SHIENA
Nang makita ang picture na yun, ang una kong naisip ay baka naman hindi iyon ngayon kinunan. Baka naman matagal na ang picture na iyon at ngayon lang nai-post. Dahil kahit paano ay kilala ko na na rin naman si Jeron. Hindi siya iyong tipo ng lalaking magloloko na lang bigla. Sa aming dalawa ay siya ang mas matino kaya hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa picture na ito na ipinakita ni Larry sa akin.
"O, kita mo na?" ani Larry. "Habang nasa panganib ka rito ay parang nag-outing pa iyang boyfriend mo. At may kasama pang babae, ha?"
Imbes na sumagot ako sa mga paratang ni Larry, hinila ko siya papasok ng bahay. Wala na nga akong pakialam kung gusto pa akong kausapin ng mga pulis eh. Para sa akin ay mas importante ito ngayong picture na ipinakita sa akin ni Larry. Alam kong hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman kung tama nga ba si Larry sa mga sinabi niya. Inagaw ko pa nga sa kanya ang cellphone niya para lang makita ko nang maayos ang picture.
Naupo ako sa sofa at tiningnan ko iyon nang maigi. Account nga ni LJ ang nag-post ng larawan sa social media, at mukha namang recent ito kinunan. Nasa larawan ni Jeron ang atensiyon ko dahil naisip ko na mahahalata ko agad kung ngayon ba talaga ito kinunan kapag makita ko nang maigi ang itsura niya roon. Pero hindi ko pala masasabi kung ngayon nga ito kinunan o hindi dahil halos kaparehong-kapareho naman ni Jeron ang nasa picture. Iyong pangangatawan niya doon ay katulad na ng katawan niya ngayon, kaya hindi ko masabing luma na nga itong picture na ito para pabulaanan sana ang mga sinabi ni Larry tungkol sa boyfriend ko.
Chineck ko rin ang mga comments at sana pala hindi ko na lang ginawa iyon dahil halos lahat ng comments na nandoon ay sinasabing bagay silang dalawa o 'di kaya ay nagtatanong kung sila na raw ba. Ang nakakainis pa, hindi man lang nagre-reply sa mga comments na iyon itong si LJ. Pakiramdam ko tuloy sinasadya niya ang hindi mag-comment doon para magkaroon ng issue sa kanilang dalawa ni Jeron.
"Paano mo 'to nakita, Larry?" tanong ko sa katabi ko. Pinagmamasdan niya rin pala ako habang ini-examine ko iyong picture.
"Sinubukan kong kontakin 'yang nobyo mo diyan sa social media. Ni-search ko pa ang account niya para tanungin sana kung may alam siya kung nasaan ka kanina dahil wala ka nga rito sa bahay mo. Ang kaso, pagka-search ko sa kanya, isa yan sa mga una kong nakita dahil naka-tag siya diyan o."
"Oo nga. Naka-tag nga siya."
"Kaya nga nagalit ako nang makita ko yan," sabi pa ni Larry sa akin. "Hindi niya kasi alam na habang nagi-enjoy siya kasama ng ibang babae sa beach ay nasa panganib naman ang buhay mo rito. Muntik pa nga akong mapa-comment diyan sa post na yan kung hindi lang naisip kong mas mabuti na malaman mo muna kung ano ang pinagagawa niya---"
"Okay, Larry. Salamat sa ginawa mo," pagputol ko sa sinasabi niya. Medyo naiinis na rin kasi ako sa kanya. Para kasing inuudyok niya akong magalit agad kay Jeron eh hindi ko pa naman sigurado kung tama iyong assumptions niya sa boyfriend ko. "O sige, ganito ang gagawin ko. Kakausapin ko muna si Jeron at tatanungin ko siya kung totoo bang nasa beach siya kasama ni LJ. Baka naman kasi matagal na iyang picture na yan at ngayon lang pinost ni LJ."
"Pwede nga iyan," ani Larry. "Pero Sheina, tingnan mo ang itsura ni Jeron diyan. Hindi ba't kaparehong-kapareho na sa katawan niya ngayon? Eh kung matagal na pala ang picture na yan, 'di ba may mapapansin ka sanang pagkakaiba sa katawan niya riyan at sa katawan niya ngayon. Pero hindi eh. Halos carbon copy ang katawan niya diyan."
"Ewan ko," pag-amin ko na medyo naguguluhan na rin talaga. "Pero kung ngayon talaga yan kinunan, eh bakit walang injury diyan si LJ? At saka hindi yun magpupunta ng beach dahil nga pumunta sila ng Manila para magpa-surgery siya."
"Yan ay kung may injury nga ba talaga siya," hirit naman ni Larry sa sinabi ko at hindi ko yun mapalampas.
"Ano'ng ibig sabihin mo diyan?"
Nagkibit-balikat si Larry. "Ayokong magbitaw pa ng mga salita, Sheina. Dahil tama ka, mas mabuti ngang i-check mo muna mula mismo diyan sa boyfriend mo kung wala nga ba siyang ginagawang kalokohan. Lalabas muna ako at kakausapin ko sina Chief tungkol sa pagbabantay nila sa 'yo ngayon rito sa bahay mo."
Tumango at lumabas na si Larry ng bahay ko. Ang lalim na kaagad ng iniisip ko kaya parang mas mabilis yata akong mapapraning dito kung wala lang akong gagawin. Kaya ang ginawa ko, nagpasya akong magpunta kina Raffy para makitawag sa telepono niya at nang makausap ko na sa wakas si Jeron para matapos na ito.
Ang kaso ay hindi ko naabutan sa kanila si Raffy. Siya lang pa naman ang may number ni Jeron kaya hindi ko alam kung paano ko ngayon makakausap ang boyfriend ko. Siguro nga pwede akong makigamit ng phone nina Claire at sa social media ko na lang i-chat si Jeron, pero kinabukasan ko na iyon nagawa dahil naging busy rin ako dahil sa mga pulis na rumoronda sa paligid ng bahay namin.
"Wag kang mag-alala, Sheina," ani Larry nang dumalaw ito sa akin nang tanghali. Nagdala siya ng tinolang manok at sumabay pa siyang mananghalian sa akin na hindi ko naman ginawang big deal dahil nga ang sabi niya naman ay binabantayan niya lang din ako gaya ng mga pulis. Hindi ko iyon minasama. Sa katunayan, na-touched pa nga ako na sa kabila ng issue sa pagitan naming dalawa ay gusto niya pa rin akong bantayan. "Pati ang mga sundalo ay may ginagawa na rin tungkol sa tatay mo. Mahihirapan na siyang makalapit sa 'yo mula ngayon."
Napangiti na lang ako sa sinabi niya. Totoo kasi iyon. Kahit saan kasi ako magpunta ay may mga kasama akong pulis o 'di kaya ay si Larry. Hindi na ako nakakalabas ng bahay nang mag-isa. Kumalat tuloy ang balita sa buong San Policarpio na nasa panganib ako. May mga OA pa nga na iniiwasan ako dahil baka raw madamay sila sa gulo.
"Ano, hindi mo pa rin ba nakokontak si Jeron?" usisa ni Larry sa akin. "Two days na mula nang makausap mo iyong LJ na yun ah. Hindi ka pa rin niya kinokontak?"
Umiling ako. "Ayun na nga ang problema. Nag-out of town daw si Raffy kaya hindi ko matawagan sa numero niya si Jeron. Hindi rin siya nagre-reply sa mga messages ko noong nakigamit ako ng social media kay Claire. Hindi ko nga alam kung nahulaan na ba ni Jeron kung bakit hindi na niya makontak ang number ko. Baka mamaya nong isang araw pa pala niya ako tinatawagan."
"Naku, matalino naman yata yun. Eh doktor nga siya, 'di ba? Gumawa na sana siya ng paraan para makausap ka na niya. Siguro naman mapapaisip na siya kung bakit ilang araw ka ng hindi makontak. Pero wala ka pa ring balita sa kanya. Masyado namang nakakapagtaka iyon."
Hindi na lang ako kumibo sa sinabing yun ni Larry. Katulad niya, iniisip ko rin kasi ang mga sinabi niya. Baka nga mas malala pa ang mga naiisip ko. Pero nagtitimpi pa rin ako dahil naipangako ko na sa sarili ko na hindi ako magre-react hanggang hindi ko mismong nakakusap si Jeron. Yun nga lang, umabot na ng apat na araw pero hindi pa rin kami nagkakausap. Inaamin ko, medyo napapraning na ako. Paano kasi kung may something sa pagitan nila ng best friend niyang yun?
Sabado ang ikaapat na araw at huling rehearsal na namin ito sa Mr. and Miss San Policarpio. Bukas na ang coronation night kaya halos whole day rin ako sa rehearsals. Naisip ko na ngang umatras na lang, kaso mas mababaliw lang yata ako kakahintay sa pagbabalik ni Jeron. Pero nong matapos na ang rehearsal at pauwi na ako, nakita kong may sumundo kay Morrie na lalaki. Pinanood ko silang sumakay sa motor nong lalaki at hindi ko alam kung bakit pero umiyak ako dahil doon. Nainggit yata ako dahil wala namang sumundo sa akin. Gusto akong ihatid ni Larry pauwi sa bahay pero tumanggi ako dahil gusto kong mapag-isa. Hindi ko talaga in-expect na masasaktan ako nang ganito.
Naglakad akong mag-isa pauwi sa bahay. Gabi na kaya tahimik na ang paligid. Wala ring nakasunod na pulis sa akin ngayon dahil na kina Kapitana raw ang mga ito dahil may handaan daw doon. Gusto ko na lang magmukmok sa kwarto habang nagpapaka-emo pero hindi pa man ako nakakauwi sa bahay ay may nangyari na naman. May humila sa akin papunta sa isang bakanteng lote. Hindi ako nakasigaw dahil tinakpan nito ang bibig ko, at bigla na lang nagdilim ang paningin ko.