HAPON na at nakatutok ako sa maliit naming TV. Ito ang libangan ko kapag wala akong pasok sa karinderya at bilang janitress.
“Kathleen! Kathleen, nakapag-saing ka na ba?”
Narinig ko ang boses ni Mama na sunod-sunod na naman umubo at waring nahihirapan huminga.
Tumayo ako sa sahig na inuupuan ko. Nakatapat ako ngayon sa maliit naming television, pinapanood ko ang mga commercial na dumadaan. Malapit lang kasi ang kʼwarto niya sa may sala kaya kita niya ang television.
“Inaalala mo na naman ba ang pagiging commercial model mo rati, Kathleen? Pasensya naʼt hindi na tayo nakabalik... Dahil wala naman tayong pera para sa pamasahe natin.” Inuubo niyang sabi sa akin kaya ngumiti ako sa kanya. “At, alam mo namang naka-tsamba lang tayo sa unang commercial model mo dati dahil nagustuhan ka ng director mismo.” pagpapatuloy niyang sabi sa akin kaya ngumiti ako kay Mama.
“Wala po iyon, ʼma! Alam ko naman pong mahirap mag-audition saka sinuwerte lang talaga ako noong bata ako.” Napapakamot na sabi ko sa kanya. Tinapik ko ang kanyang braso. “Promise, ʼma, kahit hindi ako nakapag-kolehiyo ay babalik ako sa pag-aaral kapag bumuti na ang lagay niyo at maging ang dalawang kapatid ko ay papasok na ulit ako.” Buo ang loob kong sabi sa kanya.
Pinangako ko rin iyon sa aking sarili. Kapag umayon sa amin ang tadhana ay mag-aaral ulit ako. Gusto kong makapagtapos sa kursong pinapangarap ko, ang pagiging teacher.
“Oh, sʼya, ʼma, magsasaing na muna po ak—”
“Ate, nakasaing na po ako!” Narinig ko ang malakas na sigaw ni Francis sa akin. “Pero, ano pong pagkain natin? Wala ng stock na delata sa may cabinet.” Napapakamot niyang sabi sa akin nang makalapit siya sa akin.
“Iyong refrigerator, may laman pa ba?” pagtatanong ko sa kanya.
Nasa petsa de peligro na naman kami.
“Giniling na lamang, ate Kath. At, wala ng iba pa.” sagot niya sa akin na siyang paghinga ko nang malalim.
“Ganoʼn ba?” Napatingin ako kay Mama. “May gamot ka pa po ba, ʼma?” Pagtatanong ko sa kanya para isabay ko na. Mamimili na lamang ako ngayon sa talipapa para may laman ulit ang ref namin.
“Marami pa naman, Kathleen. Pero, ang vitamins ko lamang ay kokonti na lang.” saad niya sa akin kaya napatango ako sa kanya.
“Sige, ʼma. Mamimili na lang ulit kami ni Francis. Para naman ay hindi mawalan ng laman ang ref natin. Sabi ni Papa ay huwag hahayang mawalan ang laman nu'n, ʼdi ba?” Ngiti kong sabi sa kanya.
“Oh, siya, mag-iingat kayo ni Francis. Tawagin niyo muna si Katrina para may makasama ako rito.” Habilin sa amin ni Mama kaya tumango ako sa kanya. Lumabas na rin si Francis para tawagin ang bunso naming kapatid.
Ako naman ay nagpalit ng damit muna, hindi pa kasi ako nakakaligo. Nakakahiya naman kung lalabas akong nakapambahay, kahit sabihin mong malapit lang ang talipapa sa lugar namin. Malay mo pag-tsismisan ako ng kapit-bahay namin, hilig pa naman nilang mamulutan ng ibang tao.
Nang makapagpalit ay lumabas na rin ako sa k'warto namin ni Katrina. Tatlo lamang ang kʼwartong mayroʼn sa bahay. Isa para sa amin ni Katrina, isa ay para kay Francis at ang huli ay para kay Mama. Ang bahay namin ay parang bungalow type, walang itaas. Pagkalabas ko ay nakita ko na si Katrina na may hawak pang chichirya.
“Sama ako, ate!” sambit niya sa akin habang may ningunguya.
Umiling ako sa kanya. “Hindi na, Katrina. Saglit lang kami sa talipapa. Bantayan mo na lamang si Mama.” ani ko sa kanya at nagpaalam na sa kanya.
Lumabas kami ni Francis at pinili na lamang namin maglakad papunta sa talipapa, sayang din ang bente pesos pʼwede na iyan ipangbili ng tuyo.
Nang makarating sa may talipapa ay inuna namin ang pagpunta sa bilihan ng isda. Bumili lamang ako ng tilapia, galunggong at isang pirasong bangus. Pinalinis na namin iyon pero kinuha ko ang laman-loob ng isda dahil ipapakain namin iyon sa alaga naming pusa.
“Salamat, suki!” Sigaw niya sa amin kaya nag-thumbs-up itong kapatid ko.
Sunod naming pinuntahan ay ang bilihin ng mga manok, kumuha ako ng isang buong manok at pina-chopchop ito. Nagbayad na rin agad ako. Lumakad kami sa pinaka-loob ng talipapa, nandoon kasi ang mga tindahan ng mga gulay-gulay at prutas.
Tumigil kami sa isang tindahan na mga sibuyas, suki kami rito kaya rito kami always bumibili and mas mababa ang kanilang paninda.
Namimili na ako ng sibuyas at bawang, napaka-gold na nga ng sibuyas ngayon. Nang napatingin ako sa television ng makita ang commercial ng isang sa member ng Starlight, si Lennox.
Solo commercial niya ng isang brand ng relo. Ang gwapo niya talaga. Hindi pa rin nagbago ang itsura niya simula nang makasama ko siya sa isang commercial.
“Uy, ate? Magda-daydream ka na naman. Nakita mo na naman ang crush mo.” Nakangising sabi sa akin ni Francis.
Kaya pinang-ikutan ko siya ng aking mga mata. “Huwag kang epal. Hawakan mo iyang pinamili natin.” saad ko sa kanya. Binigay ko na iyong kinuha kong sibuyas at bawang sa tindera. “Heto lang po.” saad ko sa kanya.
Nakatingin pa rin ako sa television dahil nandoon pa rin si Lennox. Ang ultimate crush ko sa Starlight, si Lennox, ang main dancer sa kanila. Palihim akong kinikilig dahil sa ginagawa niya, kahit saang anggulo talaga ay ang gwapo niya. Kaya sa kanilang lima ay siya ang favorite ko.
“Hay, ang gwapo niya, ano, Kath? Naglalaway ka na d'yan habang nakatitig sa television.” Napatingin ako sa aking harapan, nakita ko si Rachelle.
Bakit nandito ang isang ito? Alam ko naman sa kanila ang tindahan na ito, pero tamad magbantay ang isang ito.
Napakamot ako sa sinabi ni Rachelle — isa sa mga kababata ko at kaagaw ko kay Lennox. Pero, alam ko naman ay ang crush niya si Casper. Binubwisit lang ako ng isang ito.
“Ang layo niyo na sa isaʼt-isa, Kath! Siya ay langit at ikaw naman ay lupa. Kaya huwag mo na isipin na naaalala ka pa niya.” Mahadera na naman niyang sabi sa akin kaya pinandilatan ko na lamang siya.
“Same with you, Rachelle! Hindi rin magiging kayo ni Casper. Sabi mo nga, langit siya at lupa tayo. Kaya goodbye Casper ka rin!” Ngisi kong sabi sa kanya. “And, at least ako nakasama ko sa isang commercial si Lennox noong bata ako.” Pang-iinggit ko sa kanya.
Nakita ko ang pagtaas ng kanyang kanang kilay. “Past is past, Kath! Bwisit ka talaga!” Naiinis na sabi niya kaya tumawa na lang ako. “Anyway, pupunta ka ba sa meet and greet ng Starlight?” Napunta na ang usapan namin sa PPop group na sinusuportahan namin, kung saan member sina Lennox and Casper.
Hindi na muna ako sumagot kay Rachelle. Kinuha ko muna ang pera para makapagbayad na ako sa binili kong sibuyas at bawang sa kanila.
“Heto, oh?!” Abot ko sa bayad at binigay kay Francis ang supot. Tumingin na ulit ako kay Rachelle at saka umiling sa kanya. “May work ako. Have fun na lang sa inyo.” ani ko sa kanya.
“Always na lang, Kath! Pero, dahil mag-bestfriend tayo ay hihingi ako ng extra shirt and kung pwede magpa-video call kay Lennox, kakapalan ko ang mukha ko para sayo.” saad niya sa akin kaya ngumiti ako sa kanya.
“Sige, thank you, Rachelle!” Malakas na sabi ko sa kanya at kumaway na. Kailangan pa naming bumili ng talong, sayote at kangkong na hindi nawawala sa bahay. Need din namin bumili ng saging para kay Mama.
Lumapit kami sa kabilang tindahan at doon bumili ng mga gulay, dinagdagan ko pa nga ng sayote para panghalo sa giniling. Sunod namin pinuntahan ay ang kuyang nagtitinda ng saging. Bumili kami ng isang kilo at napagawi kami sa tindahan ng mga itlog, bumili na rin ako ng isang tray.
Bumalik na rin kami agad sa bahay, bitbit ang mga pinamili ko. Konti na lamang talaga ang mabibili sa 1500 pesos mo. Pagkabalik namin ay pinagtatanggal ko na rin sa mga plastic ang aming pinamili. Si Francis naman ay hinugasan na ang mga gulay.
Nang matapos namin malinis at maitabi ang aming pinamili ay saka na ako nagluto, pinirito ko ang limang galunggong at gagawin ko silang sarsiado, para may sabaw si Mama. Ang natira namang galunggong ay tinabi ko muna.
Nagluto na ako at inasikaso si Mama para makakain na siya at makainom ng gamot. Need namin i-maintenance ang gamot niya para hindi na lumala at bumalik ang tuberculosis niya.
Nang makakain ay naghugas na rin ako. Maaga akong matutulog ngayon, si Katrina na ang naghugas kaya pumasok na ako sa loob ng k'warto namin. Binilang ko ang perang natira sa akin, kaya pa naman para sa magiging pamasahe ko at lingguhan naman ang sahod ko sa karinderya ni Aling Florida.
Nilagay ko na rin agad ang aking wallet sa maliit kong backpack at saka pinalantsa ang aking uniform as a Janitress.
Nang matapos kong ma-i-plantsa at napatitig ako sa uniform na mayroʼn ako, ang G. Smith Company uniform. Kulay white uniform namin at ang gilid nito ay gold.
Dalawang buwan pa lang ako sa company na ito pero turing sa akin ng mga kasama ko roon ay pamilya na. Kaya tuwang-tuwa ko ng ipasok ako ng kakilala ni Mama, at least mapapalapit na ako sa idol kong si Lennox.