa kaniya?
Ibinalik niya ang tingin sa kaninang pinanggalingan niya pero wala siyang makitang kahit anino ng taong gusto niya.
"Pero umaasa ako na susundan mo ako at sasabihing biro lang ang sinabi mo. Pero wala akong makita maski anino mo, wala. 'Yong feeling na maraming nagmamahal sa'yo, pero nababaliw ako sa lalaking wala man lang halaga sa akin. Akala ko pa naman ay tayo ang para sa isa't isa, pero tama lang pala ang sinabi nila. Na hindi lahat ng para sa isa't-isa ay nagiging sila. Na kahit magsalamin ka pa ay malabo pa ring maging tayo." Napapikit si Rein sa lahat ng kaniyang sinabi. Patuloy pa rin ang pagpatak ng luha niya at parang walang balak na tumigil.
"Rein?" Napatingin siya sa babaeng nagsalita sa kaniyang harapan. "Anong nangyari bakit ka umiiyak?" Biglang tumayo si Rein at mahigpit na niyakap ang kaniyang kaibigan na si Desiree.
"Des, ang s-sakit."
"Tahan na." Panay ang hagod ni Desiree sa likuran ni Rein, hindi niya alam kung paano patahanin ang kaniyang kaibigan. Naramdaman niya na sobra itong nasasaktan, kaya imbis na magsalita ay niyakap niya ito ng sobrang higpit at pinaramdam na nandito siya at hindi siya nag-iisa.
"S-sila na," pagsisimula ni Rein. "S-sabi ko sa sarili ko kakayanin ko kapag nagkatuluyan sila, pero h-hindi ko pala kaya Desiree. Masyadong masakit," nauutal na wika niya.
"Alam mo kung bakit ka nasasaktan? Dahil minahal mo 'yong taong dapat kaibigan lang."
"Pero kasi Desiree. Ang hirap pigilan. Alam mong sa sarili mo na ang hirap pilitin na hanggang dito lang, kasi umaasa ako. Umaasa ako, na sana ako na lang, ako na lang."
"May mga bagay talaga na dapat mong pakawalan kahit alam mo sa sarili mong masasaktan ka, kahit alam mong sobrang malulungkot ka pero ganoon talaga kailangan mong plastikin pati sarili mo. Kasi hindi lahat kaya pang ipagpilitan, kasi kung kayo, kayo talaga." Tumatak sa isip 'yon ni Rein, pero hindi niya pa rin kayang layuan si Hans. Kahit kaibigan lang sana. Tanggap niya na, pero may parte na umaasa pa rin siya.
Ilang oras din ang tinagal nilang magkaibigan bago mapagdesisyunan na pumasok sa klase at ipagpatuloy ang buhay kahit masakit. Inayusan muna ni Desiree si Rein bago pumasok pero halata pa rin ang pamamaga ng kaniyang mga mata dahil sa pag-iyak.
Tatlong subject din ang na-skip nila ngayong araw. Pero para kay Rein, parang wala lang 'yon. Nasasaktan pa rin siya. Katulad nga ng sinabi ni Desiree, kailangan pati sarili niya ay plastikin niya. Kahit masakit, ngiti lang.
Itutuloy...