Siyempre ay nagulat si Hunter sa mga sinabi ni Luna. "Ako? Hari ng Kadiliman? Ano'ng sinasabi mo diyan? Hindi nga ako si Van Renegade na sinasabi mo! At hindi ito ang palasyo ko dahil wala naman akong palasyo! Isa akong bellboy sa isang hotel! Nagkakamali ka nga!"
"Bakit mo ba itinatanggi kung sino ka? Hindi mo naman ako kaaway, Van. At saka ano'ng Nakita ko na ang marka ng Hari ng Kadiliman na nandiyan sa dibdib mo. Kaya hindi ako nagkakamali. Pero oo, nakakapagtaka nga ang ikinikilos mo, pati na rin ang kasuotan mo, pero hindi na yan mahalaga sa ngayon," sagot naman ni Luna na parang kumbinsido na talaga na hindi ibang tao ang kasama niya ngayon.
"Pero kasi, hindi nga ako ng Hari ng Kadiliman na sinasabi mo na yan," giit pa ni Hunter. "Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na hindi ako si Van Renegade? Ang pangalan ko ay Hunter. Hunter Khalil Gomez. Bente uno. Taga-Pasong Tamo ako, pero batang Maynila. Hindi ako tagarito kung saang lupalop man ng mundo ang lugar na ito. At saka ngayon nga lang kita nakilala eh."
Ngunit imbes na pakinggan siya ni Luna, nagkibit-balikat lang ito at nilapitan na siya nito at inalalayang makatayo. "May mga bagay nga na kakaiba sa 'yo. Alam ko naman yun. Pero ang itsura mo, ang boses mo, at ang marka sa dibdib mo--- lahat ng mga iyan ay palatandaan na ikaw nga si Van Renegade. Kaya upang maliwanagan tayong dalawa, kailangan nating puntahan ang Oracle. Siya ang tanging alam kong makakasagot sa mga katanungan mo. At sa akin na rin."
"Oracle? Sino yun?"
"Siya ay isang manghuhula. Dati mo siyang kapanalig, na ngayon ay kakampi na ni Haring Octavius."
"K-Kapanalig?" ulit ni Hunter sa sinabi ni Luna dahil nalalaliman siya sa mga salitang ginagamit nito.
"Kapanalig. Kakampi," sabi naman ni Luna. "Dati mo siyang kakampi. Ngunit nang mawala ka, kay Haring Octavius na siya pumanig."
"Teka, teka, pupunta tayo sa isa sa mga kakampi ng Haring Octavius na yan? Eh 'di ba yun 'yung pinuno nung mga kawal na gusto akong hulihin?"
Tumango si Luna. "Tama ka. Pero maiintindihan mo rin kapag nagkita na kayo ng Oracle."
"Eh paano kung ayoko?" tanong naman ni Hunter. "Paano kung hindi ako sumama sa 'yo sa Oracle na yan?"
"Ha? Ano'ng sinasabi mo riyan?"
"Paano kung wala pa rin akong tiwala sa 'yo? Hindi kita kilala. Baka mamaya, katulad ka rin pala ng mga kawal na yun at nagpapanggap ka lang na mabait para mahuli mo ako. Kaya masisisi mo ba ako kung hindi ako sumama sa 'yo at hindi kita pagkatiwalaan?"
Natigilan saglit doon si Luna. Sa tingin ni Hunter ay napwersa na niya ang dalaga na mapaiisip nang mabuti dahil kung iisipin nga naman, may punto nga naman talaga siya. Bakit siya sasama sa isang nilalang na hindi niya naman kilala? At lalo na sa isang nilalang na iba ang tawag sa kanya?
"Alam mo, Van, hindi mo naman ako magagawang takutin nang ganyan," sagot naman ni Luna pagkatapos ng ilang segundong pagmumuni-muni niya. Naisip niya siguro agad na sa kanilang dalawa, hindi siya ang dehado. "Kaya kitang sapilitang dalhin sa Oracle. Kaya kung ako sa 'yo, susunod na lang ako bago pa magsidatingan ang mas marami pang mga kawal na sigurado akong ipinadala ni Haring Octavius. Kaya kung magpapaiwan ka rito, mapipilitan kang kaharapin ang mga kawal na yun."
Napalunok naman si Hunter ng kanyang sariling laway dahil sa narinig niya kay Luna. "Ano'ng ibig sabihin mo? Marami pang mga kawal ang pupunta rito?"
Tumango si Luna at nakangisi na siya ngayon dahil alam niyang nanalo na siya laban kay Hunter. Nakita niya kasi sa mga mata ng binata ang pangamba. "Magpapadala at magpapadala si Haring Octavius ng mga kawal dito hangga't hindi niya nasisigurong patay ka na. Ikaw nga naman kasi ang nag-iisang tinik sa pamumuno niya sa buong Eldan. Kaya gagawin niya ang lahat upang mawala ka na sa landas niya. Kaya ano, gusto mo pa bang magpaiwan dito?"
"Hindi na," bawi kaagad ni Hunter sa banta niya kanina. "Oo na, sasama na ako sa 'yo. Hindi mo naman kasi sinabi kaagad ang tungkol sa mga kawal na paparating pa. Ayoko pang mamatay."
"Mabuti naman kung ganoon. Kaya ano pang hinihintay mo? Tara na!"
"Okay," sagot naman sa kanya ni Hunter pero nakatingin lang si Luna sa kanya nang makahulugan. Kaya tinanong na niya ito. "Bakit ganyan ka makatingin? May dapat pa ba akong gawin?"
"Malamang! Talagang may dapat kang gawin!" singhal sa kanya ni Luna. "Tawagin mo na si Nebula!"
"N-Nebula? Sino naman yun?"
Parang naaasar na si Luna dahil wala siyang alam na kahit isa sa mga sinasabi nito. "Si Nebula! Ang iyong alagad katulad ko! Siya ang magdadala sa atin kay Oracle!"
"Aba, ano'ng malay ko sa Nebula na yan?" sagot ni Hunter na naiinis na rin dahil parang masyado naman yatang nag-expect itong si Luna na may alam siya sa mga nangyayari. Eh hanggang ngayon nga pakiramdam ni Hunter ay nasa isang super weird na panaginip pa rin siya eh.
"Tawagin mo na siya. Itaas mo ang kanang kamay mo at ituro mo sa langit. Tapos gawin mo 'to nang tatlong beses," utos ni Luna sa kanya sabay pitik ng mga daliri niya. Ginaya naman ni Hunter ang sinabi ni Luna. Itinaas nga niya ang kanang kamay niya paturo sa langit. Saka siya pinitik ang mga daliri niya nang tatlong beses. Napatingin pa nga siya sa langit dahil nag-aabang na rin siya kung ano nga ba ang mangyayari.
Saktong nasa tapat siya ng isang malaking butas sa bubong nitong lumang palasyo na kanya raw kaya nakikita niya ang madilim ngunit maaliwalas na kalangitan. Akala niya ay walang mangyayari. Handa na nga siyang pagtawanan si Luna pero bigla na lang siyang nakarinig ng isang malakas na huni na parang nagmula sa isang mabangis na hayop.
Biglang umihip mula sa tuktok ang malakas na hangin, tapos ay may isang napakalaking bagay ang lumusot sa butas at pumasok sa loob ng palasyong ito. Sa sobrang laki nga ng nilalang na ito ay napasigaw at natumba pa si Hunter habang nakanganga siya dahil nag-landing lang naman sa harapan niya ang nilalang na tinawag ni Luna na 'Nebula!'
Hindi lang kasi ito isang ordinaryong may pakpak na malaking hayop. Isa itong halimaw na sa mga palabas lang sa tv nakikita ni Hunter! Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya dahil ang nilalang na nasa harapan niya ngayon ay isang itim na kabayong may sungay at itim na pares ng mga pakpak!
At hindi lang yun ang kakaiba rito! Parang nakasuot pa ito ng armor na gawa sa bakal, kaya nakakatakot itong tingnan. May mga matatalim na blades din ang dulo ng mga pakpak nito na singlapad yata ng dalawang wingspan niya, habang ang sungay nito sa ulo nito ay kulay puti at kumikinang pa sa dilim!
"Yan si Nebula?" kinakabahang tanong ni Hunter kay Luna. Napaisip pa siya kung ano ang bagay na ito. Hindi rin kasi ordinaryo ang size nito. sa tantiya ni Hunter, mas malaki ang kabayong ito ng tatlong beses kaysa sa ordinaryong kabayo.
"Oo. Siya nga. Siya ang magdadala sa atin kay Oracle. At kagaya ko, tanging ikaw lang, si Van Renegade, ang may kakayahang makatawag sa kanya. Kaya tigilan mo na ako sa kwento mong hindi ikaw ang Hari ng Kadiliman. Kaya halika na."
Hindi na lang kumontra pa si Hunter. Dahil mukha namang nagsasabi ng totoo itong si Luna. At dahil sa pagsulpot nitong ikalawang nilalang na siya lang daw ang may kakayahang makatawag, napaisip na rin nang seryoso si Hunter. Mukhang napunta nga siya sa isang kakaibang mundo, at sa mundong ito, hindi na siya ang bellboy na si Hunter Gomez. Sa mundong ito, siya si Van Renegade, na may kakayahang tawagin ang mga kakaibang nilalang.
"Luna," sambit niya sa babaeng nagpakilalang anino niya raw. "Kung ako nga itong si Van Renegade, bakit ako nawala? Ano ang nangyari sa akin?"
"Natalo ka ni Haring Octavius nang huli kayong maglaban. Dalawa kasi kayong namumuno sa Eldan noon. Si Haring Octavius ang namumuno sa bahagi ng Eldan na nasisilayan ng araw. Habang ikaw naman ang namumuno sa bahaging ito na nababalot ng dilim."
"Ano? Ibig sabihin, hindi nasisikatan ng dilim ang parteng ito ng Eldan?"
Umiling si Luna. "Ang lugar na ito, na dati mong pinamumunuan, ay kailanman ay hindi nasikatan ng araw. Tanging ang liwanag ng buwan lamang ang tanglaw ng lugar na ito. Kaya nga tinawag ka ng mga mamamayan ng Eldan na Hari ng Kadiliman. At mula nang mawala ka, inaangkin na rin ni Haring Octavius ang lugar na ito. Kaya mabuti na lang at nagbalik ka na."
"Ibig sabihin, kailangan kong labanan ang Haring Octavius na yun?" tanong pa ni Hunter. "Paano ko naman gagawin yun? Eh wala nga akong kapangyarihan?"
"Diyan ka nagkakamali," pagtatama sa kanya ni Luna. "Pagkatapos nating magtungo kay Oracle, ang susunod naman natiing gagawin ay hanapin ang iyong mga Heneral. Kilala sila sa tawag na mga Umbra. Kapag nahanap na natin sila, maibabangon mo na ang iyong kaharian, Van."