NAPAKAGANDA NG PANAGINIP na iyon ni Amara, ikinakasal daw siya kay Luciano. Napakaganda ng suot niyang puting-puting wedding dress habang animo’y artista naman sa taglay na kagwapuhan ang groom niya sa suot nitong gray na amerikana. Ayaw niya pa sanang gumising dahil nasa kalagitnaan na sila ng pagsasabi ng mga vows nila sa isa’t-isa pero may malalakas na katok mula sa pintuan ang tuluyang nagpabalikwas sa kanya.
“Miss beautiful!” sigaw mula sa labas kasunod ang muling malalakas na pagkatok doon.
Kilala ni Amara ang boses na iyon, ‘yon yung lalaki kagabi. Kaagad siyang bumangon at naghagilap ng isusuot, noon niya lang rin napansin na bakante na ang katabi niyang higaan. Taka siyang nagpalinga-linga sa loob ng bahay.
“Luke, Luke.” tawag niya sa kasintahan pero walang tugon.
“Miss-”
“Wait lang ho,” malakas na tugon niya at putol na rin sa pagsigaw nito.
Nang tuluyang maisuot ang t-shirt ng nobyo ay marahan niya ng binuksan ang pintuan, maliit lang ang siwang na ginawa niya doon dahil panty lang ang suot niya pang-ibaba, natatakpan naman iyon ng t-shirt ni Luke dahil mahaba iyon at abot sa tuhod niya.
“B-bakit ho?”
“Aalis na kasi kaming lahat, Miss. Papasok na kami sa trabaho, eto ang padlock ng gate, ikaw na ang magsara pag-alis mo at pakibigay na lang kay Luke ang susi.” Nakangiting bilin ng lalaki sa kanya. Abot hanggang tainga ang mga ngiti nito at presko na ring tingnan, hindi gaya kagabi ng unang beses niya itong makita.
“Ah, Miss, may dumi ba ‘ko sa mukha?” lalong lumaki ang ngiti nito ng mapansing sandali siyang natigilan.
Umiling siya nang sunod-sunod. “Uhm, wala naman ho. S-sige, pero.. nasaan ba si Luke at sa akin niyo ito ibinibigay?”
Pasimpleng iginala ng lalaki ang tingin sa labas saka ito nagkibit-balikat.
“Wala na kasi yung sasakyan niya dito sa labas, malamang umalis na yun. Bakit, hindi ba nagpaalam sayo, Miss?”
Nagulat man sa narinig ay pilit pa rin siyang ngumiti at umiling nang marahan. “Siguro ayaw niya lang akong istorbohin sa pagtulog ko,” pagpapakalma niya sa sarili. Hindi niya lubos maisip na magagawa siyang iwanan ni Luke sa lugar na iyon samantalang tila puro lalaki ang kasama nitong naninirahan doon.
Rinig niyang napabuntong-hininga ang lalaki, maya-maya pa ay umiiling na ito. “Hindi na talaga nagbago ang lokong iyon, kung hindi pauuwiin mag-isa ang babae sa kalagitnaan ng gabi, iiwanan namang mag-isa ng walang paalam.”
Lalo lamang nakaramdam ng kalungkutan si Amara sa narinig.
“Oh, pa’no Miss, paki na lang yung susi ha?” Ilang saglit pa’y nagpaalam na rin ang lalaki sa kanya.
Wala sa sarili siyang napatango na lang saka nanghihinang isinara ulit ang pintuan. Pilit na inaalis sa sarili ang nadaramang pagkabalisa. Siguro nga ay masyado lang siyang mahal ni Luciano kaya hindi na siya nito inabala kahit magpaalam man lang.
Inasikaso niya na ang sarili at gaya ng bilin nung lalaki sa kanya, siya na ang nag-lock ng gate. Nag-abang na lang rin siya ng taxi at nagpahatid na sa apartment niya. Quarter to 8 ng marating niya ang tinutuyan, dali-dali siyang naligo at hindi na rin nag-almusal para umabot pa siya sa office nila bago man lang dumating si Mr. Moonre, siguradong masasabon nanaman siya nito kapag inabutang wala pa siya sa desk niya.
Halos magkasunod lang silang dumating ni Mr. Moonre, kauupo niya lang sa desk niya ng sakto naman itong pumasok doon. Hindi niya na nagawang sulyapan si Luciano dahil napako agad sa kanya ang mga mata ng head manager nila.
“I need to talk to you privately Ms. Johnson.” kalmadong wika nito.
Walang bago doon, paborito naman siya ni Mr. Moonre. Paboritong utusan, pagalitan, at purihin din naman. Ang sabi nga nito ay inihahanda lamang siya nito para sa nalalapit niyang promotion.Walang pag-aatubili naman siyang sumunod dito.
Nadaanan niya si Summer na noo’y nakangisi sa kanya habang pailalim ang tingin. Nasanay na siya sa gawain ng babae at wala siyang panahon na patulan ito. Hindi lang yata nito matanggap na siya ang pinili ni Luciano. Kung sabagay, alam niya naman sa sariling kabaligtaran siya ni Summer. Pero lihim naman ang relasyon nila ni Luke sa loob ng opisinang iyon, kaya siguro hindi rin siya magawang kumprontahin ni Summer, natatakot din itong mapagsalitaan ni Mr. Moonre lalo at wala naman itong matibay na ibidensiya.
“Nakita kita kanina habang tumatakbo paakyat dito. I came in first pero hinayaan kitang mauna umakyat.” Kaagad na bungad nito sa kanya hindi pa man nito nailalapag sa mesa ang dalang bag.
Napakagat-labi si Amara sa narinig. Wala siyang maisip na palusot kaya nagyuko na lang siya ng ulo.
“Nagbabago ka na, Amara. Anong nangyayari sayo? Hindi naman siguro agad mawawala ang passion mo sa trabaho mo, hindi ka rin naman tinamad sa loob ng ilang taon at lalong never kang na-late. Tell me, is there a problem?”
Marahan siyang umiling habang hindi pa rin nag-aangat ng mukha.
Hindi problema, Sir. I’m happy. Very happy! Bulong niya sa kanyang isip.
“Kung ano man ang ginagawa mo ngayon, nakakasagabal yan sa pag-angat ng career mo. Mas mahalaga pa ba yan kaysa sa future mo sa kumpanyang ‘to?”
Doon ay napa-angat siya ng tingin dito. Nakasalikop ang dalawang kamay nito kung saan nakapatong ang baba nito. Matiim din itong nakatingin sa kanya na para bang hinuhuli ang mga mata niya upang doon ay malaman nito ang inililihim niya. Muli ay hindi siya nakasagot, ano nga ba ang mas mahalaga sa kanya?
Well, may kaya naman ang pamilya niya sa Canada, nagpaiwan nga lang siya dito ng mag-migrate na ang mga ito doon dahil sa isang tao- si Luciano. Simula ng makita niya ang lalaki at ang simpleng banggaan nila noon ay hindi na ito nawala sa isip niya. Sa t’wina ay laman ito ng kanyang sistema. Ito nga rin ang naging dahilan para sipagin siyang pumasok sa trabaho araw-araw.
Pwede naman siyang sumunod sa pamilya kung gugustuhin niya, nga lang ay maiiwan niya dito si Luciano, kaya niya bang iwan ang nobyo? Malamang hindi. Pero wala rin namang sumusuporta sa kanya financially dahil isa iyon sa kasunduan nila ng mga magulang niya ng piliin niyang manatili dito. Ibig sabihin ay kailangan niya ang trabaho na ito, malaki na rin ang pagod niya dito at worth it naman ang sahod niyangn above average dahil na rin sa higit pa sa dapat niyang gawin ang tinatrabaho niya..
“Mahalaga po ang trabaho kong ito, Sir.” tugon niya.
“I can see that. Alam kong may gumugulo lang sa’yo.”
Sinubukan niyang makipagtitigan sa kaharap pero hindi niya rin kinaya dahil parang natatalo siya nito. Ayaw niya namang mabasa nito ang kinang sa mga mata niya.
“You’re inlove right?” maya-maya’y tanong nanaman nito.
Napalunok siya nang sunod-sunod.
“Didn’t I tell you na alam ko ang lahat ng nangyayari sa mga trabahador ko kahit wala dito sa loob ng kumpanya?”
Kinabahan siya. Alam nga kaya nito ang tungkol sa kanila ni Luciano?
“S-sir,”
“I know, Amara. Umaasa lang ako na baka hindi mo naman pababayaan ang obligasyon mo pero mukhang mali ako. You’re giving up this promotion-” sabay taas ng isang envelop.
Lalo siyang napasinghap.
“Yeah, it’s granted from the CEO. You will be the Managing editor real quick! Sana...”
Tuluyan na niyang naitakip sa kanyang bibig ang dalawang kamay. Hindi makapaniwala sa nangyayari.
“S-sir..” wala siyang maapuhap na sasabihin.
“So, are you willing to give up your lovelife for this?” Nanunubok ang tingin nito sa kanya.
Dahil wala na siyang maisip na paraan upang ilaban ang parehas na bagay na gusto niya, nagdesisyon siyang lumuhod sa harapan ni Mr. Moonre.
“Sir, please. Please, bigyan niyo muna po ako ng chance na patunayan sa inyong kaya ko pagsabayin ito nang maayos. Mahal ko po si Luciano at mahal ko rin ang trabaho ko.” Pagtatapat niya.
Rinig niyang napabuga nang marahas na hangin si Mr. Moonre. Alam niyang hindi ito papayag pero susubukan niya ang lahat ng makakaya niya mapanatili lang kung ano ang mayroon siya ngayon.
“I’ve seen differently this past few weeks.” Mahinahong wika nito. Tila hindi naniniwala sa mga sinasabi niya.
“I know, I know, Sir. Masyado lang yata akong nalunod sa nararamdaman ko, and for that I’m sorry. I promise you, gagawin ko po ang lahat para mapatunayan sa inyong kaya ko bumalik sa dati. Hihigitan ko pa kung yun ang kinakailangan.”
“Get up, Amara. You know the policy, kapag nalaman ito ng mga nasa itaas, pati ako ay matatanggal sa trabaho dahil sa gagawin kong pagtatakip sa’yo.”
“Please, Sir. Mag-iingat po ako, mag-ingat kami.” Muli ay paki-usap niya. Kulang na lang ay yakapin niya na rin ang binti ng lalaki pagbigyan lang siya nito.
Saglit na namagitan ang katahimikan sa pagitan nila. Kahit papa’no ay nakaramdam ng pag-asa si Amara. Nagpatianod siya ng tulungan siyang itayo ni Mr. Moonre at hawakan sa magkabilang balikat. Muli ay napabuga ito ng hangin, tila wala ng choice kung hindi ang pagbigyan na lang siya.
“Just.. just be brave, Amara. Take care of yourself more than anyone else, okay?” Nasa tinig nito ang pag-aalala. “I just knew you deserve better.”
Hindi napigilan ni Amara ang sariling yakapin ang kaharap, tila nawala na rin sa isip niya na head manager nila ito. Sa tuwina naman kasi ay ramdam niya ang pag-aalala nito para sa kanya. Kahit pa nga pinapagalitan siya nito, ang pakiramdam niya ay pinagsasabihan lamang siya ng kuya niya.
“Thank you so much, Sir. I won’t disappoint you. I promise!”
Ng kumalas siya dito ay doon lang siya parang na-awkward-an at nahiya sa ginawi niya.
“S-sorry, Sir.”
Napailing lang si Mr. Moonre, nasa mata nito ang pagkamangha..
“You must be so in-love with that Jerk! I must say he’s very lucky.”