KABANATA 1

1058 Words
KABANATA 1:     KINIKILIG ako habang inaalis na ang maliit na box mula sa paper bag. Nakagat ko ng mariin ang labi ng makita ang relo! Napapalibutan ng maliliit na bato ang case nito. Mabilis kong tignan ang presyo. Halos mahimatay ako na mas mataas pa sa expectation ko ang presyo nito.   "Pi... piptin tawsan?!" Napahawak ako sa dibdib. Mabilis kong sinukat iyon sa aking palapulsuhan.   "Ay, shet! Ang gondo!" pagpapalatak ko.    Napaigtad ako ng kumatok si Aling Cecil. Iyong may-ari ng apartment.   "Anne! Katapusan na, aba! Kailangan ba lagi akong maniningil?"   Napangiwi ako at hindi magkanda-ugaga sa pagligpit ng relo. Lahat pinasok ko sa paper bag at nilagay sa ilalim ng kama. Sa oras na makita ni Aling Cecil na may mamahalin akong gamit hindi na 'yon maniniwala na wala akong pera.   Pinagpawisana ng kili-kili ko sa pagmamadali. Nakangiti kong pinagbuksan ng pinto si Aling Cecil.   "Uy, te!" bati ko.   Kumunot ang noo nito ng makita akong hinihingal pa. Sumilip tuloy siya sa loob para tignan kung anong mayroon. Sakto pa na naglilinis ako dahil may elesi pa sa lapag. Nililinis ko kasi ang electric fan.   Naglahad siya ng kamay.   "Bayad mo," aniya. May suot pa siyang rollers sa buhok.   Napangiwi ako at napakamot sa ulo.   "Kasi... 'te, ubos na, binayad ko sa utang ni Tiya. Sa akinse na. Tubuan mo na lang, hehe."   Umasim ang mukha niya.   "Puro ka tubo! Tubo na ng tubo ang tubo! Makaka-ahon ka pa ba niyan? Naku! Nagnenegosyo ako, ah. Last na 'to, Anne! Kapag hindi mo ko binayaran sa akinse ipapa-barangay kita!" singhal niya sa akin.   "Oo, 'te! Babayaran ko na, pramis! Si Tiya kasi ginigipit na ng bumbay kaya napunt—"   "Heh! Wala kong pakialam! Hindi ko na problema 'yan! Ang gusto ko bayaran mo ko dahil dalawang buwan ka ng hindi nakakabayad! Naku, naku! Naii-stress ako!" anito at tinalikuran ako.   Kagat-labi ko siyang sinundan ng tingin. Lumabas tuloy ang ibang nakatira sa katabing kwarto.   "Pasensya na, pasensya na po..." hingi kong paumanhin sa mag-asawa at sa isa pang dalaga na napalabas ng kuwarto. Mabilis akong pumasok sa loob at hiyang-hiya sa nangyari.   Ilang beses na 'to pero heto nahihiya pa din ako. Kung bakit ba naman kasi panay utang sa bumbay si Tiya.   Nagpatuloy ang buong linggo ko na tulad pa din ng dati. Hindi na ko nagrereklamo kahit panay ang aking OT. Noon, naiinis ako dahil nakakapagod pero ngayon ayos na lang dahil kailangan kong makaipon para pambayad sa apartment. Ayoko na bumalik sa masikip at maliit na bahay ni Tiya. Lalo na panay ang lasing ng asawa niya. Tapos si Tiya panay din ang inom. Akala ko makakahinga na ko ng maluwag na nakawala ako sa poder nila pero hindi pala.   Bumuntong-hininga ako ng makitang tumawag si Tiya Helena. Ayoko sana sagutin pero kung gagawin ko iyon ay alam ko ng bukas na bukas ay nasa tapat na siya ng apartment ko.   "Hello, 'ta?"   "Anne! Hindi mo sinagot ang tawag ko kanina. Pero 'di bale, baka busy ka. Baka may 500 ka diyan? Kailangan ko lang kasi kulang na kami sa budget,"   "Ha?" Nanlamig ang aking tiyan. Napatingin ako sa delata kong ulam. Nagtitipid na nga ko sa sarili ko para lang maka-ipon pero kung ganito ng ganito. Paano na ko?   "W-wala kasi akong extra na 'ta. Nagbigay na ko sa'yo ng isang libo noong nakaraang linggo, 'di ba?" kagat-labi kong sabi.   "Aba! Hoy, Anne! Kung hindi dahil sa akin. Wala ka diyan ngayon. Wala kang utang na loob! Alam mo bang..."   Ibinaba ko ang cellphone ng marinig ko na ang galit niya. Alam ko na kasi ang mga kasunod niyon. Alam mo bang hirap na hirap na kami sa buhay pero pinilit namin na buhayin ka kahit na hindi ka naman namin anak. Hinayaan ko iyong tawag niya pero ng marinig ko na ng sinigaw na ang pangalan ko tsaka ko na iyon nilagay sa akin tainga.   "Anne!"   Halos mabingi ako sa tili niya.   "Po?"   "Bigyan mo ko. Kung ayaw mong sugurin kita diyan. Namomroblema na ko dito. Kaya tulungan mo ko!" galit niyang sabi.   "Sige 'ta," sabi ko sa kanya.   "Mabuti naman. Sige, mag-inga ka diyan. Padala mo ngayon sa Gcash," utos niya.   "Sige 'ta..." nanghihina kong sabi.   Nawalan ako ng gana magpatuloy kumain. Problemado ako na magbibigay ako kay Tiya ng pera samantalang p'wede ko ng budget iyon sa pagkain buong linggo. Mamasahe pa ko. Isang sakay pa kasi bago ang factory na pinapasukan ko. Isa akong production worker. Limang taon na pero bago ako na-regular ay iba-iba ang naging trabaho ko simula ng tumuntong ako sa edad na disi-otso. Una kong trabaho ay nagtinda sa palengke. Hanggang sa nagkasambahay. Nag-alaga ng bata. Napunta sa pagiging kahera. Hindi naman na-regular kaya naghanap ng iba.   Limang taon akong may regular na trabaho. Maganda naman sana ang kita kung hindi lang malakas manghingi ng pera si Tiya Helena. Simula pa ng nagta-trabaho ako ay malakas na siya manghingi. Kapag sinabihan ko na huwag na muna ay sumasama ang loob at sasabihan na ko ng hindi maganda.    Sinusugod pa ako dito. May trabaho na ang panganay niyang anak na si Lovi. Iyon nga lang kulang pa din sa kanila dahil pito silang magkakapatid. Manginginom pa sila Tiyo at Tiya. Mahilig pa umutang sa bumbay. Kaya heto ako ang ginigipit. Marami na sana akong napundar.    Malapit ko na nga isangla lahat ng ni regalo sa akin. Hindi lang ni Travis kundi ng iba pang lalaki na nanligaw sa akin. Minsan naiisip ko na lang maghanap ng Sugar Daddy. Napapagod na ko magtrabaho kaya lang naisip ko ang pangit naman. Tsaka baka dumating ang panahon na iwan lang ako ng lalaki kasi wala akong pakinabang.   Hindi ako kailanman naging seryoso sa lalaki pero marami akong naging nobyo. Kapag tingin ko na nagtatagal na at medyo seryoso na talaga ang lalaki. Umaalis ako. Lalo na kung aalukin ako ng kasal. Ayoko dahil takot ako sa responsibilidad. Bukod doon masakit daw manganak!   Okay lang kung mayaman ang lalaking mapapangasawa ko, e paano kung hindi? Sa lahat ng naging karelasyon ko. Mayroon din naman may kaya. Pero kontrabida ang Nanay. Ayoko namang mapunta sa biyenang bruhilda. Okay na lang ang mag-isa.   Napatingin ako sa pinto ng may kumatok doon. Napabuntong-hininga ako. Baka si Aling Cecil na naman ito. Kasasabi ko lang na wala pa noong nakaraang linggo. Kukulitin na naman ako.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD