“Kabanata 1”
Ilang taon na rin ang matuling lumipas mula nang maging piping saksi sya sa pag-uusap na iyon ngunit nanatiling sariwa sa kaniyang mga alaala ang lahat. Humugot siya nang malalim na paghinga at pagkataos ay pinuno ng hangin ang dibdib. Ang poot na nagsisimulang umalsa ay sinikap niyang supilin. Kinundisyon nya ang sarili at tahimik na nagmatyag sa paligid.
Katulad nang nakagawian na ay nakaposte sya sa itaas ng malaking puno. Iyon ang iniatas sa kanyang tungkulin ng isa sa mga lider ng rebelde. At mula roon ay natutunghayan niya ang kabuuan ng kanilang kuta. Kaya naman ay agad niyang natanaw ang dalawang pamilyar na bulto na patungo sa kakahuyan.
Agad na umigting ang kanyang panga. Nagtagis rin ang kanyang mga bagang. Sinukbit niya ang hawak na armalite at mabilis na bumaba. Paglapat ng mga paa sa lupa ay tinungo niya agad ang direksyong tinahak ng dalawang tao na natanaw kanina sa itaas. Maingat na sinundan nya ang mga ito habang patungo sa masukal na kagubatan..
Ilang saglit pa at magkasunod na putok ng baril ang pumailanglang. Dilat ang mga matang bumulagta sa lupa ang pinuno ng mga rebelde. Ikinagulat iyon ni Macario. Kaya naman ay pigil ang mga hininga na marahan siyang lumingon sa kanyang likuran kung saan sa wari niya ay ang pinanggalingan ng mga putok. Hindi nga siya nagkamali ng sapantaha subalit ay mas higit syang nabigla nang tumambad sa kanyang paningin ang responsable sa pagkamatay ng lider.
Isang binatilyo na may yayat na pangangatawan ang syang bumungad sa kanya. May mahaba itong buhok na halos tumakip na sa buong mukha nito. Ngunit biglang lumakas ang hangin kaya't nahawi iyon ng bahagya. Nasilip ni Macario ang pares ng mga matang nagliliyab habang nakatutok sa kanya ang hawak nitong M-16 armalite rifle.
Kung hindi siya nagkakamali ay kasapi ng mga rebeldeng dumukot sa kanya ang binatilyo. Kaya't labis ang kanyang pagkagulilat na nangahas itong patayin ang sariling pinuno. Sinikap ni Macario na tumayo mula sa pagkakaluhod sa lupa. At nang maituwid ang katawan ay marahan siyang humakbang palapit sa batang rebelde..
“Isang hakbang mo pa at todas ka."
Nangangalit ang bagang na banta ng binatilyo sa kanya. Nakita niyang dumiin ang pagkakahawak nito sa gatilyo. Kaya wala sa malay na napaatras siya ng bahagya. Ngunit naroon ang pag-aalinlangan kay Macario. Mahirap basahin ang iniisip ng kaharap lalo na't ang tono nito ay naghahayag ng pagbabanta. Batid niyang hindi ito mag-aalinlangan na patamaan sya ng bala kung kaya't kailangan niyang maging maingat.
“Kapanalig mo siya, ngunit bakit mas pinili mo siyang kitlan ng buhay kaysa sa akin na inyong kalaban? "aniyang sinusubukan itong gamitan ng pabaliktad na sikolohiya.
“Nagkakamali ka kung inaakala mong kita'y iniligtas. Binubura ko lamang ang mga taong sa aki'y may malaking pagkakautang. At kung nagnanais kang humahara-hara sa aking landas ay hindi ako magdadalawang isip na itumba ka kapares niya." asik ng kaharap.
Nawalan ng imik si Macario. Inobserbahan ang bata pang rebelde. Sa hinuha niya ay nasa pagitan ito ng labing-anim at labing-pitong taong gulang. Gusto niyang mapailing. Sapul sa noo ang tama ni Ka Mario kaya't hindi niya maitatanggi na bihasa nang humawak ng armas ang rebelde. At hindi lang ito basta bihasa nag-aangkin ito ng galing. Maging kung paano ito mag-isip ay hindi karaniwan. Obserba niya ay may natatago itong dunong.
“Magsikalat kayong lahat. Halughugin ang buong paligid, alamin ang pinanggagalingan ng mga putok." ang malakas na boses mula sa di kalayuan. Indikasyon na nabulabog na ang mga rebelde sa kuta.
Nagkatinginan silang dalawa. Malapit lang ang mga yabag. Sa dami ng mga ito ay imposibleng hindi sila masakote agad-agad. Kaya't pilit na hinila ni Macario ang kamay mula sa pagkakatali sa likod subalit kay higpit niyon na hindi niya maikawala kahit na isa man lang sa kanyang mga daliri. Maya-maya ay lumapit ang binatilyo at sa mabilis na paraan ay nakalag nito ang lubid gamit ang isang patalim. Nabigla man ay hindi nagsalita si Macario.
“Sumunod ka sa akin kung ayaw mong mabaon sa hukay ng buhay"
Nabigla man ay agad na tumango si Macario na sumang-ayon, sinukbit naman ng binatilyo ang hawak nitong armas at pagkatapos ay tumakbo sa direksyon ng mas masukal na gubat. Agad naman na sumunod rito si Macario.
“Ka Tonyo, patay na si Ka Mario." lingon ng isang rebelde sa lalaki. "Ngunit wala ang bihag nating sundalo maaaring sya ay nakatakas."
Napamura si Tonyo nang matunghayan ang wala nang buhay na katawan ng kapatid. Umangil ito sa sobrang poot at galit. Dalawang bala sa noo ang tumapos kay Ka Mario. At sigurado si Tonyo na hindi ang bihag nilang sundalo ang may gawa niyon pagka't nakagapos ang mga kamay nito. Imposible na nakatawag agad ng back-up ang kanilang hostage. Kaya sa hula niya ay isa sa mga kasamahan ang trumaydor sa kanila. At kung sino man ito ay aanihin nito ang poo't niya't galit pagkat tatalupan niya ito ng buhay.
“Hindi pa nakakalayo ang sundalong iyon. Huwag siyang hayaang makatakas dalhin sa akin. Alamin niyo kung sino ang may gawa nito sa aking kapatid. Magsisisi siya na ipinanganak sya ng kanyang ina." nanggagalaiting utos ni Tonyo. Agad namang kumilos ang ilan nitong mga tauhan.
“Ikaw si Major Macario Garcia, hindi ba?"
“A...ako nga." ang hinihingal na sagot ni Macario. Saglit silang nagpahinga ng lalaki mula sa pagtakas. Akala niya ay wala na itong balak na tumigil sa katatakbo. Ang layo rin ng kanilang pinanggalingan, tuloy ay abot-abot ang habol niya sa kanyang hininga. Sinulyapan niya ang kasama na ni hindi man lang niya kinakitaan ng kapaguran. Sa liksi at bilis nitong kumilos animo ito cheetah na kay hirap habulin.
“Paano mo ako nakilala?" usisa niya rito nang unti-unting makabawi.
Hindi tumugon ang batang rebelde. Maya-maya ay may dinukot ito sa bulsa ng suot na kupasing cargo pants at pagkatapos ay initsa sa kanya ng mabilis. Kunot ang noo at nagtatakang dumapo ang mata ni Macario sa bagay na nasalo ng kanyang palad. Laking gulat niya nang makilala ang pinakaiingat- ingatan niyang kuwintas na naiwala niya ilang taon na rin ang nakalilipas. Agad niya iyong sinuri at binuksan ang korteng oval na pendant. Agad na lumiwanag ang kanyang mukha nang masilayan ang nasa loob nitong larawan.
“Anak mo ba sya?" tanong ng binatilyo.
Agad na lumipad ang tingin rito ni Macario at bagama't pirmes na naroon ang talim sa mata ng kasama ay kalmado na ito ngayon. Marahan niya itong tinanguan. Inilagay niya ang kuwintas sa bulsa at ipinailalim ng mabuti para hindi na mawala.
“Siya si Roxanne, ang aking kaisa-isang anak.” sagot niya pagkatapos ng ilang saglit na pagkawala ng kanyang imik.
“Ngunit paano napunta sayo ang aking kuwintas?" usisa niya na nangunot muli ang noo.
“Hindi na mahalaga kung paano napasakamay ko ang iyong kuwintas. Ang mahalaga ay naibalik ito saiyong muli. Mayroon pa ba syang ina?" muli ay tukoy nito sa kanyang anak.
“Yumao na ang aking asawa," matapat na sagot ni Macario.
Saglit na nawalan ng imik ang kausap at kung may anong emosyon na nasilip si Macario sa binatilyo na dagli ring nawaglit. Tumingin ito sa kanya.
“Bagtasin mo ang daang ito." Sabay turo sa mas masukal na kakahuyan.
“Sa dulong bahagi pagkatapos mong umakyat ng bundok sa ibaba niyon ay may malaking ilog. Mula roon matatawid mo ang pinakamalapit na baryo kasunod niyon ay ang bayan na ng San Nicolas. Makakahingi ka na ng tulong mula sa lokal na pamahalaan pagdating mo roon. Kilos na kung nais mong may matawag pang ama ang iyong si Roxanne."
Manghang napatitig rito si Macario Maaaring bata pa ang kaharap subalit may matapang itong karakter. Gusto niyang hangaan ang katapangan nito.
“Maraming salamat ngunit paano ka?” tanong niyang nag alala para sa kaligtasan nito. Sa ginawa nitong pagpaslang sa lider ay batid niyang aani ito ng pinakamabigat na kaparusahan mula sa mga kasama.
“Kaya ko ang aking sarili.” matipid ngunit siguradong sagot ng tinanong.
Napatango si Macario pero naroon pa rin ang pag-aalala.
“Maaari ko bang malaman ang pangalan ng aking salbador?" tanong niya.
“Hindi na mahalaga kung sino ako. Batsi na bago pa tayo maabutan nila Ka Tonyo." anito bago mabilis na ring tumalilis habang naiwan syang namamangha pa rin.
“Magkikita tayong muli bata, utang ko sayo ang aking buhay!" sigaw ni Macario habang inaabot nang tanaw ang binatilyo. Subalit hindi na sya nilingon pa ng bata pang rebelde hanggang sa maglaho na rin ito sa kanyang paningin.