Episode 1: Sea Eternal Kingdom
Sea Eternal Kingdom
MASAYANG pinagmasdan ni Prince Cacao, ang kasintahan niyang si Princess Katsumi, habang papalapit ito sa kinaroroonan niya.
"Cao, bakit hindi ka pumasok sa loob?" Nakangiti ito habang kinakausap siya ng nobya.
"Tinitingnan ko lang ang mga bagong sibol." Ang tinutukoy ni Prince Cacao ay ang mga batang sireno at sirena.
Hinawakan niya ang kamay ng nobya at lumangoy sila papalapit sa mga bagong sibol.
"Princess Katsumi…" sambit ng batang sirena at lumapit ito sa kanila.
"Ano ang ginagawa ninyo dito sa hardin?" Malumanay at malamig na boses ang lumabas sa bibig ni Princess Katsumi.
"Nagsasanay po kami ng sayaw para sa kasal ninyo ni Prince Cacao," masayang tugon nito.
"Pagbutihan ninyo para may premyo kayo na galing sa akin." At natuwa naman mga ito sa sinabi ni Prince Cacao.
"Opo!" tugon ng mga ito.
"Katsumi, gusto mo bang mamasyal tayo?"
"Saan naman?" nakangiti niyang tanong rito.
"Sa mundo ng mga tao," bulong niyang tugon rito, dahil ayaw niyang marinig ito sa iba.
"Sigurado ka? Pero--- paano?" Excited na malaman ni Princess Katsumi ang paraan kung paano sila makatawid sa mundo ng mga tao. Gayong wala naman silang mga paa.
"Ito, bigay ni Ima, regalo niya para sa ating nuptias." Pinakita niya rito ang paris ng bracelet na kulay verdant.
"Wow! Ang ganda naman nito!" Masayang hinahaplos ni Princess Katsumi ang paris ng bracelet.
Isinuot ni Prince Cacao sa kamay ng amica niya isang bracelet at ang isa ay isinuot niya sa sariling kamay.
"Cao, magpaalam muna tayo kay Maku. Para hindi sila mag-alala sa atin." Ang tinutukoy nitong Maku ay ang ama niyang hari.
Pinahintulutan naman sila ng hari na makatawid sa mundo ng mga tao. At isang linggo ang paalam nila. Mahaba-haba rin ang kanilang nilalangoy bago sila nakarating sa ibabaw ng tubig.
"Nandito na tayo," wika ni Prince Cacao.
"Wow! Ang ganda pala dito sa ibabaw ng karagatan." Masaya si Princess Katsumi sa mga nakita niya.
"Nagustuhan mo ba?"
"Oo. Salamat sa pagdala mo sa akin dito." At masayang hinawakan ni Princess Katsumi ang palad ng amicus niya.
"Tara, doon tayo." Itinuro ni Prince Cacao ang isang tahimik at walang katao-taong lugar.
Lumangoy sila banda roon at umahon mula sa tubig at umupo sila sa dalampasigan. At maya-maya pa ay unti-unting napalitan ang mga buntot nila, hanggang sa tuluyan silang nagkaroon ng paa.
"Wow! May mga paa na tayo." Halos napaluha si Princess Katsumi sa sobrang kaligayahan na nadarama nito. At paulit-ulit nitong hinaplos ang mga paa niya.
Gamit ang kapangyarihan ni Prince Cacao na nagmula sa kanang-palad ay nagkaroon sila ng mga saplot.
"Wow!" bulalas ni Princess Katsumi. "Ganito ba talaga ang mga suot ng mga tao?"
"Oo. Nagustuhan mo ba?" masayang tanong ni Prince Cacao.
"Oo, sobra."
"Tayo na." Hinawakan nito ang palad ng amica niya at naglalakad sila sa dalampasigan.
Hanggang sa makarating sila sa maraming tao at halos ang mga ito ay sa kanilang dalawa na nakatingin.
'Wow! Ang ganda niya. Wow! Ang guwapo niya!' Ito ang paulit-ulit nilang naririnig sa bawat tao na kanilang nakasalubong. Daig pa sila sa artista kung purihin ng mga tao.
"Cao, nakapunta ka na ba dito noon?" mahinang tanong niya rito, at mahigpit ang pagkahawak niya sa braso ni Prince Cacao.
"Oo, maraming beses na."
"Kaya pala parang sanay na sanay ka na. May nakilala ka rin na taga-rito?"
"Wala. Nagpupunta lang ako dito noon upang pag-aralan ang kultura ng mga tao," pagtatapat niya rito.
Hanggang sa nag-check-in sila sa hotel na nasa tapat ng dagat. At para magkaroon sila ng maraming pera ay nagpunta muna sila sa siyudad upang ibenta ang dala nilang mga perlas. Habang papasok sila sa loob ng pawnshop ay mayroong dalawang lalaki na sumusunod sa kanila at hindi nila ito napansin. Nakalabas na sila at bitbit ang malaking halagang pera.
"Huwag kayong kumilos kung ayaw ninyong masaktan. Akin na ang pera bilis!" pahayag ng isang tulisan.
Ngunit hindi natinag si Prince Cacao, at hindi rin niya ibinigay ang pera. "Bibigyan ko kayo ng pagkakataon na mabuhay pero sa susunod na gagawin n'yo pa ito sa amin ay hindi ko na kayo bubuhayin," banta ni Prince Cacao.
At hinawakan niya ang kamay ng dalawang tulisan upang burahin ang nangyari. Biglang napakamot sa ulo ang dalawang lalaki na tila hindi nila alam ang nangyayari.
"Cao, sino ang mga iyon?" inosente na tanong ni Princess Katsumi.
"Kung tawagin sa atin, sila ay mga latro."
"May mga latro rin pala dito?" Biglang nakaramdam ng konting takot si Princess Katsumi.
"Oo, at mas marami dito sa mundo ng mga tao."
"Bakit hindi mo sila hinatulan ng kamatayan?" pagtataka na tanong nito.
"Dahil wala tayo sa daigdig natin. Kung sa mundo natin ay tayo ang humahatol sa mga latro. Pero dito ay wala tayong karapatan dahil hindi atin ang mundong ito," mahinahon na paliwanag ni Prince Cacao.
"Naintindihan ko na." At tumango-tango siya.
Masayang nag-ikot-itot ang magkasintahan at binibili nila ang bawat nagugustuhan.
"Sana palagi tayong makabalik dito," seryoso na pahayag ni Princess Katsumi.
"Huwag kang mag-alala dahil kahit mag-asawa na tayo ay palagi kitang ipapasyal dito at kasama ang mga liberi natin."
"Mga liberi? Ang ibig mong sabihin gusto mo nang marami?"
"Oo, para maging masaya ang kaharian natin."
"Mga ilan ba ang gusto mo?" nakangiting tanong ni Princess Katsumi.
"Ummm… kahit lima o anim. Kaya mo ba iyong ibigay sa akin, Katsumi?"
"Oo naman! Basta pangako mo sa akin na ako lang ang asawa mo!"
"Pangako, hinding-hindi ako maghahanap at hindi ako iibig sa iba. Tanging ikaw lang ang mamahalin ko kahit sa pangalawa o pangatlong buhay ay ikaw lang ang mamahalin ko," madamdamin na pahayag nito.
"Salamat, Cao. Mahal na mahal kita at ikaw lang ang mamahalin ko habambuhay o kahit sa kabilang buhay."
Natapos ang isang linggo nilang bakasyon sa mundo ng mga tao at medyo nalulungkot si Princess Katsumi, sapagkat hindi niya alam kung kailan pa sila makabalik sa lupa. Sinadya nila na gabi babalik sa ilalim ng karagatan upang walang makakita sa kanila. Nang umapak na sila sa tubig ay unti-unting bumalik ang kanilang mga buntot hanggang sa naging normal na silang sireno at sirena.
"Tayo na, Katsumi." Hinawakan niya ang kamay ng amica niya at pumailalim na sila sa tubig.