CHAPTER ONE

2150 Words
“ANAK, tama na ’yan, uwi na tayo,” pukaw ni Mang Ambo sa anak. “Mauna na lang po kayo, Itay. Babantayan ko po si Inay kahit sa huling sandali,” malungkot na sagot ng bente-dos anyos na si Karen. Napabuntonghininga si Mang Ambo sa sagot ng kanyang anak. Nauunawaan naman niya ito dahil kahit siya ay nahihirapan ding nawala nang gano’n na lamang ang asawa. “Anak, alam kong mahirap pero tanggapin na lang natin na wala na ang nanay mo. Kahit naman magdamag ka dito, hindi na natin maibabalik ang buhay niya. Umuwi na tayo kaysa naman pati ikaw ay magkasakit din. Nagbabadya ang ulan, anak, kaya umuwi na tayo,” pangungimbinsi nito sa anak na nakaupo sa mismong tapat ng libingan ng yumao nitong ina. Pero hindi ito pinakinggan ng dalaga, bagkus ay tumingin siya sa malayo. Walang nagawa si Mang Ambo kundi ang iwanan ito. In Karen’s mind, mas gusto pa niyang sumunod sa nanay niya kaysa ang marinig ang dahilan ng pagkakasakit nito na naging dahilan ng kanyang kamatayan. Nang dumating ang hapon ay kinausap siya ng guwardiya ng sementaryo. “Ma’am, hapon na po. Ayusin n’yo na po ang sarili mo para makauwi ka na rin sa inyo. Isasara ko na po ang gate kaya ako na po ang nakikiusap na kung maaari ay umuwi na rin po kayo,” pakiusap nito. “Sige po, kuya,” tipid niyang sagot dito at tumayo na rin para makaalis. ILANG buwan ang lumipas, galing sa paglalaba si Karen sa malaking bahay ng kanyang amo sa kanilang lugar sa Bicol, ang iniiwasan niyang marinig at malaman ay kusa ring nakita ng kanyang dalawang mata sa kanyang pag-uwi. “Itay, ano’ng ibig sabihin nito? Magsalita kayo, Itay!” tanong ni Karen . “Huwag mo akong sigawan, Karen, dahil hindi ako bingi! Kung ano ang nakita mo ngayon, iyon na ’yon!” Ito pa ang may ganang magalit. Pero para sa isang anak na nagpupursige para makatulong sa pamilya ay hindi niya pinakinggan ang sigaw ng ama. She lost her respect to him! “Akala ko bulong-bulungan lang ang lahat, Itay, pero totoo pala! Akala ko normal lang para kay Inay ang pagiging sakitin niya dati dahil sa kanyang pagtanda! Akala ko hindi mo iyan magagawa! Pero hindi, Itay! Ngayon alam ko na! Na kaya laging nagkakasakit si Inay ay dahil sa kunsumisyon sa ’yo!” hilam sa luhang sumbat ni Karen sa amang nahuli niyang may kaulayaw na iba. “Ang bastos naman ng anak mo, Ambo. Kung hindi mo iyan sasabihan, maghiwalay na tayo ngayon din,” malandi namang sulsol ng babaeng nasa likuran ng ama na hindi na nahiya. Patuloy pa rin itong nangungunyapit sa ama na tanging kumot lang ang nakatakip. Ang masakit ay ang bunsong kapatid pa ng kanyang ina ang babaeng walang-hiyang kaulayaw ng kanyang ama samantalang ilang buwan pa lamang ang nakararaan simula nang pumanaw ang kanyang ina. “Ikaw namang babae ka, wala kang delikadesa! Walang-hiya ka, dahil sa lahat ng sakripisyo ni Inay sa iyo, ganyan pa ang iginanti mo! Patawarin ako ng Diyos, aalis ako sa bahay na ito. Isinusumpa ko kayong dalawa dahil makasarili kayo. Sarili lang ninyo ang iniisip n’yo,” umiiyak na sambit ni Karen bago tumalikod. Hindi pa man siya nakalalayo ay nagwika ang kanyang ama. “Lumayas ka ngayon dito sa pamamahay ko at ito ang tandaan mo: Oras na lumabas ka sa bahay na ito, huwag na huwag ka nang magbabalik dito,” pahabol pa ni Mang Ambo. “Bakit kasi ayaw mong sabihin na hindi naman kami tunay na magkapatid ng nanay niya at ako ang tunay na anak ng mga magulang namin? Naging kayo lang kasi inakit ka niya, na kung hindi dahil sa kalandian niya’y tayo sana ang ikinasal at hindi kayo. ’Buti nga sa kanya at muli tayong magkasama,” sabad pa ng tiyahin niya. Kaya’t ang papaalis na si Karen ay tumigil at nagwika. “Hindi na nakapagtatakang sabihin mo ’yan dahil talaga namang ibang-iba ka kay Nanay. Huwag kang mag-alala dahil kahit anumang sabihin mo, hindi na ’yan maririnig ni Inay, pero oras na marinig pa kitang magsalita laban kay Inay, asahan mong hinding-hindi kita uurungan!” mabalasik na ani ng dalaga. “Umalis ka na—” “Oo aalis ako, hindi mo na kailangang ulit-ulitin ’yan. Kukunin ko lang ang gamit ko dahil hindi ko na rin masikmura ang makitira pa dito lalo at hindi ko naman pala kadugo ang babae mong ’yan. Sana huwag dumating ang puntong magsisi ka sa kahayupan mo na hindi ko alam kung dapat pa ba kitang tawaging Itay. Huwag lang dumating ang puntong kakailanganin mo ako dahil hinding-hindi kita mapapatawad hanggang hukay!” galit na sumbat ng dalaga sa ama. Walang lingong-lakad na nilisan ng dalaga ang sala nila at tinungo ang sariling silid-tulugan. Hindi siya nagdalawang-isip, inilagay niya ang lahat ng damit niya at ilang mahahalagang gamit sa hindi kalakihang travelling bag at kinuha ang kaunting ipon niya. ‘Ama, patawarin Mo sana ako kung nasagot-sagot ko si Itay, pero hindi ko na po kaya. Kung noon ay nagbulag-bulagan ako sa pag-aakalang magiging okay ang lahat, ngayon hindi ko na matitiis na tumira pa dito lalo at nandito na rin ang babae niya. Kayo na po, Ama, ang bahala sa akin dahil Ikaw po, Ama, ang tanging makakaunawa at mag-aalaga sa akin,’ dasal ng dalaga at saka tuluyang umalis na sa kanilang tahanan. Gano’n pa man ang nangyari, mabait pa rin ang langit dahil nakasalubong niya ang amo niyang babae at itinanong kung ano ang nangyari sa kanya nang mapansin nitong tila malungkot siya. “Karen, ano’ng nangyari sa iyo? Bakit dala-dala mo ang bag mo?” may pagtatakang tanong nito. “Mahabang kuwento po, ma’am, pero umalis na po ako sa bahay,” malungkot na sagot niya. “Pero gabi na, hija. Baka mapahamak ka pa. Kung gusto mo, halika na muna sa bahay at bukas ka na lang magpatuloy sa plano mo,” paanyaya nito. Hindi na rin tumanggi ang dalaga lalo at gabi na. Natatakot din siya na baka kung ano ang mangyari sa kanya kung magpapatuloy siya sa oras na ’yon. ‘Bukas na lang ako bibiyahe para makipagsapalaran sa ibang lugar. Walang mangyayari sa akin dito kapag nandito lang ako. Makikita at makikita ko pa rin sila. Kung maaari ay iyon ang pinakaiiwasan kong mangyari,’ ani Karen sa kanyang isipan. Pagdating nila sa bahay ng amo niyang babae ay doon siya nito tinanong kaya’t ipinaliwanag niya rito kung ano ang nangyari sa kanya. “Oh my God! Paano nila nagawa ’yon? Dito na ako lumaki sa Bicol pero hindi ko nalaman ang tungkol sa bagay na ’yan,” gulat na sambit ng kanyang amo matapos niyang maikuwento ang nangyari. “Iyan po, ma’am, ang hindi ko alam dahil maski ako po ay hindi makapaniwalang magagawa nila ’yon. Kaya’t aalis na lamang po ako kaysa naman po magkasakitan pa kami,” tugon ng dalaga. Nagpakawala naman ng malalim na paghinga ang ginang bago ito muling nagwika. “Sige, hija, kung ’yan ang gusto mo. Mami-miss ka namin ng mga alaga mo. Take this small amount at nang may baon ka on your way,” sagot na lamang ng ginang saka inilagay sa palad ng dalaga ang ilang pirasong papel na lilibohin. “Maraming salamat, ma’am. Mami-miss ko rin po kayong lahat dito. Sana po ay lagi kayong okay at sana magkita pa tayong muli,” naiiyak na sagot ng dalaga, dahil naging mabait pa rin ang langit sa kanya. Hindi man niya bilangin ang perang iniabot ng ginang ay alam niyang malaking halaga ’yon at malayo na ang mararating niya para makalayo sa kanyang ama. “Mag-ingat ka lagi sa pupuntahan mo, hija, at palagi kang magdasal para sa kaligtasan mo,” aniyang muli ng ginang. Hindi na napigilan ni Karen na yakapin ang ginang dahil dito niya naramdaman na mahalaga siya. Three days later . . . “O, ANAK, hindi ka ba masaya? Aba’y ikaw na yata ang graduate na hindi masaya, ah,” puna ni Darwin sa anak nitong si Greg. “Si Daddy talaga, oo. Of course, masaya ako. Aba’y bukod sa magna ang bunso ninyo’y matutupad na ang pangarap kong magkaroon ng sarili kong martial arts gymnasium,” nakangiting sagot ng binata pero banaag sa boses nito ang lungkot kaya’t hindi ito tinantanan ng ama. “Anak, iba ang tears of joy at iba din ang tears of sorrow kaya’t alam kong hindi ka masaya,” muli ay aniya nito. Napabuntonghininga ang binata. Bago pa man ito makapagsalita ay naunahan naman ito ng ina. “Asawa ko naman. It’s his day kaya hayaan mo muna ang anak natin. Malay mo, kaya siya nalulunglot ay dahil hindi nakadalo ang mahal niya,” ani Lorie, dahilan para mapaubo ang tinutukso nila. “Hey, son, what’s goin’ on with you? Kanina ang lungkot-lungkot mo, ngayon naman para kang kumain ng hindi mo nginuyang itlog?” This time, ang ama naman niya ang nakakunot-noo. “Naku naman, Daddy. Paano ako hindi mapapaubo, eh ang gulo n’yo ni Mommy. Ano’ng kinalaman ng mahal-mahal na ’yan? Wala nga akong girlfriend, eh,” nakatawang ani ng binata habang nakahawak sa batok. Sa narinig ay muling bumalik ang mapanuksong anyo ng mga magulang. “Hmm . . . Kung gano’n, anak, ano’ng dahilan at nagmumukmok ka dito? Maari ka namang makihalubilo sa mga bisita mo, ah? Ikaw nga ang graduate dito sa atin pero ikaw naman ang wala. Aba’y dapat ikaw nangunguna doon,” aniyang muli nI Lorie. “Tama ang mommy mo, anak. Ano’ng ginagawa mo dito? ’Di ba nagmumukmok? Kaya I’m sure, may iniisip ka,” gatong pa ng ama. Alam naman niyang hindi siya tatantanan ng mga magulang kaya’t nagsalita rin siya. “Una sa lahat, Mommy, Daddy, wala akong nobya. Ang iniisip ko ay papatok kaya ang gym ko? Pangalawa, hindi ko pa naman balak magkaroon ng kasintahan dahil aminin man natin o hindi ay makakasagabal lamang ’yan sa mga gagawin ko sa buhay. I need to enjoy first for being a master. Makikilala nila ang master ng Bontoc,” paliwanag ni Greg. “Well, well, we—” Manunukso pa sana si Darwin sa anak pero naputol ang sasabihin niya sa pagdating ng isa sa mga kasambahay nila. “Ate may tao—Sorry po, ate. Akala ko wala kang kasama. Nakatago naman kasi sina Sir,” napaatras na sambit nito. “It’s okay, Eden, no problem. Ano ba ’yon?” tugon naman ni Lorie. “May tao po sa labas, ate, hinahanap si Nana Azon,” tugon nito. “Tawagin mo sa kusina si Nana Azon at samahan mo siya sa labas. Tanungin kung ano ang kailangan niya,” sagot naman ni Lorie. Sumunod naman ang kasambahay nila. Hinintay nilang makaalis ito bago sila nagpatuloy sa kanilang pinag-uusapan. LAKING pasasalamat ni Karen nang makarating siya nang maayos sa Mountain Province. “Mukhang may handaan sila dito, ah. Bahay pa lang, halatang napakayaman na nila,” bulong ng dalaga. “Ah, miss, sino po kayo? Huwag mo sanang masamain pero sino po ang kailangan mo?” magalang na tanong ng guard. “Ako po si Karen, kuya. Gusto ko sanang makausap ang tiyahin ko, si Tiya Azon,” sagot ni Karen. “Ah, oo, kilala ko si Aling Azon—isa sa mga matagal nang naninilbihan dito. Halika, ’neng, lapit tayo sa main gate para mabilis kang makapasok. Pero saglit lang, itata—Eden! Eden! Halika nga muna dito at makikisuyo ako,” tawag nito sa papalabas na kasambahay. “Mang Berto naman, eh. Makasigaw ka, wagas! Eh, mamaya niyan akalain nilang inaaway mo ako,” tugon naman ng tinawag. “Ay, may bisita ka pala, Mang Berto. Mukhang pumapag-ibig ka na naman, ah,” muling aniya nito nang mapansin ang tahimik na dalaga. “Ikaw, Eden, puwede bang uminom ka din minsan ng Clorox nang mabawasan nang kaunti ang kalawang sa isip mo. Anong pumapag-ibig ka diyan, eh pamangkin siya ni Nana Azon. Hala, tawagin mo na si Nana Azon, mukha pa namang pagod na pagod ang tao,” balik-sambit naman ng guwardiya na ikinahagikgik ni Eden. “Ikaw talaga, Kuya Berto, oo. Andali mong pikunin. Siya sige at matawag ko muna si Nana Azon,” tuwang-tuwa pang sambit nito bago umalis na kumindat pa sa dalaga. “Nasiraan na naman ng ulo, hindi na naman ako pinatawad sa kalokohan,” naiiling na sambit ng guwardiya bago lumingon sa dalaga. “Maupo ka muna diyan, ’neng, habang hinihintay mo si Nana Azon.” Binigyan niya ng isang mono bloc chair ang dalaga. “Maraming salamat po,” tugon naman ng dalaga. Hindi rin nagtagal ay dumating ang tiyahin ni Karen na halos mangiyak-iyak nang makita siya. Walang may gustong kumawala mula sa pagkakayakap ng isa’t isa kaya’t gano’n na lamang ang gulat nila nang may nagsalita sa kanilang likuran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD