Naya’s POV
Tumunog na ang alarm clock ko. Dali-dali akong gumising kasi hindi ako puwedeng ma-late sa lakad ko ngayon. Medyo malayo-layo kasi ang location ng sunod na round ng pa-contest ni Stefano. At kahit malayo o kahit saan pa ‘yun, laban lang ako. Hindi ako puwedeng sumuko kasi napakaganda ng magiging premyo nito sa dulo.
Niligpit ko muna ang higaan ko bago umalis sa kuwarto. Ayoko kasing nakikita ni mama na magulo ang higaan ko sa tuwing papasok siya sa kuwarto ko. Alam ko kasing nakakadagdag pa sa mga gawain niya iyon, kaya gusto ko sa tuwing papasok siya sa kuwarto ko, maayos na ang lahat. ‘Yung tipong wala na siyang dapat na gawin pa dito sa loob ng kuwarto ko. Naisip ko kasi na matanda na ako, kaya ko nang gawin ‘yung mga ginagawa niya noon sa akin. Gusto ko, habang tumatanda sila, nababawasan na ‘yung mga gawain nila sa bahay.
Paglabas ko ng kuwarto ko, nahinto ako sa paglalakad patungo sa kusina nang makita kong tinutulungan ni ate si mama na mag-ayos ng mga halaman sa garden namin. Imbis na pumunta na ako sa kusina para mag-almusal, pumunta tuloy ako sa kanila para tignan ang ginagawa nila.
“Kay tagal kong hinintay ang araw na ito, anak. Ang maka-bonding ka ng kahit isang beses sa mga gawain dito sa bahay. Nang lapitan mo ako kanina, hindi talaga makapaniwalang tutulungan mo ako sa ginagawa ko rito,” maiyak-iyak na sabi ni mama kay ate. Pareho pa silang may suot ng gloves sa pagtatanim. May mga bago kasing halaman si mama. Mukhang namili ito kanina sa palengke. Bukas makalawa, hindi na ako magtataka kapag naging gubat na ang garden namin.
“Patawarin niyo po sana ako kung naging cold ako sa inyong lahat ng matagal na panahon. Simula ngayon, babawi na talaga ako sa inyo, lalo na kay Naya. Pati na rin kay papa,” sabi ni ate kaya pati ako ay nahilam na rin ang mga mata. Napakasarap pakinggan nang pag-uusap nila. Ayoko na sanang istorbihin ang bonding nila, kaya lang napalingon sa akin si ate. Nakita niya ako.
“Oh, gising ka na pala. Balita ko ay may lakad ka kaya maaga akong gumising para ipagluto ka ng almusal mo. Check mo ‘yung lamesa sa kusina, naka-ready na ang almusal mo,” sabi ni ate kaya lalong nahilam ang mga mata ko. Hindi ko na tuloy napigilan na lumapit sa kaniya para yakapin siya.
“Ate naman e, bakit ka ba nagpapaiyak,” sabi ko habang humahagulgol na.
“Ay naku, napaka-cute ninyong tignan magkapatid ngayon,” sabi ni mama na umiiyak na rin.
“Aba, bakit hindi ata ako kasama sa dramahan ngayong umaga?” singit naman ni papa na lumapit na rin sa amin.
Bumaklas sa pagkakayakap si ate sa akin para lapitan na rin si papa. Lalo kaming naiyak ni mama nang yakapin niya si papa at humingi na rin ng tawad. Ang tigasin kong papa na kailanman ay hindi ko nakitang lumuha, napatulo ang luha ngayon dahil sa ginawa ni ate.
Hinayaan ko na muna silang magdramahan at mag-bonding doon. Baka kasi ma-late pa ako sa biyahe ko kung makikingalngal pa ako roon.
Pagdating ko sa kusina, nakita ko na roon ‘yung mga pagkaing niluto sa akin ni ate. Kung hindi ako nagkakamali, nasabi na sa akin noon ni mama na masarap magluluto ng pagkain si ate. Kaya excited tuloy akong matikman itong niluto niyang almusal ngayon.
Adobong manok ang ulam ngayong umaga, tapos mayroon ding giniling ng baboy. Hindi ko tuloy alam kung almusal pa ba ito o tanghalian na. Nang tikman ko na ang mga niluto niyang ulam, namilog talaga ng husto ang mga mata ko. Hindi na ako magtataka kung bakit masarap siyang magluto, nagmana siya kay mama. Pero, base sa lasa ng luto ni ate, parang mas masarap ata siyang magluto kaysa kay mama.
Ang umagang ‘yon ay naging magandang simula ng araw ko. Ang sarap ng almusal ko, tapos okay na ang buong pamilya ko. Bati-bati na kaming lahat, ito talaga ‘yung pinagdarasal kong mangyari sa pamilya namin. Sa wakas, natupad na rin.
“Kumusta, pangit ba ang lasa ng mga luto ko? Pasensya ka na, matagal-tagal na kasi nung huling magluto ako sa kusina natin,” sabi ni ate nang pabalik na ako sa kuwarto ko para maligo.
Umiling ako. “Naku, ate, kung alam mo lang, nakadalawang sandok ako ng kanin dahil sa sarap ng mga niluto mo,” sabi ko saka ko nilapit ang bibig ko sa tenga niya. “Huwag kang magulo, aaminin ko, mas masarap pa ata ang luto mo kaysa kay mama,” dagdag ko pa kaya natawa siya.
“Lagot ka, isusumbong kita kay mama,” panunukso naman niya.
“Bakit, ano ‘yon?” tanong naman ni mama na narinig ang pinag-usapan namin.
“Wala po, sabi po nitong si Naya ay masayang-masaya siya ngayong umaga kasi masarap ‘yung niluto kong ulam,” sabi naman ni ate na ang akala ko ay isusumbong talaga ako.
**
Takbo doon, takbo rito ang nangyari sa akin. Dahil sa nangyari sa bahay, heto, feel ko ay mali-late ako sa lakad ko. Malayo kasi ang location nang pupuntahan ko ngayon kaya kailangan talaga, sa loob ng tatlo o dalawang oras ay makarating ako sa event place na ‘yon.
Pagdating sa paradahan ng bus, nanginig ang mga tuhod ko nang malaman kong last bus na raw ‘yung kakaalis lang na papunta doon sa location na pupuntahan ko.
“Kuya, wala na po bang bus na kasunod nun?” pangungulit ko pa sa mga driver na nakaabang doon.
“Ija, sa layo ng lugar na iyon, maghihitay ka pa siguro ng isa o dalawang oras bago mapuno ang bus na iyon. Kaya kahit anong mangyari, talagang maghihintay ka ng isa o dalawang oras bago ulit may bus na pumarada rito,” sagot ng isang bus driver kaya nanlumo ako lalo.
Ang tanging paraan nalang daw ay ang lumipat ako ng ibang bus station. Nagmadali na ako kasi sure akong mali-late na talaga ako sa event place. Pero kahit na late ako, tinatagan ko na lang ang loob ko.
Kaya lang, after ten minutes, pagdating ko sa ibang bus station, ganoon lang din ang eksena. Kakaalis lang nung bus na dapat ay sasakyan ko. Sabi naman ng bus driver na nakausap ko roon, taxi na lang daw ang tanging paraan para makaabot ako sa susunod na pa-contest ni Stefano. Mahal nga lang daw ang bayad.
Kaysa umiyak, nilaban ko na lang din ‘yun kahit mahal ang pamasahe. Nagpunta na ako sa lugar kung saan ay may dumadaang mga taxi. Doon ako nag-abang nang masasakyan.
Sana talaga ay umabot ako. Hindi ako puwedengg malaglag sa round na ito.
Habang nag-aabang ako ng taxi, biglang nag-ring ang cellphone ko. Nakita ko na tumatawag sa akin si Yanna. Napangiti ako nang maisip ko na baka, baka lang naman puwedeng madaanan o masabay niya ako.
“Hello, Yanna?” bati ko agad sa kaniya sa kabilang linya.
“Nasaan ka na? Ang aga kong nakarating dito sa location ah,” sabi niya na agad kong kinalungkot. Doon palang alam kong hindi ko na siya maaasahan sa mga oras na ito.
“Heto nga, nag-aabang pa rin ng taxi hanggang ngayon. Feel ko, hindi ata ako aabot sa susunod na round,” sabi ko na unti-unti nang nalulungkot ang boses.
“Hala, hindi puwede ‘yan, girl. Aabot ka, sige lang, mag-abang ka lang mabuti ng sasakyan mo. Sige na, hindi na kita iistorbohin, mag-abang kang mabuti ng taxi diyan. See you, later na lang,” sabi niya saka na binaba ang linya niya.
Tama siya, dapat kong pag-igihan ang pag-aabang ng masasakyan ko.
Kaya lang, lahat naman ng kawayan kong taxi ay palaging may laman. Tila ba itong lugar na pinag-abangan ko ng mga taxi ay hindi magandang puwesto kasi lahat ng dumaang taxi ay palaging may laman na.
Nang umabot ng kalahating oras na naroon pa rin ako, napaupo na lang ako sa kalsada. Kusang bumagsak ang mga luha ko kasi alam kong wala na talaga, hindi na ako aabot. Para akong baka kung makaiyak nang malakas dito. Pinagtitinginan na ako ng mga tao, pero hindi ako nahiya kasi malaking kawalan sa akin itong nangyari sa akin ngayon. Alam ko na kasi at sure na akong wala, talo na ako sa round na ito kasi hindi na ako aabot doon.
Iniyak ko nang iniyak ang nararamdaman ko kasi nakakaiyak naman talaga itong nangyari sa akin. Kung may sasakyan lang sana kami, siguro baka kanina pa ako nasa biyahe.
Hanggang sa biglang may humintong sasakyan sa harap ko.
“A-ayos ka lang ba, miss?”
Nahinto ako sa pag-iyak nang marinig ko ang pamilyar na boses na iyon. Nang tumingala ako sa sasakyan na iyon ay namilog ang mga mata ko nang makita kong si Stefano ang lalaking nakadungaw sa nakabukas na bintana ng kotse na iyon.
“S-stefano?”
“Hello, tanong ko lang, ayos ka lang ba?” Para akong nananaginip, pero alam ko at sure akong totoong nangyayari ito.
“H-hindi, hindi ako okay kasi hindi ako aabot sa susunod na round ng pa-contest mo. Wala na kasi akong masakyan ng bus at taxi. Kaya ako umiiyak ay dahil doon,” sabi ko kaya nakita kong napangiti siya.
“Hindi na problema ‘yan ngayon. Halika na, sumabay ka na sa akin para makaabot ka sa susunod na round,” sabi niya kaya dali-dali akong tumayo at pumasok sa loob ng kotse niya.
Napapamura ako kasi napaka-suwerte ko ngayong umaga, kasi si Stefano itong makakasama ko sa biyahe sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras. Feel ko, hindi ako makakagalaw ng maayos kasi si Stefano itong katabi ko dito sa likod ng kotse niya. Dito palang, feel ko parang panalo na ako sa susunod na round ng contest niya. Nakakaloka, mapapa-thank you, Lord ka na lang talaga.