Chapter 1
NAPASAPO ako sa dibdib ko nang makapasok ako sa gate ng apartment ko. Isang manika ang bumungad sa aking paanan kaya muntik ko pa itong masipa. Hindi kasi ako mahilig sa mga manika lalo na itong mga french dolls.
Ang creepy!
Agad kong kinuha ang phone ko sa bulsa ng palda nang hindi na tinitingnan pa ang bagay na ‘yon. Ni hindi ko na pinansin kung ano ang itsura niyon. Basta ang tanging nasa isip ko lang ay makapasok sa apartment ko.
Nag-message agad ako kay Marge. Alam ko namang pinagti-tripan lang ako ng isang ito. Siya lang naman ang may ganang gawin sa ’kin ‘to.
Lakad-takbo naman ang ginawa ko para makapasok agad sa loob. ‘Di ko na natanggal ang leather shoes ko dahil sa pagmamadali. Sumabit pa nga ang strap ng bag ko sa knob ng pinto dahil sa kagustuhan kong makapasok agad.
Kahit na alam kong pakulo lang ito ni Marge ay nakakainis pa rin. Hindi ko pa rin maiwasang hindi murahin siya sa isip ko. Dapat pala ay hindi ko na sinabi sa kaniyang takot ako sa mga manika!
Margarette Santos
Monday
10:23 PM
Apol: Kaloka ka, bes! Ano ba 'tong nasa harap ng apartment ko?
Marge: Huh? Bakit?
Napairap na lang ako sa painosente effect niya. Kahit kailan talaga ang babaeng 'to! Napapatanong na lang talaga ako sa sarili ko kung bakit ko siya naging kaibigan!
Halos mapudpod ang daliri ko sa sobrang bilis ng pagta-type ko.
Apol: Ito kakong manika mo, nasa tapat ng pinto ko. Hindi ka na ba makaisip ng ibang trick para takutin ako? Nagsayang ka pa ng manika mo. Sunugin ko pa 'to, e!
Marge: What the f**k, Apol? Hindi ako ang naglagay niyan!
Apol: Nye! Nye! Hindi mo na 'ko maloloko. Susunugin ko talaga 'to.
Marge: Bahala ka nga riyan. Hindi nga akin 'yan! Sunugin mo kung gusto mo.
Apol: Kung hindi ikaw, kanino galing? Ikaw lang naman mahilig pagtripan ako.
Nang hindi na siya mag-reply ay mas lalong binundol ng kaba ang dibdib ko. Kung hindi sa kaniya ‘to, eh, kanino? Wala naman akong ibang tropa na pwedeng man-trip sa ‘kin. I mean, siya lang naman talaga ang kaibigan ko. Wala rin naman akong kaaway.
Sumalampak ako sa pantatluhang sofa ng apartment ko at tumitig sa kisame. Hindi ko na nagawang magpalit ng uniporme dahil sa napatulala na lang ako, iniisip pa rin kung kanino ang manikang iyon.
Wala naman akong trauma sa mga manika pero may kakaiba kasi silang dulot sa sistema ko. Parang nagtatayuan ang mga balahibo ko at nanlalamig ang mga palad. Madalas ko itong maramdaman sa tuwing nanonood ako ng mga horror films.
Matapos ang ilang beses na pagbuntong-hininga ay tumayo na ako at dumeretso sa kwarto ko.
Isang palapag lang ang apartment na inuupahan ko. Ang sala, dining at kitchen ay magkakadikit lang at easy access. Samantalang may pinto naman papunta sa banyo na nasa tabi ng kitchen. Ang kwarto ko naman ay nasa tapat ng dining area na nahahati rin ng isang pinto.
Paminsan-minsan akong napapatigil habang nagtatanggal ng puting blouse at asul na palda. Panaka-naka rin ang tingin ko sa cellphone, hinihintay ang message ni Marge, pero ni like o ano ay wala.
Nang makapagbihis ay sumampa na ako sa queen-size bed ko. Kinulong ko ang sarili ko sa kumot at saka nagsimulang magtipa para magpadala ng mensahe kay Marge.
Margarette Santos
Monday
5:32 pm
Apol: Bes, nagtatampo ka ba? Sorry na.
Seen
Napasabunot na lang ako sa buhok ko. Bakit ba siya seen lang nang seen? Busy ba siya? Wala naman kaming assignment ngayon ah?
Nang hindi siya mag-reply ay tumayo ako sa kama ko. Wala namang mawawala kung titingnan ko ang manika, ‘di ba? Baka naman guni-guni ko lang talaga iyon kanina. O baka kinuha na ng kung sino mang nan-trip sa ’kin. Although hindi pa rin ako kumbinsidong hindi si Marge ang may gawa n'on.
Minsan na akong pinag-tripan ni Marge nang ganito kaya dapat 'di na ako nagugulat. At sa dalas niyang gawin ay 'di ko na alam kung ano pa ang maiisip niyang pakulo.
Dahan-dahan ang naging pagbukas ko ng pinto. Medyo maliwanag pa naman ang paligid dahil wala pang alas sais. Pero dahil ang tahimik ng apartment ko at ng mga kapit-bahay ko, tumitindig ang balahibo ko sa kaba.
Mas lalo tuloy bumilis ang t***k ng puso ko nang hindi ko na makita ang manika. Chineck ko pa ang paligid dahil baka lumipad iyon o naglakad kung saan, na huwag naman sana, pero wala na akong nakita pa.
Binalibag ko pasara ang pinto at ni-lock iyon bago tumakbo sa kwarto ko. Pati iyon ay ni-lock ko rin para sigurado.
Sa sobrang kaba ko ay napatalukbong na lang ako ulit ng kumot. Mukhang hindi na rin ako makapaghahapunan dahil sa nangyari. Natatakot na akong lumabas ng kwarto ko!
Kinuha ko ang cellphone na inilapag ko sa side table. Miski ang pagkuha ko roon ay nakadagdag sa kaba ko. Pakiramdam ko ay biglang lilitaw roon ang manika o baka bigla na lang tatabi habang nakatingin sa ’kin.
Margarette Santos
Monday
5:40 pm
Apol: Grabe! Akala ko naman kasi talaga sa 'yo, e.
Apol: Pero, bes, natatakot ako. Nawala kasi 'yong manika. Kung hindi ka galit, iisipin ko sanang panaginip lang. Pero hindi kasi.
Apol: Uy! Mag-message ka naman kahit hi lang, oh! Natatakot na ako mag-isa rito sa apartment.
At nang miski seen ay hindi ko na natanggap, nakagat ko na lang ang ibabang labi ko.
Napakamatatakutin ko naman kasi! Bakit ba ganito? Simpleng manika lang ay takot na takot ako. Ang liwanag pa sa labas pero ito ako, parang bata kung umasta.
Mariin akong napapikit at pinilit matulog. Sana ay mag-umaga na para makaalis na ako sa apartment ko. Gusto ko nang makatulog!