PAGMULAT ng mga mata ni Gracia, agad na bumungad sa kaniya ang mukha ni Octavio na mahimbing na natutulog sa tabi niya. Nakatagilid ito paharap sa kaniya habang nakaunan ang kaniyang ulo sa braso nito, ang isa pang braso nito ay nasa baywang niya. Ang isang binti nama'y nakaangkla sa hita niya. Halos gadangkal na lamang din ang pagitan nila sa isa't isa, na parang isang maling galaw na lamang mula sa kanilang dalawa ay maglalapat na ang kanilang mga labi. Amoy na amoy ng dalaga ang mabango nitong hininga na tumatama sa kaniyang ilong. Hindi tuloy nito mapigilan ang mapalunok ng sunod-sunod dahil sa kabang biglang sumibol sa kaniyang dibdib. Mayamaya ay dahan-dahan na kumilos ang ulo ni Gracia upang lumayo mula rito. Sinubukan niyang tanggalin ang braso nitong nakapatong sa kaniyang baywang