Jenny's Pov
Lunes na naman kaya maaga akong nagising kinabukasan. At katulad ng mga nakagawian ko ay maaga akong naghanda para pumasok sa eskwela.
"Alis na po ako!" wika ko sabay halik kina Inay at Itay.
"Mag-iingat kayo, anak." Tumango naman ako saka mabilis na lumabas ng bahay.
Ang suwerte ko na naman dahil naabutan ko si Mang Karding kaya libre na naman ang pamasahe ko.
Pagkarating sa GUC ay nakaabang na sa labas si Joy. Himala dahil nakangiti na itong papasalubong sa akin.
"Good morning!" bati niya.
"Mukhang good nga ang morning mo, ah," ani kong nakangiti na rin. "Good morning rin sayo,"
Naglalakad kami ng biglang may tumikhim mula sa likuran namin. Nang balingan ko iyon ay si Mr. Sandoval pala ang naroon.
"Good morning, Sir! Nariyan po pala kayo," sabi ko. Tumango lang siya saka sumabay nang maglakad sa amin ni Joy.
Pagpasok sa room ay nagkani-kaniyang upo kami ni Joy. Nagsimula ang klase at matiim lang akong nakikinig kay Mr. Sandoval. Sa mga buwan na nagdaan ay nagkaroon ako ng paghanga kay Sir. Guwapo kasi siya, mabait, ngunit hindi lang pala-kuwento. Minsan parang gusto kong magtanong sa kan'ya kung may nobya na ba siya. Ewan ko ba pero natutuwa lang akong araw-araw siyang nakikita. Lalo pa nga akong ginaganahan na mag-aral dahil sa kan'ya. Masarap raw kasi mag-aral lalo na kung may inspirasyon ka. Though, inspirasyon ko syempre ang mga magulang ko, at si Sir ay dagdag lang sa list ko.
Pangarap ko talaga ang makapagtapos ng pag-aaral sa kursong Business Management para sa mga magulang ko nang sa gano'n ay mabigyan ko sila ng magandang kinabukasan. Para hindi na sila magbibilad sa init para lang may makain kami ni Enton araw-araw. Hindi na sila magpapakahirap pang magtrabaho kay Mr. Greyson dahil ako na mismo ang pagpapatigil sa kanila, at bigyan na lang ng negosyong papatakbuhin nila. Kaya gano'n ko na lang sinisipagan ang pag-aaral ko, at wala munang nobyo-nobyo dahil makakaabala lamang iyon sa mga pangarap ko.
Nagkaroon ng agarang meeting ang aming mga professor kaya maagang natapos ang isang subject namin. Tumambay muna kami ni Joy sa Canteen at nagkuwentuhan habang hinihintay na matapos ang meeting.
"Punta tayo ng Redbar mamaya," ani ni Joy. Nagulat naman ako sa sinabi niya.
Kilala ko kasi ang Bar na tinutukoy niya. Sikat iyon at hindi naman ako basta-basta makakapasok roon, maliban lang siguro kay Joy. May kaya naman ito sa buhay.
"Huh? Paano? Susme, Joy, hindi ko afford iyon no! Saka ano naman ang gagawin ko doon? Baka mapagalitan pa ako ng mga magulang ko, eh." sunod-sunod kong wika na ikinailing naman niya.
"Gaga, ang daming mong sinabi! Natural ako ang lilibre sayo ako ang nag-aaya, eh. Birthday ko kasi ngayon at please lang hindi ako tumatanggap ng 'no'. Pumayag ka na, magpapaalam naman tayo sa mga magulang mo," saad ni Joy.
Napakamot ako sa batok ko. At ano naman ang gagawin namin doon? Mag-iinom? Di-disco? Hindi ako mahilig sa mga gano'n. At isa pa ay may pasok pa kami kinabukasan. Tiningnan ko siya na may pag-aalinlangan sa aking mukha.
Akmang bubuka ang bibig ko para sumagot nang unahan niya ako.
"As I've said earlier, hindi ako tumatanggap ng no. Saka minsan lang 'to kaya pumayag ka na. Ikaw rin, sasama pa naman si Sir." doon ay marahas akong napabaling sa kan'ya.
"Si Sir Eric Sandoval sasama?" tila nagningning ang mga paningin ko habang sinasabi iyon.
"Mismo." aniya at nagtaas-baba ang magkabilang kilay. Alam kasi ni Joy ang tungkol sa pagkakaroon ko ng crush kay Sir. Kinuwento ko kasi iyon sa kan'ya.
"In-invite mo siya?" tanong ko ulit.
"Yup."
"Sige na nga! Basta magpapaalam lang ako sa mga magulang ko. Mahirap na, gabi pa naman,"
Mabilis naman siyang tumango.
"Sige, sasamahan kita mamaya."
Nang matapos ang noon break ay sakto namang nagsidatingan ang mga nag-meeting na mga guro. Bumalik kami sa room at nag-umpisa ang klase.
Alas tres ng hapon ay sabay kaming lumabas ni Joy ng GUC. Inaya niya akong ihatid sa bahay dahil may dala itong sasakyan at para na rin ipaalam ako sa mga magulang ko. May kaya sa buhay si Joy at mahahalata naman iyon sa pananamit niya.
Akmang sasakay ako sa kotse ni Joy nang biglang may humablot sa braso ko. Agad akong napatingin kung sino iyon.
"L-Lyzander..." Ewan ko ba kung bakit ako nautal nang makita siya. Pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan niya. Naka-business attire siya at ang guwapo niyang tignan ngayon sa porma niya.
"Done eyeing me, Jenny?" Napakurap-kurap ako sa sinabi niya. Tinanggal ko ang kamay niyang nakahawak sa braso ko saka siya inismiran.
"Anong kailangan mo?" masungit kong tanong rito. Si Joy na katabi ko ay naguguluhan sa pakikitungo ko kay Lyzander. Mamaya ko na lang i-explain sa kan'ya ang lahat.
"Ikaw." saad ni Lyzander na ikinakunot ng noo ko.
"Ako? Bakit ako?" ani kong naguguluhan.
"I came here to tell you na hindi ako pumapayag na pumunta ka ng Redbar." ma-awtoridad na sabi niya.
Nagpantig naman ang tenga ko. Paano nalaman ng asungot na ito ang balak naming gawin ni Joy mamaya? At ano ang pakialam nito kung sasama ako sa Bar? Aba, ang kapal ng pagmumukha nito ah.
"At sino ka para sabihan ako ng ganiyan? Nanay ba kita? Tatay ba kita o kapatid ba kita? Aba ang lakas ng loob mong pagsabihan ako ah!" inis kong sabi rito na may kalakasan ang boses.
"J-Jenny si S-Sir iyang kausap mo—"
"Wala akong pakialam kung sino siya o kahit anak man siya ng presidente! Nakakainis siya alam mo ba iyon?!" inis ko ring baling kay Joy. Napatakip ito sa bibig sa inasal ko.
Pagbaling ko kay Lyzander ay wala na ito. Nakita ko siyang papasok na sa itim nitong kotse. Narinig ko pa ang malakas niyang pagsara ng pinto.
"Hala ka, nagalit yata si Sir." untag sa akin ni Joy. Nagkibit-balikat na lang ako. Noon ko lang napansin ang mga tao sa paligid. Pinagtitinginan nila ako at nagbulong-bulongan ang mga ito. May naririnig pa akong salita na wala raw akong respito sa taong nagpapaaral sa akin. Napayuko ako at hindi na muling binalingan ang mga taong masama ang titig sa akin.
Hindi ko naman sinasadyang sigawan si Lyzander. Nadala lang ako sa emosyon ko. Simula kasi nang una kaming magkita ay mainit na ang dugo ko sa kan'ya. Kasalanan niya rin naman iyon. Kung humingi sana siya ng pasensya sa akin ay tapos na iyon. Pero hindi eh. Kaya hindi niya ako masisisi.
"Teka, Jen, paano kaya nalaman ni Sir Lyzander ang tungkol sa pagpunta natin sa Bar?" nagtataka na tanong ni Joy sa akin.
Kahit ako ay hindi ko rin alam kaya naman nagkibit-balikat na lang ako.
"Baka may nagsabi lang na chismosa. Tara na." ani ko saka naunang pumasok sa kotse niya. Si Joy ang nagmaneho habang ako ay nakaupo lang sa tabi nito. Makaraan ang ilang minutong biyahe ay narating namin ang bahay.
Nagpaalam ako kina Inay Jessa at Itay Joselito na sasama ako kay Joy. No'ng una ay may pag-alinlangan sila pero kalaunan ay pinayagan rin nila ako.
"Uuwi kayong maaga, anak. May pasok pa kayo bukas. At saka huwag kang iinom roon huh, malilintikan ka sa akin." mahigpit nabilin ni Inay. Pang-ilang sabi na nga yata niya iyon. Tumango rin ako ng paulit-ulit. Hindi naman talaga ako iinom. Sasamahan ko lang si Joy.
Sa bahay na naghapunan si Joy. At nang sumapit ang alas sais ng gabi ay saka kami umalis. May dala na rin siyang damit kaya sa bahay na siya nagbihis at nag-ayos. Ang kapatid ko namang si Enton ay wala, may overnight project ito kasama ng mga kaklase kaya hindi makauwi ngayon.
"Tara na, Jen." aya sa akin ni Joy nang makarating kami sa sikat na Bar.
Medyo kinakabahan ako dahil ngayon palang ako makakapasok sa ganitong lugar. Maganda iyon, pang mayaman. Malaki at kaaya-aya rin kung tingnan. Napatingin ako sa sarili ko. Nakasuot ako ng pantalon, itim na sleeveless at jacket na maong. Naka-sapatos rin ako. Samantalang si Joy ay naka-bestida at naka-high hells.
"Hoy! Huwag mo nang ikumpara ang suot mo sa akin. Maganda ka kahit anong isuot mo. Ako nga nakasuot ng ganito mukha namang ewan!" aniya sa akin na ikinatawa ko.
Anong mukhang ewan ang sinasabi niya eh, maganda nga siya. Maputi at makinis. Sexy rin siya. Napailing na lang ako.
"Kinakabahan ako eh..." sambit ko.
Kinuha naman niya ang palad ko at hinila na ako papasok sa loob ng Redbar. Pagkapasok sa loob ay agad akong namangha sa ganda ng paligid.
Dinala ako ni Joy sa isang counter at doon ay kaagad siyang um-order ng inomin.
"Siguro sanay ka na sa ganito, Joy?" tanong ko sa kan'ya.
Inilibot ko ang tingin ko sa paligid. Maraming magkapareha ang naroon, ang iba naman ay sumasayaw sa gitna ng intablado.
"Hindi masyado. Binabawalan kasi ako ng parents ko. Kung hindi ako nagdala ng mga damit ko kanina malamang hindi ako nakapunta rito."
Kumunot ang noo ko sa tinuran niya.
"Ang ibig mong sabihin sinadya mo talagang magdala ng gamit dahil hindi ka papayagan?" tanong ko kay Joy. Nakita kong dumaan ang lungkot sa mga mata nito. Tumango ito at pinahid ang luha na nahulog sa pisngi.
"Wala nga silang pakialam kahit birthday ko ngayon," kinuha nito ang palad ko saka iyon pinisil. " Thank you, Jen, ha. Dahil sinamahan mo akong mag-enjoy ngayon," aniya na humihikbi.
Nakaramdam naman ako ng awa kay Joy kaya naman niyakap ko siya.
"Oo naman! Ikaw pa ba, magkaibigan tayo, eh. Kaya ngayong gabi, mag-e-enjoy tayo," sabi ko na lang.
May pakiramdam kasi ako na hindi maganda ang relasyon niya at mga parents niya. Sa amin kasi kahit mahirap ang buhay ay masaya kami. Hindi naman namin kailangan ng marangyang buhay, ang makakain lang kami tatlong beses sa isang araw ay sapat na.
"Ano ba iyan. Ang arte ko tuloy! Tara inom na lang tayo," Kinuha niya ang tequila at binigay iyon sa akin. At dahil gusto ko siyang samahan ngayong mag-enjoy ay tinanggap ko naman iyon. Bahala na kung mapagalitan ako. Minsan lang naman ito, saka titikim lang naman ako kung ano ang lasa ng alak.
Nang inomin ko iyon ay ramdam ko ang pagguhit no'n sa dibdib ko. First time kong mag-inom kaya naman pakiramdam ko ay nahilo kaagad ako.
"So, paano kayo nagkakilala ni Sir Lyzander?" Kapagkuwan ay tanong ni Joy sa akin.
Napahawak ako sa kabilang tenga ko dahil ang ingay ng paligid.
"Boss siya ng mga magulang ko. Pumunta rin siya sa bahay isang beses," sagot ko rito. Muli kong ininom ang laman ng baso na hawak ko. In fairness, sumasarap na iyon sa panlasa ko.
"Ah, kaya naman pala. Maka-sungit ka sa kan'ya wagas eh. Close ba kayo?" saad pa niya.
Mahina akong napatawa saka umiling. "Hindi no," maikling sagot ko. "Teka, akala ko ba kasama natin si Sir?" Pag-iiba ko ng topic ng maalala si Sir Eric.
May ilang minuto na kasi kami naroon pero wala pa rin si Sir. Gano'n talaga siguro kapag crush mo ang isang tao. Minu-minuto ay gusto mo siyang makita.
"Kanina pa siya narito kaso may kausap lang siya," sagot ni Joy.
Agad ko namang inilibot ang tingin ko sa paligid para hanapin si Sir. "Nasaan siya?" tanong ko kay Joy na hindi siya nililingon.
"Ayun oh," binalingan ko naman siya para makita kung saan ang tinuturo niya. At nang masundan ko ng tingin ang tinuturo niya ay nakita ko nga si Sir Eric, kasama nito si Lyzander. Si Lyzander na sa mga oras na iyon ay masama ang titig sa akin.