CHAPTER 1
CATHY's POV:
"CATHERINE SANCHEZ." tawag ng isang babae sa pangalan ko.
Naghahanap ako ngayon ng trabaho. Pero sa dami na trabahong pinag-applyan ko ay lagi akong ligwak. Hindi ako nagiging pasado dahil ang hanap nila ay college graduate.
Hindi kasi ako nakatuntong o umabot man lamang sa kolehiyo dahil sa hirap ng buhay namin sa Probinsya. Masyadong mahal kasi ang tuition ng gusto kong course na pasukan at University... Kaya wala akong choice kundi ang itigil muna ang pag-aaral ko para sana makapag-ipon.
At heto, narito ako sa Manila at nakipagsapalaran upang maghanap ng trabaho. I know it's not easy to find a job, pero hindi ako susuko. Kailangan ko kasi talaga ng pera para mapaayos ko ang bahay namin sa Probinsya na tinutuluan lagi ng ulan dahil sa butas-butas ang bubong.
"Yes po? Ako po 'yon Ma'am. Ako si Catherine Sanchez, Cathy for short," pagtataas ko ng aking kamay habang lumalapit sa kanya.
"Tanggap ka na sa trabaho. Pero hindi bilang waitress o kung ano pa man," bigkas nito dahilan para mapakunot-noo ako.
"Po? Anong ibig niyong sabihin Ma'am?" nagtatakang tanong ko sapagkat waitress ang aking inapplyan.
"Puno na ang slot namin sa waitress. So I decided na bigyan ka ng trabaho bilang yaya," diretsang sagot nito.
"Yaya? As in magbabantay ng bata?" sambit ko naman.
"Oo... Gano'n na nga... Gusto mo ba? Kasi kung hindi ay ibibigay ko na lang sa iba ang trabaho na 'yan," aniya ng babae.
"Ay hindi... Huwag naman gano'n Ma'am. Syempre tatanggapin ko 'yan. Work po 'yan eh. Marangal na trabaho 'yan kaya blessing ang tawag d'yan," mabilis na turan ko.
"Kung gano'n, pwede ka nang magsimula ngayon. Dahil saktong petsa uno ng Mayo ngayon. So you can receive your p*****t exactly at May 15," pahayag ng babaeng kaharap at kausap ko ngayon.
"Sure po Ma'am. Ready naman po ako... Saka bata lang pala ang aalagaan. Sisiw lang iyan sa akin. Mahilig ako sa bata," nakangiting tugon ko.
Hindi sa pagmamayabang. May experience na kasi ako pagdating sa pag-aalaga ng bata. Dahil maraming chikiting sa Probinsya at masyadong bata pa ang mga kapatid ko kaya marami akong alam tungkol sa kanila.
Agad kong kinuha ang malaking bag na dala ko upang sumunod na sa babae para ipasakay ako sa van. She told me na yung driver na lang ang bahala sa akin na maghatid sa mansion nang pagsisilbihan ko.
Oo, mansion daw. Kasi sobrang yaman ng batang aalagaan ko. Anak daw ito ng isang bilyonaryong tao. Kaya dapat lang na galingan ko at ayusin ang aking trabaho para maging malaki ang sweldo ko. May chance pa nga na magiging mataas ang aking bonus kapag daw nagustuhan ng boss ko ang pagiging masipag ko sa pag-babantay at pag-aalaga.
"Nandito na tayo Miss... Good luck sa magiging trabaho mo, sana ay tumagal ka," bigkas ni Manong Driver na animo'y may pag-aalala ang boses niya.
"Ho?"
"Wala pa kasing tumatagal dito... Siguro isang linggo lang ang pinakamahabang araw ng pag-stay ng isang yaya dito. Kaya sana ay tumagal ka," he said again.
Nagtataka naman ako dahil masyadong maikli ang itinagal ng iba. Gusto ko sanang tanungin pa si Manong kaya lang bigla na siyang nag-drive kaya naiwan ako sa tapat mismo ng malaking mansion.
"Isang linggo? Ang duduwag naman nila. Parang bata lang, ang dali nilang sumuko," naiiling na sambit ko kasabay nang pag-apak ko sa loob.
Napaka-fresh ng paligid dahil napapalibutan ito ng mga bulaklak. Isama mo pa na sobrang linis ng paligid. Halatang yayamanin ang nakatira dito.
Ngayon lang ako nakatuntong sa ganitong mansion kaya na-eenjoy ako magmasid sa bawat sulok.
"You are the new maid?" bigkas ng isang matanda na nanggaling ang boses niya sa gilid na malapit sa hagdan.
Awtomatikong napalingon ako sa kanyang gawi pero pinagmasdan niya ang aking kasuotan na tila inoobserbahan ako.
"Opo... Ako po si Catherine Sanchez... Pero Cathy ang madalas na tawag sa akin ng mga kakilala ko... Nice to meet you po Ma'am," magalang na turan ko sa kanya.
Kaso hindi siya sumagot dahil pinili niyang lapitan ako para mas matitigan ang aking mukha.
"Sigurado ka ba sa desisyon mong ito hija? Baka nabibigla ka lang o dala nang kagipitan kaya pinili mong tanggapin ang ganitong trabaho," saad niya na para bang sinisiguro niya kung bukal sa loob ko ang pagiging yaya.
"Sanay na ho ako magbantay Ma'am. Ang katunayan n'yan, hindi ako yung tao na madaling sumuko... Lahat ho ng gawain ay kaya ko. Flexible po ang katawan ko at hindi ako basta-basta napapagod," pagsasagot ko naman habang nakangiti nang malawak.
"Then good... Ngayon pa lang ay pinapahanga mo na ako... Pero mag-iingat ka sa anak ko dahil hindi siya normal na tao," ani nito.
"Ibig niyong sabihin ay demonyo po ang anak niyo?" kinakabahan na turan ko pero bahagya siyang natawa sa aking sinambit.
"Pinapatawa mo ako hija... You are so witty... Hindi demonyo ang anak ko. Actually mapagbigay siya. Kaya lang sa sobrang mapagbigay niya, ayon binibigyan niya ng bata ang mga nagiging kasambahay dito," litanya ni Ma'am na hindi ko pa rin ma-gets ang pinupunto niya.
"Teka lang ho Ma'am, pwede po bang diretsuhin niyo ako? Nalilito kasi ako sa mga sinasabi niyo," bigkas ko naman.
Napaayos siya nang pagkakatayo at bahagya niya akong tinapik sa aking balikat.
"Malalaman mo rin iyan hija kapag nakilala mo na nang lubusan ang anak ko," saad nito dahilan para mapatango na lamang ako.
Inilinga ko ang aking paningin upang hagilapin ang kanyang anak.
"Nasaan ho ba siya Ma'am? Siguro ang cute ng anak niyo... Alam niyo, mahilig ako sa bata, lalo na yung matataba ang pisngi dahil ang sarap pisilin kapag gano'n ang mukha nila. Kaya tiyak ko na magiging ka-vibes ko ang anak niyo. Magaling kasi ako makipaglaro sa mga bata. Proven and tested na ho 'yan simula nung nasa Probinsya ako," pahayag ko para ikwento ang naging karanasan ko.
"Bata? Hindi na bata ang anak ko, hija... Saan ba nanggaling ang impormasyon na iyan?" wika niya naman bilang pagtatanong sa akin.
"Eh sabi po nung babaeng pinag-applyan ko, bata raw ho ang babantayan at aalagaan ko," mahinang sambit ko.
"Hija, hindi na bata ang anak ko... He's already twenty-eight," she answered.
Para akong nabuhusan nang malamig na tubig dahil sa sobrang pagkagulat.
Mukhang na-scam yata ako ng babaeng 'yon.