Chapter 1 - Lurhen "Hard to say NO"
"Akala ko ba day-off mo ngayon, bakla? Bakit nandito ka?" tanong ni Samuel paglapag ko nang tray sa lamesa at nakasimangot na tiningnan ko siya.
Nasa cafeteria kami dahil break time namin. Hindi kami nagkita dahil sobrang busy sa kitchen pagpasok ko pa lang kanina. Mabuti na lang at hindi ako na late sa pagpasok kahit pa nga late na ako na inform. Iyong tipo naka-set na ang isip at katawan ko na magpahinga maghapon pero hindi pala mangyayari. Ayoko man pumasok pero wala akong choice kung hindi sundin ang utos sa akin.
"Relax Yve, ang sungay mo lumalabas," natatawa na sabi niya at hinampas ko siya sa braso.
Nagtatrabaho ako bilang Assistant cook sa isang five star hotel dito sa Dubai. Okay naman ang trabaho ko rito hindi lang dahil sa mataas ang sweldo ay may mga kasama rin akong mga Pilipino. Dito ko nakilala ang tatlong best friend ko si Samuel a.k.a Samantha pagdating ng gabi, Carla at Josephine. Sa una pa lang namin na pagkakakilala ay naging close ko agad sila at hanggang ngayon ay kasama ko pa rin. Hindi man kami magkakasama sa isang department pero nasa isang building lang kami tumutuloy. Sa mga panahon nakakaramdam ako ng homesick ako at nalulungkot ay sila ang kasama ko. Sa ilang taon ko na pamamalagi rito ay kasama ko sila sa lungkot at saya. Sila na ang naging pamilya ko rito. Sa unang ilang buwan ko rito ay hindi naging madali para sa akin dahil ibang lahi ang mga nasa mataas na position at hindi gaano kataas ang tingin nila sa mga katulad ko na Pilipino. Pero after ilang months ko sa kitchen ay napatunayan ko naman sa lahat na kaya kong makipagsabayan sa kahit kanino. Graduate ako ng Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management. Nag-training at nagtatrabaho ako sa isang five star hotel sa Maynila for almost five years. Ginawa ko nang maayos ang trabaho ko at sa tingin ko ay mas higit pa kaya nakuha ko ang respeto ng mga na kasama ko sa trabaho. Noon ay ilan lang kami na Pinoy sa kitchen pero ngayon ay halos lahat na. Bilib kasi sila kung paano magtrabaho ang mga katulad namin. Bukod sa masipag, dedikasyon sa trabaho ay maasahan din.
"Hay naku, as if naman na pwede akong magreklamo. Kahit gustuhin ko na murahin siya ay hindi ko pwedeng gawin. Kahit naman paano ay mahal ko ang trabaho ko at may respeto pa naman ako sa kanya. Nakakainis lang talaga. Tama ba naman na tawagan ako ng maaga kanina at sabihin na pumasok ako. Sinabi ko pa sa kanya na off ko ngayon dahil baka nakalimutan niya. Ang sagot lang niya sa akin ay bukas na raw ako mag-off. Kulang daw kasi sa tao ngayon dahil maraming guest. Bulag ba siya? Araw-araw naman ay maraming guest at hindi lang naman ngayon. Hindi ko talaga alam kung ano ba talaga ang trip niya sa akin," gigil na paliwanag ko at nagsimula na kumain.
Kahit na galit at pagod ako ay hinding-hindi ako nagpapalipas ng gutom. Naniniwala kasi ako na okay lang ang mapagod pero hindi ang magutom. Kapag kasi gutom ang isang tao ay hindi siya makapag-concentrate at makapag-isip nang maayos. Sobrang nagpapasalamat ako dahil despite my age ay wala pa naman ako nararamdaman na masakit sa katawan ko.
"Binasted mo kasi bakla, ayan tuloy pinag-iinitan ka," sabi ni Samuel at huminga ako nang malalim.
"Sinabi ko na nga sa kanya na engaged na ako kahit hindi pa naman para lang tumigil na siya. Imbes na ma-discourage sa sinabi ko mukhang na challenge pa ata. Tama ba naman na ikatwiran niya sa akin na wala naman dito ang fiancee ko kaya okay lang. Pwede naman daw na ilihim namin at okay lang daw sa kanya. Hinding-hindi raw malalaman ng kahit sino ang tungkol sa amin. Hindi rin daw siya seloso, demanding at clingy kaya perfect setup daw. Gusto kong paduguin ang bibig niya dahil sa mga baluktot na katwiran niya. Sa lagay gusto pa niya ako gawing manloloko at sinungaling," inis na sabi ko nang maalala ko ang mga sinabi niya.
Ang tinutukoy ko ay ang bagong Head Chief namin na si Jimboy at Pinoy rin siya. Kalilipat lang niya sa branch namin six months ago. Sa una ay naging malapit kami sa kanya dahil mabait siya at maayos makisama. Pagtagal ay nagulat na lang ako dahil ramdam ko na iba na ang pakikitungo niya sa akin. Hindi ko iyon pinansin dahil baka isipin niya ay assuming lang ako at malisyosa. Madalas pa nga niya ako binibiro noon dahil sa edad ko although magkasing-edad lang naman kami. Lagi pa niya sinasabi na dapat sa edad ko na ito ay may pamilya na ako. Nagulat pa siya nang sabihin ko na mas bata sa akin ang boyfriend ko at matagal na kami. Wala naman akong natatandaan na ginawa o pinakita ko sa kanya para isipin niya na may chance siya sa akin. Mula ng sinabi ko sa kanya na imposible na maging kami at hinding-hindi ko siya papatulan ay bigla na lang siya nagbago. Mula sa simpleng paninita niya sa ginagawa ko hanggang sa point na pinapagalitan niya ako ng walang dahilan. Sinubukan ko naman siya isumbong sa mas nakakataas pero balewala lang. Nag-file pa nga ako ng transfer pero hindi iyon na approved at alam ko na siya ang dahilan. Kinausap ko rin siya ng maayos pero desidido siya sa proposal niya. Pinangakuan pa niya ako ng promotion at taas ng sweldo kapag pumayag ako.
"Ang haba naman kasi ng hair mo Mother Lurhen, mula rito sa Dubai hanggang sa dulo na ata ng mundo," biro niya at huminga ulit ako nang malalim.
Thirty-five years old na ako pero marami ang nagsasabi na hindi halata sa edad ko. Naniniwala kasi ako na kailangan nating mga babae na pangalagaan ang sarili natin lalo na physically. Hindi ko naman sinasabi na basehan ang pisikal na kaanyuan dahil kailangan din na maganda ang kalooban. We need to look good in order for us to feel good. Hindi lang para sa ibang tao pero para na rin ma-boost ang confidence sa sarili. Wala naman ibang tao ang pwedeng mangalaga sa atin kung hindi ang mismong sarili natin. Hindi dahil may asawa na, mga anak o may edad na ay hindi na pwedeng mag-ayos at pangalagaan ang sarili.
"Ilang buwan na lang naman at matatapos na ang kontrata mo. Ano ba ang balak mo? Mag-renew ka pa ba o exit na?" tanong niya pagkalipas ng ilang minuto na katahimikan at natigilan ako.
Plano ko pa sana mag-renew ng contract at magbakasyon lang para makasama ko si Erwin. Pag-uwi ko sana para magbakasyon ay umpisahan na namin ayusin ang mga kailangan para sa dream Restaurant namin. Gusto kasi niya ay nandoon ako habang pinaguusapan namin ang pinaka-layout at design. Six years na kami ni Erwin at four years na kaming in Long Distance Relationship. Mas pinili ko ang mag-work abroad para mas mapabilis ang pagtupad sa mga pangarap namin. Gustuhin man kasi niya na mag-abroad pero hindi pwede dahil kailangan niya tulungan ang pamilya niya sa family business nila na Catering Services. Bunso siya sa magkapatid at inaasahan siya ng mga kapatid niya na tumulong. Ako na lang ang nagsakripisyo dahil mas pabor din naman iyon sa akin. Solong anak ako ng mga magulang ko na matagal ng hiwalay. Ten years old palang ako ay naghiwalay na sila at naiwan ako sa pangangalaga ni Mama. After a year ay na buntis naman si Mama pero nakunan siya pero nagsama na sila ni Tito Rey. After ten years ay nagkaroon ako ng isa kapatid at nasundan pa pero wala naman problema iyon sa akin dahil sobrang mahal na mahal ko sila. Isa rin sila sa mga dahilan kung bakit ako nag-abroad para sa pag-aaral nila. Kahit na limang taon ang age gap namin ni Erwin ay naging mabuting boyfriend siya sa akin. Hindi naging madali ang sitwasyon namin lalo na sa mga pamilya namin pero pinaglaban namin iyon. Pinatunayan namin sa lahat ng tao sa paligid namin kung gaano namin kamahal ang isa't isa. Mas naging matibay pa nga ang pagsasama naming dalawa habang tumatagal ang panahon. Marami kaming pangarap ni Erwin at malapit na namin iyon matupad.
"Ewan ko ba Sam kung kaya ko pa ba pakisamahan si Jimboy. Pakiramdam ko kapag nag-renew ako ng kontrata ko ay mas pahirapan pa niya ako. Alam ko na hindi siya titigil hanggang hindi ako pumayag sa gusto niya. Ang balak ko ay isang kontrata pa sana para sa future Restaurant namin kaso baka naman masiraan na ako ng bait dito kasama siya. Kulang pa kasi ang ipon namin ni Erwin para sa Restaurant namin at puhunan na rin," paliwanag ko.
"Ipon namin o ipon mo?" sarkastiko na tanong niya at tiningnan ko siya ng masama.
Never naman naging isyu sa amin ni Erwin ang pera. Open ako sa mga kaibigan ko kaya alam nila ang nangyayari sa buhay ko. Ganoon din naman sila sa akin kasi para na kaming pamilya at wala kaming tinatago sa isa't isa. Bukod sa pagpapadala ko sa pamilya ko ay nagpapadala rin ako kay Erwin para ihulog sa account ko na siya ang namamahala habang nandito ako. Naghuhulog din naman siya hindi nga lang kasing laki ng sa akin. Nagtitira rin naman ako para sa akin para sa personal use ko dahil free food and accomodation naman kami. Wala naman problema sa akin dahil sila naman talaga ang priority ko at dahilan kung bakit nandito ako. Nakapagtapos na namin ang ikalawang kapatid ko at ilang taon na lang ay ang bunso naman namin. Natulungan ko ang parents ko na magkakaroon ng negosyo para may other source of income sila. Matagal na tumigil si Mama sa pagtatrabaho at si Papa Rey naman ay malapit na rin mag-retire sa kumpanya pinapasukan niya. Masaya ako basta masaya ang mga tao sa paligid ko.
"Sorry," sabi ni Samuel at tumango ako.
"Ang mabuti pa ay pag-usapan na ninyo ni Erwin ng mabuti kung uuwi ka na talaga for good o magbakasyon ka lang. Para sa akin naman ay pwede na hindi ka na bumalik at umpisahan na ninyo ang Restaurant. Baka nakakalimutan mo Yve, hindi ka na bumabata. Dapat nga ay magpakasal na muna kayo bago ang lahat. Imbes na mauna ninyo itayo ang dream Restaurant dapat ay bumuo muna kayo ng pamilya. Buti si Erwin walang expiration na kailangan isipin pero ikaw ilang taon na lang expired na," payo ni Samuel at tumango-tango ako.
Napag-usapan na rin naman namin iyon ni Erwin ang magpakasal. Ang pangarap pa naman ni Erwin ay malaking pamilya at kung gusto ko na tuparin iyon ay kailangan na talaga namin unahin ang pagbuo ng pamilya. Sa edad kong ito baka talagang mahirapan na ako mabuntis at manganak.
"Kung bukas ang day off mo meaning pwede ka sumama sa amin mamaya. Tamang-tama kasi day off din ni Carla bukas bago night shift naman si Josephine," nakangiti na sabi ni Samuel.
"Plano ko sana ay matulog maghapon dahil pagod na pagod ang katawang lupa ko bakla. Inubos niya ang enerhiya ko ngayong linggo na ito at kailangan ko mag-recharge dahil sigurado na sasagarin na naman niya ang pasensya ko," tugon ko at sumimangot naman siya.
"Kaya nga kahit umagahin tayo ay pwedeng-pwede ka matulog maghapon bukas. Matulog ka ng bonggang bongga bukas at walang mang-istorbo sa iyo. Para na rin ma-relax ka at mabawasan ang stress mo," pangungumbinsi niya at natawa ako.
"Okay para naman pwede ako tumanggi, hindi ba? Pakiramdam ko tuloy hindi ko na kayang tumanggi o umayaw kahit kanino," natatawa na sabi ko at tumawa rin siya.
"Saan ba ang punta natin mamaya?" tanong ko.
"May natuklasan na bagong bar si Carla," sagot ni Samuel.
"Ahhh kaya," nakangiti na tugon ko.
Sa aming apat si Carla ang pinaka-liberated at open minded. Si Josephine naman ay hiwalay na sa Asawa niya kaya mas pinili niya na mag-abroad. Wala pa naman silang anak ng dati niyang Asawa. Nahuli niya na may ibang babae ang Asawa niya at base sa kanya ay hindi iyon ang unang pagkakataon. Si Samuel ay babaeng nagtatago sa katawan ng isang lalaki. Kahit na hindi tanggap sa lugar na ito ang katulad niya ay natuto naman siya mag-adjust. Ang galing niya magtago dahil hanggang ngayon ay ilan lang ang nakakaalam kung ano ba talaga siya.
"Okay. Balik na tayo sa loob bago pa lumabas ang dragon sa lungga niya at magbuga pa ng apoy," sabi ko at tumawa siya nang malakas.
"Kaya lalong nanggigil sa iyo eh kasi puro ka kalokohan," natatawa na sabi niya at umiling lang ako.
"Manggigil siya hanggang sa gusto niya pero hindi niya ito matitikman dahil naka-reserve na ito," pabiro na sabi at hinaplos ko ang buong katawan ko bago ko isuot ang apron ko.
"Baliw!" natatawa na tugon ni Samuel.