CHAPTER 4: Banta

1851 Words
~ KINABUKASAN, PAGTITIPON na. Biglang inanunsiyo na lamang ‘yon ni ama kahapon. Na-badtrip ata siya kahapon nang pagpasok namin sa loob ng palasyo ay wala ang mga inaasahan niyang bisita, na miyembro ng bughaw na pamilya, ang mga Agila. May lumapit kay papa no’n at sinabing hindi makakarating ang mga inaasahan niyang panauhin. May binanggit pa ‘yong lalaki na pangalan ng isang prinsepe, umalis raw iyon kasama ang anak nito. Sobrang dismayado si papa na nag-iba pa ang timpla ng mukha. Dapat ay ipapakilala niya ako sa mga miyembro ng bughaw na pamilya ngunit wala ni isang naroon nang mga oras na ‘yon. “Ganoon ba? Nauunawaan ko.” Iyon lang ang sinambit ng aking ama at tumahimik na siya. Naupo siya sa trono niya sa bulwagan ng palasyo at sinabi niya sa lahat na naroon na bukas ay gaganapin ang pagtitipon. Tapos may inutusan siyang tagasilbi na ihatid ako sa magiging silid ko. Silid na anim na beses na yata ang laki sa bahay namin. At nang sumapit ang gabi, may nagdala na lamang ng pagkain sa kuwarto ko. At hindi ko nga pala magagamit ang mga damit na dala ko dahil may walk-in closet ako sa kuwarto na puno ng mga damit na masusuot ko – lahat halos kulay blue na ‘di na iba sa akin ang mga ayos dahil halos parehas sa suot ni papa at sa mga nakita kong kasuotan sa labas ng palasyo. May mga sapatos na rin at sandals. Ramdam kong dugong bughaw ako. Sa isang iglap lang, nakatira na ako sa palasyo na kahit ano yatang hilingin ko ibibigay sa akin. At may sarili pa akong banyo na may bath tub pa. May kumatok sa pinto ng silid ko at narinig ko ang tinig ni papa. Binuksan ko ang pinto at pumasok ang aking ama at pinagmasdan ako. Nakabihis na ako para sa pagdiriwang, suot ko ang itinurong kasuotan ng tagapagsilbi para sa araw na ito. Mula nang ihatid ako rito sa silid ko, ngayon ko na lang ulit nakita si papa. Nakangiti na siya, wala na ang sama ng loob sa nangyaring expectetion versus reality kahapon. Ngunit naging seryoso rin si papa nang lapitan niya ako. May inayos siya sa suot kong asul na pang-itaas na may mga palamuti at hinawakan ako sa magkabilang-balikat. Napagmasdan ko ang pagkaseryoso ng aking ama. Naramdaman ko na hindi biro ang kalagayan ko ngayon, na hindi basta lamang ang mundong pinasok ko at buhay na pinili ko. Iba ang ayos ngayon ng ama kong hari,’yong masasabi mo talaga na isa siyang hari na may kapangyarihan. May suot siyang gintong korona na may mga asul na bato at may asul siyang kapa. “Peter, aking anak,” aniya. “Hindi magiging madali ang lahat. Nais kong maging buo ang iyong loob at magtiwala ka lamang sa akin…” saad pa ng aking ama. Wala na siyang sinambit pa. Ngunit nauunawaan ko at alam kong sasabihin niya rin sa akin ang mga dapat kong malaman. Lumabas kami sa kuwarto at naglakad kami ni ama patungo sa bulwagan kung saan nagaganap ang pagdiriwang. Maririnig mula doon ang musika at tinig ng mga naroon. Huminga ako nang malalim at winaksi ang kaba sa aking dibdib. Kailangan kong isa-puso kung sino na ako ngayon. Ako si Prinsepe Peter Agila, ang sunod na magiging hari ng Arahandra. Huminto kami ni ama. May magandang babae na naghihintay sa amin bago kami bumaba ng hagdan. Masasabi kong mas matanda sa akin ang babae. Nakasuot siya ng mahabang asul na gown na maraming palamuti at may suot din siyang kapa’t gintong korona. Nakangiti kaming sinalubong ng babae. Ang amo ng mukha niya. Mararamdaman mo na may mabuti siyang puso. “Peter, mula ngayon, siya na ang kikilalanin mong ina,” saad ni papa. “Siya ang aking reyna, ang reyna ng Arahandra, Reyna Bernadeth,” pakilala ng aking amang hari sa kanyang reyna. Nakangiting tumango ako sa reyna. “Hello po,” nasabi ko. Makikipagkamay sana ako ngunit bigla niya akong niyakap nang mahigpit. “Masaya akong makilala ka, Peter,” sambit ni Reyna Bernadeth nang magkaharap na kaming dalawa. “Anak ko,” aniya pa. Hawak niya ang mukha ko. Napakalambot ng kanyang mga palad at mainit, kasing init ng kanyang pagtanggap sa akin bilang kanyang anak. “A-Ako rin po, aking inang reyna,” saad ko at iginuhit ko ang ngiti sa aking labi. Nakangiting pinagmamasdan kami ni ama. “Isa na tayong pamilya ngayon, aking reyna at aking prinsepe,” sambit niya. Nakangiti kaming tumugon sa kanya. “Isang pamilya,” may ngiting nasabi ko. Naghawak kamay ang aking ama at… ina. “Hinihintay na tayo ng lahat,” sambit ng aking inang reyna. Naglakad kaming tatlo pababa ng malapad na hagdanang may kulay abong carpet na may mga desinyong guhit na kulay puti, asul at ginto. Pababa sa malawak at napakagandang bulwagan kung nasaan ang tatlong gintong trono na may mga asul na kristal ang hagdan. Iba na ang ayos ng bulwagan mula sa nakita ko kahapon, may mga bulaklak sa paligid at bago na ang asul na kurtinang mula sa high ceiling na mga tatlong palapag ang taas hanggang sa sahig. Sa palibot ay may mga bilog na mesang nababalot ng asul at puting tela katulad din ng mga upuang nakapaikot sa mga ito. Lahat ng nasa bulwagan ay nasa amin ang atensiyon, nasa gitna ang aking ama, nasa kaliwa niya ang aking ina at nasa kanan naman niya ako. Nilibot ko ang tingin ko sa paligid at napagmasdan ko ang mga chandelier sa itaas na sobrang lalaki at ang gaganda. Nagpalakpakan ang lahat habang binabaybay namin ang gitna ng bulwagan patungo sa magagarang tronong nakalaan sa aming tatlo – sa aming pamilya. Huminto ang mga palakpakan nang marating namin ang kinaroroonan ng mga trono – may limang baitang bago sa tatlong trono. Nakaharap kami sa lahat. Sumenyas ang aking ama at naupo ang mga bisita maliban sa mga kawal na bantay at mga tagasilbi sa palasyo na abalang umiistima sa mga bisita sa bawat mesa. Naupo na rin kami. Nasa gitnang trono na pinakamalaki at magara ang desinyo naupo ang ama kong hari habang nasa kaliwa ang ina kong reyna at nasa kanan naman ako ni ama. Iba-iba ang hitsura ng trono na sa palagay ko ay basehan kung ano ang katungkulan mo sa palasyo at sa buong kaharian. Mas lumakas ang musika mula sa mga musikero. Nagtayuan ang ibang bisita at pumagitna sa bulwagan, at ang ilan naman ay nanatili lamang sa kanilang kinauupuan. Napansin ko ang mahabang mesang nasa kaliwang gilid ko. May anim na nakaupo roon, isang babae at limang lalaki. Ang tatlong lalaking binata ay mukhang mga kaedad ko. Mas magara sa ibang bisita at maraming palamuti sa kanilang kasuotan. Sa tingin ko, parte sila ng bughaw na pamilya dahil lahat din sila ay may suot na korona. Napalunok ako. Hindi ko namalayan na napako na pala ang tingin ko sa kanila at lahat sila ay nakatingin na rin sa akin. Ang mga mata nila, tila hindi ako tanggap? Sumayaw ang mga bisitang pumagitna sa bulwagan habang ang mga tagasilbi ay abalang nagsi-serve ng mga pagkain sa mga mesa. Inaliw ko ang sarili ko sa pagkikinig ng masarap sa taingang musika at sa mga galaw ng mga sumasayaw sa saliw nito upang mawala ang isip ko sa matatalim na tingin ng mga sa palagay ko’y miyembro ng bughaw na pamilya. “Lahat na narito ay mga maharlikang pamilyang pinuno ng mga bayan ng ating kaharian,” saad sa akin ng aking ama. “Marapat na sila ay iyong makilala at pakisamahan. Magiging katuwang mo sila sa pagpapatakbo ng kaharian.” “Opo, ama,” sambit ko. May parisukat na mesang iniligay sa ibabang harapan namin na buhat ng mga kalalakihang kawal. May babaeng tagasilbing binalutan ito ng asul at puting tela, may iniligay sa gitna na mga bulaklak bago hinanda ang mga pagkain na nakatakip pa ng mga kulay ginto. May nilagay na tatlong upuang may mahahabang sandalang naiiba sa mga upuan ng mga bisita. Tumayo si ama at huminto ang musika. Bumalik naman sa kanilang mga kinauupuan ang mga sumayaw na panauhin. Nakangiting pinagmasdan ni ama ang lahat. “Nalalaman ninyong lahat na sa tuwing mayroon tayong pagtitipon o ano mang uri ng pagdiriwang ay nais ko munang may laman ang ating mga tiyan. Nais kong busog ang lahat bago ko ianunsiyo ang dahilan ng ating pagtitipon. Kahit pa batid ko na may nalalaman na kayo sa pagdiriwang na ito.” Nagtawanan ang lahat. Mukhang relax na hari si papa at nakakapagbiro sa harap ng kanyang mga nasasakupan. “Magsikain na muna tayong lahat bago ituloy ang kasiyahan.” Tumayo na rin kami ng ina kong reyna at naglakad kaming tatlo kasama si ama papunta sa mesa at tinanggal na ng mga tagapagsilbi ang mga takip sa mga pagkain. Naupo kami at naging hudyat iyon upang magsimula ang lahat sa pagkain. Nanlaki ang mga mata ko sa pananabik sa mga pagkaing nasa harapan ko. Mga iba’t ibang luto ng karne at may sabaw rin at mga prito at inihaw. Hindi ko na iisa-isahin ngunit nasa sampung putahe ata at may mga gulay na salad pa at juice na inumin. May mga pang-desserts din. Nag-almusal naman ako ngunit parang bigla na lang akong nagutom dahil sa dami ng mga pagkain. Nagsimula akong kumain at ang sasarap! At lahat ng nasa harapan ko titikman ko! Pero nagpigil ako na magmukhang patay gutom kaya binagalan ko lang ang pagkain ko. Isa akong prinsepe kaya dapat akong kumilos nang maayos at hindi magmukhang katatawanan. “Nagustuhan mo ba ang mga ipinahanda ko, aming prinsepe?” tanong ni Reyna Bernadeth, ng aking ina. “Opo,” nakangiting sagot ko. “Sobrang sarap po ng mga pagkain,” dagdag ko pa. “Mabuti naman at nagustuhan mo, Peter,” saad ng aking ama. “Ngayon lang po ako nakatikim ng ganito kasarap na mga pagkain,” ani ko. Nagsalin ako ng inumin sa baso ko. Nang iinumin ko na ang juice sa hawak kong baso ay hinawakan ni ama ang aking kamay upang pigilan ako na ikinagulat ko. “May problema ba, aking hari?” pagtataka ng aking ina. Napagmasdan ko ang mukha ni ama, may galit. At kinuha niya ang hawak kong baso at pinagmasdan ito. “May lason sa inumin ni Peter!” nanggagalaiting mahinang sambit ng aking amang hari na siyang labis kong ikinagulat at nagbigay sa akin ng sobrang kaba na nauwi sa takot para sa aking buhay. “L-Lason?” nasambit ko. Sa pagtanggap ko sa bago kong buhay ay buhay ko ang siyang kapalit. Sumenyas si ama at may lumapit sa kanyang kawal. “Ipasara ang lahat ng pinto at lagusang madaraanan palabas ng palasyo. At pigilan ang lahat na aalis sa isla ng palasyo!” utos ng ama kong hari sa kawal na agad naman nitong sinunod. Nang mga sandaling iyon ay wala pang alam ang mga bisita sa nangyayari kaya nagulat na lamang ang lahat na nasa bulwagan nang may mga sundalong nagbantay sa maaring daraanan palabas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD