CHAPTER 2: Ang Lalaking Nakaasul

3101 Words
~ HUMAKBANG AKO, narinig kong tinawag ni mama ang pangalan ng lalaki at sinambit din ng werdong lalaki ang pangalan ni mama. “Ma, sino po siya?” natanong ko. Hindi ko mapaliwanag, pero bigla na lamang naging curious ako sa lalaki. Dahil kilala siya ni mama at kilala siya nito. At ngayon ko lang nakita ang lalaki. ‘Yong ganyang ayos, hindi ko naman siguro makakalimutan kung sakaling nakita ko na siya dati pa? Pero sabagay, maari naman ngayon lang nagbihis nang ganyan ang lalaki. Nilingon ako ng lalaki, sa ikalawang pagkakataon ay muling nagtama ang aming mga mata. May kakaiba akong naramdaman na hindi ko maipaliwanag, werdo na parang ewan? Katulad ng pagkawerdo ng lalaki. Lalo na nang sumilay ang ngiti sa maamong mukha ng lalaki, ngiting ibinigay niya sa akin nang magtama ang aming mga tingin. Natigilan ako. Sino ba siya? At nang iguguhit ko na ang ngiti sa aking labi upang tugunan ang lalaki – “Anak, lumabas muna kayo ng mga kapatid mo!” pasigaw na biglang utos sa akin ni mama. Napalingon ako agad sa kanya at nagulat. Bigla na lang parang nagalit si mama. Hindi ako agad nakakilos. Dahil naging palaisipan sa akin ang biglaang pag-iba ng mood ni mama. Bakit bigla na lamang siyang nagalit at sumigaw sa paghaharap nila ng lalaking nakaasul? Kasabay rin no’n, lumabas sa kuwarto si Tiyo Nestor na nagulat din sa eksenang tumambad sa kanya. Narinig siguro ni Tiyo mula sa loob ng kuwarto ang sigaw ni mama kaya naalimpungatan siya at agad bumangon. “Mahal, ano ba ‘yon?” pagtataka ni Tiyo Nestor. “Sino siya?” tanong niya nang mapansin ang lalaki sa labas ng pinto. Hindi sumagot si mama sa tanong ni Tiyo Nestor. “Peter, sabi ko lumabas na muna kayo ng mga kapatid mo,” malumanay na sambit ni mama. Siguro nandito si Tiyo kaya biglang nag-iba na naman siya? “Ma, nakaharang po siya sa pinto,” sagot ko. Nang mga sandaling iyon, katabi ko nang nakatayo na rin ang dalawa kong nakababatang kapatid. “Siya ba, ang aking anak?” narinig kong tanong mula sa ekstrangherong lalaki. Tanong nito habang nakatingin sa akin. Ako ba ang tinatanong? O ako ang tinutukoy na anak? Naglaro sa aking isipan. Kung gano’n may anak siya sa aming tatlong magkakapatid? Hindi ko mawari ang dapat kong maramdaman. Pero sa isip ko, naroon na kung ang lalaking werdo ang hitsura ba ang nawawala kong ama na matagal ko nang nais makita at makilala. Dahil sa aming tatlong magkakapatid, ako lang ang posible niyang maging anak. Dahil kasama ko na sina mama at Tiyo Nestor nang isilang sina Marie at Nico. Imposibleng may naging lalaki si mama? Hindi pumasok sa isip ko na sa ganitong tagpo posibleng makaharap ko ang aking papa. Hindi ko pala siya kailangan hanapin, siya pala ang kusang pupunta sa akin. “Ikaw nga ba?” mahinang natanong ko. “Ano ba ang binubulong-bulong mo d’yan, Peter?” may inis na sabi ni mama. Biglang galit na naman siya. Tumikhim si Tiyo Nestor. “Mahal, ako na lang siguro ang sasama sa mga anak natin sa labas. Pupunta rin naman ako kina kumpare,” sabi niya at humakbang palapit sa amin para kunin sina Marie at Nico na hawak ko ang mga kamay. Napatingin na lamang ako kay mama at sa lalaking nakaasul habang palabas sina Tiyo Nestor at mga kapatid ko, tumabi ang lalaki upang makadaan sina Tiyo. ~ NAKAUPO NA ang nakaasul na lalaki sa lumang sofa namin na nababalutan ng bulaklaking lumang kumot. Pinagmamasdan nito ang kabuuan ng maliit naming bahay habang kinikilatis ko naman ito. “Mas maganda at mas gusto ko ang naging tahanan natin noon kaysa rito,” nakangiting saad nito habang nakatingin kay mama. “Mas gusto ko ang bahay na ‘to!” pagsusuplada ni mama sa bisita namin. Ngunit ngumiti lamang ang lalaki na parang sanay na kay mama. Kung gano’n, nagsama nga sila? Posible ngang siya na si papa? Nilingon ako ng lalaki. “Peter ang pangalan mo?” tanong nito. Tumango ako. “Opo,” tugon ko. Nilingon naman si mama nito. “Siya ba ang anak ko, Marina?” tanong nito kay mama na nagpabilis ng t***k sa dibdib ko. Na sa totoo lang ay kanina ko pa nararamdaman. “Manahimik ka, Virgilio!” pasigaw na saad ni mama. Muli niyang binigkas ang pangalan ng lalaki. Virgilio? Iyon ang pangalan niya. Ng papa ko. Siya nga ba? Nilingon niya si mama. “Marina, nais kong makilala ang aking anak,” sambit nito. Ang mga mata niya, hindi ito gawa-gawa lang. Hindi kasinungalingan. Alam na alam niya ang sinasabi niya. “Wala kang anak dito! Patay na ang anak mo. Hindi ko siya naisilang. Nalaglag noon ang pinagbubuntis ko!” pasigaw na hayag ni mama. Galit siya. Tiningnan ko si mama. “Ma, hindi naman ata nangyari ‘yan? Ako ang panganay mo, hindi ba?” nakakunot-noong tanong ko. Sinamaan ako ng tingin ni mama. Tumayo ang lalaki na gusto ko nang tawaging papa. Pinagmasdan niya kami mag-ina. “Marina, alam mong hindi ako pangkaraniwan kumpara sa inyo. Sa tingin mo, paano ko narating ang lugar na ito? May paraan ang tulad namin para mahanap ang aming kadugo,” saad niya. “Hindi ako pangkaraniwang aran lamang.” Aran? Nilingon niya ako. “Maging siya. Kaya mahahanap ko siya saan man siya. Ibubulong iyon ng hangin sa akin dahil siya ay laman at dugo ko.” Naging malaking katanungan para sa akin ang mga narinig ko mula sa ekstrangherong lalaking nagpapakilalang ama ko. Kakaiba nga siya. Pero ang werdo na parang hindi ako gaanong nawerdohan na para bang normal ang mga sinabi niya. “Ano po ang ibig n’yong sabihin?” natanong ko. Hinampas ako ni mama sa braso. “Huwag mo siyang kausapin!” sita niya. May ganitong asal talaga si mama, ‘yong bigla na lang galit agad-agad. Kaya siguro siya tinatawag na baliw? Ngunit muling nagtanong pa rin ako at hindi pinansin si mama. Sanay na ako sa kanya. “Ikaw ba… talaga ang papa ko?” “Peter!” muling sita sa akin ni mama at muli niya rin akong hinampas. Nakangiti kong hinarap si mama na may namumuo nang luha sa aking mga mata. “Ma? Gusto ko lang ng kompirmasyon, pero nararamdaman ko na. Nawewerdohan man ako sa sitwasyon ngayon – pero ito siguro ‘yong pakiramdam na matagal ko nang hinahanap? At hinihintay?” Dumaloy ang luha sa mga mata ko na agad ko rin namang pinahiran. Natigilan si mama at napaluha na lang din siya. Nilingon ko si… ang lalaki. May nangingilid na rin luha sa kanyang mga mata. “Pa’no mo mapapatunayang ikaw nga ang papa ko?” tanong ko sa kanya. Inangat niya ang kanyang kaliwang kamay at pinakita sa akin ang kanyang ang palad. Ano’ng ginagawa niya? “High five?” ani ko. Ngumiti lang siya at bigla na lamang nanlaki ang mga mata ko at napanganga sa mahiwagang biglang nangyari, nagkaroon ng asul na liwanag ang palad ng lalaki at may hanging bigla akong naramdaman mula roon. “A-Ano’ng –” Gumuhit ang liwanag nang pabilog na parang isang maliit na buhawi, at nagkaroon ng asul na marka sa palad niya, pabilog na asul na marka na mas lalong nagpamangha sa akin. Ang gulat ko ay nawala na, excitement na ang nararamdaman ko ngayon. Habang si mama naman ay tila hindi na bago ang nasasaksihang iyon. Gumapang ang asul na liwanag papunta sa akin at kusang umangat ang kaliwa kong kamay, napatingin na lamang ako rito. Kinontrol ng liwanag at ng hangin ang kamay ko sa pag-angat nito. Katulad sa palad ng lalaki, may umikot na asul na liwanag at hangin sa aking kamay at nagkaroon din ng asul na marka sa aking palad. “Anak nga kita, Peter,” sambit niya. Bagay iyon na matagal ko nang nais mapakinggan mula sa aking ama kapag nakaharap ko siya, ngunit hindi ako agad nakapag-react sa narinig ko. Binaliktad ko ang kaliwang kamay ko at pinagmasdan ko ang aking palad, katulad ng marka sa palad ko ang marka sa palad niya. Matipid na napangiti ako, hindi ko alam ang dapat kong maramdaman. Naguguluhan man ako sa nangyayari at nahihiwagaan, ngunit hindi ito kalokohan lang. Nilingon ko siya, nasa harap ko na ang amang pinangarap kong makilala at makasama. May sama man ako ng loob na nais kong isumbat sa kanya, ngayong nakaharap ko na siya, parang magic na bigla iyong nawala. “Papa?” mahinang nausal ko. At sumilay sa mukha niya ang napakatamis na ngiti. Sinasabi ng kanyang ngiti na siya ang aking ama. Kinompirma niya ang nais kong malaman. Siya nga ang papa ko… (DECEMBER 1999) ~ “AKO SI Prinsepe Virgilio. Mula ako sa kaharian ng Arahandra,” pakilala ng nakaasul na binata sa dalagang nagligtas sa kanya sa dalawang lasing na lalaki. “Marina ang pangalan ko,” nakangiting pakilala naman ng dalaga. “Malapit sa binagsakan mo ang bahay ko,” ani pa nito. “Hindi ito parte ng mundo ng Lanarra, tama?” tanong ng binata. Umiling si Marina na napapakunot ang noo. Batid niyang walang ideya ang dalaga sa mundong binanggit niya. Sa mundong pinanggalingan ni Virgilio ay naniniwala sila na bukod sa mundo ng Lanarra na kanyang pinagmulan ay may iba pang mundo na tinatawag nilang ‘Terra’, sa palagay niya ay ito ang mundong iyon. “May mapupuntahan ka ba?” tanong ni Marina. Umiling siya. “Kung gano’n, sumama ka sa akin. Do’n ka muna sa bahay ko. Parehas naman tayong baliw, hindi ba?” may ngiting sambit ng dalaga. Napangiti si Virgilio. “Maari ba na hangga’t narito ako sa inyong mundo ay sa iyo muna ako?” Napatitig sa kanya ang dalaga. “Baliw na nga ako,” mahinang nasabi nito. Matamis na ngiti lamang ang naging tugon niya rito. Naglakad sila, sinundan ni Virgilio si Marina hanggang papasok sa gubat. Biglang muling bumuhos ang ulan, binuksan ng dalaga ang payong at sumilong sila roon na magkadikit sa isa’t isa. Inakbayan niya pa ang dalaga upang mas mapagkasya nila ang kanilang sarili sa ilalim ng dilaw na bulaklaking payong. Binilisan na nila ang kanilang paglalakad. Nababasa man sila ngunit nakaguhit ang ngiti sa kanilang mga labi. ~ BINIGYAN SIYA ng dalaga ng maliit na towel nang marating nila ang munti nitong tahanan na nasa gitna ng kagubatan. Naghugas muna sila ng kanilang mga paa bago tuluyang pumasok sa bahay dahil sa mga putik na nakuha nila sa paglalakad sa nagputik na daan. “Magpatuyo ka muna habang nagluluto ako ng makakain natin,” ani ng dalaga. Nagpupunas na rin ito ng sarili gamit ang tuwalya. Tumango lamang siya sa dalaga at pinagmasdan niya ang kabuuan ng tahanan nito habang nakaupo siya sa upuang gawa sa kawayan. Hindi sementado ang sahig ng bahay ni Marina. Bahay kubo ang bahay na gawa sa kawayan, kahoy at nipa. Mula sa kinauupuan ni Virgilio, kita na ang kusina kung saan nagluluto ang dalaga. May mesa at dalawang mahabang bangko kung saan kakain kapag handa na ang pagkain. At may pinto palabas ng kusina kung saan ay naroon ang palikuran. May hagdan na nasa tapat ng kinauupuan niya na may tatlong baitang pataas na kawayan na ang sahig, iyon ang kuwarto ni Marina na tulugan ng dalaga. Ngayon lamang siya nakakita ng ganitong bahay. Dahil sa kahariang pinanggalingan niya sa kanilang mundo ay sa isang magarang palasyo siya naninirahan. Pinagmasdan ni Virgilio ang towel na binigay sa kanya ni Marina upang ipangtuyo niya sa kanyang sarili. Ngunit tila hindi sasapat sa kabuuan niya ang kapirasong tila. At may alam naman siyang paraan upang mas madali siyang matuyo kaya tumayo siya. At kumontrol siya ng hangin mula sa paligid at kanyang palad upang ihipan ang kanyang sarili at nang sa gano’n ay matuyo ang kanyang kasuotan, buhok at katawan. “May powers ka talaga?” manghang saad ni Marina. Hindi namalayan ni Virgilio na nakatingin na pala ito sa kanya at nakita ang paggamit niya ng kanyang kapangyarihang taglay. Nilapitan siya ng dalaga. “Kaya kong kontrolin ang hangin,” aniya rito. “Ang galing! Puwede mo rin ba akong patuyuin?” hiling ni Marina. Nakangiting tumango siya. Nag-ipon siya ng hangin sa kanyang mga palad at pinaikot ito sa dalaga hanggang sa matuyo ito. Maging ang hawak nitong tuwalya ay natuyo. “Hala!” pasigaw na saad ng dalaga at hinila siya nito papuntang kusina palapit sa niluluto nitong may mahinang apoy. “Magagawa mo bang palakasin ang apoy? Nabasa ata ang mga kahoy kaya ang hina ng apoy, kanina pa ako paypay nang paypay. Baka hindi kumulo ang tubig.” “Sisiw lang sa akin iyan,” pagyayabang ni Virgilio. Muli siyang nag-ipon ng hangin sa kanyang mga palad at inihipan ang hangin patungo sa nag-aapoy na mga tuyong kahoy na nabasa ng ulan. Tagumpay siyang palakasin ang apoy na siyang ikinatuwa ng dalaga. Naluto ang instant noodles na may itlog at pinagsaluhan nila. Napansin ni Marina na nagugustuhan niya ang pagkain na unang beses niyang matikman. “Malamang ngayon ka lang nakakain niyan?” saad nito. Tumango si Virgilio. “Mukhang hindi siya malusog na pagkain ngunit nagugustuhan ko ang kanyang lasa,” aniya. “Tama ang obserbasyon mo,” ngiti ng dalaga. Matapos nilang kumain, agad hinagusan at niligpit ni Marina ang mga ginamit nila. Tapos naghilamos ito at nagsipilyo habang siya ay nakaupo lamang sa bangko. “Bukas, sasadya ako sa bayan upang bumili ng magagamit mong damit at pati sipilyo at sabon,” ani ni Marina nang magkatabi na silang nakaupo habang tinutunaw ang kinain para matulog na dahil malalim na rin ang gabi. Napatitig siya sa dalaga. Alam niya ang tinutukoy nito, maraming pagkakaiba sa mundong kanyang pinanggalingan sa mundo ngayon kung nasaan siya ngunit may mga pagkakapareho naman. “Hanggang kailan ka nga pala rito?” tanong ng dalaga. “Pinapaalis mo na ba ako?” aniya. “Ano ka ba, hindi gano’n. Ang totoo nga niyan, natutuwa ako na may kasama ako rito sa bahay.” “Matagal ka na bang mag-isa lamang dito?” May lungkot na tumango ang dalaga. “Mula pa nang kinse anyos ako,” sagot nito. “Bente-tres na ako ngayon.” “Walong taon ka nang mag-isang nabubuhay. Paano mo nagawa iyon?” tanong niya. Sa mundo nila, maraming tagasilbi sa kanilang palasyo. Lahat mula sa paggising niya ay nakahanda na sa harapan niya. Maging ang kanyang mapapangasawa. Kaya naman Lumayo siya at tumakas sa kanilang palasyo hanggang mapadpad siya sa ibang mundong ito na hindi niya sinasadya. Isang malaking ipo-ipo mula sa karagatan ang humigop sa kanya habang lumilipad siya at sa pagbagsak niya ay nasa mundo na siya ng mga tao. “Kailangan kong maging matatag dahil mag-isa lang ako. Kaya nakaya ko,” pahayag ni Marina. “Ikaw, ilang taon ka na? Ang sabi mo, prinsepe ka?” “Dalawampu’t-pitong taong gulang na ako. At ang totoo niyan, isa na akong hari. Anim na taon na mula nang ibigay sa akin ng aking ama ang kanyang katungkulan. Ngunit upang maging ganap na akong hari ay kailangan ko ng isang reyna. Kaya naman may dumating sa palasyo upang pakasalan ko. Ngunit hindi ko siya gusto kaya umalis ako. Dapat magpapakalayo lang naman ako saglit para ipaalam sa ama ko na hindi ako sang-ayon sa kasunduang kasal. Iyon nga lamang ay napunta ako sa mundo ninyo na hindi ko inaasahan,” kuwento niya. Natawa ang dalaga. “Para kang bata!” anito. Napangiti si Virgilio. “Ano ang sabi mo? Para akong bata? Ako ang hari ng Arahandra. Ang lakas naman ng loob mong sabihin sa akin iyan?” may paninitang saad niya ngunit natatawa na lamang dahil ito ang unang beses na may tumawag sa kanyang gano’n. Tinaasan siya ng kilay ng dalaga. “Mister, hindi ka hari dito sa mundo namin.” “Ano pala ako rito?” natatawang tanong niya. “Isang pulubi? Palaboy?” Pinagmasdan siya nito, sinuri ang ayos niya. “Isang baliw?” Napahalakhak si Virgilio. “Alam mo kung nasa mundo ka namin, pinatawan ka na ng kamatayan.” Napaurong sa upuan ang dalaga at napahawak sa dibdib. “Grabe naman!” anito. “Nananakot ka ba?” Umusog siya ng upo palapit dito. “Natakot ka ba?” tanong niya rito. “Hindi,” sagot nito at sabay silang natawa. “Ikaw ang dapat matakot sa akin dahil nasa bahay ko ikaw, ‘no?!” Napangiti siya. “Ang tapang mo,” sambit niya at tinitigan ang dalaga na ngumiti lamang sa kanya. “Hulaan ko?” “Ano?” “Mula nang maging hari ka, lagi nang may pinakikilala sa iyong babae para maging reyna mo pero lagi mong tinatanggihan? Chossy ka?” “Tama,” diretsong sagot niya. Sa katunayan, pangwalong babae na mula sa mayayamang pamilya sa kanilang kaharian ang huling dinala sa palasyo para kanyang maging reyna. “Baka naman lalaki ang gusto mo?” Tumawa siya sa sinabi ni Marina. “Kung nasa mundo ka namin napugutan ka na ng ulo sa iyong tinuran,” aniya rito. “Grabe naman! Eh, bakit nga? Akalain mo, bente-siyete ka na kaya?” “Dahil gusto ko ay mahal ko at mahal ako nang magiging reyna ko. Iyong hindi idinikta ng iba. Naniniwala ako na dapat ang mga pusong magsasama ay nagmamahalan.” “Wow! Romantiko naman pala siya.” “Masarap daw ang umibig. Gusto kong maramdaman iyon. Iyong napapangiti niya ako at napapangiti ko rin siya. At napapatawa niya ako nang malakas na parang pangkaraniwan lamang ako at hindi hari na kailangan kong bantayan ang kilos ko na maging laging kagalang-galang,” pahayag niya. “Mahahanap mo rin ‘yon,” ani ng dalaga. Pinagmasdan niya ito. “Sa palagay ko, nahanap ko na,” makahulugang sambit niya. (PETER) ~ NAHANAP KO na si papa. Nais ko sana siyang lapitan para mayakap ngunit pinigilan ako ni mama. Hinawakan ni mama ang kamay ko. “Oo na! Anak mo si Peter! Nakilala mo na siya, kaya umalis ka na! Huwag mo nang guguluhin ang pamilya namin!” sigaw ni mama kay papa. Diretso lang ang tingin ni papa sa amin. “Kukunin ko siya,” saad niya. “Ano’ng kalokohan ang sinasabi mo, Virgilio?” madiing sambit ni mama. “Kukunin ko ang anak ko. Isasama ko si Peter sa aking kaharian. Siya ang susunod na hari ng Arahandra,” pahayag ni papa. Napatitig lamang ako kay papa. Hindi siya nagbibiro. “A-Ako? Hari?” mahinang nasambit ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD