SHEINA
For some reason ay hindi ako nakapag-react nang matindi sa mga narinig ko sa usapan nina Jeron at Raffy sa snack house. Ewan ko ba, siguro parang nag-shut down na lang bigla ang utak ko. Baka dahil mahirap nga namang i-process ang mga narinig ko mula sa kanila kaya ganoon na lang ang reaction ko, which is a 'no reaction.'
Hindi ko nga alam kung paano ako nakaalis doon sa hallway ng snack house na yun nang hindi nila napapansin. O kung paano ako nakaangkas ulit sa motor ni Larry at kung paano kami nakauwi ng San Policarpio dahil lutang na lutang ang utak ko.
Sabaw na sabaw.
Gulat na gulat.
Windang na windang.
Paano ba namang hindi? Malinaw pa sa tubig ng ilog kung saan kami naglalaba ni Claire ang mga katagang narinig ko mula kay Raffy habang kinakausap niya kanina si Jeron. (Actually, pinagsasabihan niya ito dahil base na rin sa usapan nila ay mukhang napaiyak ni Jeron si Ligaya kanina at nagkulong ang hitad sa banyo. Buti nga sa kanyang haliparot siya.) Pero balik tayo sa sinabi ni Raffy kanina. Ang sabi niya, gusto ako ni Jeron. Ako raw ang babaeng gusto ni Jeron.
OMG.
Holy maderpaker.
How true mga besh?
Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon sa sinabing iyon ni Raffy. Sigurado kasi ako na hindi niya iyon sinabi nang patanong kay Jeron. It was a statement. Talagang established fact na iyon sa kanilang dalawa. Yun ang pagkakaintindi ko sa usapan nila eh. Gusto ko nga sanang magtanong sa kanila kung totoo ba yun, lalo na kay Jeron, pero bigla akong nakaramdam ng hiya na hindi ko naman dapat maramdaman, tapos bigla na lang gusto ko nang magpakalayo-layo mula sa kanila.
At nakatulala lang ako sa bahay pagkauwi ko. Hindi ko na nga rin alam kung ano iyong mga sinabi ni Larry sa akin bago naman siya umuwi sa kanila. Ang alam ko lang ay umoo na lang ako nang umoo sa kanya hanggang sa umalis siya. Bwesit kasi itong si Jeron. Bakit ngayon ko pa nalaman ang tungkol sa feelings niya para sa akin ngayong hindi na kami in good terms? At bakit sinasabi ni Raffy na may feelings nga sa akin ang kaibigan niya kung sinermunan naman ako ni Jeron at binalaan niya pa ang mga kapitbahay ko na 'wag nang bumalik sa akin para magpagamot?
Pero baka kaya niya ginawa yun dahil na-disappoint siya sa akin. Ganoon ba yun? Nalungkot at nagalit ba siya nang magsumbong sa kanya si Aling Marcia na binigyan ko nga ang tanders na yun ng tuba? Akala niya ba ay hindi ko talaga ginawa yun dahil naniniwala siyang 'inosente' ako tapos na-shocked siya nang aminin ko sa kanya na ginawa ko nga iyon? Nawasak ba ang puso niya doon?
Hay, hindi yata ako mauubusan ng mga tanong tungkol sa lalaking yun magmula ngayon. Nakakainis. Kung bakit kasi nalaman ko pa ang tungkol dito ngayon! Hindi sana magugulo ang utak ko kung hindi ko narinig ang mga pinagsasabi ni Raffy sa doktor na may dimples na yun!
Buong araw tuloy akong lutang. Kahit nang tumawag sa akin si Nanay para magpadala ng pera ay wala rin ako sa focus. Tinanong niya pa nga ako kung masama ang pakiramdam ko, o kung may gumugulo ba sa utak ko. Nga-deny naman ako, hanggang sa umabot kami sa topic ng pagpasa ko doon sa interview. "Aba, maganda yan, anak! Sa wakas ay matutupad mo na ang pangarap mong makapangibang bansa!" masayang bati niya sa akin sa telepono. "Magpapamisa talaga ako dahil sa pagpasa mo, anak! Pangarap mo yan, 'di ba? salamat sa Diyos at ayan na at matutupad na!"
"Nay, hindi naman ganoon katindi ang pangarap kong yun. Ano lang, gusto ko lang sigurong umalis dito sa San Policarpio. Eh ayaw mo namang magtrabaho ako ulit diyan sa Maynila kaya mag-abroad na lang ako 'di ba. Mas bongga pa."
"Aba, eh andito naman na ako sa Maynila kaya bakit magtratrabaho ka pa rito?"
"Eh 'di ikaw sana ang uuwi dito at tatao sa bahay natin at ako naman ang magtratrabaho riyan para isa na akong Manila Girl," sagot kong may halong biro.
Narinig ko ang malalim na paghinga ng nanay ko dahil sa sinabi kong yun. "Sheina, alam mo naman kung bakit ayokong mamalagi diyan."
Nakaramdam naman ako nang matinding guilt dahil sa sagot niya. Tama kasi si Nanay. Alam na alam ko ang dahilan niya kung bakit halos hindi na siya umuwi rito sa San Policarpio. Ang huling uwi pa nga niya ay last year pa noong Pasko. Tapos bumalik din kaagad siya sa mga amo niya sa Maynila noong 26. Ganoon kaayaw ni Nanay dito sa lugar namin, dahil dito nawasak ang puso niya nang sobra.
"Sorry, 'Nay. Eh kasi naman, ayun na nga. Hindi naman ako mapili kung saan ko gustong magtrabaho. Basta 'wag lang sana rito. Pero heto ako ngayon. Stuck pa rin sa lugar na ito na pinamumugaran ng mga chismosa't mga laitera. Mabuti sana kung siyudad na rin dito eh. Eh hindi naman. Biruin mo, ngayon palang nagkaroon ng doktor dito." Pilit kong iniba ang topic dahil ayoko namang mauwi sa iyakan ang usapan naming ito ni Nanay. Hindi ko talaga kasi kaya kapag umiiyak siya. Nadudurog din ang puso ko.
"Eh pasalamat na lang tayo na may doktor na nga riyan, Sheina. Pasasaan ba't magsisimula na ring umunlad diyan. At nga pala, 'di ba sabi mo eh may training center sa Talisay, ibig sabihin ba ay hindi mo na kailangang lumuwas dito sa Maynila para sa training mo?"
"Opo, Nanay. Kasama na iyon sa package na babayaran ko. At next month na iyon, kaya nga kailangan ko nang makahanap ng trabaho talaga. Wala na rin akong aasahan sa panggagamot dito dahil tumigil na ako."
"Mabuti naman at huminto ka na riyan, anak," sagot naman ni Nanay. Expected ko nang matutuwa talaga siya doon, pero hindi ko alam na ganito siya kasaya. "Alam mo namang noon pa ay tutol na talaga ako sa pagsunod mo sa yapak ng Lola mo. Ikaw lang naman itong mapilit na gawin yan."
"Nay naman, eh sa sa'kin ni Lola ipinasa ang kaalaman niya. Takot ko lang na multuhin ako noon kung hindi ko siya sinundan sa tungkulin niya ano. Pero yun nga. Mabuti na lang at nakapasa ako sa interview dahil yun na rin ang itinuring kong sign na matagal ko ng hinihintay."
"Sign?"
"Sign na dapat ko nang itigil ang panggagamot ko, 'Nay. Tutal halos wala rin naman akong kinikita riyan. Ang kailangan ko lang naman ngayong gawin ay maghanap ng pambayad sa training ko."
"Naku, anak. Hindi mo naman kailangang mamroblema diyan. Pwede naman kitang iutang sa mga kakilala ko."
"Ay 'wag na, 'Nay. Ako na ang gagawa ng paraan. May mga utang ka pa nga eh. Hindi naman tamang dagdagan ko pa ang pasanin mo."
"Eh ano kaya kung ibenta na lang natin ang lupa natin diyan? Iyong niyugan? Kaunti lang din naman ang kinikita natin diyan, aba eh pakinabangan na natin."
Ako naman ngayon ang napabuntonng-hininga. "Nay, alam mo namang lupa iyon ni Tatay. Kung ibebenta natin yun, kailangan ng pirma niya. Hangga't buhay siya, hindi natin yan maibebenta nang ganyan lang."
"Eh yan ay kung buhay pa nga ang Tatay mo," sagot naman ni Nanay. Ayoko na nga sanang i-bring up ang tungkol sa ama ko dahil alam kong sinasaktan ko lang ang nanay ko pero siya pa rin talaga ang nag-mention sa kanya. "Kung patay na pala siya ay pwede na nating ibenta yan, Sheina. Hindi naman sa gusto ko siyang mamatay o ano, pero ano kaya kung magtanong-tanong ka riyan kung nasaan na 'yung ama mo na yun? Dahil alam mo naman na... na may malaking chance na w-wala na siya, anak... At kung wala na nga siya, pwede na tayong mag-apply ng death certificate niya sa munisipyo at pwede na nating ibenta ang niyugan nang walang balakid 'di ba..."
Hindi ako nakasagot doon. Nabigla rin kasi ako sa suggestion ni Nanay. Alam ko na wala siyang masamang ibig sabihin doon, pero nasaktan pa rin ako na may parte sa kanya na umaasang wala na nga ang ama ko. Ang bigat lang sa dibdib na marinig iyon mula sa kanya. Labas naman kasi ako sa naging alitan nila bago sila naghiwalay, kaya hindi naman ako ganoon kagalit kay Tatay. Pero eto ang naririnig ko ngayon sa mismong nanay ko, na parang ibang tao ang tinatanong niya sa akin na i-check ko kung buhay pa ba o patay na.
Pero siyempre, hindi ko rin naman masisisi si Nanay kung ganyan siya sa ama ko. Hinding-hindi ako magagalit sa Nanay ko dahil lang sa gusto niyang mamatay na ang tatay ko. Alam ko ang pinagdaanan niya at ang mga sakripisyo niya kaya hindi ko kayang magtampo sa kanya. Kaya nag-isip na lang ako ng ibang solusyon sa problema ko sa pera.
"Sige 'Nay, magtatanong-tanong ako, pero malamang wala ring may alam dito tungkol sa kanya. Kaya in case na hindi ko malaman kung ano na ang nangyari sa kanya, ako na lang ang gagawa ng paraan. Hindi naman ako lumpo para maghintay na lang dito ng milagro eh. Kung kinakailangan ay magbababa ako ng pride para makaipon ako ng pambayad sa training ko."
Halata ang pagtataka ni Nanay sa sinabi ko. "Ano kamo? Magbababa ka ng pride? Ano naman ang ibig sabihin niyan, anak?"
Nakangiti na ako ng isang wicked smile dahil sa naiisip ko ngayon. "Basta 'Nay. Ako ang bahala."
"Diyos ko, kinakabahan naman ako sa 'yong bata ka. Ano ba 'yang plano mo, ha? Hindi naman siguro ilegal yan, ano?"
Muntik na akong matawa nang malakas sa hirit ni Nanay sa akin. "Nay naman, mukha ba akong gagawa ng ilegal? Napakaganda ng anak mo eh. Hindi ko kailangang kumapit sa patalim para magkapera."
"Eh ano nga ang gagawin mo, Sheina? Sabihin mo na lang sa akin. Kinakabahan ako sa sinabi mong magbababa ka ng pride mo eh."
"Bawal ko pang sabihin, 'Nay, at baka mausog pa. Basta ito lang ang masasabi ko. At least hindi panty ang ibababa ko kung 'di pride lang."
"Susmaryusep kang bata ka!"
***
Kahit na nasabi ko na sa nanay ko nang pahapyaw ang balak ko ay pinag-isipan ko pa rin iyon nang mabuti. Ayoko na kasing magkamali sa pagkakataong ito. Kumbaga may one shot lang ako rito sa plano kong ito, kaya naman kailangan kong pagplanuhan ito nang mabuti.
Pero in case na mabigo ako, I guess tatanggapin ko na lang siguro ang alok ni Larry na pahiramin niya ako ng pera. Alam ko namang mababayaran ko yun, pero hangga't may ibang paraan akong pwedeng gawin ay hindi ako aasa kay Larry. Baka kasi isumbat pa niya sa akin iyon lalo na at umaasa pa rin siya na sasagutin ko siya at magiging magjowa kami. Wag na lang uy. Totoong kaibigan naman na ang turing ko sa kanya, pero hindi pa rin kaya ng konsensiya ko na mangutang sa kanya.
Kaya hinanda ko na ang sarili ko. Ito na ang araw na kailangan kong magbaba ng pride ko. Nag-ayos na ako ng sarili ko. Disenteng damit na panlakad ang sinuot ko, at pinapunta ko pa sina Claire at ang pinsan niyang si Shyla na isang beautician para tulungan akong magpaganda. Kung ano-ano na ngang klaseng pampaganda ang ginamit nila. Nariyang blinower pa nila ang buhok ko, at nilagyan na rin nila ng kulay ang mga kuko ko sa kamay at paa. Talagang full manicure at pedicure ang ginawa sa akin ni Shyla, na libre niya pang ginawa dahil minsan ko naman siyang natulungan noong nagpagamot sa akin ang kapatid niyang nakagat daw ng sigbin.
Gusto ko nga sanang magbayad sa services niya, kaso todo tanggi naman siya. "Huwag mo na akong bayaran, Ate Sheina. Basta talunin mo na lang ang mga chikadora girls para sa akin ha."
"Ay sus yun lang ba? Chicken lang yan sa akin 'no," sabi kong nag-flip hair pa sa harapan nila ni Claire at rumampa na rin ako para makita nila kung paano ako maglakad. Pumalakpak naman ang dalawa sa akin na ikinagulat ko pa.
"Oh my gosh, Ate, perpek!" hiyaw sa akin ni Claire na kulang na lang ay magkorteng puso ang mga mata.
"Ikaw na nga talaga ang mananalo, Ate Sheina! Magsiuwian na dahil may nanalo na!" sabi naman ni Shyla na kinunan pa ako ng picture.
Natatawa ako dahil parang OA naman ang reaction nila. Parang ngayon lang nila ako nakitang magpaganda at rumampa na parang model, kahit na noong bata ako ay ginagawa ko naman ito. Pero siguro nga eh iba naman kasi ang noong elementary pa ako sa ngayon. At siguro nga totoong dapat magsiuwian na ang ibang kalahok dahil lahat ng mga mata ay napako sa akin nang pumasok na ako ng Baranggay Hall sa bago kong look. Nakita ko pa nga sina Kapitana at ang impaktang anak niya na nagluluwaan na ang mga mata tapos nakanganga pa ang mga bibig sa akin na parang mga isda nang makita nila ang itsura ko.
Oh well, hindi ko naman sila masisisi dahil dumating na ang reyna na tatapos sa laban.
"S-Sheina?" gulat na gulat din si Larry nang makita ako. Para nga siyang namaligno eh. "Bakit nandito ka? S-Sasali ka rin?"
"Oo naman," confident na sagot ko sa kanya na na-starstruck na yata sa'kin. "Ako pa ba? Para saan pa ang pageant na ito kung hindi ako sasali?" biro ko sa kanya pero off yata yun dahil imbes na tumawa siya ay napalunok siya ng laway. Saka na ako lumapit sa kanya at bumulong sa kanya. "Malaki ang cash prize nito 'di ba? Kapag ako ang tinanghal na Miss San Policarpio 2021 ay mag-uuwi ako ng fifty kyaw. Pambayad ko na rin yun sa training ko, ano? Kaya bakit hindi ako sasali?"
Tumango naman si Larry. "Ah... Oo nga naman." Nawiwirduhan pa ako sa kanya dahil hindi na talaga humiwalay ang mga mata niya sa akin. Para rin siyang robot magsalita kaya napaisip tuloy ako. Ganito ba ang effect ng isang diyosa sa mga kalalakihan? Oh well. Kung nakikita lang siguro ako ng Jeron na yun ngayon, baka maglaway din siya nang bongga.
Kaso malas siya. Hindi niya ako makikita ngayon, kung hindi sa pagent night na talaga. Para sa mga sasali lang naman kasi ang pagtitipon ngayon dito sa Baranggay Hall dahil audition ito at registration na rin sa mga makakapasa. Sunday rin ngayon kaya wala siya rito ngayon sa Baranggay Hall dahil off niya.
Ha! Malas niya at hindi niya masisilayan ang kagandahan ng babaeng inaasam-asam niya!
Napapahalakhak na ako sa isip ko dahil ngayon pa nga lang ay nakuha ko na ang atensiyon ng lahat dito. Paano pa kaya kung nandito rin ang doktor na yun na hindi pa nakakakain sa isang karendirya kung hindi dahil sa akin?
Pero siguro kung may iniinom lang akong kape ngayon, naibuga ko na dahil nakita kong pumasok ng Baranggay Hall ang isang lalaking may dimples. Ako naman ang lumuwa ang mga mata dahil mukhang katulad ni Larry ay sasali rin yata siya!
Pusang gala, bakit nandito si Jeron?