Chapter 29 Raine DAHAN–DAHANG bumalik ang ulirat ko, ngunit ang lahat ay malabo pa. Napaungol ako nang maramdaman ang pananakit pa rin ng likod ko. Unti–unti akong nagmulat ng mga mata. Ang una kong nakita ay ang puting kisame. Nagtataka ako kung nasaan ako. Dahan-dahan akong gumalaw, at nang mapansin ko ang isang bagay na nakakabit sa aking kamay, bigla akong napasigaw. May matalim na pakiramdam na tila dumadaloy mula sa aking braso. "Ano 'to?" bulong ko habang tumititig sa kakaibang tubo na nakakabit sa akin. Hindi ko maunawaan kung ano ito o kung bakit ito nandoon. Hinila ko ito nang marahas, at bigla akong nakaramdam ng kirot. "Raine, sandali lang!" narinig kong boses ng isang babae. Napatingin ako at nakilala ko agad siya—siya ang babaeng tumulong sa akin noong nakaraang araw.