"Kamusta na ang pinagagawa ko sa'yo, Moreno, may resulta na ba?" tanong ni Emmanuel sa lalaking kapapasok lang sa kaniyang opisina at ngayon ay nakatayo sa harapan niya. Itinuro niya ang upuan sa tabi nito at iminuwestra na maupo, na siya namang ginawa ng lalaki.
Kasalukuyan niyang sinusuri ang disensyo at label ng bagong alak na ilo-launch nila sa market. Ang anak na si Joaquin mismo ang dumiskubre ng bagong alak na iyon. Sobrang proud siya para sa kaniyang anak, talagang namana nito ang mga katangian niya.
"Good news, Sir, nakita ko na ang pinahahanap ninyo sa akin. Nalaman ko na ang pangalan niya at kung saan siya nakatira," masayang tugon ng kausap.
Natigilan ang ginoo, bigla siyang napatuwid ng upo. Itinabi niya ang hawak na bote ng alak at hinarap ang kausap, hinanda ang sarili na makinig sa sasabihin nito.
"Really! So, ano ang natuklasan mo sa kaniya? Mabuti ba ang kalagayan niya? Maayos ba ang buhay niya? Nag-aaral ba siya, nagtatrabaho? Ano ang pinagkakaabalahan niya ngayon?" sunod-sunod na tanong nito, excited siyang malaman ang lahat tungkol sa taong pinahahanap niya.
"Nandito po sa USB na ito ang kasagutan sa mga tanong ninyo, Sir," sagot ng kausap niyang private detective.
Ipinatong nito sa lamesa ang maliit na itim na bagay na hawak at itinulak palapit kay Emmanuel. Agad itong kinuha ng ginoo. Tama namang nakabukas ang kaniyang laptop, kaya isinaksak niya ang USB roon para makita ang sinasabi ng kaniyang kausap. Ang tagal na panahon na niyang ipinahahanap ito sa wakas ay nagkaroon na ng magandang resulta ang pagtitiyaga niya. Hindi niya sinukuan, dahil alam niyang isang araw ay makikita rin niya ito.
Nang buksan niya ang file na naglalaman ng mga larawan at video ng taong pinahahanap niya ay hindi niya maiwasan ang hindi makaramdam ng malakas na pagkabog ng dibdib. Magaling ang kaniyang inupahang private detective, nakuha nito pati ang mga larawan nang pinahahanap niyang tao simula noong bata pa ito.
"Twenty three years old na po siya ngayon. At the age of 19 ay umalis na siya sa poder ng kaniyang ina. May asawa na ang ina niya at may dalawa siyang kapatid na babae. Nakatira siya ngayon sa isang exclusive subdivision at namumuhay ng marangya," pagkukwento ng detective.
Isa-isa niyang pinasadahan ng tingin ang larawan ng isang babae simula noong bata pa ito hanggang sa lumalaki na. Nagulat siya ng umabot na siya sa mga latest pictures nito.
"This girl! She looks familiar. Right! I saw her already. Kung hindi ako nagkakamali ay dalawang beses nang nagtagpo ang landas namin. What's her name?"
"Eunice, Sir. Eunice Mendoza."
"Oh. My precious, Eunice... what a beautiful name!" bulalas nito. Bakas ang labis na tuwa sa mukha nito.
"Do you want to meet her personally, Sir? Pwede ko pong gawan ng paraan na magkausap kayo."
Saglit na napaisip si Emmanuel, maya-maya ay umiling. "Hindi muna. I don't have the courage to face her for now. Ang importante ay alam ko na kung saan ko siya pwedeng makita. Good job, Moreno, and because of that, I'll give you a bonus. In a short span of time ay nagawa mo siyang hanapin."
"Maraming salamat po, Sir!" Natuwa ang detective sa pahayag na iyon ni Emmanuel.
Ngumiti ang ginoo. "Give your account details to my secretary and she will send you the p*****t ASAP." Handa na siyang i-dismissed ang kausap ngunit hindi niya inaasahan na may pahabol pa pala ito.
May hindi po kayo alam tungkol sa kaniya, Sir," may pag-aalinlangang sabi ng imbestigador. Nagdadalawang isip pa ito kung sasabihin ba sa kaniyang kliyente ang kaniyang natuklasan.
Nangunot ang noo ni Emmanuel. "What is it?" tanong niya.
Napakamot ng ulo ang imbestigador.
"I'm asking you, what is it? Bakit hindi ka makapagsalita diyan?" may halong pagkainip na tanong ng mayamang negosyante. Hindi kasi nito sinagot agad ang tanong niya.
"Sir, hindi ko po kasi sigurado kung dapat ko pa bang sabihin ito sa inyo ang tungkol sa bagay na ito at kung dapat niyo pa bang malaman."
"Of course I need to know it. Tell me everything about her, when I said everything, ibig sabihin lahat ng natuklasan mo tungkol sa kaniya ay sasabihin mo sa akin at wala kang ititira. Binabayaran kita para sa mga impormasyon na maibibigay mo sa akin, kahit na maliit na bagay pa 'yan."
Huminga muna ng malalim ang imbestigador bago nagsalita.
"Ms. Mendoza is in a relationship with a married man. She's a mistress, Sir," pahayag nito.
Bumilog ang mga mata ni Emmanuel dahil sa labis na pagkabigla, hindi niya inaasahan na iyon ang kaniyang maririnig."Huh! Totoo ba 'yang sinasabi mo?" may halong pagdududa ang tanong niya.
"Yes, Sir, sinundan ko siya hanggang sa Spain, and that is what I discovered. Binabahay siya ng isang mayamang negosyante. Sa katunayan pagbalik nila ng bansa ay sinugod sila ng asawa ng lalaki."
Nakaramdam ng matinding panghihina si Emmanuel sa kaniyang nalaman. Nakaalis na ang kaniyang kausap ay patuloy pa rin siyang napapaisip. Hindi siya masaya sa ibinalita ng imbestigador sa kaniya.
-
Hindi alam ni Eunice kung ano na ang nangyari kay Roman, matapos silang sugurin ng asawa nito. Ilang araw na rin ang lumipas simula ng mangyari iyon at hanggang ngayon ay wala siyang narinig na balita tungkol dito. Hindi pumapasyal si Roman sa bahay niya at hindi rin ito tumatawag para mag-update na madalas naman nitong ginagawa noon. Panay ang bantay niya sa kaniyang cellphone at hinihintay na kontakin siya nito.
"Hello Eunice! Nandito ako, baka nakakalimutan mo na, pinapaalala ko lang sa'yo. Pwede bang alisin mo muna ang atensiyon mo d'yan sa cellphone mo? Kanina pa ako salita nang salita rito hindi ka naman nakikinig," may himig pagtatampo na sabi ni Rhema.
Inimbitahan niya ang kaibigan sa bahay niya dahil gusto niya ng may makakausap.
"Ha? Sorry, ano nga ba ang sinasabi mo?" nabibiglang tanong niya. Ipinatong niya patalikod ang cellphone sa ibabaw ng lamesa para hindi siya ma-distract sa tuwing umiilaw ang screen nito kapag may dumarating na notification.
"Hmp! Never mind. Sa dami kong sinabi nakalimutan ko na rin kung ano-ano ang mga iyon, wala ako sa mood na i-rewind lahat ng sinabi ko."
Napamaang si Eunice sa pagtataray na iyon sa kaniya ng kaibigan.
"I know naman na hindi ka manhid para walang maramdaman. Okay, granted na hindi ka nga in love kay Roman, pero pansin ko namang concern ka sa kaniya. Ito lang ang mapapayo ko sa'yo, kung ayaw mong masaktan, bumitiw ka na."
"Huh! Ano ba'ng pinagsasabi mo d'yan, Rhema?" naguguluhang tanong niya sa kaibigan.
Bumuntong hininga ito ng malalim at pagkatapos ay seryosong tumingin sa kaniya.
"Nakikita ko ang sarili ko sa'yo at ayokong magaya ka sa akin kaya nga maaga pa lang ay binabalaan na kita. Isa pa, alam na ng asawa ni Roman kung saan ka nakatira. I'm sure hindi ka titigilan nun, hindi matatahimik ang buhay mo, Eunice, hangga't hindi mo iniiwan si Roman."
Gusto niyang sundin ang payo ng kaniyang kaibigan ngunit iba naman ang idinidikta ng isip niya. Hindi pa sapat ang naipon niya para iwan si Roman. Marami pa siyang pangarap para sa sarili niya at sa pamilya niya. Kapag umalis siya sa poder ni Roman ay hindi niya alam kung anong buhay ang naghihintay sa kaniya, at kung paano magsisimulang muli.
Natatakot siya sa isipin na baka hindi na siya makahanap ng kagaya nito. Paano kung hindi na siya makahanap ng lalaking susuporta sa kaniya at sa lahat ng luho niya?