HYL: 1
Chapter 1: Mga Chismosang Kapitbahay
Sa isang tahimik na bayan na kung saan maraming nakatirang iba’t-ibang uri ng nilalang. May isang binatang napag-utusan ng mga magulang na sunugin ang lumang bahay. Ayaw iyon gawin ng binata sapagkat siya pa ang gumawa nito noon paman. Ngunit nagalit ang kanyang ina kung kaya’t kanya nalang itong ginawa.
Lingid sa kaalaman ng binata. Sa loob ng maliit na bahay na iyon ay may isa pa palang bahay. Bahay ng isang maliit na nilalang. Sa sobrang liit nito ay mahirap na makita ang kanyang katawan.
Mabilis na gumawa ng apoy ang binata. Maya-maya pa’y mabilis na kumalat ang apoy dahil sa kahoy gawa ang bahay. Nang masigurong nasunog ng buo ang maliit na bahay ay humakbang na siya paaalis.
Ngunit…
Hindi paman siya nakakalayo ay may nagpakita sa kanyang maliit na tao. Sa sobrang liit niyon ay muntikan na niya itong matapakan.
“Dahil saiyong ginawa ay paparusahan kita! Hindi ka mamamatay kailanman at hindi ka magiging masaya.”
Nagulat ang binata sa sinabi nito. Ngunit mas nagulat siya nang may lumabas na ilaw sa kanyang buong katawan. Nakaramdam siya ng pagbabago at tila hinihila siya ng antok.
KAKAGISING lang ni Maureen nang utusan siya ng kanyang Lola na bumili ng asukal at kape sa tindahan. Kinuha niya ang pera na nakalagay sa ibabaw ng lumang telebisyon. At lumabas na.
Nasa daan pa lamang si Maureen nang mapansin na naman niya ang kanilang mga kapitbahay na panay ang tingin sa kanya. Noon paman ay ganoon na ang mga ito. Nasanay na si Maureen kaya hindi niya nalang pinapansin. Palibhasa, walang magawa ang mga ito sa buhay kaya nasa kanya ang atensyon.
“Manang Senya,” tawag niya sa tindera. Naghintay lamang siya ng ilang sandali at dumating ito.
“Ano ang bibilhin mo, Mau?”
“Kape po at asukal, Manang.” Napatingin si Maureen sa bahay ni Manang Senya. Nagbabakasakali siyang makita ang kaibigang si Cuticle. Matagal na niya itong hindi nakikita. “Manang, bakit hindi ko na po nakikita si Cuticle?”
“Nong isang linggo pa siya umalis, Mau… hindi niya nagawang nakapagpaalam dahil sa’yo dahil madalian ang kanyang pag-alis.
“Bakit raw po?”
“Ayon, nagtatrabaho na ang anak ko. Pinipilit kong mag-aral ngunit ayaw naman. Kaya hinayaan ko nalang. Tutal nasa wastong edad na naman iyon… ito na ang kape at asukal.” Ibinigay ni Manang Senya ang binili.
“Ganoon po ba?” napabuntong hininga si Mauree. “Sayang at hindi man lang siya nakapagpaalam.”
“Hayaan mo kapag tumawag iyon ay babanggitin ko pangalan mo.”
Nagliwanag ang mukha ni Maureen, “marami pong salamat, Manang Senya.”
Matapos bayaran ang pinamili ay kaagad na siyang umalis. Si Cuticle at pamilya nito ang naging mabuti kina Maureen. Mula noong mga bata pa sila ay si Cuticle na ang kasa-kasama ng dalaga at minsan pinagtatanggol pa siya ng babae.
Pabalik na siya sa bahay ng kanyang Lola nang marinig na naman niya ang mga kapitbahay. Siya na naman ang bukang bibig ng mga ito!
“Alam niyo po, matanda na kayo… bakit ang hilig ninyong gumawa ng mga istorya. Hindi porket namatay kaagad ang aking mga magulang ay ako na ang malas? Naturingan pa naman kayong mga babae,” aniya sa tatlong nag-uusap. Napahinto ang mga ito at tinitigan siya ng masama. Kung maka-asta ang mga gorang na ito ay akala mo mga mayayaman. Palamunin lang din naman.
“Bakit ka nangingialam? Hindi ka naman kasali sa aming usapan, hindi ba?”
“Hindi nga po ako kasali ngunit ako naman ang pinag-uusapan ninyo. Sabihin niyo nalang kasi na insecure kayo sa beauty ko. Palibhasa mga gorang na kayo at malapit ng malanta.”
“Aba’t bastos ang batang to, ha?”
“Mas bastos po kayo. May mga anak na kayo… sa tingin niyo ba ang magandang halimbawa ang ipinipakita ninyo sa kanila? Mahiya kayo sainyong mga sarili.” Talagang nawalan na ng respeto si Maureen sa mga ito. Itong tatlo lang ang kanyang naabutan ngunit marami pang tsismosa sa kanilang lugar.
Iniwan niya ang tatlo na hindi maka-imik. Pagkatalikod ni Maureen ay kaagad na tumulo ang kanyang mga luha. Kahit nasanay na siya ay masakit parin ang mga sinasabi ng tao sa kanya. Walang may gusto na mamatayan. Ngunit ang ginagawa ng mga tao sa kanilang lugar ay sa kanya sinisisi ang lahat.
Bago paman pumasok sa bahay ng kanyang Lola ay inayos na muna ni Maureen ang kanyang sarili. Ayaw ng kanyang Lola na makikita siyang umiiyak. Higit sa lahat ay ayaw din niya itong mag-aalala.
“La, ito na po ang pinabili ninyo.” Inilagay niyang ang asukal at kape sa mesa.
Lumabas ang Lola ni Maureen mula sa kuwarto nito. Dala na naman ng matanda ang yosi. Kaagad na nag-aalala si Maureen. Kamakailan lang ay hindi naging maganda ang gabi ng kanyang Lola kasi sinusumpong ng hika. At higit pa doon ay sobrang hilig kumain at uminom ng mga matatamis kaya obese ito.
“La, itigil niyo na kasi iyong paggamit ninyo ng yosi. Sobrang tanda mo na po,” aniya.
“Oo, ititigil ko na ito,” ani nito.
Gumuhit ang ngiti sa labi ni Maureen. Unang beses niya itong marinig mula sa matanda.
“Salamat naman, Lola.”
“Oo, uunahin ko na muna itong aking kape at itutuloy ko ang pagyoyosi mamaya.”
Nalaglag ang panga ni Maureen. Malalim na hininga ang kanyang ginawa at dahan-dahang ibinuga ang hangin. Ayaw na niyang makipagtalo rito dahil wala din namang mangyayari.
Pinagmasdan niya nalang ang kanyang Lolal habang umiinom ng kape. Labis siyang naaawa sa matanda. Wala na itong pakialam sa katawan.
“Lola, kapag po ba namatay na kayo ay saan ninyo gustong mailibing?”
Nabulunan bigla ang kanyang Lola sa tanong niyang iyon. Nagulat si Maureen at mabilis na kinuha ang hand towel nito na nakasabit lang sa balikat ng matanda.
“Kayo naman kasi, e. Dapat nag-iingat kayo, Lola.”
“Walang hiya kang bata ka. Buhay pa ako tapos burol na ang iniisip mo.”
“Ay, hindi naman sa ganoon, Lola. Siyempre matanda na kayo at doon rin naman ang kakahuntungan ninyo, hindi ba?”
“Iyon ba ang gusto mong mangayri sa akin?” tiningnan siya nito ng masama.
“Lola, relax ka lang… ikaw naman, siyempre hindi. Ang gusto ko lang kasi na kapag patay na kayo ay doon ka ililibing katabi kina Papa at Mama.”
“Diyos ko… ano na naman ba ang nakain nitong aking apo? Bakit kamatayan ko na ang kanyang iniisip.”
“Lola naman, e.” Napakamot si Maureen sa kanyang batok. Hindi naman ganoon ang kanyang punto.
“Ganito kasi iyon, Lola. May narinig po kasi ako sa radio kagabi. Tulog ka na no’n kaya hindi mo narinig.”
“O? Ano ang sabi?”
“Sinabi ng caller na naghanda na siya ng budget para pambili ng kabaong, bayad sa burol at snacks. Lahat ng iyon ay sinuguro niya dahil gusto ng caller na magkaroon ng maayos na libing ang kanyang Lolo at Lola. At maging din siya ay bumili na ng kanyang kabaong para kung siya ay mamamatay ipapa-deliver nalang daw ito.”
“Diyos ko, Lord.” Sa puntong iyon ay nag-sign of the cross na ang matanda. Napabuntong hininga nalang si Maureen. Hindi nito naintindihan ang kanyang gustong sabihin. Gusto niya lang naman kasi na maging handa na ang lahat, e!
“Lola , inumin niyo na po ang inyong kape baka malamig na iyan,” aniya at nilinis ang mesa dahil nagkalat ang nabugang kape ng matanda.
“Apo.”
Napahinto si Maureen sa kanyang ginagawa. Tinupi niya ang basahan at tiningnan ang kanyang Lola.
“Bakit po?” seryoso ang kanyang mukha.
“Kung mamamatay ba ako ay magpapapasok ka ng mga tao sa bahay na ito?”
“Oo naman, po? Bakit naman hindi.”
“Hindi ba ayaw nila sa’yo?”
“Edi, ayaw ko rin sa kanila. Madaling usapan.”
“Kung ganoon ay hindi mo sila papapasukin?”
“Papapasukin nga po… kayo naman ang kanilang sadya at hindi ako, e.” At isa pa! Mga patay gutom ang kanilang mga kapitbahay kaya hindi na magugulat si Maureen kung walang absent ang mga ito gabi-gabi nna lamay! “Bakit niyo po natanong ‘yan?”
“Gusto ko kasi kapag namatay ako ay ililibing ako ng diritso pagkatapos ng aking imbalsamo.”
“Po? Akala kop o ba ay ayaw ninyong pag-usapan ang kamatayan?”
“Naalala ko lang kasi ang mga magulang mo. Lalo na ang iyong ina, namatay siya dahil sa sakit ng puso. Bago paman nabuntis ang iyong ina sa’yo ay binalaan na sila ng doktor. Magiging mapanganib iyon sa iyong ina. Ngunit nabuntis siya. Hindi ka niya ipinalaglag kahit alam niyang ikamamatay niya iyon. Ang Papa mo naman ay namatay sa stroke at labis na kalungkutan.”
“Nasabi niyo na po iyan sa akin noon, Lola. Ano po ang konek ng kamatayan ninyo sa kanila?” kaagad na nagtaka si Maureen.
“Wala lang, naalala ko lang ang mga magulang mo. Dahil natanong nalang din ako ay gusto kong ipalibing mo ako kaagad katabi sa kanilang puntod.”
“Wala pong problema, Lola pero matagal pa naman iyang mangyayari, e. Ang gawin niyo po ngayon ay magpalakas dahil malapit na ang aking graduation. Gusto ko ay nandoon kayo.”
“Siyempre naman… alangan namang iba ang isasama mo, e, ako ang nagpapaaral saiyo. At isa pa, iyon ang pangarap ko saiyo. Kasi naman pagkatapos mo diyan ay hindi ka na mahihirapang maghanap ng trabaho. Mayroon nang tumatanggap kapag senior high school graduate. Alam ko iyan dahil ako dumalo sa meeting ninyo.”
“Pagkatapos ko po ng senior high school, Lola ay susubukan ko pong maghanap ng magandang trabaho. Para naman hindi na kayo maglalaho ng mga gulay.”
“Pasensya na apo kung hindi kita mapapa-aral sa kolehiyo. Alam mo naman itong ating buhay. Sapat lang ang aking kinikita sa ating araw-araw na kinakain. Minsan nga ay nauubusan pa tayo ng bigas.”
“Huwag niyo po iyang isipin, Lola. Malaki nga rin ang pasasalamat ko sainyo kasi kayo ang tumayong magulang ko.” Kaagad na nakaramdam ng awa si Maureen. Mula noon ay ang kanyang Lola na ang nandiyan upang siya’y alagaan at palakihin ng maayos. Tumutulong lang siya sa matanda kapag walang pasok.
Nang maubos ng kanyang Lola ang kape ay bumalik na naman ito sa pagyoyosi. Hinayaan niya nalang ang matanda. Minabuti ni Maureen na labhan ang kanilang mga maruruming damit. Halos dalawang oras siyang naglaba. Nang matapos ay nagtungo siya sa kanilang likod bahay para tumulong naman sa pag-harvest ng mga gulay. Ganoon lang routine ni Maureen kapag sabado at linggo. Minsan ay tumutulong din siya sa kanyang Lola na magtinda ngunit pinipigilan siya nito. Wala kasing bumibili. Kung mayroon man ay ang mga taong hindi nakakilala sa kanya.