One year ago....
PAGKATAPOS na basahin at pag-aralang mabuti ni Nicolo ang Blue Letter, ni-log-out na niya ang kaniyang account sa database system na para lang sa kanilang mga officer ng International Criminal Police Organization o INTERPOL--isang international organization na nagpa-facilitate ng worldwide police cooperation at crime control.
Ang Blue Letter ay sulat na ipinapadala ng General Secretariat--head office ng INTERPOL headquartered in Germany-sa bawat National Central Bureau o NCB ng bawat bansa na miyembro ng INTERPOL. Naglalaman ang sulat na iyon ng confidential information tungkol sa person's identity o ang kinalaman ng mga ito sa bawat kasong hinahawakan nila, partikular na ang internationally notorious "most wanted" list. Ipinapasa ng NCB superior ang blue letter sa sino mang INTERPOL high officer na hahawak sa kaso.
At bilang newly promoted senior inspector ng Criminal Investigation department, na may malalaking kaso na ang nalutas, kay Nicolo ipinagkatiwala ang paghuli sa isang fugitive Filipino-Chinese na lider ng isang triad. Na napapabalitaang nasa Chinatown, New York ngayon. Pagkatapos na tumakas sa Manila International Jail nitong kamakailan lang.
Tatlong taon na noon sa pulisya si Nicolo nang alukin siya ng kaniyang ninong na Japanese at dating presidente ng INTERPOL, na maging agent ng nasabing organisasyon. Hindi naman nagdalawang isip si Nicolo na tanggapin ang offer ng ninong niya. Pero dahil gusto niyang makilala sa sariling sikap, dumaan siya tamang proseso, kaysa ang gamitin ang impluwensiya.
Dahil sa magandang record sa NAPOLCOM kaya mabilis na nakapasok sa INTERPOL si Nicolo. At sa ilang taong pagseserbisyo, ilang beses na siyang na-promote. Iyon ay dahil sa dami ng serious cases na nalutas mi Nicolo. Katulad ng drug and human trafficking, money laundering at iba pang organized crimes, sa iba't ibang bansa na member ng INTERPOL, partikular na sa Asya. At ang pinakahuli ay ang pagkabuwag nila sa Seven Heads--pinakamalaking mafia sa buong Asia. Dahil doon kaya mula sa pagiging detective inspector ay na-promote si Nicolo bilang senior inspector.
"Uuwi ka na, Sir?" Napakisap si Nicolo nang magsalita ang kaibigang si Reuben, at isa sa kaniyang Criminilogist. "Hindi ka ba pupunta sa awarding night?"
"Hindi na. Nagpaalam na ako sa head natin." Tinapik ni Nicolo si Reuben. "Ikaw na ang bahala, Siaga, ha. Ipinasa ko na sa email mo ang iba pang information tungkol kay Master Gong Lee," tukoy ni Nicolo sa tumakas na lider ng triad. Kumpare niya rin si Reuben pero nagtatawagan sila ng pormal kapag nasa loob ng opisina. "Kailangan kong umuwi nang maaga. Nag-promise ako kay Elliana na sasamahan sila ng mommy niya sa baking session nila. You know, kailangan ko ngayon ng extra effort para sa family ko, lalo na para kay Gwen," makahulugang saad ni Nicolo.
"Sobra-sobra na ang effort na ibinibigay mo, Sir Gonzales," makahulugan ding sagot ni Reuben. Isa ito sa dalawang taong nakakaalam sa totoo niyang pinagdadaanan sa buhay. At si Reuben ang numero unong sumasaway kay Nicolo kapag sumosobra na siya sa pagiging martir. "Mag-effort ka naman minsan para sa sarili mo. Give yourself a break. Hindi puro family, hindi puro si Gwen lang. Malawak ang mundo."
Nginitian lang niya si Reuben, na hindi yata umabot sa kaniyang mga mata. Aminado si Nicolo na may parte ng puso niya ang nasagi ng mga sinabi ng kaibigan.
"Hindi ako kasing kasuwerte mo pagdating sa asawa. Pero hinding-hindi ko susukuan ang pamilya ko." Malakas ang loob ni Nicolo na sabihin iyon dahil sila lang ni Reuben ang tao sa opisina niya ng mga oras na iyon.
Umiling si Reuben. "Hindi ko sinasabing sukuan mo ang pamilya mo. Pero bilang kaibigan, nasasaktan akong makita kang sinisira, imbes na binubuo, ng pamilyang sinasabi mo."
"Thank you, Siaga." Pilit na ngumiti si Nicolo. "Pero hangga't kayo ko, kakapit ako. Dahil hindi ko kayang mabuhay ng wala ang pamilya ko, ng wala si Gwen."
"Niloloko mo naman ako, Sir Gonzales, eh. Kahit nga pasabugan ka ng bomba, kayang-kaya mo."
"Sira ulo! Alam kong gan'on ka rin. Pamilya mo rin ang buhay mo. Asawa mo rin ang nagbibigay sa'yo ng lakas sa tuwing sumasabak tayo sa laban."
"Dahil gan'on din ang pinaparamdam sa'kin ng asawa ko. Give and take ang relationship namin," pilosopong sagot ni Reuben. Bagaman nakaguhit pa rin sa mukha nito ang simpatiya para kay Nicolo. "Hindi 'tulad n'yo na ikaw lang ang bigay nang bigay. Ni minsan ba, ano ang kinabig mo mula kay Gwen? Ang paulit-ulit kang saktan?"
Tumayo si Nicolo. Nasasaktan na siya sa itinatakbo ng kanilang usapan. Pero hindi siya nagagalit o kahit nagtatampo kay Reuben. Ito ang pinakaunang taong nakaalam ng "sekreto" ni Nicolo tungkol sa totoong set up ng marriage nila ni Gwen. Si Reuben din ang unang nagiging takbuhan ni Nicolo kapag feeling niya ay sasabog na siya. Ito ang walang sawang nakikinig at nagsesermon sa kaniya.
Ayaw ni Nicolo na masira ang magandang reputasyon ni Gwen sa pamilya nito. Kaya hangga't maaari ay ayaw niyang ipaalam kahit kanino, kahit kay Dean pa, ang mga pinagdadaanan nila. Itinatago iyon ni Nicolo sa lahat, kahit sa sariling pamilya. Kung paano rin nila inilihim ni Gwen ang totoong dahilan ng pagpapakasal nilang dalawa noon.
"Mauna na ako at dadaan pa ako ng Farmers. Ibibili ko ng flowers si Gwen," maya maya'y paalam ni Nicolo sa kaibigan.
"Ang babae, ibigay mo man ang lahat ng klase ng bulaklak sa mundo, kapag ayaw sa'yo, ayaw talaga 'yan," makahulugang pahabol ni Reuben. "Kaya kung ayaw pa rin, pakawalan mo na. Bumibitaw na, eh. Wala ng pag-asa."
"Ang sabi nga ni Mareng Clara, habang may buhay, may pag-asa," idinaan na lang ni Nicolo sa biro ang pagkirot ng puso niya.
******
Muntikan nang mapaluha si Nicolo nang makalabas siya ng opisina. Pero kaagad iyong napigilan ng binata nang makita niya sa dulo ng hallway ang ilan sa mga tauhan niya.
Kilala si Nicolo na matapang, matalino, at sharp shooter, hindi lang sa departamento nila, kundi sa buong NCB-INTERPOL Manila. Kaya hangga't maaari ay iniiwasan ni Nicolo na malaman ng iba, lalo na ng mga katrabaho, ang kahinaan niya. Perfect family pa naman ang tingin ng mga ito sa pamilya ni Nicolo.
"Congratulations, Sir Gonzales!" malayo pa lang ay sabay-sabay ng bati sa kaniya ng mga tauhan niya.
"Ngayon pa lang, Sir, matunog na ang pangalan mo na nangunguna sa listahan ng hakot-awards," may paghangang saad ng criminilogist din niyang si Matt Francisco. "Siguradong bida na naman mamaya ang department natin nang dahil sa sa'yo."
Nagpapasalamat na tinapik ni Nicolo si Matt. "Thank you, Francisco. Ibinilin ko na sa head, na ang buong team natin ang kukuha ng awards, in behalf of me."
"Hindi ka aattend, Sir?!" gulat na gulat na tanong ng mga ito.
"Hindi, eh. Family matters."
Inulan ng tukso si Nicolo. "Mukhang ibang awards ang ibibigay ng 'kumander' mo, Sir, ah."
Lihim na napangiti nang mapait si Nicolo. "Hindi naman. Naglalambing lang ang mag-ina ko. Family bonding daw muna."
"Okay lang, Sir. Basta ba huwag n'yong kalimutan ang ten boxes ng pizza na ipinangako n'yo sa'min, ha," biro pa ng mga ito.
Tumawa lang siya, pagkatapos ay ipinakita niya mula sa cellphone ang resibo ng inorder niyang pizza. "On the way na ang twenty boxes. Bigyan n'yo na rin ang ibang department."
Naghiyawan ang mga tauhan ni Nicolo. "Iba talaga kapag may boss na bilyonaryo. Sunod sa luho."
"Basta ba ayusin n'yo ang trabaho n'yo. Huwag ipagpalit ang prinsipyo at dignidad sa kahit anong halaga," sermon ni Nicolo sa mga ito.
"Oo naman, Sir! Lodi ka kaya namin."
"Kaya ikaw ang dapat na napo-promote sa mataas na ranggo, Sir," humahangang dagdag pa ni Matt. "Kasi bukod sa matalino at magaling, mayaman pa. Hindi na kayang silawin ng ano mang salapi."
Tinawanan lang ni Nicolo ang mga kasamahan, pagkatapos ay nagpaalam na siya.
Bukod sa maganda at malinis na record sa trabaho, tinitingala din si Nicolo dahil sa maganda niyang social status. Twenty one years old pa lang ay binansagan na si Nicolo na youngest billionaire of his generation. At gan'on din ang nag-iisa niyang kapatid na si Kuya Haru. Sa gan'ong edad kasi sila pinamanahan ng kanilang mga magulang na parehong kilalang bilyonaryo sa buong mundo. Tig twenty five percent ng kayamanan ng pamilya nila ang inilipat sa kanilang magkapatid.
Pero imbes na magnegosyo, pagiging alagad ng batas ang tinahak ni Nicolo.