SHEINA
Naloko na. Para akong nabuhusan ng malamig na tubig nang makita kong nag-walk out na si Larry na may kakaibang expression sa mukha niya. Hindi ako nakakilos kaagad, pero napasinghap nang malakas si Claire sa tabi ko na obviously ay nininerbiyos din. "OMG, Ate! Narinig yata ni Kuya Larry 'yung tungkol sa mga sinabi mo!"
Parang malapit na akong maihi sa kinatatayuan ko dahil sa pinaghalong kaba at kahihiyan na nararamdaman ko ngayon. "Claire, patay ako nito! Ano'ng gagawin ko?"
"Ha? Ah eh... Mabuti yatang sundan mo muna si Kuya Larry!" suggestion niya naman at bumilib ako sa bilis ng proseso ng utak niya ngayon dahil 'yung akin ay nag-malfunction na yata. "Magandang magpaliwanag ka sa kanya, Ate! Baka kasi kaagad niyang puntahan si Doc Jeron at sabihin doon ang tungkol sa mga sinabi mo kanina! Eh mas mabuti namang kung aamin ka kay Doc Jeron, eh sa 'yo mismo manggaling!"
"Oo nga naman," sagot kong napaisip rdin. Nanginginig na ang mga kamay ko sa nerbiyos dahil bigla kong na-imagine ang eksenang posibleng mangyari; si Jeron, galit na galit sa akin dahil sinumbong ako ni Larry sa kanya! Hindi naman pwedeng mangyari yun!
"Bilisan mo na, Ate! Sundan mo na siya! Habang hindi pa nakakalayo si Kuya Larry!"
Pagkasabi sa akin nun ni Claire, kaagad na akong tumakbo palabas ng tindhan ng mga ukay-ukay kung nasaan kami. Pagkadating ko sa kalsada, nilibot ko ang paligid ng paningin ko. Nakita ko naman kaagad si Larry. Naglalakad siya pabalik sa Police Station na nasa kabilang bahagi ng kalsada, dahil malamang babalik siya doon sa tricycle na inarkila niya as service namin papunta rito. Kaya dali-dali akong naglakad papunta sa kalsada, tumawid kahit na may mga humaharurot na sasakyan, at tinawag ko ang pangalan niya in the hopes na hihinto siya kapag narinig niya ang boses ko.
Pero hindi huminto si Larry. Sige lang siya sa paglalakad, (at mabuti na hindi siya tumatakbo) hanggang sa maabutan ko siya. Hinihingal pa ako nang huminto ako sa harapan niya, at doon lang din siya huminto sa paglalakad. Pag-angat ng tingin ko sa kanya, nakita ko ang facial expression niya. Para akong nawalan ng hininga nang makita ko ang disappointment sa mukha niya.
"Hinabol mo ako kaagad," aniya. "At may panic diyan sa mukha mo. So ibig sabihin, totoo ang mga narinig ko kanina mula sa 'yo, Sheina. Tama ba?"
"L-Larry, please, magpapaliwanag ako---"
Umiling siya agad sa akin. "Sheina, narinig ko nang malinaw ang mga yun. Ginawa mo lang na boyfriend si Jeron dahil gusto mo siyang gantihan at mapapakinabangan mo siya---"
"Oo, yun nga ang original na plano ko," pag-amin ko sa kanya at nakita kong mas lalo lang siyang na-disappoint sa akin. "Oo na. Inaamin ko naman yun. Pero iba na ngayon, Larry. Maniwala ka. Ang totoo niyan, m-mahal ko na siya."
Natawa siya sa sinabi ko, pero hindi tunog ng natatawa ang tawa niya. Dry iyon at parang cold. "Sheina, sa tingin mo maniniwala pa ako diyan ngayon pagkatapos ng mga nalaman ko?"
"Totoo naman kasi ang sinasabi ko," paliwanag ko pa. "At teka nga, bakit pala ako nagpapaliwanag sa 'yo? At bakit kinukumbinsi kitang paniwalaan ako? Bahala ka sa gusto mong paniwalaan kung yan ang gusto mo."
"Kaya nga," sagot niya naman. "Hindi ko nga in-expect na susundan mo ako para lang magpaliwanag sa akin, eh hindi naman ako ang niloloko mo. Pero baka naisip mo na napaka-trash ko na dahil lang nalaman ko ang sekreto mo ay pupunta na ako ngayon sa nobyo mo aty sasabihin ko agad sa kanya ang mga nalaman ko. Iyon ba, ha Sheina? Iyon ba ang naisip mo kaya mo ako hinabol? Kasi balak mo akong pigilan kung sakaling yun nga ang gagawin ko?"
Hindi ako nakasagot doon dahil tama talaga siya. And I hate to admit it, pero ngayong sinabi niya sa akin yun, ngayon sa akin nag-sink in na ang pangit pala ng assumption ko kay Larry. Dahil waht if hindi niya naman pala ako isusumbong kay Jeron? What if mananahimik lang pala siya?
"See? Iyon nga ang nasa isip mo," sagot niya sa boses na ngayon ko lang narinig na ginamit niya sa akin habang kausap niya ako. Ilang beses na kaming nagkakasagutan pero never niya pa akong kinausap sa paraang ito na parang ang baba ng tingin niya sa akin. "Sheina, I know hindi ako perpektong tao. I know marami akong nagawa na hindi rin maganda sa buhay ko. Kaya nga hindi mo ako pinatulan, 'di ba? Kasi magaspang ako. Nang nalaman kong kayo na ng doktor na iyon, akala mo ba hindi sumagi sa isip ko kung bakit mo siya pinili at hindi ako? Sa tingin mo ba hindi ko kinuwestiyon ang sarili ko, kung ano'ng wala sa akin, o kung ano ang maling nagawa ko sa 'yo para hindi ako ang piliin mo? Dahil kung akala mo hindi, nagkakamali ka, Sheina. Iniisip ko yun. Kaya alam ko na siguro nga hindi kita deserve, pero ano 'tong ginagawa mo? Nangloloko ka na, Sheina. Ikaw pa ba yan?"
Basa na ang mga mata ko dahil ang sakit ng huling sinabi niya. At kaya masakit iyon dahil may katotohanan sa mga sinabi niya. Oo, niloloko ko si Jeron, pero hindi ko naman intensiyong umabot sa ganito. Akala ko kasi makakaya kong tiisin hanggang sa makaalis ako ng bansa. Akala ko hindi ko makikilala nang mas mabuti si Jeron at hindi mahuhulog ang loob ko sa kanya, kaya okay lang sa akin kahit na ano ang mangyari pagkatapos ko siyang hiwalayan. Pero ngayong pinagsasabihan ako ni Larry, isang taong minaliit ko rin ang pagkatao dahil nga akala ko wala rin siyang kwenta, ngayon ko nga napagtanto na wala rin akong pinagkaiba sa mga kinaiinisan ko dahil ganoon din naman ako.
"Sabihin mo sa akin ang totoo, Sheina. Galit ka rin ba talagha sa akin? Hanggang ngayon ba ay hindi man lang close na kaibigan ang turing ko sa 'yo? Aminin mo na lang kung ano ako sa 'yo ngayon, kaysa sa maranasan ko iyang ginagawa mo kay Jeron. Dahil ayoko maranasan ang ganyan. Ayoko."
Umiling ako kaagad. "Nagkakamali ka, Larry. Talagang kaibigan na ang turing ko sa 'yo. Mula noong sinamahan mo akong mag-apply sa job fair, na-realize ko na mabuti ka rin naman palang tao. Promise. Siguro naman naramdaman mo yun, 'di ba?"
'Aba, ano'ng malay ko kung talaga ang nasa isip mo. Eh kung si Jeron nga ay ganyan pala ang totoo mong nararamdaman, kung balak mo lang naman pala siyang paghigantihan, eh ano pa kaya ako?"
Tumango akong umiiyak na nang bongga. "I know, I know. Nagkamali ako. Patawarin mo 'ko, Larry. Alam kong nasaktan ka ng magkaroon ako ng boyfriend, at masakit din sa 'yong malaman na ganoon pala ang sitwasyon ko---"
"Ewan ko Sheina," sabi niyang napapailing na lang. "Ilang gabi akong nagpakalasing at nagpaka-bitter eh. Kasi nga mahal kita. Tapos malalaman ko na hindi rin naman pala totoo na mahal mo ang nobyo mo? Akala mo ba matutuwa ako doon? Kasi alam mo, pakiramdam ko ngayon, ginawa mo rin yan para layuan na kita."
"Hindi totoo yan," giit ko agad sa kanya. Grabe na talaga ang pag-iyak ngayon, at buti na lang walang masyadong tao ngayon dito sa sidewalk kung nasaan kami. "Alam ko na hindi ka na maniniwala pa sa akin, pero Larry, hindi ko naisip na gawin yun sa 'yo. Kilala mo ako. Prangka akong tao. Kung gusto kitang iwasan, gagawin ko yun nang kusa. Hindi ako gagamit ng ibang tao para lang gawin yun."
"Pero nagawa mo sa kanya. Ginagamit mo si Jeron, Sheina."
HIndi ko na rin natiis itong panunumbat niya sa akin. "Larry, teka lang ha. Mawalang galang na sa 'yo, pero labas ka naman na sa kung ano'ng meron sa pagitan namin ni Jeron. Hindi mo ako kailangang sermunan tungkol sa kung ano man ang ginagawa ko sa kanya---"
"Kaibigan mo ako, Sheina. Or at least, yun ang tingin ko na tingin mo sa akin. So concerned ako sa ginagawa mo ngayon. Nagkakamali ka kung iniisip mo na concerned ako sa doktor na yun kung kaya ako nagkakaganito. Dahil hindi. Wala akong pakialam sa kanya. Ikaw. Ikaw ang concern ko dahil nagulat ako sa mga nalaman ko. Hindi ko inakalang magagawa mo 'to, dahil mataas ang tingin ko sa 'yo."
Hindi lang ako na-touched sa sinabi niya, kung 'di nasaktan din. Hindi ko naman kasi alam na ganoon ang tingin niya sa akin na almost perfect. Akala ko nga eh medyo weird ang tingin niya sa akin, dahil nga isa akong albularyo na kahit graduate ng midwifery ay mas pinili ko ang panggagamot dito sa amin. Pero oo nga naman, nakalimutan ko rin na ilang taon na niya akong nililigawan, so baka nga naman mataas talaga ang tingin niya sa akin. I really don't know.
"Larry, sorry kung na-disappoint kita, pero sana isipin mo rin naman kung saan ako nanggagaling kung bakit ko nagawa iyon. Desperada na ako eh. Nasira ako sa mga tao, at akala ko si Jeron ang may kagagawan 'nun. Wala akong ibang choice kung 'di maging mapalapit sa kanya para maibalik ang mga nawala sa akin."
Tumaas ang kilay niya doon. "At ginawa mo siyang boyfriend mo dahil lang doon?"
"Kasi nga gusto ko siyang gantihan! Kasi nalaman kong may gusto siya sa akin! Eh crush ko rin naman siya bago kami nagkaroon ng issue sa isa't isa, kaya yun ang naisip kong gawin," mahabang salaysay ko. "Oo, alam kong maling-mali ang ginawa ko. Alam na alam ko yun, dahil habang tumatagal na kasama ko siya, mas nakikilala ko siya. At ngayon nga, mahal ko na rin siya. Kaya hindi mo na kailangang mag-alala sa akin, Larry, dahil hindi ko na itutuloy ang plano kong saktan siya---"
Natawa doon si Larry na para bang may nakakatawa sa sinabi ko na siya lang ang nakakuha 'non. "Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Sheina? Kahit mahal mo na siya ngayon, kapag malaman niya kung ano ang una mong plano, masasaktan yun. Magagalit sa 'yo yun. baka nga hiwalayan ka pa noon eh. Kaya 'wag mo sabihing ang mas importante ang ngayon, dahil pustahan tayo, magagalit yun sa 'yo kapag nalaman niya ang mga plinano mo laban sa kanya."
Umiling ako agad. "Hindi yan ang mangyayari, Larry. Mabait si Jeron. Pakikinggan niya ako."
"Paano ka naman nakakasiguro? Kahit gaano ka niya kamahal, masasaktan din yun."
"Magpapaliwanag ako sa kanya," sabi ko naman. "Oo, yun ang gagawin ko. Aamin ako sa kanya, at magpapaliwanag ako. Sigurado akong mapapatawad niya ako. At kung hindi man, hihingin ko pa rin ang kapatawaran niya, dahil nagkakamali ka. Mas importante pa rin ang kung ano man ang mayroon kami ngayon."
"Sige, kung yan ang paniniwala mo, Sheina. At eto, sasabihin ko 'to sa 'yo bilang kaibigan mo. Ngayon pa lang, umamin ka na sa kanya. Ngayong maaga pa. Dahil kapag pinatagal mo yan, mas masakit iyan."
***
Umuwi ako sa bahay na mugto ang mga mata kakaiyak. Paano ba naman kasi, nag-sink in na sa akin kung gaano kalala ang ginawa ko. Kahit si Claire ay walang maibigay na advice sa akin kung hindi ang humingi ako ng tawad kay Jeron at umamin na lang. Ibig sabihin, mali talaga ako.
"Ate, tama ka naman eh. Mas importante 'yung ngayon. Mahal mo na si Doc Jeron ngayon, 'di ba?" Tumango ako. Hindi na ako nag-lunch dahil hindi na rin ako makaramdam ng gutom. "O, yun naman pala. Yan naman ang importante. At saka 'wag ka masyadong magpaapekto sa mga sinabi ni Kuya Larry, labas naman siya sa issue na 'to."
"Eh paano kung bigla niyang sabihin kay Jeron ang totoo?" iyak ko pa. "Paano kung unahan niya ako na magsabi?"
"Yun ang 'wag mo hahayaang mangyari, Ate Sheina. Sabihin mo na agad kay Doc Jeron para hindi na umabot sa ganoon. Magdi-date kayo mamaya, 'di ba? O, tamang-tama. Magsabi ka na agad habang maaga pa. Pero malamang tama si Kuya Larry, baka magalit nga si Doc Jeron sa malalaman niya. Lalo na at hindi ka naman talaga niya sinaraan sa mga tao rito. Pero kung mahal ka niya, mapapatawad ka niya."
"Sana nga. Dahil hindi ko na alam ang gagawin ko kapag hindi niya ako mapatawad," hikbi ko at napaiyak na naman ako. Jusmiyo lang talaga. Kung alam ko lang talaga na uusbong mula sa simpleng crush ang nararamdaman ko para sa lalaking yun, hindi ko na sana hinayaang maging malapit ako sa kanya. Ngayon pa lang kasi, naiisip ko pa lang kung ano ang magiging itsura niya kapag inamin ko na sa kanya ang kasalanan ko ay feeling ko ang sama-sama ko ng tao. Hindi ko yata kakayanin kapag nagalit sa akin si Jeron nang bongga.
Kaya nakapagdesisyon na ako. Aamin na ako sa kanya, at kahit ano pa ang maging reaction niya doon ay hihingi ako sa kanya ng tawad. Hindi naman siguro magiging big deal iyon kapag nalaman niya na nagbago na ang mga plano ko. Actually parang ayoko na nga mag-abroad eh, dahil nasanay na ako na palagi ko siyang kasama.
Kaya mamaya, habang nagdi-date kami, hahanap ako ng tiyempo para ipagtapat ko sa kanya ang nagawa ko. Bahala na si Batman. Ang importante sa akin iyon manggagaling. Kaya matiyaga akong naghintay na lumipas ang office hours, at kinakabahan na ako habang naghihintay ako rito sa bahay. Uuwi naman muna kasi siya para magbihis at maghanda na rin. Tapos sabay naman kaming pupunta doon gamit ang motor niya so talagang babalik muna siya rito sa bahay. Pero mga thirty minutes na yata ang nakakalipas after ng alas singko ay hindi pa siya nauwi, kaya kinabahan ako. Ang unang pumasok sa isip ko ay baka sinumbong na ako ni Larry sa kanya.
Kaya naman tinawagan ko na siya, dapat pala ay kanina ko pa ginawa. Nagri-ring naman ang phone niya, pero hindi niya iyon sinasagot. Mas dumoble ang kaba sa dibdib ko dahil doon. At nang finally ay nag-reply na siya, iba naman ang nabasa ko. "Babe, sorry I wasn't replying. I think we need to cancel our date today. LJ needs me. She got into an accident. Will call you later," aniya sa text niya.