“What the hell!” mura ng binata nang makita ang nagkabanggaang sasakyan na naging dahilan upang hindi na niya makita si Karen.
Hindi na siya nagsayang ng panahon, iniikot niya ang kanyang sasakyan paiwas sa dalawang sasakyan na nagbanggaan para lamang makita at malaman kung ano ang nangyari kay Karen. Pero gano’n na lamang ang gulat niya nang masilayan ang dalaga na parang wala nang buhay na nakahandusay sa isang tabi.
“Ano ba’ng problema ng babaeng ito at nais pa yatang magpakamatay?” bulong niya.
Pinakiramdaman niya ito kung nabangga ba ito o hindi dahil hindi ito kumikilos.
“Karen, gising na diyan, Karen,” panggigising ng binata dito pero hindi ito sumagot kaya’t pinulsuhan niya ito.
‘Madala na nga lang sa pagamutan. Baka may mangyaring masama sa kanya, kargo pa ng konsensiya ko.’
Mabilis na tinungo ni Greg ang kanyang sasakyan, binuhay ang makina nito at saka may pagmamadaling binaybay ang daan patungo sa pagamutan.
“NANA Azon, ano ba’ng problema? Bakit gano’n na lamang ang nangyari kay Karen?” may pag-aalalang tanong ni Darwin kay Aling Azon.
Bago makasagot ang matanda ay humihingal na sumulpot ang dalawang dalaga na humabol kay Karen.
“Nasaan si Karen, mga anak? Bakit hindi n’yo siya kasama?” tanong ni Aling Azon. Hindi rin agad nakasagot ang mga ito dahil hinuli muna nila ang kani-kanilang hininga.
“Hindi na po namin naabutan, Nana. Ang bilis naman po niyang tumakbo kaya hindi na namin siya naabutan,” paliwanag ni Lorena.
“Diyos ko! Nasaan na kaya ang pamangkin ko? Ano na ba’ng nangyayari sa mundo? Sunod-sunod na ngang nawala ang mga magulang niya ’tapos—” Hindi na nito natapos ang sinasabi dahil tuluyan na itong napahagulgol. Agad naman itong nilapitan ni Lorie at niyakap.
“Teka lang, Nana Azon, wala akong maunawaan. Ano po ba ang nangyari? Saka hindi ko maarok ang nais mong ipabatid,” naguguluhang tanong ni Darwin.
“Ah, ate, kuya, kami na lang po ang magpapaliwanag tutal nandoon naman po kaming dalawa ni Lorena,” sabad ni Melvz.
“Totoo po iyan, kuya. Kasi ganito po ’yon. Kasalukuyan po kasi kaming namamahinga kanina. Kami ni Melvz, nanonood at sila naman po ni Nana Azon ay nagpapaantok. Nanonood po kami ng Kapamilya Gold nang biglang pinutol ito ng newscaster at may pumasok na balita. Sa kasamaang-palad ay ang tatay niya ang laman ng balita,” paglalahad ni Lorena.
“Our Father in heaven, have mercy on them,” napaaantadang ani Lorie sa narinig.
“Pero teka lang, Nana. Ano ba ang dahilan ng pagkamatay ng tatay niya?” naguguluhan pa ring tanong ni Darwin. Hinamig muna ni Aling Azon ang sarili, uminom ng isang basong tubig bago nagsalita.
“Kung naaalala n’yo noong pumarito siya at nakiusap na tanggapin n’yo siya para mamasukan bilang katulong, galing siya noon ng Bicol at pumunta dito dahil sa panloloko ng bayaw ko. Sabihin na nating patay na ang kapatid ko pero ilang buwan lang ang lumipas mula nang namayapa ito, pumatol na ito sa iba. Ang masaklap ay ampon pa nina Itay at Inay ang naging kalaguyo nito. Kung sa iba siguro mas matatanggap pa namin. Pero hindi, eh. Mas lumayo ang loob ni Karen sa kanila. At ngayon patawarin ako ng Diyos pero bumalik sa kanila ang karma, dahil kung kinasama ni Ambo si Luisa, niloko naman siya nito. Sa bahay pa nila Karen nahuli ni Ambo sina Luisa at ang kalaguyo nito,” malungkot na pahayag ni nana Azon.
“My God! What the hell!” hindi makapaniwalang ani Darwin.
Tutop nina Lorena at Melvz ang kanilang bibig dahil hindi sila makapaniwalang may mga gano’n pa ring nangyayari sa tunay na buhay. Bago man may makapagsalitang muli sa kanila ay tumunog ang landline nila.
“Ako na po,” pagboboluntaryo ni Lorenna dahil siya ang malapit sa telepono.
“Hello po, magandang hapon. Sino po sila?”
“Ikaw, Ate Lorena, ha? Kailan mo pa nakalimutan ang boses ko? Nandiyan ba si Daddy?” balik-tanong naman ni Greg sa kabilang linya.
Sa narinig naman ay napakamot ng ulo ang dalaga dahil totoo naman kasi ito. Hindi niya nabosesan ang bunsong anak ng kanilang mga amo.
“Ikaw pala, Master Greg. Pasensiya ka na. Natataranta pa siguro ako kaya hindi kita nabosesan. Oo, master, nandito sila Kuya at Ate. Saglit lang at ipapasa ko ang linya,” tugon ni Lorena.
Hindi na hinintay ni Lorena ang sagot ng nasa kabilang linya, bagkus ay agad niyang ipinasa ito sa amo nila.
“Tara na, Melvz, at makaluhod muna kay Bossing para sa kaligtasan ni Karen lalo at hindi natin alam kung nasaan siya ngayon,” baling nito kay Melvz.
Muli silang bumalik sa silid-tulugan nila para makapagpahinga nang kaunti bago sila muling magtrabaho.
“Hello, anak, napatawag ka?” bungad ni Darwin sa anak.
“Long story, Daddy, pero along my way home, I saw Karen. I was about to get near her pero may nagbanggaang sasakyan. But thanks God she’s okay. We’re here in the hospital, Daddy. Would you care to come over or tell Nana Azon to come ’cause we have practice this evening,” tuloy-tuloy na ani Greg.
“Saang ospital ba ’yan, anak?” tanong ni Darwin.
“Dito sa General, Dad. Dito ang pinakamalapit kaya’t dito ko na siya dinala. Dito sa room 143. Sige na, Daddy. I’ll wait for you here. Bye,” paalam ni Greg at hindi na hinintay na makasagot ang ama.
Pagkababa naman ng kanilang anak sa linya nito ay agad nagtanong si Lorie.
“Ano’ng sabi ng anak mo, hon?’ tanong nito.
“Nasa ospital daw siya kasi dinala niya doon si Karen. The rest of the story, hindi ko na alam. Nana Azon, dito ka na lang muna at magpahinga. Kami na lang ni Lorie ang papalit kay Greg sa ospital. Mamayang gabi ka na lang para makausap namin si Greg kung ano ang nangyari. Don’t worry, everything’s gonna be okay,” ani Darwin.
“Sige, Darwin. Kayo na muna ang bahala sa pamangkin ko,” sagot ng matanda.
Tinapik na lamang ng mag-asawa ang matanda bilang suporta dito. Hindi nagtagal ay nagtungo na sila sa ospital kung saan naroon ang dalaga.
“BAKIT ka nalulungkot, anak?” tanong ng nanay ni Karen sa kanya.
“Wala po, Inay,” tugon ng dalaga.
“Huwag ka nang magkaila, anak, dahil ako ang nanay mo. At kung may nakakakilala man sa iyo nang lubusan ay walang iba kundi kami ng tatay mo,” tugon ni Aling Loleng.
“Hindi po ba kayo nagtataka, Inay? Bakit gano’n na lamang ang Tita Luisa sa inyo? Parang hindi niya kayo kapatid samantalang parang siya pa ang may-asawa kay Tatay?” sagot naman ng dalaga.
Napabuntonghininga naman si Aling Loleng sa narinig dahil kahit siya ay gano’n din ang napapansin pero ayaw naman niyang bigyan ito ng kahulugan dahil kabilin-bilinan ng kanilang yumaong ina na ituring itong tunay na kapamilya, dahil ito’y anak umano ng matalik nitong kaibigan.
“Huwag mo nang isipin ’yan, anak. Ang importante ay wala pa naman tayong patunay sa anumang iniisip natin. Ang isipin mo na lang ngayon ay sana makapag-ipon pa tayo ng perang sapat para makapagpatuloy ka sa iyong pag-aaral, dahil ang edukasyon ang tanging yaman dito sa mundo na hindi mananakaw ng ibang tao,” pang-aalo pa ni Aling Loleng kay Karen.
“At kapag nangyari ’yon, magiging doktora ako, inay, at ako ang gagamot sa ’yo,” malambing na tugon ni Karen.
Hindi na ’yon nangyari dahil naging sakitin ang nanay niya na naging sanhi ng pagiging malungkutin nito kaya’t siya na mismo ang sumalo sa trabaho nito sa malaking bahay kung saan ito naglalaba at naglilinis.
Samot-saring tsismis ang naririnig niya pero kagaya ng bilin ng kanyang ina ay huwag patulan ang mga ito dahil wala siyang mapapala. Pero may napansin siya. Madalas niyang nahuhuling umiiyak ang ina pero kapag tinatanong niya ay, “Wala, anak. Okay lang ako,” ang tangi nitong sagot.
Sabi nga nila, ang ang lahat ay may hangganan. Dahil isang hapon na galing siya sa malaking bahay ay halos gumuho ang kanyang mundo.
Her mother died.
“Inay, bakit mo ako iniwan? Paano na ako ngayon, Inay,” humihikbing sambit ni Karen.
“Hon, call the doctor,” pukaw ni Lorie sa asawa.
Pero bago pa dumating ang doktor ay nagwala ito na naging sanhi ng gulo. Kung hindi pa nila tinurukan ng pampakalma si Karen ay hindi pa ito titigil sa pagwawala.
“MASTER, may invitation ang arcade sa Baguio para sa isang tournament. Pupunta ba tayo?” tanong ni Lucas kay Greg.
“Kailan daw? Kasi nakikita n’yo naman ang mga kasama natin. Habang tumatagal ay mas dumadagsa ang mga students natin dito and I’m happy na mabilis silang nakaka-adapt sa mga itinuturo natin,” sagot ng binata pero ang mga mata ay nakatutok sa mga nagpa-practice.
“We still have time, master. Ang sa akin lang naman ay mas mapapalawak mo ang gymnasium mo kapag mas marami ang sinasalihan mo. Hindi lang ang mga tao dito sa atin ang mga matutulungan mo bagkus ay maging ang gobyerno pa. Gano’n pa man, desisyon mo ang masusunod,” ani Lucas.
Napangiti naman ang binata dahil sa tinuran ng kasama niya. Matagal na ito sa kanya mula noong nagsisimula pa lamang siya sa kanyang gym.
“Okay, Lucas. Tell them we’ll come,” sagot niya, dahilan para matuwa ito. Alam naman niyang matutuwa ito dahil ang tagumpay niya ay tagumpay ng buong grupo.
“Walang bawian, master. Ikaw ang lalaban,” nakatawa nitong sambit saka mabilis na lumayo sa binata na napakamot sa batok. Naisahan siya ng kasama niya.