"NANILYN na saan ka ba?!"
Halos kumabog ang dibdib ko dahil sa sigaw ni Kyko, na aking asawa. Tumingin din ako sa aking kamay. At nakikita kong nanginginig ito sa takot. Kaya naman kahit kabado ay dahan-dahan akong humakbang para salubungin siya at pilit na itinago ang takot.
U-umpisahan ko pa lang ngumiti ngunit.
Isang malutong na sampal agad ang sinalubong sa akin ng aking asawa. Hindi na rin ako pinatapos pa na makapagsalita.
"Ky----"
"Saan ka nagpunta? Hindi mo ba ako naririnig? Kanina pa kita hinahanap, 'di ba?!" tanong nito sa akin na kita ko sa mga mata niyang nanlilisik.
"D-Diyan lang sa likod bahay, naglilinis ako roon, Kyko." Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Puno ng takot ang puso. Paano kung saktan na naman niya ako? Eh, hindi pa nga magaling ang mga pasa ko sa aking katawan.
"Baka naman naghahanap ka na ng lalaking magpapaligaya sa 'yo, Nanilyn. Sabihin mo lang at ako mismo ang maghahanap sa 'yo. Para naman magkaroon ako ng pera. At magkaroon ka ng silba sa akin!" Sabay hawak nito sa aking panga nang mahigpit.
"K-Kyko, na- nasasaktan ako." Sobra akong natatakot at baka kung ano na naman ang gawin sa akin ni Kyko. Masakit pa nga ang buong katawan ko.
"Ano Nanilyn, nangangati ka ba? Sagot!" Bulyaw niya sa akin na kita sa mukha nito ang galit.
Magkakasunod akong umiling, kasabay noon ang mga luhang pumapatak sa aking mga mata. Hindi ako makapagsalita, dahil mahigpit na hinawakan ni Kyko ang aking panga. Tumingin din ako sa mga mata ng lalaki. At nakikita ko roon ang pagkasuklam niya sa akin.
"Kyko, honey ko. Hanggang ngayon ba ay hindi ka pa rin tapos na saktan ang babaeng iyan?" Narinig ko ang mga tunog ng takong ng suot na sandal nang babaeng papalapit sa amin. Kahit hindi ako lumingon ay kilala ko ito.
Ito lang naman ang kabit ng asawa kong si Kyko. At halos dito na ito tumira sa bahay. Wala akong magawa dahil 'yon ang gusto ng asawa ko.
"Hoy ikaw, babaeng tanga! Labhan mo nga ang mga panty ko. Ingatan mo iyan dahil mamahalin ang mga undiesko!" pabulyaw na utos sa akin ni Olvie at hinagis pa nito ang undies sa aking mukha.
Agad naman akong binitiwan ni Kyko. Ngunit nag-iwan ito sa akin ng mga tingin na pagbabanta.
Nasundan ko na lang ng tingin si Kyko. Hindi naman kami ganito dati. Mahal namin ang isa't isa noon. Matagal din kaming magkasintahan, bago kami nagpakasal. Maayos ang pagsasama at puno ng saya ang bahay na ito.
Ngunit, sinubok kami ng tadhana o sadyang ito talaga ang aking kapalaran bilang may asawa. Naging masalimuot na ang buhay namin ni Kyko noong may pumunta ritong isang lalaki na muntik na akong pagsamantalahan, saktong dating naman ni Kyko at kasama si Olvie na kababata nito, na ngayon nga ay kabit ng aking asawa.
Akala ko'y ligtas na ako ng araw na 'yun, dahil dumating sa tamang oras si Kyko kaya hindi natuloy ang balak sa aking pananamantala.
Ngunit, biglang nagsalita ng kasinungalingan si Olvie, na ito raw ay lalaki ko. At palagi raw kaming nagkikita sa labas. Ayaw lang daw nitong sabihin kay Kyko ang lahat at dapat daw ay si Kyko ang makahuli sa amin ng aking kabit, kahit ang totoo ay wala akong alam sa mga pinagsasabi nito.
Iyon ang araw na biglang gumuho ang lahat ng mga pangarap ko para sa pamilya namin ni Kyko. Dahil naniwala ang aking asawa sa mga sinabi ni Olvie. Mula noon ay isang maruming babae na ang tingin sa akin ng aking asawa. Hindi na rin ako pinapayagang lumabas ng bahay nito. At ang laging sinabi ay nangangati raw ako.
Tinanggap ko ang lahat nang mga masasakit na salita nito, isabay pa ang pananakit sa akin ng lalaki. Mahal ko si Kyko at naniniwala akong darating ang araw ay magkakaayos din kami. At maniniwala ito sa aking balang araw.
"Hoy! Tanga, bakit nakatunganga ka pa riyan? Di ba ang sabi ko'y labhan mo ang mga panty ko!" Napalingon ako kay Olvie.
"Hindi ako katulong dito para utos-utasan mo lang, Olvie. Alalahanin mong isa ka lang anay sa bahay na ito!"
"Aba't! Bakit papalag ka na?!"
Sa sobrang galit ni Olvie sa akin ay mabilis na lumapit ito sa akin. Tangka sanang hihilahin ang aking buhok ngunit agad kong sinangga ang kamay niya. Malakas ko ring itinulak ang babae na siyang dahilan nang pagbagsak nito sa malamig na semento.
"NANILYN!" dumagundong ang malakas na sigaw ni Kyko sa buong kabahayan. Agad itong lumapit sa akin. Pagkatapos ay walang habas akong sinampal, na siyang dahilan na kinaluha ng mga mata ko.
"K-Kyko, ang baby natin!" malakas na sigaw ni Olvie. Sabay kaming napatingin ni Kyko sa kabit na babae. At kahit may luha sa aking mga mata ay kitang-kita ko ang dugo mula sa mga hita ng babae na unti-unting umaagos doon.
Hindi ako makapagsalita. Pero dali-daling lumapit si Kyko kay Olvie at agad na binuhat ito para itakbo sa hospital. Ngunit bago lumabas ang lalaki ay lumingon muna ito sa akin.
"Walang lalabas ng bahay, Nanilyn. Hindi pa tayo tapos!" galit na bilin sa akin ni Kyko. Nasundan ko na lang ng tingin ang malapad na likod ni Kyko. Ngunit narinig ko rin ang pag-lock nito ng pinto.
Nanghihinang napaupo na lang ako sa malamig na semento. Labis din akong nag-aalala sa batang nasa sinapupunan ni Olvie. Kahit galit ako sa babae ay wala namang kasalanan ang bata.
Ilang oras din akong umiyak dahil sa nangyari. Paano kung mawala ang bata dahil sa akin. Nakakatiyak ako na lalo akong kakamuhian ni Kyko.
"Diyos! Hanggang kailan ba matatapos ang pagsubok na ito?" hindi ko tuloy mapigilang tanong sa aking sarili.
Nagdaan ang mahabang oras. Ngunit nandito pa rin ako nakaupo. Puno ng pag-aalala ang puso ko para sa anak ni Kyko. Napatingin naman ako sa pinto nang bumukas iyon at iluwa sina Kyko at Olvie.
"Hanggang ngayon hindi mo pa rin nililinis ang mga dugong nagkalat!" Napatingin naman ako sa mga dugo ni Olvie. Hindi ko man lang ito naalalang linisan dahil sobrang lalim ng aking iniisip.
"Nanilyn, bingi ka ba? Bakit hindi mo man lang nilinisan ang mga dugo?!" pasigaw na tanong ulit sa akin ni Olvie.
"Tama na 'yan, Olvie. Alam mong bawal sa 'yo ang ma-stress," singit ni Kyko.
"Honey ko, paalisin mo na lang kaya si Nanilyn sa bahay na ito. Lalo lang akong ma-stress sa kanya. Baka kung ano naman ang gawin niya sa akin at sa ating baby. Hindi ka ba nasusuka sa mukha niya? Di ba nga, iniputan ka na sa ulo. Kaya dapat lang na umalis na rito ang maharot na babaeng 'yan. Baka nga may ugnayan pa sila ng kanyang kabit, eh!" Sulsol nito sa aking asawa.