Chapter 20

1089 Words
CHAPTER 20 Isang araw, nagpumilit si Haris na ihatid ako ngunit pilit din akong tumanggi. Hindi kami naging okay noong gabing iyon. Hindi rin siya tumawag, o kahit magparamdam kahit sa text man lang. Gusto ko sanang ayusin ang gusot sa aming dalawa. At the same time ay isiwalat din ang lahat. Handa na ako, ano man din ang mangyari, o maging reaksyon niya ay tatanggapin ko— bahala na. "Dito na lang?" pagtatanong ni Daddy Seb dahilan para mabalik ako sa reyalidad. Mabagal niyang pinapausad ang kaniyang pickup, tila ba hinihintay muna ang sagot ko. Nang tumango ako ay saka pa lamang siya nag-park sa gilid ng kalsada. Tinanaw ko ang likod ng school namin. Dito ko na napiling magpababa kay Daddy Seb at hindi naman ito gaanong nadadaanan ng mga sasakyan, wala rin masyadong tao ang makikita. Ang totoo niyan ay natatakot na akong may makakita pa sa amin. Ayoko nang pagmulan pa ulit ito ng gulo sa school, kahit pa alam ko naman sa sarili ko na hindi na ako tatantanan nina Mildred at ng iba pang estudyante hangga't hindi ko sinasabi sa kanila ang totoo. Hindi alam ni Daddy Seb ang nangyayari sa akin sa loob ng school. Hindi ko na sa kaniya binabanggit pa. Ayaw kong mangyari na mismong si Daddy Seb na ang gagawa ng paraan para matigil ang gulo. Paniguradong sasadya iyon sa school, hindi malabong gumawa siya ng aksyon para mabigyan ng leksyon ang mga kasangkot sa pambu-bully sa akin. Higit sa lahat, hindi sila ang dapat kong inaalala. Hindi sila ang una kong pagsasabihan ng katotohanan, wala sa kanila kung 'di kina Haris Abraham Martin at Aliyah Denice Ventura. Sa kanila ako may utang na paliwanag. Sa kanilang dalawa lang ako magpapaliwanag. "Mauna na po ako," paalam ko kay Daddy Seb na kaagad niyang tinanguan. Malambing siyang ngumiti, saka pa masuyong pinisil ang balikat ko. "All right. Hintayin mo ulit ako mamaya para masundo kita." "Hindi na po. May pupuntahan din po kasi ako," deretso kong sambit. Gusto ko ulit na dumaan sa Hospital kung saan madalas na nagpupunta si Mama. Hindi ko siya nakita noong unang punta ko roon, pati kahapon at marahil ay nagkasalisihan kaming dalawa. Gusto kong malaman kung ano bang sakit ang itinatago sa amin ni Mama at bakit ayaw niyang sabihin sa amin ni Daddy Seb? Ganoon na ba iyon kalala kagaya ng sinasabi ng mga katrabaho niya? May taning na ba ang buhay niya? Na ano mang oras ay bigla na lang siyang mawawala sa amin ni Daddy Seb? Kaya rin ba ayaw niyang magsabi dahil ayaw niya kaming masaktan? Sa mga tanong na iyon ay halos mabaliw ako sa kaiisip. Hindi ko kaya kung pati si Mama ay mawawala sa akin matapos ni Papa. Alanganin man ay muling tumango si Daddy Seb. "Oh, sige, basta ay mag-ingat ka mamaya sa pag-uwi mo. Tatawagan din kita if ever na gusto mong magpasundo." Tipid akong ngumiti. Hindi rin nagtagal nang kalasin ko ang seatbelt ko. Nang makababa sa kotse ni Daddy Seb ay hinintay ko munang mawala siya sa paningin ko bago ko ibinaba ang kumakaway kong kamay. Marahan akong napabuntong hininga. Napahawak ako sa sling ng shoulder bag ko, animo'y inihahanda ko na ang sarili na masaktan sa grupo ni Mildred. Tumalikod ako at akmang maglalakad na sana ngunit mabilis ding napatigil kalagitnaan. "Alam ko na sa simula pa lang, pero ayoko lang maniwala..." seryosong pahayag ni Haris na naging mitsa para manlaki ang mga mata ko sa labis na pagkagulat. "Haris!" Napasinghap ako. Wala pa sa sarili nang mapaatras ako. Hindi nalalayo ang agwat naming dalawa, may sapat lang na espasyo sa gitna namin, tama lang din para magkarinigan kaming dalawa— tamang-tama lang din para makita niya ang pagbaba ko sa pickup ni Daddy Seb. "Kanina ka pa ba nariyan?" Umahon ang kaba sa puso ko, kahit pa noon ko pa tinanggap na darating din ang araw na ito. Ngunit ngayon na nangyayari na ay parang nawala bigla ang binuo kong lakas ng loob para sabihin sa kaniya ang lahat. "Ayokong maniwala noong una, na nagpupunta ang isang Sebastian Ventura sa squatter area kung saan kayo nakatira dati. Akala ko pa ay baka may sinadya lang siya sa lugar ninyo, pero sa araw-araw na dumadaan ako sa kanto ninyo para isabay ka sa school, araw-araw ko rin siyang nakikita roon," mahabang pahayag ni Haris habang ang mga mata ay halos kasing lamig na ng yelo. Napakurap-kurap ako sa kawalan. Kitang-kita ko pa ang namumuong galit kay Haris gaano man siya nanlalamig. Umawang ang labi ko sa kagustuhan kong magsalita at magpaliwanag, pero kahit ang paghinga ko ay hindi ko na magawa nang maayos. "That's him, right? Ang ama ni Aliyah Denice," segunda niya, isang hakbang ang ginawa niya palapit sa akin. "Hindi kita pinag-isipan ng masama, Larisa, kahit isang beses. Kaya noong tinanong kita kung totoo bang may Sugar Daddy ka, iyon ay dahil gusto kong makasigurong si Sebastian Ventura nga ang tinutukoy nilang lahat! Na hindi mo naman siya Sugar Daddy! Gusto kong ipagsigawan sa kanilang lahat na step-father mo siya! Na kung maaga mo lang din sanang pinaintindi sa akin ay aakuhin ko lahat ng parusang ibinibigay nila sa 'yo! Kaya pa sana kitang ipagtanggol! Pero hindi, Larisa! Nakita mo si Aliyah? Nakita mo ang pinagdaanan niya habang hinahanap at nangungulila siya sa kaniyang ama?!" Sa sigaw niyang iyon ay kamuntikan na akong matumba sa labis na panginginig ng dalawang tuhod ko. Napaatras pa ulit ako nang muli siyang humakbang. Namumula na ang parehong mata ni Haris, may bahid iyon ng pagsisisi at pagkadismaya. Unti-unti nang pumatak ang masaganang luha sa pisngi ko. Sa higit dalawang taon namin ni Haris, ito iyong kauna-unahang pagkakataon na sinigawan niya ako ng ganito. Ito rin ang unang beses na nakita ko siyang galit na galit. "Sa tatlong taon mong kasama si Sebastian, nagpapakasaya ka, tumatanggap ng atensyon at kalinga niya— siyang tatlong taon na paghihirap ni Aliyah!" Marahas na bumuga ng hangin si Haris. Inis na naihilamos niya ang mga palad sa kaniyang mukha. Tila ba sa tindi ng galit niya ay hindi na niya malaman kung paano pa iyon ipapakita o kokontrolin. "Look, Larisa, hindi ako nagagalit dahil pinaglihiman mo ako. Kaya kitang intindihin na marahil ay para sa kaligayahan ng Mama mo kaya mo ito itinago... sa akin... nang matagal. Nadidismaya lang ako na hindi ko inakalang kaya mo itong gawin habang nakikita mo naman kung papaanong hirap ang pinagdaraanan ni Aliyah! And this time, ang hirap mo nang ipagtanggol!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD