NAPAPIKIT si Jan nang sumayad sa dila niya ang grilled scallops at prosciutto. Wala rin siyang pakialam kung pinagtitinginan siya ng mga kasabay niya sa buffet table. Puno kasi ang plato niya ng iba't-ibang Hors d'Oeuvres. Bilang Culinary Arts student, isang opportunity 'yon para mapalawak ang kaalaman.
"Jan, hanapin mo ang Ate mo. Uuwi na tayo, inatake ng migraine ang Daddy n'yo," bulong sa kanya ng inang si Regina.
"Pero 'My, hindi pa ako kumakain," protesta niya.
"Sa bahay ka na lang kumain."
Wala siyang nagawa kundi ang bitawan ang plato. Nanunulis ang ngusong sinuyod niya ng tingin ang paligid. Hindi niya makita si Rebecca.
Baka nasa garden.
Hindi siya nagkamali dahil sa pinto pa lang ay kitang-kita na niya ang pulang gown ng kapatid. Masayang nakikipagkuwentuhan ang Ate Rebecca niya kay Maxwell Quintanar, ang nag-iisang tagapagmana ng Quantum Industries. Nilapitan niya ang dalawa.
Kinalabit niya si Rebecca. "Ate, let's go."
"Maaga pa, Jan." Parang langaw siyang itinaboy nito.
"Ate, sabi ni Mommy uuwi na tayo. Masakit ang ulo ni Daddy," pilit ni Jan, pigil ang sariling bulyawan ang kapatid.
Inis na nilingon siya ni Rebecca. "Mauna kayo."
Narinig niyang natawa si Max. "Nine thirty pa lang. Kung si Cinderella nga midnight ang curfew eh."
Aba't ginatungan pa ng kapreng 'to?
Inirapan niya ang binata. Pakialam ba niya kung party nila 'to? Hindi niya na-a-appreciate ang ginawa nitong panggagatong sa kapatid.
"Si Rebecca ka, hindi si Cinderella!" Hinatak na niya sa braso si Rebecca.
"Ano ba?!"
"Rebecca!"
Sabay silang napalingon, papalapit ang Mommy nila.
"Good evening, Tita," bati ni Maxwell.
"Max, iho. Pasensya ka na, kailangan na naming umuwi. Nagpaalam na ako sa Mommy at Lolo mo. Sumakit kasi bigla ang ulo ni Manuel." Nag-isang linya ang kilay ng ina nila nang mapatingin sa ate niya. "Tara na, Rebecca."
"But Mom!"
"Ipapahatid ko na lang ho si Rebecca."
Parang Christmas lights na kumislap ang mga mata ng Ate niya. Jan fought the urge to roll her eyes. Binitiwan niya ang braso ng kapatid. Kung ayaw nitong umuwi, puwes siya uuwi na. Hindi na siya interesado sa mga pagkain sa party.
"Say yes, Mom, please?" pakiusap ng ate niya.
"Sige. Pero maiiwan dito si Jan. Sabay kayong uuwi." Pasimple siyang binulungan ng ina. "Bantayan mo ang Ate mo."
"Mommy naman eh, ano'ng gagawin ko dito?" napalakas ang boses niya. Kulang na lang ay magpapapadyak siya ng paa sa damuhan.
"You can go on sampling the dishes," singit ni Rebecca. Nang-iinis na sinuyod nito ng tingin ang katawan niya. Bumangon ang insecurity niya sa katawan. While Rebecca is slim, she's curvy.
Tinapik siya ng ina sa pisngi. "I know I can count on you."
Sumusukong napatango na lang siya. Pag-alis ng ina ay hinarap niya ang kapatid.
"Don't do anything stupid," aniya.
Tinaasan siya ng kilay ni Rebecca. "Duh! As if kaya kitang talunin sa ganyan."
"Duh! I don't get wasted and throw up like you do," hindi mapigilang ganti niya.
Wala siyang pakialam kung may audience silang dalawa. Life goals na siguro ng kapatid niya ang ipahiya siya. Ewan ba niya kung bakit lagi silang nagsasalpukan ni Rebecca. Kung tutuusin dapat close sila dahil sila lang ang naging anak ng mga magulang nila. Something must have gone wrong with them while growing up.
"Oo, ikaw na ang perpekto. Ikaw ang matalino, mabait, responsableng anak, etc." Rebecca flipped her hair. "Lumayas ka na nga. Magkita na lang tayo 'pag ready na akong umuwi."
Bago pa siya mabaliw sa asar ay tinalikuran niya ang dalawa. Dinig pa niya ang tawanan ng mga ito. Pakiramdam niya siya ang pinagtatawanan. She shook her head. Hindi siya dapat magpaapekto sa opinyon ng mga tao, kahit kapatid pa niya 'yon.
Dinala siya ng mga paa sa lanai ng mansyon. Hindi matao doon dahil karamihan kumakain pa sa ballroom. May ilan siyang nakikitang naninigarilyo at nagkukuwentuhan. She wanted a spot where she can be completely alone.
Kumuha siya ng isang flute ng champagne sa nagdaang waiter. May nakita siyang swing malapit sa man-made pond sa paghahanap ng mauupuan. Sakto walang tao.
Nangangalahati na ang laman ng flute niya nang gulatin si Jan ng isang boses.
"Hi, I think you need some company," the guy slurred.
Hindi niya kilala ang lalaki. Magulo ang buhok nito at nakalas na rin ang bow ng tuxedo nitong kulay itim. She smiled awkwardly and tried to be polite.
"N-No. In fact, I came here to be alone. I have a headache."
"Tsk. Lahat naman kayo ganyan ang sinasabi." Pabagsak na naupo sa kabilang swing ang lalaki. Muntik na itong sumemplang dahil wala nang kontrol ang lalaki sa kilos.
"I have to go."
Hindi nagawang makaalis ni Jan dahil nahuli ng lalaki ang braso niya. "Hey, don't be rude. Hindi pa tayo tapos mag-usap." Just then, a song resonated from the ballroom. "How 'bout a dance?"
Naalarma na siya. Kahit anong gawin niyang piglas ay hindi siya makawala. Malakas pa rin ito kahit lasing. Nagpalinga-linga siya baka sakaling may pakalat-kalat na server. Wala siyang makita. Wala na rin ang mga taong kanina lang ay naninirilyo at nag-uusap sa lanai.
"L-Let me go."
"Sayaw muna tayo," pilit ng lasing. She gasped when her champagne spilled on her dress. Buti na lang itim ang kulay ng suot niya.
"Let her go, Sigfrid," a menacing voice came from the dark. Iniluwa ng kadiliman si Maxwell.
"Max, my boy!" Agad na binitiwan ni Sigfrid ang braso ni Jan. Lumapit ang lalaki kay Maxwell pero bigla itong natisod.
"Marami ka nang nainom, ipahahatid na kita sa driver," sabi ni Maxwell, nakatutok ang mga mata kay Jan. Noon naman dumating si Mr. Noel na butler ng mga Quintanar.
"Sir Max, hinaha---"
"Noel, pakihatid si Sigfrid sa sasakyan niya. He's had too much to drink."
"Yes, sir."
Pagkaalis ng dalawa ay nakahinga ng maluwag ang dalaga. Salamat na lang at dumating si Max. Paano na lang kung hindi? She shivered involuntarily at the thought.
"Sala---"
"Kung hindi mo kayang i-handle, 'wag kang mag-iimbita ng lalaking hindi mo kilala sa dilim," tuloy-tuloy na parungit ng binata.
"Hindi ko---"
"You're a tease. 'Pag kumagat na ang lalaki sa laro mo, saka ka magba-back out," he bit out.
Bago pa siya ulit makasagot ay mabilis na siyang tinalikuran ni Maxwell. Naiwan siyang nakanganga sa pagkabigla.
What was that?
Asar na naghanap siya ng banyo para magawan ng paraan ang damit niyang natapunan ng champagne. Ramdam ni Jan ang panlalagkit sa bandang dibdib. Medyo guminhawa ang pakiramdam niya nang matapos.
Pabalik na siya sa ballroom nang mapadaan sa isang kuwartong medyo nakabukas ang pinto. Lalagpas na sana si Jan pero nahagip ng tingin niya ang isang painting na nakasabit sa dingding. May nakatutok na spotlight kasi sa painting kaya takaw pansin. Her curiousity made her push the door open.
The painting was a picture of a woman bearing the weight of a big heart on her shoulders. Parang parody ng Titan na si Atlas kung saan pasan nito ang daigdig. Pero imbes na paghihirap ang makikita sa mukha ng babae, nakangiti pa ito.
"Nabibigatan na nga nakangiti pa," wala sa sariling usal niya.
"It is called enduring love."
Nagulat si Jan kaya napalingon siya. Nakaupo si Maximo Quintanar sa malaking wing back chair at nananabako. Nasa pinakasulok ng kuwarto nakapuwesto ang matanda, kadikit lang ng bintana.
"M-Mr. Quintanar. Pasensya na ho, I didn't mean to intrude."
Tumayo ang matanda. Maximo Quintanar doesn't look a day near seventy five. "It's alright. Bakit wala ka sa party?"
Hindi sinasadyang napasimangot si Jan. "The only thing I'm interested in your party is the food, no offense meant. But they're shooting me looks as if I murdered my first born child when I tried sampling everything on the buffet table."
Sa pagkamangha ni Jan ay humalakhak ang matanda. "If my Lucila is still alive, magkakasundo kayo. I could almost imagine the conversations you could have."
Bumalik ang tingin ni Jan sa painting. "Favorite po ba n'ya 'to?"
Tumango si Maximo. "Among the many she painted."
"Ang galing naman. Bakit Enduring Love ang title?"
"Ginawa niya ito noong nag-uumpisa pa lang kaming bumuo ng pamilya. I was a fool then, I always make her cry. But because she loves me, she endured everything with a smile."
"Pero na-feature kayo sa magazine dati dahil kilala kayo bilang huwarang mag-asawa."
"That's because nang mahimasmasan ako sa kagaguhan ko noon, bumawi ako sa kanya," paliwanang ng matanda. Bakas pa rin ang pagmamahal nito sa asawa sa paraan ng pagkakatitig nito sa painting. "Ikaw, iha. Nagmahal ka na ba?"
"Wala ho akong panahon."
"Love waits for no one. You don't chose love, it chooses you. Parang magnanakaw ang pag-ibig, dumarating kung kailan hindi mo inaasahan."
Umingos siya. "Basta 'wag siyang darating sa akin agad-agad."
Muling natawa si Maximo. "You're Regina's daughter, right?"
"Opo."
"Katulad ka rin ng Mommy mo. Minsan nga naisip ko, paano kaya kung nagkagustuhan sina Regina at Julio noon?" sabi ni Maximo.
"Wala ho kami ngayon."
"Kung sabagay."
"Siguro na-spoil n'yo rin nang sobra si Maxwell kaya may pagka-asshole." Huli na para pigilan niya ang bibig. Pati siya ay nagulat sa nasabi. Napatakip si Jan sa bibig at mulagat ang mga matang napailing.
The old man sighed. "Kasalanan namin ng Mommy niya. Maaga kasing nabiyuda si Carmen kaya medyo nasobrahan ang pag-do-dote namin kay Max."
"S-Sorry po, hindi ko sinasadya. K-Kasi naman 'yang apo n'yo---"
"Max can be too much sometimes. But I believe he can be better with the right person."
"Si Ate!" bulalas niya saka tumayo. Hindi niya namalayan ang paglipas ng oras. "Kailangan ko nang hanapin ang Ate ko para iuwi. Baka lasing na 'yon."
Tumayo na rin si Maximo at inihatid siya sa pinto. "I enjoyed chatting with you, iha."
"Nag-enjoy din po ako. Maraming salamat po."
Lasing na nga ang kapatid na ngayon ay napapaligiran ng apat na lalaki. Wala sa mga ito si Maxwell. May isang lalaking sobrang lapit kay Rebecca. Pahawak-hawak ito sa baywang ng kapatid niya. Kinutuban siya nang hindi maganda kaya mabilis siyang lumapit.
"Excuse me!" Sabay na napalingon sa kanya ang mga lalaki.
Pagkakita sa kanya ng kapatid ay lumapad ang ngiti nito. Namumungay na ang mga mata ni Rebecca. "Oh, hi sister!"
"Where's Max?" tanong niya sabay hawak sa braso ng kapatid.
"I don't know. Hey, I don't want to go home yet," angal ni Rebecca.
"Uuwi na tayo whether you like it or not!"
"I dont wanna," parang batang napalabi si Rebecca.
"Ako na ang maghahatid sa kanya," agaw ng isang lalaking matangkad.
Umarya ang inis niya. Sino ba 'tong mukhang cross breed ng kabayo at tao? She didn't like the way he looks at her sister. Mukha itong salbahe. Oo, siya na ang judgmental. Pero hindi niya puwedeng pabayaan ang kapatid niya.
"At sino ka para makialam? Back off!" may diin ang pagkakasabi niya.
"She's an adult, hindi mo siya pwedeng diktahan," hirit pa nito.
"Kung gusto mong maka-score, maghanap ka ng iba. You're taking advantage of a drunk woman, you beast!" tuloy-tuloy na ratsada niya.
Hindi napansin ni Jan na tumigil na ang tugtog kaya dinig na dinig sa ballroom ang mga pinagsasabi niya. Namumula sa pagkapahiya ang lalaki. Ang tatlong kasama nito ay medyo dumistansya sa kanila.
"What's happening here?" boses ni Maxwell.
"She's accusing me of taking advantage of her sister," sumbong ng lalaki.
"O bakit, hindi ba? Bakit mo ako pipigilang iuwi ang kapatid ko? Ang sabihin mo, may binabalak kang masama!"
"Aba't---"
"Stop it," bumaling si Maxwell kay Jan. "A car is waiting for you at the front door."
"Thanks."