Chapter 10

1080 Words
CHAPTER 10 Lulan ng kotse ni Haris ay hinatid niya ako sa kanto kung saan ako palaging nagpapababa. Nandito na kami, hindi nga lang muna ako lumalabas at mas gusto ko ring tumambay pa muna saglit kasama si Haris. "Pagkatapos nito ay uuwi ka kaagad 'di ba?" untag ko kay Haris habang naroon siya sa driver's seat, tahimik at nakatanaw sa labas. Alam ni Haris na sa squatter area ako nakatira. Hindi ko naman din iyon ikinakahiya sa kaniya. Alam niya lahat patungkol sa buhay ko, na wala na si Papa at sampung taon ng patay. Iyon nga lang, mayroon lang isang bagay na hindi pa niya alam— na hindi rin alam ng lahat. Ewan ko lang kung hanggang kailan ko iyon kayang itago. Alam ko rin naman na walang sikreto ang hindi nabubunyag. Lahat ng bagay ay may hangganan, pero sana pagdating ng araw na malalaman na ng mga tao, mas piliin sana nilang intindihin ako kung bakit ko ito ginagawa. Lalo sa part ni Mama. Mas manaig sana ang pag-unawa nila sa pamilyang kinabibilangan ko. Kung hindi man, kung kabaligtaran man ang mangyari, handa ko rin naman tanggapin ang lahat. At sana, kahit ako na lang iyong saktan, kahit ako na lang iyong pagsalitaan ng masama at hindi na si Mama. Masakit kasi para sa akin ang nangyayari. Bumabaligtad ang konsensya ko, pero sa tuwing naaalala kong si Daddy Sebastian na lang ang kasiyahan ni Mama, na siya na lang ang mayroon siya ay mas tumitindi ang pagpili ko kay Mama kaysa sa ibang tao. Kahit pa gustung-gusto ko nang sabihin kay Haris, kahit sa kaniya na lang din muna ay hindi ko talaga kaya. Palagi akong naduduwag. Naiisip ko pa lang iyong kahihinatnan namin ay natatakot na ako. "Oo, Larisa. Magre-review din ako," sagot ni Haris dahilan para mabalik ako sa reyalidad. Nilingon ko siya sa pwesto nito. "Kumusta kayo ni Alice sa iisang bahay?" Sa tanong kong iyon ay dahan-dahan niya akong nilingon mula sa passenger's seat. Seryoso ang mukha ni Haris. Palagi kong naririnig sa ibang estudyante na mas malamig pa sa yelo ang kaniyang expression, pero pagdating sa akin ay parati iyong nanlalambing at nanunuyo. Ewan ko lang ngayon kung bakit parang hindi ako makilala ng mga mata niya. Blanko iyon, malamig din at seryoso. Para bang ibang tao ang kaharap niya ngayon. Nalilito man ay tipid akong ngumiti. "Honestly, mahirap talaga siyang i-handle. Matigas ang ulo, makulit at may sariling desisyon. Palagi kaming nag-aaway at nagsisigawan," ani Haris, dagli pang kumibot ang labi niya na hindi ko alam kung para sa isang ngiti ba o reaksyon ng dismayado. "Wala kaming maayos na interaction. Nakita mo naman kanina sa hallway, right?" Napanguso ako, kapagkuwan ay tumango-tango. "Alam ko na iyong pagtulong mo sa kaniya na mag-review ay dahil sa pakiusap ng kaniyang Daddy. Pero 'yung pag-aalala ba at pagbabantay sa kaniya ay isa rin sa pakiusap sa 'yo ng Daddy niya? O ng Mommy niya?" Isang beses na napakurap si Haris. Tinitigan niya ako, mata sa mata. Samantala ay inabangan ko naman ang pagbabago sa mukha niya. Kalaunan nang mapanood ko ang pagak niyang pagtawa. "Tell me, Larisa, masama ba na mag-alala kay Aliyah bilang step-brother niya? Kasi ako, hindi ko rin alam kung tama pa ba 'to." "Hindi... naman... siguro," pahinto-hinto kong sambit dahil sa sarili ko ay hindi ko rin talaga alam ang posibleng sagot. Pwedeng oo? Pwede ring hindi. Depende sa sitwasyon at depende rin sa nararamdaman mo tungo sa taong iyon. "Minsan kapag wala pa siya sa bahay, o ginagabi man siya ng uwi, hindi ko maiwasan na mag-alala. Hindi ko rin alam kung bakit, Larisa. Pero siguro, natutunan ko na si Aliyah na lang ang mayroon si Tita Alicia. Siya na lang iyong naiwan sa kaniya matapos silang iwan ng asawa niya." Nakagat ko ang pang-ibabang labi bago muling tumango. "Naiintindihan ko." "Tell me if it's wrong, Larisa, or if you don't like it, I'll stop." Ngumiti sa akin si Haris. Natawa naman ako. "Okay lang, Haris. Normal lang naman 'yan." Saglit kaming nagkatitigan. Kaagad nga lang naputol nang mag-ring ang cellphone nitong nasa dashboard. Daddy niya ang tumatawag, siguro ay hinahanap na rin siya sa kanila. Paano at gabi na rin pala. "Sige na, Haris, mauuna na ako. Medyo napatagal na pala ang pagtambay natin," nangingiti kong banggit habang tinatanggal na ang pagkakakabit ng seatbelt. "I'll call you when I'm home," pahayag ni Haris na lalo kong ikinangiti. "Okay, mag-ingat ka." Mabilis akong dumukwang sa banda niya, kapagkuwan ay walang sabi-sabi na hinalikan ko siya sa kaniyang pisngi. Natanaw ko ang pagkabigla ni Haris, pero madali rin siyang ngumiti. Masuyo pa niyang hinawakan ang ulunan ko at saka iyon ginulo. Bumaba na ako, hinintay ko muna rin siyang makaalis bago ako naglakad. Sa pagtalikod ko pa ay unti-unti nang nalulusaw ang ngiti sa labi ko, pero pinilit ko ulit na ngumiti. Nang makarating sa bahay ay naabutan kong nagluluto na si Daddy Sebastian sa kusina. "Daddy!" Lumundag ako sa gilid nito, rason nang pagkakagulat niya at muntik nang tumalsik ang sandok na hawak niya. "Jesus, Belle!" bulalas niya na siyang ikinatawa ko, kinuha ko rin ang isang kamay niya upang magmano. Napangiti naman siya sa ginawa ko. Nakadungaw siya sa akin habang ang mga mata niya'y naninimbang. Saglit akong nagpalingun-lingon sa paligid, hinahanap si Mama at mukhang wala pa siya. "Wala pa si Mama?" maang kong tanong. Ibinaba ko sa lamesa ang hawak na mga libro at naupo sa pahabang silya. Sinundan ko ng tingin si Daddy Seb habang paroon at parito siya. Inihahanda na nito ang hapag. "Anong oras na, ah? Alas sais na kaya," segunda ko habang pinapanood ang paglapag niya ng mangkok sa lamesa na laman ang niluto niyang ulam. "Baka nag-overtime na naman. Alam mo naman ang Mama mo, napaka-workaholic," ani Daddy at saka pa ako pinaghanda ng plato at kubyretos. "Mauna ka na ring kumain at hihintayin ko na lang si Marisa." Tumango ako bilang pagsang-ayon. Ngumiti ulit. Akmang tatalikod na rin siya nang saglit niya akong binalikan ng tingin. "Oo nga pala, bukas ay linggo. Bukas na rin namin napagdesisyunan ni Marisa na lumipat ng bahay. Nariyan na rin kasi ang bumili sa bahay na 'to," pahabol niya na naging mitsa para matigilan ako. "Ah... bukas na kaagad..." wala sa sariling turan ko, gulat sa naging balita. "Yup. Huwag kang mag-alala at naayos ko na ang ibang mga gamit mo." Matamis na ngumiti si Daddy Seb. Napamaang naman ako sa kawalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD