Chapter III

2601 Words
Gulat na gulat si Four nang makita ang kaliwang balikat niya dahil talagang walang bakas ng sugat doon. Imposible iyon para sa kanya, dahil kitang-kita niya ang laki at lalim noon kanina. Isa pa, grabe ang sakit na naramdaman niya nang bumaon sa balikat niya ang kuko ng halimaw. Pero kahit anong gawin niyang isip ay hindi niya maipaliwanag ang nangyari. Bakit biglang nawala ang sugat doon? Maging si Lisa ay hindi makapaniwala. Tumayo pa siya para tignan ang paligid ng balikat ni Four para hanapin ang sugat. Pero wala talaga. Wala ni gasgas. Ito ang unang beses na nakakita ng ganito si Lisa, pero hindi ito ang unang beses niyang makarinig ng isang mabilisan at biglaang regeneration. “Li-Lisa? A-anong nangyari?” mauutal ni Four na para bang natataranta. “Huminahon ka,” sagot ni Lisa sabay hawak sa mga balikat ni Four. Bigla kasi itong nanginig habang tinitignan pa rin ang kanina lang ay sugatang balikat. “Ang totoo, hindi ko alam. Pero may narinig na akong kwento na kapareho nito. Kung napansin mo, may isang matandang babae akong ipinakilala sa’yo kanina. Ang sabi niya sa amin, isa siyang lung cancer patient at ilang araw na lang ang nalalabi sa buhay niya noong araw ng pagsabog. Pero matapos ang pagsabog, paggising niya ay wala na siyang sakit. At totoo ‘yon, dahil hanggang ngayon ay buhay siya at malusog.” “Ha?” “Ah! Hindi ko rin maintindihan. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang lahat ng ito, Four. Pero ang mahalaga sa ngayon ay buhay tayo.” Tumayo si Lisa at iniligpit ang first-aid kit. “Isipin mo na lang na swerte ka. Gano’n. O, siguro, malik-mata lang natin, o dala lang ng takot mo sa halimaw, ‘yong naramdaman mo ng sakit kanina.” “Pero…” “Ang sabi mo, gutom ka ‘di ba?” biglang putol ni Lisa sa binata. “Tutal wala ka naman ng sugat o kahit ano, sumabay ka na muna sa aking kumain. Baka gutom lang tayong dalawa kaya kung anu-ano ang nakikita at nararamdaman natin.” Hindi kumbinsido si Four, pero wala rin siyang maisip na paliwanag sa nangyari sa sugat niya at hindi maitatanggi ni Lisa sa kanya ang takot sa mga mata nito kanina. Muling sinubukan ni Four na alalahanin ang kanyang mga ala-ala. Pero talagang wala siyang maalala. Sumakit lang ang ulo niya sa kaiisip at maya-maya ay narinig na niyang nagreklamo ang sikmura niya. At nagsimula na namang matuyo ang kanyang lalamunan. Kaya naman kahit natatakot at nag-aalala sa mga nangyayari ay sumunod na siya kay Lisa. Pero hindi niya alam kung nasaan ang kusina at ang mga mata ng mga taong naroon ay agad na napako sa kanya pag labas niya ng kwarto. Nakaramdam ng pagkahiya si Four kaya naman yumuko na lang siya at tumalikod. Babalik na sana siya kung saan siya iniwan ni Lisa nang may maliliit na kamay ang humawak sa magkabilang kamay niya. Napalingon siya at nagulat nang makita ang isang batang babae at lalaki. Magkamukhang- magkamukha sila kaya nalaman agad ni Four na kambal sila. “Grabe ka naman, kuya. Nakakatakot ba kami para magulat ka?” mataray na sabi ng batang babae. “Oo nga. Sasabihin lang naman namin sa’yo na pinapasundo ka sa amin ni Ate Lisa.” dugtong naman ng batang lalaki. “Ah! Gano’n ba? Sorry.” “Ako nga po pala si Trixie,” pakilala ng batang babae na nakapusod ang kulot na buhok. Morena ito at may malalim na dimple sa kanang pisngi. “Ako naman si Brix!” sabi naman ng batang lalaki sabay ngiti na labas lahat ng ngipin. Moreno ito at may maikli at kulot din na buhok. Kapansin-pansin naman ang malalim na dimple nito sa kaliwang pisngi. “Ako naman si…” “Kilala ka na namin!” biglang singit ng batang lalaki. “Ikaw si Tyrant Four!” Nagulat si Four sa sinabi ng bata na kaagad sinaway ng kapatid nito. Nakasimangot na bumulong ang batang babae sa kakambal niya habang palihim na kumukurot sa tagiliran nito. “Anong sabi mo? Tyrant Four?” gulat na tanong ni Four. “Wa-wala po! Kapangalan po kasi ninyo ‘yong bida sa sikat na kwento! Kaya ‘yon! Kuya Four po pala… sorry...” nakangising sabi ng bata habang hinihimas ang batok. Magtatanong pa sana muli si Four nang muling hinawakan ng dalawang bata ang mga kamay niya at hinila nila siya sa kusina. At pagkabukas ng pinto ay agad na nakaamoy si Four ng pagkain. Biglang kumulo ang tiyan niya at parang mas nagutom siya. Napakalakas noon na narinig iyon ng magkapatid at ni Lisa na biglang nagtawanan nang dahil sa nangyari. Agad na naghain ng pagkain si Lisa at ang dalawang bata naman ay lumabas na ng kusina. Lugaw lang ang pagkain at walang sahog. Tanging sibuyas, bawang at luya lang ang lahok noon pero para kay Four ay napakabango na noon. “Sige na. Kumain ka na.,” sabi ni Lisa sabay upo sa harap ng hapag-kainan. “Salamat.” Agad na sinunggaban ni Four ang pagkain. At halos wala pang isang minuto ay ubos na niya ito. Nabigla naman ng husto si Lisa, dahil kakainit lang niya no’n, ngunit hindi man lang napaso si Four. “Ah, gusto mo pa ba? Mayroon pang natitira…” nakatulala at nakakangangang sabi ni Lisa. “Pwede pa ba?” Tumayo ang dalaga at muling sinandukan ng lugaw ang mangkok ni Four. Ngunit kagaya ng nauna ay parang tubig lang itong ininom ng binata. “Pasensya ka na. Gutom na gutom lang talaga ‘ko.” “Ah! Walang problema. Wala naman na atang kakain. Kaya kung gusto mo, ubusin mo na ‘yong nasa kawa. Sayang din kasi kung masisira,” sabi ni Lisa na tila gulat pa rin sa ginawa ni Four. Hindi nag-atubili si Four nang marinig ang sinabi ni Lisa. Mabilis siyang tumayo at sumandok ng lugaw. Kung tutuusin ay kasya pa sa pitong tao ang lugaw na naroon pero sa isang iglap ang lahat ng iyon ay naubos ni Four. Muling nagulat si Lisa at kasabay noon ay naisip niya na isa itong malaking problema. Dahil kung ganito kalakas kumain si Four ay hindi na talaga sasapat sa kanila ang natitirang supply nila ng pagkain. Oo, may mga tanim silang halaman na maaaring pagkuhaan ng makakain, pero hindi iyon sasapat sa kanila sa susunod pang mga linggo. Isa pa ay malapit ng maubos ang naiimbak nilang bigas. Habang kumakain at nag-iisip si Lisa ng maaaring solusyon, ay may isang babae na pumasok sa kusina. Mahaba at tuwid ang nakalugay nitong buhok at maputi ang kulay ng kanyang balat. Nakangiti ito na kumuha ng mangkok at dumeretso sa kawa para sumandok nang makakain. Ngunit ang ngiti sa mukha nito ay napalitan ng pagka-simangot nang makitang wala ng natitirang pagkain. “Sino ang umubos ng lugaw?!” sigaw nito na nanlalaki ang mga mata. Alam niya kung gaano lang karami kumain si Lisa, kaya naman kay Four niya itinuon ang matatalim na tingin. “Napakarami pa noon kanina! Hindi pa ako kumakain!” “Ah… so-sorry po…” marahang sabi ni Four na yumuko ngunit palihim pa rin na sumusulyap sa galit na babae. Alam niyang siya ang kinakausap nito. “Ah, Kath! Pasensya ka na. Anong oras na kasi kaya akala ko, kumain na kayong lahat,” sabat ni Lisa. “Pasensya na kung ipinakain ko sa kanya lahat ng lugaw.” “Seryoso? Naubos niya ‘yong lugaw na gano’n kadami? Eh, pwede pa nga ‘yon kinabukasan! Anong klaseng patay-gutom ba ‘yang dinala mo rito?!” “Ipagluluto na lang kita ng lugaw,” marahan at nagtitimping sagot ni Lisa sabay tayo. “Nakalaan na para sa sunod na apat na araw ang bigas na mayroon tayo, Lisa! Wala na ring bunga ang ilang mga tanim natin! Ang ibang mga halaman, namatay! Hindi na tayo pwedeng magluto ng lang basta-basta dahil kakapusin tayo!” Napatigil si Lisa sa sinabing iyon ni Kath. Alam na niyang kakaunti na lang ang pagkain nila. Pero hindi niya alam na ganito na kalala ang sitwasyon. Napansin niyang umiiyak na si Four at nanginginig. Marahil ay dahil sa kahihiyan. Kinausap ni Lisa ang galit at gutom na si Kath. Muli siyang humingi ng despensa dito at ipinangakong bukas na bukas ay maghahanap siya ng pandagdag sa kanilang pagkain. “May magagawa pa ba ‘ko?!” galit na bulyaw ng babae sabay bagsak ng mangkok sa lamesa. “Siguraduhin mo lang Lisa na isasama mo ang bagong salta na ‘yan sa paghahanap ng pagkain! Para may silbi naman ‘yan!” dugtong nito sabay baling ng matalim na tingin kay Four na patuloy pa rin sa panginginig. At pagkatapos ay padabog itong umalis. “Huwag mo ng pansinin ‘yon. Gutom lang ‘yon kaya galit, pero mabait ‘yon si Kath. Isa pa, kasalanan ko naman. Akala ko kumain na silang lahat,” sabi ni Lisa sabay tapik sa balikat ni Four. “Magiging pabigat lang ako dito,” mahinang sabi ni Four. Tinapik-tapik ng malakas ni Lisa ang balikat ni Four. “Hindi. Magagamit natin ang matitigas na mga muscle na 'to,” nakangiting sabi ng dalaga. “Mamaya. Mag-uusap ang lahat tungkol sa supplies. Magpahinga ka muna sa kwarto kung saan sana kita gagamutin kanina. At huwag mong sasabihin sa kanila ang tungkol sa sugat mo.” “Ba-bakit?” “Dahil baka matakot sila sa’yo.” “Pe-pero… sabi mo… ‘yong isang matandang… “Ibang kaso ‘yon, Four! Maging ikaw ay nagulat at natakot dahil hindi mo maipaliwanag kung paanong bigla na lang nawala ang sugat mo. Kaya malamang na, gano’n din ang maging reaksyon nila. At dahil sa dami na ng kakaibang nangyari sa amin sa nakalipas na mga buwan, ay baka isipin nila ay kakaiba ka. Baka isipin nila na isa kang halimaw.” “Eh, ikaw? Hindi ka ba natatakot sa ‘kin?” Tumigil si Lisa at tinignan si Four. “Hindi,” muling tumigil si Lisa at tila nag-isip. “Dahil kung natatakot ako sa’yo, kanina pa sana kita ipinagtabuyan mula sa lugar na ‘to. Basta! Magtiwala ka lang sa akin, okay?” Hindi na sumagot pa si Four. Dahan-dahang siyang tumango bilang pagsagot sa sinabing iyon ni Lisa. Bagsak ang ulo at balikat na tumayo si Four at pagkatapos ay dahan-dahan siyang lumabas ng kusina. At muli, nakita niya ang mga taong naroon na nakatingin sa kanya na parang binabalatan siya ng mga tingin nila. Na para bang isa siyang masamang tao sa mga mata nila.   Nang matapos si Lisa sa ginagawa ay palihim niyang kinausap ang mga kasama. Ipinatawag niya ang lahat sa kusina maliban kay Four. At dito na naglabas ng kani-kanilang hinaing at opinyon ang mga kasama niya sa pagdating ni Four sa kanila. Oo, natuwa sila at namangha na mayroon pang tao sa labas maliban sa kanila. Tila nabuhayan pa nga sila at nagkaroon ng pag-asa. Ngunit nang malaman nila ang binatang dala ni Lisa ay si Tyrant Four, lahat sila ay nakadama ng takot. “Paano kung maalala niya ang lahat at patayin niya tayong lahat dito?!” may pag-aalalang tanong ng isang may-edad ng babae na agad sinigundahan ng lahat. “Naiintindihan ko ang pag-aalala ninyo,” sagot ni Lisa. “Pero hindi ko rin naman siyang pwedeng pabayaan na lang. Kagaya natin noon, wala rin siyang kahit ano sa ngayon. Isa pa, makakatulong naman siya sa atin.” Agad na nagsalita si Kath tungkol sa pagkain na inubos ni Four at ang lahat ay talagang umangal sa kanilang narinig. Lahat kasi sila ay talagang nagtitipid na sa kanilang mga kinakain sa ngayon. Pero agad na sumagot si Lisa na kasalanan naman niya ang nangyari, ngunit hindi iyon sapat para sa maibsan ang pag-aalala na nararamdaman ng mga kasama niya. “Kanina nang dumating  kayo, duguan siya at tila may sugat. Bakit nang makita ko siya kanina ay parang wala namang nangyari sa kanya?” tanong naman ng isang dalagita. Nagbulungan ang mga tao. Natigilan si Lisa at agad na nag-isip ng isasagot. Hindi niya akalain na may makakapansin kaagad noon. “Oo nga. Kakaiba talaga ang lalaking iyon, Lisa!” “Inaatake siya ng isang taong-lobo nang makita ko siya. Napailalim siya doon. At nang mapatay ko ang halimaw ay bumagsak ito sa harapan niya. Marahil ay doon galing ang dugo.” “Ah! Basta! Ayaw namin siya dito!” sabi ng isa na sinundan kaagad ng karamihan. Lahat sila ay tutol sa pananatili ni Four sa kanilang munting tinitirahan. Maliban kina Bong at Alden na tumayo na sa tabi ni Lisa. “Naiintindihan ko ang kung ano ang nararamdaman ninyo ngayon mga kasama,” malalim at seryosong sabi ni Bong na nagpatigil sa ingay ng mga tao . “Pero kagaya ng sinabi ni Lisa, hindi natin pwedeng hayaan na lang na mamatay ang lalaking iyon sa labas. Isa pa, mapapakinabangan natin siya sa paglabas-labas,  lalo na sa pagkuha ng pagkain.” “Pero paano ang kaligtasan natin? Paano tayo magiging panatag kung mayroon isang malupit na mafia boss dito sa atin? Kilala ninyo kung sino si Tyrant Four!” “Sa oras na may ginawa siyang hindi maganda, ipinapangako ko sa inyo na ako mismo ang tatapos sa kanya,” seryosong sabi ni Bong sabay hawak sa baril na nasa baywang niya. “Isa pa, kahit bumalik ang mga ala-ala niya ay wala ring siyang magagawa. Mag-isa lang siya pag nagkataon. Kaya madali natin siyang mapipigilan. Sa ngayon, huwag kayong magsasabi ng kahit ano sa kanya na may kinalaman sa nakaraan niya. At bukas na bukas, pag sikat ng araw ay aalis kami kasama siya para humanap ng pagkain,” dagdag naman ni Alden sa sinabi ni Bong. “Pasensya na ho kayo dahil dito,” sabi ni Lisa sabay yuko sa mga kasama. Hindi man kumbinsido ay hindi na sumagot pa ang mga kasamahan nila Lisa. Mahaba na ang pinagsamahan nila kasama ang dalaga at kahit minsan ay hindi pa naging mali ang mga desisyon nito para sa kanila. At napakalaki ng utang na loob nila dito para kontrahin pa nila. Isa pa, may panghahawakan naman na sila si sinabi ni Bong kanina. Kaya naman sumang-ayon sila sa pananatili ni Four sa kanila, pero sa isang kondison na hindi ito lalapit at magiging pabigat sa kanila. Matapos ang pag-uusap na iyon ay ipinatawag ni Lisa kay Trixie si Four. Halos umiwas ang mga tao sa binata nang dumating ito sa kusina, at dahil doon ay muling nakaramdam ng pagkahiya si Four. Kitang-kita ang panginginig nito habang nasa harapan ng mga tao. Ngunit unti-unti rin iyong nawala nang humawak ang kambal sa mga kamay ng binata. Napangiti si Lisa nang makita iyon at sinimulan na niya ang pagsasabi ng plano. “Okay. So, paubos na ang supply ng mga pagkain natin. Kaya kailangan na nating kumuha ng pagkain. At kagaya ng dati, ang mga lalabas ay ako, si Bong, Si Alden at si Carlito,” panimula ni Lisa. Dahan-dahang naglakad papunta sa harapan ang isang payat na lalaki na may suot na bilog at makakapal na salamin sa mata. Gulo-gulo rin ang halos kulay abo na nitong buhok. Siya si Carlito. “At ang isa pang dadagdag sa grupo namin ay walang iba kundi si Four.” “Ah!” biglang sigaw ni Four sabay taas ng nanginginig na kamay. “Ano ‘yon?” “Ayaw ko… Ayaw kong lumabas! Hindi ako aalis. Dito lang ako….” nauutal pa na sagot ni Four. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD