DAIG pa ni Tami ang binuhusan ng malamig na yelo sa kanyang kinatatayuan. Matapos ang kasal nila ni Kedric Gabriel Ladjasali o mas kilala sa palayaw na KG, dumiretso sila sa sarili nitong bahay sa Valle Encantado Village. Pero hindi katulad ng kanyang inaasahan ang sunod na mangyayari… walang romansahang naganap katulad ng mga normal na ikinakasal.
KG is one of the most popular bachelor in Town or even in the country. Sa edad nitong thirty years old ay hindi kaila sa lahat kung gaano ito kayaman. He’s one of the living multi-billionaire in the country. Sa batang edad ay naipasa na rin dito ang pagiging CEO ng negosyo na kinabibilangan nito at ng pamilya nito, ang Pagbilao Power Station na isang coal-fired thermal power plant na matatagpuan sa Isla Grande sa Pagbilao City na mas kilala sa tawag na Lineage Energy.
Gusto niyang tumawa sa huling sinabi sa kanya ni KG bago nito hayunin ang isa pang connecting door na nasa master bedroom. Adjoining room daw iyon na siyang pinakasilid na gagamitin nito.
“Dito ka matutulog sa silid na ito,” pormal na wika kay Tami ni KG matapos siyang dalhin sa malawak na silid na iyon sa mansiyon nito.
“A-ako lang?”
Tumango ito. “Sa adjoining room ang kuwarto na gagamitin ko.”
Naguluhan yata siya sa sinabi nito. Mag-asawa na sila ngayon. Bakit hindi sila magsasama sa iisang silid? “Hindi kita maintindihan. Kakakasal lang natin. Bakit sa ibang silid ka matutulog?” naguguluhan niyang tanong.
“Magpahinga ka na. Saka na natin pag-usapan ang tungkol dito. Pagod na ‘yong pakiramdam ko. Good night.”
“KG!” bigla siyang nakaramdam ng pagpupuyos sa dibdib.
Huminto si KG sa paglalakad at bahagya siyang nilingon. “What?”
“Ano’ng totoong dahilan at agad-agad mo akong pinakasalan?” mula sa cloud nine ay para siyang unti-unting bumabagsak papunta sa lupa. Mukhang nag-over thinking siya sa posibleng dahilan ni KG kaya siya nito inalok ng kasal. Akala niya…
“‘Yong totoo? To hurt your sister,” anito bago siya iniwan sa silid na iyon.
Gustong matawa ng pagak ni Tami.
Kung ganoon ay hindi pala totoo ang mga sinabi ni KG sa kanya nang magkita sila sa USA. Bigla ay naging isang katanungan sa kanya kung totoo nga bang nasa isang business trip ito kaya ito nasa America noong isang buwan o hindi iyon totoo?
Nang makabawi ay naglakad siya palapit sa may kama. Doon ay animo unti-unting hinigop ang kanyang lakas. Paanong nagpa-isa siya sa isang Kedric Gabriel Ladjasali?
Bakit kailangan siya nitong itali sa isang kasal kung ang nais lang pala nito ay saktan ang damdamin ng kanyang panganay na kapatid na si Shantal?
Kahit ang sakit-sakit na ng kanyang lalamunan ng mga sandaling iyon ay animo tuyot ang kanyang tear gland dahil walang luha ang gustong sumungaw mula roon. Unti-unti niyang nayukom ang palad.
“H-How could you, KG?” nagpupuyos pa rin niyang bulalas.
Bumalik siya rito sa Pilipinas dahil akala niya ay sensero si KG sa pag-aalok nito ng kasal sa kanya. Bakit kailangan siya nitong guluhin na naman? Siya na itong nag-give way noon at lumayo rito. Sanay na siya na wala ito, na hindi ito nakikita. Bakit bigla-bigla ay susulpot na naman ito para lang magbigay ng malaking problema sa kanya?
Hindi ba ito masaya sa buhay nito ngayon?
Speaking, muli siyang natawa ng pagak nang maalala na nakatakda ng magpakasal ang Ate Shantal niya sa ibang lalaki. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pang saktan ni KG ang kapatid niya sa pamamagitan niya? Dahil ba kapatid niya si Shantal? Pero bakit siya pa? Ang dami namang iba riyan.
Simula nang umalis siya sa bansa, anim na taon na ang nakalilipas, ay wala na rin siyang naging balita rito at sa kapatid niya. She choose to stay away just to save her self from too much pain. Masyado pa siyang bata noon. Hindi naman naging sila pero daig pa nito ang nagtaksil sa kanya noon. Kaya naman nang magtapos siya sa high school ay nag-request siya sa kanyang ama na si Geoffredo Samarro na mag-aaral siya ng koleheyo sa Amerika.
Mayaman ang pamilya niya at malaki rin ang negosyo na hawak ng kanyang ama kaya kayang-kaya siya nitong pag-aralin sa kahit na anong eskuwelahan na gusto niya.
Nasapo niya ang noo at pilit kinakalma ang sarili.
Mayamaya ay napatingin siya sa pinto ng silid ni KG. Huminga muna siya ng kung ilang beses bago tumayo at naglakad palapit doon. Kumatok siya sa pinto. Nang hindi ito sumagot o ano pa man ay kinalampag na niya iyon.
“KG! Lumabas ka riyan!”
Nang biglang bumukas ang pinto ay hindi agad nakagalaw si Tami nang makita ang halos hubad na katawan ng asawa. Lihim siyang napalunok. Nakasuot lang ito ng boxer short.
Asawa… sa isip ay napatawa siya. Mukhang sa papel lang sila nito magiging mag-asawa.
“What the hell, Tami? Kung ayaw mo pang matulog ay magpatulog ka naman ng ibang tao.”
Nang makabawi ay sinikap niyang patapangin ang anyo sa harapan nito at hindi nagpa-distract sa kakisigan nito. “Same here. What the hell, KG? Pasensiya ka pero hindi ko hihintayin ang bukas para lang magkaliwanagan tayo. Pinauwi mo ako rito sa Pilipinas para lang sa pansarili mong interes?” pinaningkitan niya ito ng mga mata. “How could you?”
Mataman lang siyang pinagmasdan ng guwapo nitong mukha. Tipong hindi apektado sa mga pinagsasabi niya.
“Ano lang ba ang alam mo, Tami? Magwaldas lang ng pera ng mga magulang mo? Naisip mo ba kung kumusta ang negosyo ninyo?”
Hindi siya nakapagsalita. Kapag nangangamusta siya sa kanyang ama ay palagi naman nitong sinasabi na okay lang ang lahat. Wala siyang dapat na isipin kundi ang makatapos siya sa pag-aaral.
Humalukipkip si KG pagkuwan ay humilig sa hamba ng pinto. “Hindi mo alam na nalulugi na ang negosyo ng pamilya ninyo. Bakit hindi ka na lang magpasalamat dahil malaking tulong ang makasal sa isang katulad ko?”
Napipilan siyang lalo. Hindi niya alam ang bagay na iyon.
Bahagya siyang niyuko ni KG. “Parehas lang tayong maggagamitan sa kasal na ito.”
Nayukom niya ang dalawang palad. “Nalulugi naman pala ang negosyo ng pamilya namin. Bakit ako pa ang binulabog mo sa America? Bakit hindi na lang ang Ate Shantal ang pinakasalan mo? Hindi mo ba siya kayang agawin sa iba? Sa tingin mo, masasaktan siya dahil ikinasal ka sa akin?”
“Marami kang hindi alam. Sabagay, may sarili ka ng mundo sa America kaya hindi ka na aware sa mga nangyayari dito. Hindi mo alam na ipinagkasundo lang ang ate mo para makabawi ang negosyo ninyo sa tulong ng pamilya ng pakakasalan ng ate mo. At kung tatanungin mo kung bakit pa kita pinakasalan kung may iba namang tutulong sa inyo? Mas ‘di hamak na mas mayaman ang pamilya ko, at isa pa, pumayag na ang ate mo na makipagkasundo sa iba. Do you think, hindi masasaktan ang ate mo na tayong dalawa ang ikinasal?”
Bigla ay naalala niya ang mukha ng kanyang kapatid habang nakatingin sa kanilang dalawa ni KG kanina sa reception ng kasal nila. Ibig sabihin ay hindi lang siya namamalikmata sa nakita niyang panibugho sa mukha nito na agad nitong pinalitan ng matamis na ngiti nang magtama ang mga tingin nila.
“Hindi mo ba matanggap na hindi ikaw ang pakakasalan niya?” nagpupuyos na hinugot niya sa kanyang palasingsingan ang wedding ring nila. “Tigilan mo ang kabaliwan na ito,” aniya na inilagay sa kamay nito ang kanyang singsing bago ito tinalikuran at hinayon ang kinaroroonan ng pinto palabas sa master bedroom
Napahinto lang siya sa paglalakad nang pigilan siya sa kanyang braso ni KG at sapilitang iniharap dito.
“Where do you think your going?”
“Babalik sa America, ‘yong malayo sa pagmumukha mo.”
Ito naman ang naningkit ang mga mata. “Ngayon ka pa? Sa tingin mo, kukunsintihin ng papa mo ang balak mo? Baka ihatid ka pa niya pabalik dito.” Natigilan na naman si Tami sa sinabi ni KG na sinamantala naman nito. Isinuot nito pabalik sa palasingsingan niya ang kanilang wedding ring. “‘Wag na ‘wag mong tatanggalin ‘yan diyan. At ‘wag na ‘wag ka ring gagawa ng ikakasira ng pangalan ko. Matulog ka na,” iyon lang at iniwan na siya nito.
Nang muli siyang maglakad palapit sa malaking kama ay padapa siya roong bumagsak. Isinubsob niya ang mukha sa malambot na unan at doon ay tahimik na pinakawalan ang luhang nag-uunahang kumuwala sa mga mata niya.