Chapter II

1978 Words
Dala ang ginawang sulo ay balisang naglakad-lakad si Four. Naglakad siya kahit na wala naman siyang patutunguhan. Tuyong-tuyo na rin ang kanyang lalamunan at wala ng tigil sa pagkulo ang kanyang sikmura. Wala siyang ideya kung ilang araw na ang lumipas mula noong pagsabog. Pilit niyang iniisip at ibinabalik ang mga alaala pero sa tuwing ginagawa niya iyon ay sumasakit ng sobra ang kanyang ulo. Nakakita siya ng isang trak ng bumbero. Nakataob na iyon at malaki ang tyansa na wala na iyong lamang tubig. Pero nagbakasakali pa rin si Four. Pakiramdam niya kasi ay mamamatay na siya sa uhaw at gutom. Agad niyang hinanap ang hose ng trak ngunit tuyong-tuyo ito. Gusto man niyang subukang buksan ito, ay hindi naman niya alam. Kaya nagpatuloy na lang siya sa paglalakad. Kakaiba ang nararamdaman niya. Malakas ang katawan niya at parang hindi siya napapagod pero uhaw na uhaw siya at gutom na gutom. Nakalayo na ng paglalakad si Four at tuyong-tuyo na talaga ang lalamunan niya nang may mapansin siya sa isang bitak na kalsada. Mayroon doong kulay asul na tubo. Agad na nakadama ng pagkasabik ang binata. Humanap siya ng maaaring magamit at agad niyang binasag ang tubo. At hindi siya nabigo. Dahil lumabas mula sa tubo ang napakaraming tubig na nagmistulan ng fountain. Agad na uminom ng uminom si Four at kahit na kakaiba ang lasa ng tubig na iyon, para sa kanya ay napakasarap noon. Ilang minuto rin ang inilagi doon ni Four. Hanggang sa magpapasyahan niyang maglakad muli para sa pagkain at para makakita ng iba pang kagaya niya. Naisip niya na imposibleng siya na lang ang natira sa buong mundo. Pero tila parang nagbibiro ang kapaligiran sa kanya. Humangin ng napakalakas at napatay noon ang ginawa niyang apoy. Nagsimula na ring maging maulap muli at unti-unti na nitong tinatakpan ang liwanag ng buwan. Naging napakadilim ng paligid at halos wala ng makita. Muling nangatog ang mga tuhod ni Four. Hindi niya alam ang gagawin. Pakiramdam niya ay unti-unting lumalamig at ang mga palad niya ang nagpapawis. Hanggang sa makarinig siya ng isang mahinang tunog. Pinakalma niya ang sarili at sinubukang pakinggan ang paligid at muli niyang narinig ang kakila-kilabot na tunog. Tunog ng isang mabangis na hayop. Hindi alam ni Four kung paano, pero bigla siyang nakaramdam ng panganib. Pero hindi nawala ang takot niya, bagkus lalo itong lumala. Lumingon siya sa bawat dereskyon at hinanap ang pinagmumulan ng nakakatakot na ungol. Wala siyang makita pero sigurado siya na may kung anong nagtatago sa kadiliman at nakatingin sa kanya. Inilabas ni Four ang baril na kinuha niya at nanginginig niyang itinutok itong kung saan-saan. Iyon lang ang tanging panlaban niya kung sakali. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Four hanggang sa isang mabilis na kaluskos ang kanyang narinig at mula sa itaas, isang malaking nilalang ang umatake sa kanya. Napaputok ni Four ang baril pero hindi nito natamaan ang nilalang at nabitawan pa niya ang sandata. Natakot ng kaunti ang nilalang at lumayo sa kanya, pero napakabilis nito at sa isang iglap lang ay nakita na lang ni Four na nasa ilalim na siya ng malaking nilalang. Hindi niya maaninag ng buo ang hitsura nito, at ayaw na niyang maaninag pa. Ang tanging nakikita lang niya ay ang mapula at nanlilisik nitong mga mata at nararamdaman niya ang mabalihibo nitong katawan. Walang magawa si Four. Tumigil na ang katawan niya sa takot at maging ang mga panga niya ay ayaw ng gumalaw. Gusto niyang sumigaw pero hindi na niya magawa. Naramdaman na lang niya ang isang malagkit na likido na tumulo sa mukha niya. Masangsang ang amoy noon at napakalansa. Halos maligo na sa pawis at luha si Four. Pinilit niyang igalaw ang mga parte ng kanyang katawan, ngunit nang magawa na niyang makapalag ay mabilis na idiniin ng nilalang ang isang kamay nito sa kaliwang balikat niya. Napasigaw si Four sa sakit nang maramdaman niyang bumaon doon ang matalas at mahabang kuko ng halimaw. “Tulong! Tulungan ninyo ‘ko! Pakiusap!” paulit-ulit na sigaw ng binata hanggang sa tuluyan nang mamaos ang kanyang boses. Muling nahawi ang mga ulap sa kalangitan at dahil sa liwanag ng buwan ay naaninag na ni Four ang hitsura ng halimaw na nasa ibabaw niya. At lalong lang siyang natakot nang makita iyon. Ulo ng isang lobo at may katawan ito ng isang matipunong tao. Nababalot ng itim at makapal na balahibo ang katawan nito at mga kamay nito ay armado ng matatalas na mga kuko. Halos kuminang din ang maputi nitong nitong mga ngipin na halos lahat ay pangil. Itinaas ng taong lobo ang kamay nito at muli nitong pinalabas ang mahahabang kuko. Tanggap na ni Four ang kahihinatnan niya. At naisip niya na marahil ay mas maganda na ang ganito, kaysa mabuhay ng malungkot at mag-isa. Ipinikit ni Four ang kanyang mga mata at tumulo na ang huling patak ng luha mula sa kanyang mata nang makarinig siya ng putok ng baril. Sinundan iyon ng isa pa, at pagkatapos ay isa pa. Napadilat si Four at nakita niya ang halimaw sa ibaba niya na duguan na. At pagkatapos pa ng isang putok ay tuluyan ng tumumba ang halimaw sa ibabaw niya. Napailalim siya sa katawan nito at ng dahil sa takot ay napasigaw siya ng ubod ng lakas. “Hoy! Tumigil ka na! Para ka namang…” gigil na sabi ng isang babae habang itinutulak ang walang buhay na katawan halimaw sa ibabaw ni Four. “Eh, kung ‘yong isinisigaw mo d’yan, ipanang tutulak mo na lang sa katawan nito, mamaya magtawag ka pa ng ibang halimaw, eh!” “Hindi ko maigalaw ang kaliwang braso ko,” daing ni Four. Agad na inilawan ng babae ang parteng sinabi ni Four at nakita niya na duguan ito. Buong lakas niyang itinulak ang halimaw at pagkatapos ay inalalayan niya si Four na makaupo. Gamit ang isang kutsilyo ay tinanggal niya ang manggas ng damit ni Four at agad niyang binalutan ang sugat na patuloy sa pagdurugo. “Sa-salamat,” nauutal na sabi ni Four habang nakatitig sa babaeng nasa harapan niya. Malinis ang pakakapusod ng mahaba at itim na buhok ng babae. At napakaganda ng kulay asul nitong mga mata. At mayroon itong awra na punong-puno ng kompiyansa. Nakasuot ito ng uniporme ng isang pulis at sa kanang dibdib nito ay nakalagay ang pangalang Smith. “Wala ‘yon. Ako nga pala si Lisa. Pero bago tayo magkwentuhan, siguro mas maganda kung dadalhin muna kita sa amin para magamot iyang sugat mo,” sabi ng babae na tila nag-aalala sa malalang sugat ni Four. Inalalayan ni Lisa na makatayo si Four. Pero nahirapan siya dahil nanginginig pa rin ito sa takot habang tinitignan ang nakahandusay na halimaw. Kaya naman pinilit niyang ibaling ang ulo nito sa deriksyon kung saan sila papunta. Isa pa, ‘di hamak na mas matangkad sa kanya si Four. May kalayuan ang sinasabi ni Lisa na hide-out nila. At napansin ni Four na nahihirapan na ang babae sa pag-alalay sa kanya. Kaya naman umalis siya mula sa pagkakaakbay dito at pinilit niyang maglakad mag-isa kahit na iniinda ang mahapding braso. Pero pakiramdam niya ay mas okay na ito kaysa sa kanina. Pero naroon pa rin ang pangamba niya na baka may sumulpot na namang halimaw mula kung saan. Kaya maingat siyang nagmamatyag kagaya ng ginagawa rin ni Lisa. Payapang nakarating sa sinasabing hide-out sila Four at Lisa. At sa buong lugar ang maliit na gusali lamang na ‘yon ang nakitaan niya ng ilaw. Parang dating maliit na restaurant ang lugar at napakaganda ng pwesto nito dahil malapit ito sa gasolinahan. Pagpasok na pagpasok nilang dalawa sa lugar ay agad silang sinalubong ng mga taong naroroon. Lahat sila ay nakangiti kahit na abala sa kani-kaniyang mga gawain. Mayroong nagluluto, naglalaba at nagtatanim. Mayroon ding nagkukumpuni ng mga baril at ilang mga patalim. Mayroon ding naglalarong mga bata. Pero ang kapansin-pansin ay halos babae ang lahat ng nandoon. Bago ipakilala sa mga kasama ay binigyan muna ni Lisa si Four ng maayos na maisusuot. Pero hindi kaagad nakapagpalit ang binata dahil agad siyang dinumog ng mga tao para mas makilala siya. Isa pa, interesado sila kay Four dahil matagal na rin mula nang makakita sila ng tao mula sa labas ng maliit nilang tinitirahan. Ipinakilala si Four sa bawat isa. Nasa mga dalawampung tao ang naroon. At matapos noon at ipinakilala si Four sa mga madalas na nakakatulong ni Lisa sa paglabas at paghahanap ng makakain. Si Bong, isang balbasaradong binata na siyang nagkukumpuni ng mga sandata at si Alden, isang payat at maliit na lalaki. Isa naman siyang nurse. Silang tatlo ang nangagalaga sa lahat ng taong naroon sa loob ng maliit na gusaling iyon. “Taga-saan ka? Paano kang napadpad dito?” tanong ni Bong kay Four. “Hindi ko alam. Pag-gising ko, wala na akong maalalang kahit ano.” “Kahit pangalan mo?” sabat naman ni Alden. “Natatandaan ko ang pangalan ko. Ako si Juan Domingo IV, pero ang tawag sa akin ay Four.” “Juan Domingo IV?!” hindi makapaniwalang tanong ni Bong. “Oo.” Natigilan ang mga kaharap niya at natulala sa kanya. At nang parang mahimasmasan ay napaurong sila papalayo kay Four. Para bang nakakita sila ng isang multo o halimaw. “Tama na nga ‘yan!” biglang sabat ni Lisa at taboy sa dalawa. “Hayaan ninyo munang magpahinga si Four, okay? Kung anu-anong sinasabi ninyo sa kanya, eh!” “Pero Lisa!” may pagtutol sa boses ni Bong. Parang nairita ang dalaga sa sigaw na iyon ng kasama at isang matalim na tingin lang ang isinagot niya rito. Tumahimik na lang ang binata at umalis kasama ni Alden. Pero natagalan sila bago nila naialis ang tingin kay Four. “Bakit sila natatakot sa akin?” biglang tanong ni Four. “Naku, hayaan mo ‘yong mga ‘yon. Ngayon lang ata nakakita ng pogi ang mga walang-hiya,” nakangiting sagot ni Lisa. “O sige. Gamutin muna natin ‘yang sugat sa braso mo. Baka maimpeskyon pa ‘yan,” “Namatay rin ba kayo?” biglang tanong ni Four. “Tapos nabuhay?” Napatitig si Lisa kay Four at napangiti. “Anong sinasabi mo? Pwede ba ‘yon? Masyado atang naalog ‘yang utak mo ng pagsabog. Limang buwan na mula nang maganap ang pagsabog. At lahat ng taong narito, ang kwento nila ay nagtago sila sa ilalim ng lamesa, sa loob ng ref, cabinet at kung saan-saan pa.” “Ha? Limang buwan?” gulat na tanong ni Four. “Alam mo, siguro kailangan mo ng magpahinga. Halika na, gagamutin ko na ‘yan,” sabi ni Lisa sabay abot sa braso ni Four. “Tapos nito, kumain ka muna at matulog. Bukas mo na isipin kung saan ka talaga galing. Hindi naman mahalaga ‘yon. Ang mahalaga, ligtas ka na ngayon,” nakangiting dugtong ng dalaga. “Teka, ano ‘yong sumalakay sa atin kanina?” dagdag na tanong ni Four. “Hindi ko rin alam. Taong-lobo. Siguro. Hindi lang iyon ang unang beses kong makatagpo ng gano’n. Dahil matapos ang pagsabog, naglabasan na lang bigla ang mga halimaw na kagaya no’n. Maraming uri. May maliit, may malaki. Pero sa gabi lang sila lumalabas. Gusto man naming malaman kung saan galing ang mga ‘yon ay walang kaming magawa. Dahil walang komunikasyon mula sa labas. Walang telebisyon, walang radyo, wala lahat.” Natulala si Four sa mga narinig at muli, binalot siya ng takot at kilabot. Lalo na nang maalala niya ang hitsura ng halimaw na umatake sa kanya. Napansin naman iyon ni Lisa kaya minabuti na lang niyang tumahimik, at itinuon na niya ang pansin sa braso ng binata. Pero nagulat siya nang makita ang sugat nito. “Four!” “Bakit?” “Tignan mo! ‘Yong sugat mo, wala na!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD