REBECCA'S POV
"TALAGA po, Auntie Suzette? Isasama n'yo ho ako sa Maynila? At mag-aaral ako doon ng kolehiyo?" tuwang-tuwa na bulalas ko nang marinig ko ang sinabi ni Auntie Suzette.
"Tama ang lahat ng narinig mo, Rebecca. Kaya ako umuwi rito sa Davao para kunin ka at gumanda-ganda naman ang buhay mo. Twenty years old ka na pero hindi ka pa rin marunong mag-ayos ng sarili. Tingnan mo nga, o. Ang dungis-dungis mo." Itinuro ni Auntie Suzette ang luma at maruming damit ko.
"Katatapos ko lang po kasing maglinis ng bahay nang dumating kayo, Auntie."
Umikot ang mga mata ni Auntie Suzette. "Iyon na nga, eh. Ginagawa ka lang katulong dito ng pamilya ni Ate Flora," pabulong niyang sabi. "Parang hindi ka niya pamangkin. Samantalang kapag sumama ka sa'kin sa Maynila, ituturing kita na parang anak ko. Nang hindi mo naman maramdamang ulilang lubos ka na."
Noong bata pa ako, medyo masagana ang buhay ko. Pero sa kasamaang palad, sabay na namatay sa aksidente ang mga magulang ko. Simula noon, pinagpasa-pasahan na ako ng mga kamag-anak namin dahil solong anak lang naman ako. Ibinenta nila lahat ng mga gamit na naiwan sa akin ng mga magulang ko pati na rin ang bahay namin.
Kay Auntie Flora lang ako medyo tumagal dahil medyo may kaya ang pamilya niya. Nakatatandang kapatid siya ng Nanay ko. Pero kapalit ng pananatili ko rito ay ang pagiging alipin nila. Nakapagtapos naman ako ng high school pero sa sariling pagsisikap.
"Bakit ka ba nagtitiis dito, Rebecca? Nakapagtapos ka naman ng high school. Bakit hindi ka maghanap ng matinong trabaho?" usisa ni Auntie Suzette. Kapatid din siya ni Nanay at bunso sa limang magkapatid.
Matagal na siyang naninirahan sa Maynila. Bihira lang siyang umuwi rito sa Davao. Kahit may pagka-istrikta, masasabi kong mabait naman siya sa'kin. Sa pagkakaalam ko, may asawa na rin siya pero walang anak.
"Ang totoo po niyan, Auntie, nagtrabaho na ako dati bilang saleslady sa grocery store sa bayan. Pero pinagtangkaan po akong gahasain ng may-ari," malungkot na sagot ko. "Gano'n din ho ang naging amo ko isang factory. Iyong huling boss ko naman ho sa restaurant, muntik na akong ibenta sa bahay-aliwan. Buti na lang nakatakas ako. Kaya simula noon, natakot na ho akong maghanap ng ibang trabaho."
"Ano? At wala man lang ginawa sina Ate Flora?"
"Natural, mayaman ang mga 'yon! Ano naman ang laban ko?" galit na sabad ni Auntie Flora nang marinig niya ang sinabi ni Ate Suzette. Galing siyang simbahan. "Gusto mo bang gantihan ako ng mga 'yon? Mapahamak pa ang pamilya ko nang dahil sa Rebecca na 'yan." Kinabahan ako nang tumingin sa akin ang matatalim niyang mga mata. "Wala kang utang na loob! Pagkatapos kitang kupkupin nang ilang taon, sisiraan mo lang ako sa kapatid ko?"
"Auntie, wala naman po akong—" Pero hinila niya bigla ang mahabang buhok ko.
"Puny*ta ka! Mabuti pa nga na sumama ka na kay Suzette sa Maynila. Matagal ka ng pabigat sa pamilya ko." Kinuha pa niya ang mga damit ko at inihagis sa labas ng bahay.
Kahit halos araw-araw na akong sinasaktan at minumura ni Auntie Flora, napapaiyak pa rin ako. Kung may ibang mapupuntahan lang talaga ako. Matagal na sana akong umalis sa poder nila. Pero wala nang nagmamalasakit o nagmamahal sa akin simula nang mawala ang mga magulang ko. Hanggang awa lang ang kayang ibigay sa akin ng ibang tao pero wala namang nangangahas na ipagtanggol ako. Pulis kasi ang asawa ni Auntie Flora kaya marami ang takot. At pareho pa silang matapang.
Kaya siguro hindi na ako ipinagtanggol ni Auntie Suzette dahil takot din siya kay Auntie Flora. Basta na lang niya ako dinala pabalik sa Maynila.
"Huwag kang mag-alala, Rebecca. Sa'min ng asawa ko, hindi mo na dadanasin ang mga naranasan mo kay Ate Flora at sa pamilya niya."
GABI na nang dumating kami sa Maynila. Palibhasa maliit na bayan lang ang pinanggalingan ko sa Davao kaya nalula ako sa dami ng matataas na gusali at nagsisiksikang mga sasakyan sa kalsada. Nakakatakot sa dami ng tao!
Siguradong maliligaw ako rito kung ako lang.
"Ito ang bahay ko at tatlo ang room dito," sabi ni Auntie Suzette nang makapasok kami sa isang bungalow house. Mas malaki ito at moderno kumpara sa bahay ni Auntie Flora. "Kaming dalawa lang ng Uncle Sam mo ang nakatira dito." Asawa niya ang tinutukoy niya. Palagi siyang mag-isa kapag umuuwi sa amin sa Davao kaya hindi ko pa nakikita si Uncle Sam. "Nasa tindahan pa siya. Mamayang gabi pa ang uwi niya."
Itinuro ni Auntie Suzette ang pinakamalaking kuwarto. Iyon daw ang silid nila ni Uncle Sam. Ang katabi naman niyon ay guest room daw. Akala ko sa pangatlong silid ako dadalhin ng tiyahin ko. Kaya nagtaka ako nang lumabas kami sa bahay at dinala niya ako sa parang bodega.
"At ito naman ang magiging silid mo. Bukas ko pa ipapagawa kay Uncle Sam mo ang magiging higaan mo kaya walisan mo na lang muna ang sahig para tulugan mo."
Hindi makapaniwalang napatingin ako kay Auntie Suzette. Mas maayos pa kasi ang silid na iniwanan ko sa bahay ni Auntie Flora.
"Bakit? May reklamo ka?" nakataas ang isang kilay na baling sa akin ni Auntie Suzette. Nagulat na lang ako sa biglang pag-iba ng pakikitungo niya sa akin. "Kung inaakala mo na tutuparin ko lahat ng mga ipinangako ko sa'yo, manigas ka! Ginawa rin naman kaming alila ng Nanay at Tatay mo noong nabubuhay pa sila at nakikitira pa lang kami sa kanila. Kaya hindi mo masisisi ang ibang kapatid ko kung alila man ang tingin nila sa'yo. Kaya simula ngayon, mas higit pa sa mga naranasan mo ang matitikman mo sa'kin kapag sinuway mo ako, Rebecca. Umalis ka kung gusto mo. Pero sinasabi ko sa'yo, maraming adik diyan sa labas na siguradong pagpipiyestahan 'yang katawan mo."
Napaiyak na lang ako nang iwanan ako ni Auntie Suzette.
Gusto kong umalis na lang. Pero wala naman akong pera. Kung noon ngang nasa Davao pa ako, hindi ko nagawang makaalis sa poder ni Auntie Flora. Ngayon pa kaya na nandito ako sa lugar na wala akong ibang kakilala at hindi ko alam ang pasikot-sikot?
Kapit ka lang, Rebecca. Balang araw, makakalaya ka rin sa ganitong klase ng buhay.
LABAG man sa aking kalooban, napilitan ako na sundin lahat ng mga inutos ni Auntie Suzette. Hindi pa nga ako nakapagpahinga mula sa biyahe namin kanina, ang dami na agad niyang ipinagawa sa'kin. Hindi raw ako puwedeng kumain hangga't hindi ko natatapos lahat.
Alas nuebe na ng gabi at natutulog na si Auntie Suzette nang matapos ako. Ako na raw ang bahalang magbukas ng pinto kapag dumating si Uncle Sam. Alas onse pa raw ang uwi at minsan, inaabot pa ng alas dose. Pero nasa kabilang kanto lang naman daw ang mini grocery store na binabantayan nito at pag-aari nilang mag-asawa.
Kahit gutom na, naligo muna ako pagkatapos kong magpahinga. Nakakahiya kapag naabutan ako ni Uncle Sam na madungis at nangangamoy sa pawis. May banyo sa labas ng bahay at iyon daw ang gagamitin ko.
Malinis at mabango na ako nang bumalik ako sa kusina. Dahil gabi na rin kaya manipis na pantulog na ang suot ko. Litaw ang mahahaba at makikinis na legs ko. Marami ang nagsasabi na kung maayusan lang ako, mapagkamalan na akong artista. Matangkad din ako at maganda ang hubog ng katawan. Biniyayaan din ako ng malulusog na dibdib na bumakat dahil hindi na rin ako nagsuot ng bra. Ganito talaga ako kapag matutulog na. Presko.
Nawala kasi sa isip ko na hindi pa pala dumadating si Uncle Sam.
Kukuha na sana ako ng kanin sa rice cooker nang marinig ko ang sunod-sunod na katok sa pinto ng sala. Kumabog ang dibdib ko nang mapagbuksan ko ang isang matangkad at makisig na lalaki. Sa tantiya ko, mga nasa thirty plus na ang edad niya. Fitted T-shirt ang suot niya kaya napansin ko agad ang mga muscle sa braso niya. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako humanga nang ganito sa isang lalaki.
Ang guwapo!
Nakaawang din ang bibig niya habang nakatitig sa akin. Pinasadahan niya ako ng tingin mula sa aking paa, paitaas. Uminit ang pisngi ko nang mapatitig siya sa dibdib ko. Saka ko lang naalala na bakat nga pala ang dibdib ko, pati na rin ang underwear na suot ko. Tinakpan ko ng aking mga braso ang dibdib ko. Muntik na akong magtago sa likod ng pinto nang mapagtanto ko na ang makisig na lalaking kaharap ko ngayon ay walang iba kundi ang asawa ni Auntie Suzette.
Si Uncle Sam.
"Sino ka?" titig na titig na tanong niya sa'kin. Muntik pa siyang mabulol.
"A-ako po si Rebecca. Ang pamangkin ni Auntie Suzette mula sa Davao," nahihiya pero magalang na sagot ko. "K-kayo po ba si Uncle Sam?"
Saka lang siya nagbawi ng tingin at napahawak sa batok. "Oo ako nga. Pasensiya ka na. Akala ko kasi, bata pa ang pamangkin na sinasabi ng asawa ko. Dalaga na pala." Ngumiti siya sa akin. At ngiti pa lang, mukhang mabait na.
Isinara ko ang pinto nang pumasok na si Uncle Sam. Saka naman ako sumunod sa kaniya sa sala.
"Kanina pa po tulog si Auntie Suzette. Ipaghahain ko na lang daw po kayo, Uncle. Nagluto po ako ng sinigang na baboy at paksiw na bangus. Ano po ang gusto n'yong kainin?" Bilin kasi ni Auntie na tanungin ko raw muna si Uncle kung ano ang gusto niyang kainin dahil medyo maselan sa ulam.
"Ikaw."
"H-ho?"
Napakamot siya sa ulo. "Ang sabi ko, ikaw, kumain ka na ba?"
"Hindi pa po, Uncle. Pero mauna na ho kayo."
"Sabay na tayo. Matagal akong kumain. Baka gutumin ka na."
"Salamat na lang ho. Hindi pa naman ako gutom. At saka bawal daw po akong sumabay sa inyo sabi ni Auntie."
Napailing siya. "Sa kaniya bawal. Pero sa'kin, kahit magkainan, este kahit magsabay pa tayo, okay lang." Sinulyapan niya muna ako bago siya naunang pumasok sa kusina.
Napakamot na lang ako. Palabiro pala si Uncle Sam. Pero mas okay nga 'yon para hindi ako mailang. Hindi tulad ng asawa ni Auntie Flora na masiyadong istrikto at seryoso.
"Rebecca."
Narinig ko na tinawag ni Uncle Sam ang pangalan ko. Ngayon lang yata may malambing na tumawag sa pangalan ko kaya napangiti na naman ako.
Dali-dali akong sumunod nang marinig ko na naglalagay na siya ng mga pinggan sa lamesa. "Uncle, ako na po."
"Ako na. Umupo ka na lang." Binalingan niya ako at muling pinasadahan ng tingin ang dibdib ko pero hindi ko na lang pinansin.