TAAS-NOO akong naglalakad habang nakaangkla ang aking braso sa braso ng asawa kong si Tres. Malapad ang aking ngiti habang nakasalubong ko ang mga pamilyar na mukha ng mga highschool batchmates namin. Marami na ang tao sa venue, ngunit hindi pa nagsisimula ang program, tingin ko'y may mga hinihintay pa.
"Tres Luis Antonio Alfonso!"
Mabilis akong napalingon nang marinig ko ang pangalan ng asawa ko na tinatawag ng kung sino. Nakita kong lumapit ang isang lalaking nakasuot ng itim na tuxedo at umakbay sa asawa ko na tila hindi ako nakita na kasama nito.
Si Ryan Servantes pala, ang captain ng basketball team noon nila ni Tres. Ilang taon na rin mula nang huli ko siyang makita at may nagbago na rin sa kaniyang itsura ngunit nakilala ko pa rin naman siya lalo't madalas akong nanonood ng practice at tournament nila noon.
"Uy! Si Tres oh!"
Napalingon ako muli kung saan nanggaling ang mga boses. At halos mapasigaw ako sa sakit nang maramdaman kong natapakan ang aking paa.
"Aray!" daing ko, ngunit walang nakapansin.
"Si Alfonso nga!"
Halos mawalan ako ng balanse nang may biglang bumunggo sa 'kin. Tila lahat ay nagkukumahog na makalapit sa asawa ko. Tinulak pa ako ng kung sino, lahat sila ay nais makausap ang asawa ko na hindi na nila napapansin na nakakabangga na sila nga tao—ako, ang asawa ng taong pinagkakaguluhan nila.
"Ang may-ari ng Tres Luis Business Empire? Nabasa ko nga rin 'yon sa magazine, akala ko'y kapangalan lang ni Tres? Siya pala talaga 'yon?" narinig kong sabi ng isang babae na nakikinood sa kumpulan. Hindi ko namukhaan, marahil ay asawa ng ka-batchmate namin.
Wala akong nagawa kundi ang napabuntong-hininga na lamang at dumistansya na muna upang hindi na mabangga o matapakan ng kung sino.
Mahigpit kong hinawakan ang aking purse at niyakap ko ang aking sarili nang maramdaman ang lamig dahil sa suot kong sleeveless dress. Pinanood ko na lamang ang asawa ko na nakikipag-usap sa mga dati niyang kakilala, malaki ang ngiti niya at masayang nakikipag-usap.
Iginala ko naman ang aking paningin para sana maghanap ng makakausap ngunit pilit na inaagaw ng asawa ko ang aking atensiyon dahil tila lahat ng taong malilingunan ko ay nasa asawa ko ang paningin kahit naroon lamang ang mga ito sa kaniya-kaniyang upuan.
Parang naging isang party ito na para kay Tres lamang dahil sa atensiyon na kaniyang nakuha. May ilang binabati siya sa kaniyang tagumpay, mayroong nakikipagkilala, at may iba naman na naroon lang, lumapit upang pagmasdan ang asawa ko.
Bakit nga ba hindi na ako nagulat pa? Nasanay na ako sa ganitong senaryo. Ang asawa kong si Tres Luis Antonio Alfonso ay tinitingala na ngayon ng marami dahil sa kaniyang naabot na tagumpay.
Isa na siyang business tycoon ngayon, isang self-made multi-billionaire na nagsimula lamang bilang isang maliit na negosyante, sikat rin ang Tres Luis Business Empire sa buong business industry kaya maraming pagtitipon ang nadadaluhan niya, at bilang kaniyang asawa, kasama ako sa lahat ng tagumpay niya.
Nang sa wakas ay magsalita na ang host ng aming highschool reunion, tyaka lamang ako nakalapit muli sa aking asawa na tila hindi man lang napansin ang pagkawala ko sa kaniyang tabi.
Nagpatuloy ang program at naupo kaming dalawa. Kasama namin sa table sina Ryan Fernandez at ang asawa nitong si Shantal, si Wilson Morada at ang asawa nitong si Daniela, at si Leo Jualo kasama ang asawa nitong si Kezia. Kilala ko na sila noong high school pa kaya naman hindi na ako nanibago. Patuloy ang pag-uusap ng asawa ko at ng mga kaibigan niya tungkol sa negosyo.
Habang ako naman ay nakatuon ang atensiyon sa program habang sumisimsim ng wine na bigay kanina ng waiter.
Iginagala ko ang aking paningin upang makahanap ng pwedeng makausap. Pakiramdam ko, habang tumatagal ang pag-upo ko rito sa tabi ng asawa ko ay para akong nawawala. Para akong hangin na tila walang nakakakita. Nakapagtataka dahil kilala ako noon sa aming eskwelahan, ako ang student council president, inaasahan kong kahit may nagbago na nang kaunti sa aking itsura ay may makakakilala pa rin sa 'kin, ngunit sa tingin ko'y wala.
Para akong hindi nababagay sa lugar, para akong naging dayuhan o estranghero sa mga taong dati ay kilalang-kilala ako.
"Hon?"
Napalingon ako agad kay Tres nang kalabitin niya ako. Nakita ko siyang nakangiti nang matamis sa 'kin kaya nagtaka ako.
"Hmm?"
"Kezia and Leo are inviting us. Gusto nilang maging ninong at ninang tayo sa binyag ng bunso nila," sabi niya sa 'kin.
Nanlaki naman ang mata ko, nasurpresa. Binalingan ko sina Kezia at Leo na noon ay nakangiti na sa 'kin.
"Congratulations sa baby niyo!" masayang bati ko sa kanila. "Sure, pupunta kami, it'll be our pleasure."
"Salamat, Ale, napakaganda mo pa rin hanggang ngayon," sabi ni Kezia sa akin na may paghanga, napangiti lang rin ako sa papuri niya. "Teka, wala pa ba kayong anak ni Tres?"
Nilingon ko ang asawa ko na biglang natigilan dahil sa tanong.
"Oo nga," sabat naman ni Shantal. "Ang panganay namin ni Ryan ay binata na ngayon, wala pa rin kayong anak?"
High school sweethearts din sina Ryan at Shantal kagaya namin. Maaga silang naging mga magulang kaya hindi na ako nagulat pa sa kaniyang sinabi.
"Bilisan niyo na, Tres," pabirong sabi ni Wilson at sumabay naman ng pagtawa ang aming mga kasama. "May ibang nakaapat na nga, magpapahuli pa ba kayo?"
Natahimik kaming mag-asawa. Naramdaman kong muli ang kirot sa dibdib nang saglit na pumasok sa isip ko ang mga nangyari sa nakaraan. Nilingon ko ang asawa kong ngayon ay tikom na ang bibig.
"Hindi naman kami nagmamadali," nakangiti kong sabi sa kanilang lahat. "Busy pa kami ni Tres, may business expansion siyang inaasikaso para sa susunod na taon. Ako naman ay abala sa trabaho ko sa law firm."
"Kailan niyo ba balak na magkaroon ng anak?" tanong naman ni Daniela sa kanila. "Hindi na kayo bumabata, kawawa lang ang anak niyo kung matanda na kayo bago siya dumating."
Ngumiti ako sa kanila. "I trust our own pace, 'di ba, Honey?"
Pilit naman na ngumiti ang asawa ko sa akin tyaka tumango at bumaling sa mga kasama namin. "Abala pa talaga kami ng asawa ko. Hahabol din kami ni Ale, taon-taon kayong imbitado sa binyag ng mga magiging anak namin."
Nagtawanan ang lahat sa biro ng asawa ko. Nagpatuloy ang usapan sa aming table, ngunit hindi na naman ako makasabay. Iginala ko na lang muli ang paningin ko at ganoon na lang ang tuwang naramdaman ko nang makita ang aking dating kaibigan, si Karyl Segovia. Ang vice president ng student council noon at palaging kasama ko kapag mayroong academic contest.
Nakasuot siya ng pulang halter dress kaya naman kitang-kita ko siya. Bumaling ako agad sa asawa ko. "Hon, pupuntahan ko lang muna si Karyl," paalam ko sa kaniya.
Tumango lang ang asawa ko. Nakangiti akong tumayo at nagpaalam sa mga kasama ko sa table bilang respeto tyaka ako nagmamadaling lumapit kay Karyl.
"Karyl!" halos patili kong tawag dala ng pananabik ko sa kaniya. Ilang taon na rin mula noong huli ko siyang nakita, nagbago rin ng kaunti ang itsura niya dala ng paglipas ng taon.
Malapad ang ngiti ko habang sinusuri niya ako mula ulo hanggang paa.
"Ale? Is that you?" tanong nito, bakas na rin ang pananabik sa boses bagaman nagtatanong pa lang.
"Ako nga!" masayang sabi niya.
"Oh my gosh! You look so different!" tila hindi makapaniwalang sabi nito at agad nakipagbeso sa kaniya. Muli siyang sinuri nito. "Look at you, you're stunning. Hindi kita agad nakilala, malabo na nga yata ang mga mata ko."
Mahina akong natawa sa sinabi niya. "Kamusta ka na?" tanong ko.
"Heto, masaya naman kami," sabi niya na malaki ang ngiti. "Ikaw? Balita ko ay nagkatuluyan talaga kayo ni Tres ah?"
Tumango ako sa kaniyang sinabi. Isa siya sa mga nakasaksi sa naging relasyon namin noon ni Tres, lahat naman yata ng batchmate namin noon ay alam ang tungkol sa amin ni Tres, naging sikat kami noon bilang power couple. Ako bilang academic achiever, at si Tres naman na star player ng kanilang basketball team.
"Oo, kinasal kami more than eight years ago, nasa law school pa ko no'n," nakangiting salaysay ko. "Eh ikaw? Balita ko nakapag-asawa ka na rin sa America ah?"
"Naku, oo, kinasal kami ten years ago, may tatlong anak na," nakangiti pa ring sabi niya. "Eh kayo ni Tres? Ilan na ang anak niyo? Namamayagpag ngayon ang pangalan ng asawa mo sa business industry ah, multi-billionaire na 'yong palaro-laro lang ng basketball noon. Napatino mo talaga 'no? Uy, baka naman gusto niyang mag-invest sa negosyo ng asawa ko."
Mahina akong natawa sa sinabi ni Karyl, saksi naman ako sa pagma-matured ni Tres na nagsimula noong college pa kami. Hindi naman ako ang nagpatino sa kaniya, siya mismo ang may gusto no'n para sa sarili niya.
"Kakausapin ko si Tres para makapagpa-set kayo ng appointment," sabi ko sa kaniya. "I'm not working under his company kaya hindi ko rin gaanong alam kung anong nangyayari sa trabaho niya."
"Ay, grabe, iba ka na talaga." Pabiro niyang kinurot ang aking tagiliran. "Ang sarap talaga ng buhay kapag may asawang bilyonaryo, 'no? Hindi na sasakit ang ulo mo sa katatrabahong maghapon, pahiga-higa na lang sa bahay."
Natigilan ako sa narinig ko. Bigla ay hindi ako sumang-ayon sa kaniyang sinabi. Gusto kong itama siya, ngunit huli na dahil hinila na niya ako papunta kung saan.
"Halika, ipapakilala kita sa asawa ko," sabi niya sa 'kin.
Ngumiti ako nang pilit. Hindi ko na lang siya pinuna sa kaniyang unang sinabi at sumunod na lang ako sa kaniya.
Huminto kami sa isang table, at namukhaan ko agad ang dalawang babaeng nandoon kasama ang tatlong lalaki, ngunit hindi ko maalala ang mga pangalan nila.
"Guys, Girls… si Freya Alesandra Rivera-Alfonso, asawa ni Mr. Tres Luis Antonio Alfonso, 'yong may-ari ng Tres Luis Business Empire," nahimigan ko ang pagyayabang sa tono ng boses niya. "Ale, ito ang asawa ko, si Brandon."
Binalingan ko ng tingin ang lalaking tinutukoy niya. Tumayo pa ito at naglahad ng kamay sa 'kin. "Nice to meet you."
"Nice to meet you too," nakangiting sabi ko. Foreigner pala ang napangasawa ni Karyl, gwapo, matangkad at may matipunong katawan.
"Ale, naaalala mo pa ba 'ko?" tanong ng isang babaeng maputi, may mahabang buhok at nakasuot ng itim na tube dress. "Sanya del Mundo, nagkasama tayo dati sa isang Mathematics Quiz Bee kung hindi ako nagkakamali."
Hinalungkat ko sa isip ko, at mukhang doon nga kami nagkasama noon. Inilahad ko ang kamay ko ngunit lumapit siya sa 'kin at nakipagbeso.
Ipinakilala niya rin ang asawa niyang si Raymond na nakaupo sa kaniyang tabi kanina. Lumapit rin ang isang babae sa 'kin na pamilyar din ang mukha.
"I'm Patricia," sabi nito. "Siguro di mo na maalala pero nagkasama tayo dati sa debate competition, sa regional festival of talents kung hindi ako nagkakamali."
"Oh!" sabi ko nang maalala nga siyang isa sa mga naging kasama ko noon. "Ikaw nga 'yon, nice to see you again!"
Nakipagbeso rin siya sa 'kin at gaya ni Sanya, ipinakilala niya rin sa 'kin ang asawa niyang si Allan.
"Maupo ka muna, Ale, mag-usap muna tayo," sabi ni Karyl sa kaniya.
Nakangiti naman akong naupo sa tabi ni Karyl.
"So, tell us about your husband," maarteng sabi ni Sanya. "Di ba multi-billionaire na ang asawa mo?"
Napakunot-noo ako saglit sa narinig, hindi ko nagustohan ang tono ng pagtatanong niya, para bang nang-uusisa at bagaman tanong, tila ay alam na niya ang sagot ko sa tanong niya, pero pinili ko pa ring kumalma at maging professional.
"Masaya naman kami ni Tres," malumanay kong sabi. "Pareho kaming nagtatrabaho."
"Oh really?" nakangising sabi ni Sanya. "Bakit ka pa nagtatrabaho? Kayang-kaya ka naman buhayin ng asawa mo, there's no need for you to do that!"
Pinigilan ko agad ang sarili ko bago pa ko makangiwi sa kaniyang sinabi. Ano ba ang gusto niyang iparating?
"Gusto ko lang magtrabaho," sabi ko sa kaniya. "Wala naman akong ibang pinagkakaabalahan. I'm a lawyer after all. Nag-aral ako para maging abogado kaya 'yon ang trabaho ko ngayon."
"Ale," tawag ni Patricia sa 'kin. "Bakit ka pa magtatrabaho? Pwede na ngang magpatayo ng law firm ang asawa mo na para lang sa 'yo 'di ba?"
Tipid akong ngumiti. Nadagdagan lamang ang bigat sa aking dibdib dahil sa mga salitang narinig ko mula sa kanila. Para saan pa ang pagsisikap ko kung aasa lang rin pala ako sa asawa ko? Kailangan ko ang tulong ni Tres ngunit hindi sa gano'ng paraan gaya ng iniisip ng iba, I only need my husband's support.
"Saan ka ba nagtatrabaho ngayon? Maybe you're a part owner?" sabat namang muli ni Karyl. "Naku, Ale! Kung ako sa 'yo? Hindi na ako magtatrabaho, I'll just enjoy my life being the billionaire's wife! Di ba, Girls?"
"Oo nga! Ang mga babae dapat nasa bahay lang, tagapag-alaga ng mga anak at asawa."
Hindi ko nagawa pang ngumiti. Napipikon na ako at naiirita, nirerespeto ko ang pananaw nila ngunit sana'y respetuhin din nila ang gusto ko.
"May pangarap din naman ako," simple kong sabi sa kanila, nadismaya ako sa paraan nilang mag-isip at kung paano sila humusga, mga babae pa man din sana sila. "Alam ko ang tungkulin ko bilang asawa, pero may gusto rin akong patunayan para sa sarili ko. Hindi ako nag-aral ng ilang taon para maging isang asawa lang."
Pagak na natawa ang aking mga kasama sa mga sinabi ko.
"Bilyonaryo ang asawa mo, Ale, wag mo nang pahirapan ang sarili mo, nahihila ka rin naman niya pataas, ano pa ba ang gusto mo?"
Gusto kong makilala ako sa kung sino ako at kung ano ang kaya ko. Hindi bilang asawa lang ng asawa ko, iyon ang gusto ko. Hindi ko nagawang sabihin 'yon sa kanila dahil ayaw kong magtunog mayabang, at alam kong 'yon lang din ang iisipin nila.
"Mark my words, Ale," mapaglarong dagdag ni Karyl. "Kapag naging may-bahay ka, hindi mo na pwedeng ipagsabay ang career mo at responsibilidad mo bilang asawa."
Tahimik akong tumayo, pekeng ngumiti at walang kahit anong umalis sa mesa. Ayaw ko nang magsalita, ayaw ko nang ipilit pa kung ayaw rin naman nilang maniwala. Basta ako, naniniwala akong kaya ko. Kaya kong pagsabayin ang pagiging responsableng asawa at pagtupad ng pangarap ko, darating din ang panahon na mapapatunayan ko rin 'yon.