Chapter 22

1157 Words
CHAPTER 22 "Haris," buntong hininga ko, kapagkuwan ay hinawakan ang kamay niya. "Alam ko na sobra-sobra na itong ginagawa ko, pero please, huwag mo munang sabihin kay Alice ang totoo, na nasa amin si Daddy Seb." Napatigalgal sa harapan ko si Haris. Halos hindi siya makapaniwala sa narinig galing sa akin. Mas lalo siyang tumitig sa akin, tila ba iniisip niya kung saan ako kumukuha ng kapal ng mukha sa pabor kong iyon. "Ako na ang bahalang magsabi kay Alice, pero parang-awa mo na, Haris, huwag mo na muna akong pakialam dito." "Hanggang kailan, Larisa? Para alam ko," untag niya na kahit labag sa kalooban niya ay pilit niya akong iniintindi. "Hindi ko pa alam... basta... kapag gumaling na si Mama sa sakit niya. Hayaan na muna natin sila ni Daddy Seb, hayaan muna natin na maging masaya si Mama kay Daddy Seb," nagsusumamo kong pahayag. Nanginig ang katawan ko sa naisip na posibleng iwan kami ni Mama ngunit madali kong ipinilig ang ulo. Ayokong mag-isip ng hindi maganda, para ko na ring tinatanggap na ganoon nga ang mangyayari. "Kapag magaling na si Mama. Ako mismo ang magsasauli kay Daddy Seb kay Alice. Ako mismo ang magtutulak sa kaniya palayo sa amin ni Mama," dugtong ko habang umiiyak pa rin sa harapan ni Haris. Matagal niya akong tinitigan. Kalaunan nang mapakurap-kurap siya. Nagmamakaawa ang itsura ko at kahit papaano siguro, sa pinagsamahan namin ay pumayag din siya. Matapos din iyon ay iniwan niya ako. Marahil ay hindi niya masikmura ang pagiging selfish ko. Tinanaw ko ang daan na nilakaran ni Haris hanggang sa tuluyan siyang mawala sa paningin ko. Alam ko, wala mang pormal na hiwalayan ay ito na iyong huling araw ng relasyon namin ni Haris. Hindi madali para sa akin, sobrang hirap na pakawalan ang isang taong minahal ko ng lubos, na halos ialay ko na iyong buong buhay ko para sa kaniya, na sa isipan ko ay alam kong siya na iyong para sa akin. Ngunit hindi ko rin kayang pakisamahan ang taong kaya akong talikuran para sa panibagong babaeng gusto niya. Para rin sa kalayaan niya, para hindi na kami parehong mas masaktan pa pagdating ng araw. Ayoko siyang ikulong sa akin habang nakikita ko kung paano siya nahuhulog sa ibang babae, kay Alice pa— sa taong minsan kong kinagalitan, sa taong alam niyang minsan ding nagpahirap at nanakit sa akin. Masakit, pero okay lang, kakayanin ko. Parte ito ng karma ko sa lahat ng kasinungalingan ko sa buhay ko. At sinabi ko ngang ano man ang maging reaskyon o desisyon ni Haris, bukal sa puso kong tatanggapin. Madali kong pinalis ang tumulong luha sa aking pisngi sa reyalisasyong iyon bago inayos ang sarili at tumayo na rin. May pasok pa ako at hindi ako pwedeng makita nina Mildred sa ganitong ayos. Sa araw-araw na pumapasok ako at sa ilang araw na nagdaan matapos ang nangyari sa amin ni Haris ay literal na nagbago ang mundo ko. Tila ba naninibago ako na hindi ko siya kasama, o kahit ang makita. Minsan kung magtagpo man ang landas namin ay ramdam ko ang pag-iwas niya sa akin. Ganoon pa man ay ramdam ko pa rin iyong mumunting pag-aalala niya sa tuwing napapasali ako sa away. "Wow! First time in history! Larisa Belleza Gracia? Nasa Dean's office as an offender? Magugunaw na ba ang mundo?" hindi makapaniwalang saad ni Ms. Tamayo habang sinisilip ako mula sa likuran nina Mildred. May nag-report patungkol sa nangyari sa Cafeteria. Napasama ako dahil sa ginawa kong pagbaligtad ng lamesa sa sobrang galit ko sa grupo nina Mildred. Nasira iyong lamesa at gusto pang ipabayad sa akin, pero sinabi kong tatanggapin ko na lang iyong karampatang parusa dahil wala akong pera. Nandito rin si Audrey at ang mga kaibigan niya, pati si Elias. Syempre ay kasama si Alice dahil sa sabay na gulong nangyari sa Cafeteria. Prente siyang nakaupo sa isang upuan katapat ng desk ni Ms. Tamayo. "At ikaw, Ms. Ventura? Hindi ka ba nagsasawa sa pagmumukha ko sa tuwing nagpupunta ka rito??" singhal ni Ms. Tamayo rito, napanguso naman siya. "Palagi ko naman sinasabi sa inyo na hindi ako nagsisimula ng gulo. Self defense, Ms. Tamayo! Common sense naman!" "Aliyah Denice!" sigaw ni Haris dahilan para maitikom ni Alice ang bibig. Tiningala ko si Haris na siyang nasa gilid ni Ms. Tamayo, may dalawa pa itong kasama na mga officer din. Seryoso lang siya na nakikinig habang nakatayo. Bandang huli nang pare-pareho kaming mapatawan ng disciplinary punishment kaya lahat kami ay nasa Auditorium at naglilinis. Ilang araw kaming naglinis ng buong school. Kaya sa tuwing umuuwi ako sa bahay ay palagi akong pagod. Ni hindi ko na magawang puntahan si Mama sa Hospital. Pero hindi bale, pagkatapos na lang ng exam. Sa dining area ay mag-isa akong kumakain. Linggo bukas at kaarawan iyon ni Mama, iniisip ko kung anong regalo ang ibibigay ko sa kaniya. Sa tuwing birthday niya kasi ay hindi talaga siya naghahanda. Nakagawian ko lang na bigyan siya kahit na simpleng regalo para i-appreciate ang araw ng kaarawan niya. Ngayon lang ako hindi nakapaghanda dahil sa sunud-sunod na pangyayari sa school. Lalo sa naging kahinatnan ng relasyon namin ni Haris. Mayamaya nang mabalik ako sa reyalidad nang makita kong pumasok si Daddy Seb papasok ng dining area. Masaya niyang sinalubong ang mga mata ko. "Birthday ni Marisa bukas, hindi ba?" tanong niya na kaagad kong tinanguan. "Pasyal na lang kaya tayo? Dadalhin ko kayo sa Mall at doon na lang tayo kakain." "Pwede po." Tumango-tango ako. "Bibili na rin po ako ng regalo niya." "Okay! Bibili rin ako." Pareho kaming napangiti ni Daddy Seb. Kinabukasan ay iyon nga ang nangyari. Nakabihis na ako at nakaayos. Nakaupo ako ngayon sa sofa mula sa sala. Hinihintay ko na lang ang pagbaba nina Mama at Daddy Seb. Ala-una na ng hapon, katatapos lang ng lunch. Ilang sandali pa nang matanaw ko ang dalawa. Alalay ni Daddy Seb si Mama. Si Daddy ay katulad kong nakaayos na rin. Samantalang si Mama ay suot pa rin niya iyong damit niya kagabi. Nangunot ang noo ko at pinanood silang lumapit sa gawi ko. Dahan-dahan akong tumayo para salubungin sila. "Ma, hindi ka sasama?" takang tanong ko habang pinagmamasdan ang itsura niya. Nahilot niya ang balikat. "Oo, pasensya na, Belle, hindi ako makakasama sa inyo." "Masama ang pakiramdam ng Mama mo, Belle," segunda ni Daddy Seb. "Ang mabuti pa nga ay magpahinga ka na lang muna rito. May bibilhin lang kami ni Belle." Bahagyang natawa si Mama. "Naku! Alam ko na 'yan. Huwag na kayong bumili ng regalo, ah! Sige na, bonding niyo na ring mag-ama." Nagkatinginan kami ni Daddy Seb. Natawa rin siya at hinalikan sa noo si Mama. "Dito ka lang, Ma. Magte-take out na lang kami ng pagkain!" masayang turan ko. "Mas mainam," pagsang-ayon ni Mama at kumaway pa sa amin ni Daddy Seb. "Let's go, Belle," ani Daddy at saka pa ako inakbayan upang igiya sa kaniyang pickup.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD