PROLOGUE

2801 Words
JACKY May awa akong napatingin sa kapatid kong tila nanghihina na at namumutla sa gutom. Kahit ako man ay kumakalam na rin ang tiyan. Napatingala ako sa nakasabit na orasan, mag-aalas onse na ng gabi. Kapag ganitong oras at wala pa siya, alam kong hindi na siya darating, bukas na ng umaga iyon uuwi tapos lasing pa. Ayaw kong matulog ang kapatid kong kumakalam ang tiyan at nanghihina sa gutom. Kaya kakapalan ko na lang ang mukha ko at nilakasan ang loob na tinungo ang harap ng pintuan ng kapit bahay namin at kumatok. Nakailang ulit din ako ng katok, bahagyang naririnig ko pa ang ingay ng tv nila sa loob kaya alam kong gising pa naman sila. Ilang sandali pa ay bumukas ang pintuan. Medyo napaatras ako, si Mang Cesar ang bumungad sa akin. Agad siyang ngumisi nang makita ako. Hindi ako komportable sa kaniya. Napupuno ng takot ang dibdib ko sa tuwing kaharap siya o ‘di kaya ay nasa paligid siya. Iba ang hagod ng mga mata niya sa akin. Sa totoo lang ay natatakot talaga ako sa presensya niya, kaya lumalayo ako kapag nariyan lang siya. Pero wala lang talaga akong choice ngayon. Hindi ko kayang makita ang kapatid kong namumutla sa gutom at matulog nang walang laman ang tiyan. “Anong kailangan ng magandang kapit bahay namin?” Ngisi niyang tanong. Nakataas pa ang laylayan ng suot niyang t-shirt kaya kita ko ang malaki niyang tiyan. Bahagya akong nagyuko para iwasan ang nakakailang na tingin niya. “Ang ganda mo talagang bata, mala gatas pa ang kutis!” May halong panggigigil ang boses niya. Kasunod ng muli niyang pagngisi at pagtitig na naman sa aking kabuuan. Nagdadalawang isip na ako kung sasabihin ko pa ba ang sadya ko. Dumaragsa lalo kasi ang takot at kaba sa dibdib ko. Ayaw ko talagang makita ang mukha niya, parang hihimatayin na ako sa takot. Pero paano ang kapatid ko? Lihim akong naalarma nang maramdaman kong kumilos siya mula sa kinatatayuan niya. Mula sa pagkakasandal sa hamba ng pintuan ay lumabas siya, lumingon pa siya sa loob ng bahay. “Halika dito, Jacky.. may kailangan ka ba?” pabulong na ang boses niya, napaatras ulit ako nang akmang hahawakan niya ako. Mas umalsa ang takot sa dibdib ko, wala akong tiwala sa matandang ‘to. “Sino ba ‘yan Cesar?” dinig kong sigaw ni Aling Koring. Pinandilatan ako ni Mang Cesar. “Ako po, Aling Koring!” Lakas loob kong sagot. Sinamaan ako ng tingin ni Mang Cesar, gumalaw ang panga niya at alam kong hindi nito nagustuhan ang pag-sagot ko. “Oh, Jacky,” dungaw ni Aling Koring pilit ang ngiti ko. Lumapit na siya. Nasulyapan ko si Mang Cesar na nalukot ang mukha nang tabihan siya ni Aling Koring. Nakahinga naman ako ng maluwag. Nakatingin pa rin sa akin si Aling Koring, namewang siya sa harapan ko. “Hindi na naman ba umuwi ang nanay mo? Wala na namang iniwan na pagkain para sa inyong magkapatid?” agad nitong tanong na tila alam na niya ang sadya ko. Hindi naman kasi ito ang unang beses ng paghingi ko ng pagkain sa kanila. Marahan akong napatango, nakaramdam ako ng hiya. “Pasensya na po Aling Koring, gutom na gutom na po kasi ang kapatid ko at wala na po akong malalapitan,” mahina kong sabi. “Hay naku, paano na lang kung wala ako rito? Saan na lang kayo pupulutin na magkapatid?” ang naiiling na aniya. Narinig kong napa-tsked si Mang Cesar. “Lagi ka na lang nakikihingi rito ng pagkain, dapat may bayad na ‘yan at hindi laging libre—“ “Puwede ba, Cesar?! Pumasok ka na nga sa loob, ang lakas mong magsalita sa bata e, kahit ikaw rin naman ay palamunin sa bahay na ito! Kailan ka ba maghahanap ng trabaho?” napapakamot sa batok itong pumasok sa loob. “Sa akin na naman nabaling ang topic,” bubulong-bulong nitong sabi at matalim akong sinulyapan. Na para bang ako ang may kasalanan ng lahat kaya siya napagsabihan na naman ng asawa niya. Actually, mas bata si Mang Cesar kay Aling Koring, ang narinig kong usap-usapan ay pangalawang asawa siya ng Ginang. Isang palamunin at laging nakaasa kay Aling Koring. Wala yata silang pagkakaiba ng tinakasan naming padre de familia. Ayaw talaga nitong magtrabaho at puro barkada at inom ang inaatupag. “Sandali lang Jacky, maghintay ka dyan,” ang baling sa akin ni Aling Koring. Magkasunod na silang pumasok sa loob. “Pagsasabihan ko na talaga ‘yang Julia na yan, kung pabayaan at iwan niya ang mga anak niya para siyang nang iiwan ng mga kuting!” Dinig ko pang galit na turan niya. Napakagat ako sa ibabang labi ko. Maraming mapapalad na batang nagkaroon ng matino at responsabling mga magulang ngunit sa kasamaang palad, kabilang kami ng kapatid ko sa mga hindi biniyayaan. Babaero at lasinggo ang aming ama, sinasaktan kami kapag lango ito sa alak kaya nga hiniwalayan siya ng aming ina. Tandang tanda ko pa ang araw na iyon. “Ayaw ko ng may bitbitin kaya okay lang kung saiyo mapupunta ang mga bata, mas maigi, wala akong palalamunin,” ang dinig kong ani Mama habang nag-iimpake siya ng mga gamit niya. “Mas lalo naman ako? Anong ipapakain ko sa mga ‘yan?” ang protesta agad ni Papa. Nang mga sandaling iyon, kinukuwesyon ko sa isip ko kung bakit may mga magulang na tulad nila? Mag-aanak pero hindi kayang gampanan ang pagiging magulang sa kanilang mga anak. “Pero kung sabagay, puwede nang pagkakitaan ang dalawang ‘yan, marami naman nagpapalimos sa kalsada at kumikita ng malaki,” kapag kuway ngisi niya pagka-isip ng ideyang iyon. Naalarma ako, ayaw kong maiwan kami ng kapatid ko sa puder ni Papa. Ang kapatid kong si Ricky ay maka-Papa kahit pa nga madalas ay nasasapok siya ng aming ama. Pero alam ko sa sarili ko na kahit paano ay mas ligtas kami ng kapatid ko sa puder ng Mama ko. “Mama, parang awa niyo na, isama niyo na po kami ni Ricky. Hindi po kami magiging pabigat, mag-aaral po akong mabuti at tutulong sa ‘yo balang araw,” aburido kong pagmamakaawa. Mapakla niya akong nginisihan. “Kailan pa kaya yun? Kapag luray na luray na katawan ko sa pagpapakaputa para lang may maipakain sa inyo?!” “Sige na po, mama. Maawa na po kayo sa amin ni Ricky, kahit po huminto na lang po ako ng pag-aaral, magtratrabaho na lang po ako,” ang naiiyak kong pakiusap kasabay ng pagluhod ko sa harapan niya. Tinitigan niya ako, walang humpay ang luha ko habang nagmamakaawa sa kaniya. Sa napakamurang edad ko ay nasaksihan ko na ang ibat ibang senaryo ng pagtatalo nila ni Papa na madalas ay nauuwi sa sakitan. Sa huli ay kami rin ang napagbabalingan. At kung may kakayahan lamang ako, kung ako lamang ay nasa tamang edad na, kahit pa akuin ko ang responsibilidad sa kapatid ko ay okay lang. LAKING pasasalamat ko at tila nadapuan ng awa si Mama para sa amin ni Ricky. Isinama nga niya kami. Pabaya man siya, mas panatag pa rin ang loob kong magiging ligtas kami ng kapatid ko sa puder niya. “Mama, wala na pong bigas—“ “E, ano ngayon? Di magdilisensya ka!” Agad na singhal niya. Hindi na ako umimik. “‘Di ba sinabi mong hindi kayo magiging pabigat sa akin? Puwes, patunayan mo, magtrabaho ka rin para makatulong ka sa akin! Huwag kayong puro asa nang asa sa akin Jacky, tandaan mo, kayo ang nagpumilit na sumama sa akin!” Napapaurong ako sa tuwing sumisigaw siya. Nasulyapan ko ang kapatid kong nasa sulok. Takot siyang lumapit kay Mama kapag nagagalit. Pilit ko siyang nginitian saka senenyasahan na lumabas kami ng bahay. Naghanap ako nga ako ng mapapagkakitaan, pumupunta ako sa tindahan nila Aling Koring at umaangkat ng ice candy para itinda sa loob ng school namin. Ang pinagpapasalamat ko na lang kay Mama, pinayagan pa rin niya kaming mag-aral. Pero halos araw-araw niyang pinapaalala sa amin lalo na sa akin na utang na loob namin ‘yun sa kaniya na kailangan namin bayaran balang araw. Sa weekend, naglalako rin ako ng mga kakanin. Nasanay na ako ng ganun. Kapag nagbigay si Mama ng kaoting pera, ginagawa ko ang lahat para malayo ang maabot nun. Tipid na tipid talaga. “Ate, gusto ko rin ng ice cream,” ang ungot ni Ricky. Napatingin ako sa sorbeterong ngayon ay pinagkakaguluhan ng mga bata. Kita ko sa mukha ng kapatid ko ang pagkainggit at pagkatakam. Napatingin ako sa palad kong mahigpit na hawak ang natitira pa naming pera. “Sana makakain din tayo ng ganun,” puno ng asam na ani Ricky. Nahahabag ako, at sa huli hindi ko rin natiis. Ginulo ko ang buhok ng kapatid ko, “halika na, bibilhan kita,” ang masaya kong yakag sa kaniya para lumapit sa puwesto ng sorbetero. Agad na lumiwanag ang mukha niya sa tuwa, parang hinaplos ng init ang puso ko. Makita ko lang na masaya ang kapatid ko, ay masaya na rin ako. MULA sa kailaliman ng aking balintataw ay tila naririnig ko ang galit na boses ni Mama. Nanaginip lamang ba ako? Unti-unting lumakas ang dating ng boses niya sa pandinig ko. “Jacky! Jacky!” agad akong napabalikwas ng bangon kahit masama ang pakiramdam ko nang marinig ang sigaw ni Mama pati ang kalansing ng takip ng kaldero. “Letsing buhay ‘to, ni walang pagkain!” Lulugo-lugo akong lumabas ng kuwarto, medyo nahihilo. Parang nilalamig din ako. Sobrang sama talaga ng pakiramdam ko nang mga sandaling iyon. “M-Mama..” “Anong oras na, tanghali na ah, tapos kakagising mo lang?!” bulyaw niya sa akin. Ni hindi niya pansin ang panghihina ko. “Nasaan ang pagkain?!” Ang galit na galit nitong tanong na hawak pa ang takip ng kaldero. “W-Wala po, Mama.. Nanghingi lang po kami ni Ricky ng pagkain kay Aling Koring kagabi,” ang hinang-hina kong sagot. “Nang hingi?” hindi makapaniwala niyang sabi. “ At nasaan ang binigay kong pera? Saan mo pinanggastos ang perang binigay ko?!” Mas nadagdagan ang panginginig ko sa sigaw niya. “U-Ubos na po iyon, wala na pong natira,” ang mahina kong sagot. ‘Yung dalawang libo na binigay niya ay binili ko ng bigas at pilit na pinagkasya sa isang buwan. Hindi nagbago ang galit sa mukha niya, hinablot niya ang payat kong braso. “Mga wala talaga kayong silbi! Manang mana kayo sa ama niyo na puro pahirap lang ang dala sa buhay ko!” Ang nangangalaiti niyang sabi. Hinampas niya ang braso ko, binatokan niya ako. Kitang kita ko ang takot sa mukha ng kapatid ko. Senenyasan ko siyang pumasok sa kuwarto, nag-alala akong baka madamay siya at mapagbalingan. Masama ang pakiramdam ko at nahihilo kaya hindi ko na magawang mangatuweran at pigilan si Mama. Umikot ang paningin ko nang malakas niya akong sampalin. Bumagsak ako sa sahig, naramdaman ko ang paghapdi ng ulo ko kasabay ng unti unting panglalabo ng mga mata ko. Bago ako takasan ng ulirat, narinig ko pa ang nanginginig na boses ni Ricky na tinatawag ako. Gusto kong sumagot at sabihing huwag siyang matakot or umiyak dahil ayos lamang ako pero hindi ko magawang ibuka man lang ang bibig ko. Then, narinig ko rin ang boses ni Mama, tinatawag ang pangalan ko, paulit-ulit, kasunod ng malakas na pagtili niya. Doon tuluyang nag black out ang buo kong kamalayan. NILAPAG ni Mama ang tatlong lilibohin sa harapan ko. Napahinto ako sa paggawa ng homework ko at napatingin sa kaniya. “O, dinagdagan ko ‘yan ha,” irap niya sa akin. “Pagkasyahin mo ‘yan, dahil isang buwan akong mawawala. Kapag hindi pa ako nakauwi at nagkulang, dumiskarte ka.” Ngumisi siya. Kahit naman hindi niya sabihin ay ganun naman ang ginagawa ko. Hindi naman talaga kasya ang binibigay niya sa amin buwan buwan. Nagtitinda pa rin ako, at sinisigurong may kinikita ako sa pagbibinta ng ice candy at paglalako ng mga kakanin tuwing Sabado at Linggo. “Dalaga ka na Jacky, maraming nagkakagusto sa ‘yo sa bulok na lugar na ‘to. At sana, gamitin mo ‘yang utak mo, gamitin mo kahit kaonti yang alindog mo,” ang makahulugan niyang sabi, napayuko ako. Nakuha agad ng mura kong isipan ang ibig niyang sabihin. Kinalakihan ko na ang mga patutsada niyang iyon. Paglaki ko raw, huwag kong sayangin ang ganda ko at laging gagamitin lalo pa’t bata pa ako. Malaking halaga ang matatamasa ko kung gagamitin ko lamang ng tama ang ganda ko, ‘yun ang lagi niyang sinasabi. “Marami akong kilalang mayayaman na negosyante, lalo na mga itsik, mahilig sila sa mga bata, pag-isipan mo.” Hindi na bago ang mga salitang ‘yan sa akin mula sa sarili kong ina. Kung umakto siya, parang hindi namin siya kadugo. Parang hindi kami galing sa kaniyang sariling dugo at laman. “Hindi ko po kaya ang ganyang trabaho. Magtatapos po ako ng pag-aaral, maghahanap po ako ng magandang trabaho,” ang mahina at simple kong sabi. Natigilan siya sa sagot ko, tumalim ang mata niyang namaywang sa harapan ko. “Hmp, sana nga lang ay kaya mong marating ‘yang mga pinagsasabi mo. Hoy! Itong trabaho ko ang nagpapalamon sa inyo araw-araw kaya dapat magpasalamat ka! Baka nga kapag nakakita ka ng malaking halaga dahil sa ganitong trabaho ay daigin mo pa ako!” Ang bulyaw niya sa akin habang panay nguya niya ng bubble gum. Nainsulto ko yata siya ng hindi sinasadya dahil sa kaniyang pagiging bayarang babae. Mag-first year high school na ako noon, sa kalapit na paaralan lang din balak kong pumasok. Noong una ay problemadong problemado pa ako sa mga gamit pang eskuwela namin ni Ricky. Wala si Mama. Madalang na siyang umuwi. Noong isang araw na pinuntahan niya kami, lagi siyang may kausap sa cellphone. Nagmamadali siyang umalis pagkatapos. Laging ganun ang eksena. Uuwi lamang kapag naisipan, aabutan niya kami ng kaonting panggastos at aalis na naman. Nasanay na kami ng ganun. “Huwag kang mag-alala Jacky, sa papasukan mong paaralan ay libre ang mga gamit dyan, may nagi-sponsor dyan taon taon. Isang mayamang haciendero mula sa San Vicente,” ang ani Aling Koring. “Ang proproblemahin mo na lang ay ang gamit ni Ricky,” ang aniya. Nasa elementarya pa lamang si Ricky. Nag-aaral ito sa dati kong pinapasukan noong akoy nasa elementarya pa. At medyo ilang kilometro rin ang eskuwelahan nito sa magiging bagong eskuwelahan ko. Inunti-unti kong binili ang mga gamit ng kapatid ko para sa eskuwela. Hindi ko alintana ang mga bulungan at panlilibak sa akin ng mga kaklase ko. Siyempre, bukod sa balitado ang pagiging pabayang ina ng Mama namin sa aming magkapatid, kalat na rin sa lugar ang kaniyang maruming trabaho. Dumating ang pasukan, late na late na ako. Hinatid ko pa kasi si Ricky sa school niya. Pagdating sa school pumipila na ang mga maraming estudyante ng paaralang iyon. Pero napatigil ako sa pagmamadaling paglalakad nang mapatingin ako sa napakatangkad na lalakeng siyang nag-aabot sa mga bag na puno na ng gamit eskuwela ng mga estudyante. Nasa harapan siya ng stage ng eskwelahan, may mga kasama pero sa kaniya lang talaga napa-focus ang paningin ko. Napalunok ako ng sunod sunod at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay parang napako na ang mga mata ko sa napakaguwapo niyang mukha. Kasabay ng tila pagbilis ng puso ko bigla. Nakangiti siya sa mga estudyante habang isa-isang inaabutan ang mga ito ng bag na halatang puno na ng gamit pang eskuwela ang loob. Para akong nabato balani sa guwapo at ganda ng tindig niya. “Miss Lourio, ano pang tinatayo tayo mo riyan? Sige na, at pumila ka na dun,” ang yakag na turo ng guro ko sa may pilahan. Para akong biglang natauhan agad na napakilos mula sa aking kinatatayuan. Pero kahit nasa pila na ako, hindi siya tinantanan ng aking mga mata. At parang ayaw ko nang kumurap at umalis sa harapan niya nang ako na ang inabutan niya. “Here for you,” ang mabait, magaan na boses at nakangiting aniya. Tinanggap ko ang bag, pero sa mukha lamang niya ako nakatitig. Ibang iba ang awra niya sa lahat ng lalaking kakilala ko. Hindi nakakatakot, masarap siyang titigan. Ibang iba talaga siya.. Parang may kung anong kumislot sa dibdib ko. At sa isang iglap, para akong nagayuma ng napakaguwapo at napakabait niyang awra. “Hoy, Jacky, ano na? Kanina ka pa tulala dyan, pasok na tayo!” Ang pukaw sa akin ng classmate ko. Saka ko namalayan ang sariling nasa kinatatayuan ko pa rin kanina at nakasunod sa lalaking ngayon ay nasa harapan na ng pila ng second year high school.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD