Mabibilis ang hakbang ng mag-ina nang mapadaan sa madilim na bahagi ng sementeryo. Puno ng takot na nagpalinga-linga ang may edad na babae. Maririnig ang ugong ng hangin na lumilikha ng ingay; na animo'y may sumisipol sa kanilang likuran. Pumapagaspas ang mga puno dahil sa lakas na dala nito. Ilang sandali pa, huminto na ang malakas na hangin.
Nakabibinging katahimikan...
Takbo.
Lakad.
Takbo.
"H-Herming." Makikita ang pagod sa hapis na mukha ng matanda bago nito nilapag ang anak nang mapagod na sa pagbuhat. "Bilisan mo.." May pagmamadali sa kilos ng babae. Muli niyang hinila ang paslit nang makabawi ng lakas. Halos kaladkarin na niya ang anak para mapabilis ang paglayo nila sa lugar na ito. Tanging ingay ng mga paa nila sa pagtakbo ang kanilang naririnig.
"Inang, bakit po?" may pagtatakang tanong ni Herming na mahigpit ang kapit sa kamay ng ina. Tumatagaktak na ang pawis nila dahil sa pagtakbo.
Halos matapilok na ang bata sa paghila ng ina nito. Muling binuhat ng babae ang anak bago nito tinakbo ang maliwanag na bahagi ng daan. Isang malakas na pagaspas ang nagpahinto sa mabilis na pagtakbo nila. Saglit na nakiramdam sa paligid ang babae. Sunod-sunod at papalapit nang papalapit ang tunog na iyon. Nilapag niya ang anak nang dahan-dahan at walang ingay.
"Herming, tumakbo ka at huwag kang lilingon." Halos pabulong na utos ng babae sa bata pero may diin sa bawat katagang binibigkas nito. "Magtago ka, humingi ka ng tulong. Deretsuhin mo ang daan na ito at makikita mo sa dulo ang malaking bakod. Humingi ka ng tulong sa kanila." Tinuro ng babae ang daan na dapat puntahan ng anak. May pagmamadali sa kilos nito nang ilabas nito ang isang punyal. Mahigpit na niyakap ng ina ang bata. Limang taon pa lamang ito pero pasakit na ang nararanasan nito dahil sa mga pangyayaring hindi nila maipaliwanag pa. Mabilis niyang hinalikan sa noo ang anak. "Takbo, Herming! Huwag kang hihinto..."
"Inang." May pag-aalinlangang tawag ng bata nang itulak siya ng ina. Napuno ng kaba ang dibdib niya.
"Takbo, Herming!" napasigaw na ang babae. Isang ungol sa kanilang likuran ang biglang sumulpot. Tinulak na nito ang anak para makaalis na ito.
Kasabay ng isang ungol na biglang sumulpot sa kung saan, napatakbo siya bigla. Tuloy-tuloy. Walang hinto. Gustuhin man niyang lingunin ang ina pero hindi na niya magawa. May takot na namamayani sa mura niyang puso. Mabilis niyang tinakbo ang daan papunta sa lugar na balak sana nilang puntahan. Isa itong ligtas na mapagtataguan ayon sa kanyang ina. Sumabay ang pagpatak ng luha niya sa malakas na sigaw ng ina. Sinundan ito ng nakakapanindig balahibong ungol ng isang nilalang. Nakakapangilabot!
"Inang!!" impit niyang iyak. Parang tinusok ng libo-libong sakit ang dibdib niya. "Babalikan ko kayo mga kampon ng dilim kapag malaki na ako." Sumabay sa huni ng hangin ang sigaw niya, punong-puno ng galit ang dibdib niya. Sa musmos niyang isipan, ipinangako niyang hindi siya titigil sa pagpuksa sa mga ito. Ang mga halimaw na ito ang kumitil sa pinakamamahal niyang ama. Umaasa siya na makakaligtas pa ang ina. Walang hinto ang ginawa niyang pagtakbo kasabay ang walang humpay na pagluha.
Wala ring hinto ang pagtakbo niya palayo sa lugar na iyon, ang lugar ng huling pagsilay sa ina. Animo'y isang tuldok na kulay pula ang kanyang nakikita. May usok na nagmumula rito. Palaki nang palaki at nagkakahugis ito--isang apoy. May naririnig siyang ingay ng mga tao kaya lalo niyang binilisan ang pagtakbo.
Isang liwanag...
Bigla siyang nabuhayan ng loob. May ilaw siyang nakikita sa hindi kalayuan. Halos matapilok na siya sa pagmamadali, makarating lang sa pakay na lugar. Sinundan niya ang liwanag na iyon nang may pagmamadali. Hindi maampat-ampat ang pag-iyak niya. Nakikita pa rin niya sa balintataw ang kaawa-awang sinapit ng kanyang ina. Ang mga ungol ng nilalang na iyon--nagdudulot ito ng sama ng loob sa kanya.
Isang siga sa harap ng malaking bakod ang kanyang nadatnan. Yari sa kahoy ang bakod na ito. Kinalampag ito ni Herming nang makarating sa pakay. Patulis ang dulo ng mga bakod na puro malalaking kahoy, nakapaikot ito sa lugar kaya 'di niya makita ang loob. Lagpas tao ang bakod at sinadyang pinatulis ang dulo nito. May harang din ang taas na puro malalaking kahoy, nagmistula rin itong bubong. Tanging maliliit na bato lamang ang makakapasok kapag hinagisan ang loob.
"Tao po!" malakas na sigaw niya. Walang tigil ang paghampas niya sa bakod dahil may naririnig siyang ingay sa loob. Kumuha siya ng bato at malakas na tinapon ito paitaas. Pumailanlang ito at pumasok sa mga siwang ng kahoy na nagmistulang bubong na. Sunod-sunod niya itong ginawa gamit ang maliliit na bato. Walang hinto.
"Put*ng--sino 'yan?" sigaw sa loob na sinundan ng ingay ng mga tao.
Lumakas ang iyak niya. "T-tulungan niyo po ako!"
May pagmamadaling binuksan ito ng tao sa loob. Nagitla ang taong nagbukas sa kanya. Matanda na ito. May mga kalalakihan ding nakatayo sa likod ng matanda. Nabuhayan ng loob ang bata nang mapagsino ang kaharap niya, si Ka tadyo, ang matalik na kaibigan ng kanyang Tatang Berto.
"Herming!" gulat na saad ng matandang lalaki. Mabilis nitong binuhat ang bata papasok sa loob nang may pagmamadali.
May mga tao ring nakabantay sa likod ng matanda. Palinga-linga ang mga ito at alisto. Sinara ng mga ito ang bakod na kahoy pagkapasok sa bata.
"Turuan n'yo 'ko, Ka Tadyo. Babalikan ko ang nanakit kina Inang Susing at Tatang Berto," pakiusap ng bata na walang patid ang pag-agos ng luha.
Naglalagay sila ng siga sa harap ng bakod para makita ito ng mga taong buhay pa. Isa itong tanda, nagbibigay pag-asa sa mga nakaligtas. Mahigpit na niyakap ng matanda ang naulilalng paslit. Awang-awa ito. Matalik na kaibigan n'ya ang ama ni Herming, si Berto, isa sa mga nasawi nang sumalakay ang mga kakaibang nilalang. Kababalaghan. Naghahasik ng lagim ang mga sumulpot na kakaibang nilalang. Kamatayan. Ito ang nangyayari sa mundo ng mga tao. Nagbukas ang dimensiyon na kanilang kinatatakutan. Isa lang itong mitolohiya na hindi nila pinaniwalaan pero nangyayari na ito. Ang alamat ng Mondabor, isang haka-haka na nagpasalin-salin sa ilang henerasyon.
"Magpalakas ka, Herming. Tuturuan ka namin na labanan ang kampon ng dilim. Ituturo ko ang lahat sa 'yo, ang lahat-lahat para maprotektahan mo ang sarili mo kapag wala kami sa tabi mo. Luisito, pakainin mo at bihisan ang bata," binalingan ni Ka Tadyo ang isang kasamahan. S'ya ang namumuno sa lugar na ito. Isa lang s'yang hamak na mangangaso noon. Naiba na ang buhay nila nang maglipana ang mga kampon ng dilim. Hinatid niya ng tanaw ang papalayong bata na akay ng isang kasamahan. Marami nang naulila dahil sa malagim na mga pangyayari sa mundo. Dahan-dahang lumapit sa siwang ang matanda. Latag na latag na ang dilim sa labas. "Mga kasama, alisto kayo!"
Nakakapangilabot na ungol ang kanilang naririnig. Papalakas ito nang papalakas. Lalong lumakas ang hangin, may hatid ito na lamig sa kanilang katawan. Isang panganib! Kinabakasan man ng pangamba ang mukha ng mga kalalakihan, makikita pa rin ang determinasyon sa mga ito. Pumunta ang mga ito sa kani-kanilang puwesto.
"Mga kasama, maghanda kayo! Sasalakay na naman sila. Parating na sila!" malakas na sigaw ni Ka Tadyo na umigting pa ang panga. "Kailangan nating maisara ang lagusan para hindi na sila maghasik ng lagim. Ang Datura Nerium..."
Isang lalaki ang nag-abot ng maliit na bote sa matanda. "Ka Tadyo, patay na si Luisito. Papa'no tayo makakakuha ng dugo niya, ang Luna y Damim? Delikado pa. Hawak ni Luisito kanina ang bote na may dugo niya pero tumilapon ito sa kung saan. Hindi na namin ito makita."
Sa isang masukal na gubat naiwan ang bangkay ni Luisito. Sa pagbabalak na maisara ang lagusan, maraming kasamahan nila ang nasawi. Hindi na naiuwi ang mga bangkay dahil sa mapanganib na ang lugar. Ang tangka sana nilang pagsara sa lagusan ang ikinasawi ng lalaki kanina. Tanging sa gabi lamang magkakaro'n ng bisa ang mga nabanggit na sangkap. Ginagamit ito sa pagsasara ng dimensiyon ng ibang mundo. Bigo sila kanina. Sa pagkakataong ito, sisiguraguhin nilang mapagtatagumpayan na nila ang misyon.
Tumalim ang titig ng matanda sa kahoy na bakod. "Pupunta ako sa gubat para hanapin ang katawan ni Luisito. Mga kasama," muling sigaw ng matanda.
"Handa na kami!" sabay-sabay na sigaw ng mga kalalakihan. May kanya-kanyang hawak ang mga ito para maprotektahan ang sarili. Kanya-kanya rin sila ng pahid sa katawan ng katas ng "tansay," isang halaman na ginagamit para hindi maamoy ng halimaw ang kanilang dugo.
Ang katas ng halamang tansay ay isa ring gamot para sa mga may sakit. Bihira ang halamang ito na tanging sa masukal na gubat lamang matatagpuan. Paubos na ang ganitong uri ng halaman. Makikita sa paligid ng lugar na ito ang maliliit na punla ng tansay. Pinaparami ito ng mga tao dahil isa itong maituturing na espesyal na angat sa lahat na uri ng halamang gamot. Mistulang pabango sa mga halimaw ang maamoy ang dugo ng mga tao. Sa amoy ng dugo, mabilis masundan ng mga nilalang ang pinagtataguan ng mga tao. Sa pamamagitan ng katas ng tansay, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, hindi naaamoy ng mga halimaw ang dugo ng tao.
"Isara ang l-lagusan!!" malakas na sigaw ni Ka Tadyo sa mga kasama.
Sabay-sabay na hinila ng mga kalalakihan ang lubid sa magkabilaang panig ng bakod. Tulong-tulong sila dahil may kabigatan ang pagbukas nito. Nang bumukas ito, mabibilis ang kilos na tinakbo nila ang karimlan.