MASIGLANG bumaba si Nicolo sa kaniyang Shimizu M-12 sports car, habang bitbit ang isang bungkos ng bulaklak na binili niya kanina sa Farmers, Cubao, nang madatnan ang kotse ni Gwen sa garahe nila. Kahit imposible, gusto pa ring isipin ni Nicolo na excited din ang asawa sa bonding nilang pamilya kaya napaaga ang pag-uwi nito. Mas sumaya si Nicolo nang maalalang ngayon nga pala ang simula ng one week leave ni Gwen sa trabaho.
Dali-daling pumasok sa loob ng kanilang mansiyon si Nicolo. Lumapad ang pagkakangiti niya nang madatnang naghaharutan sa sala ang kaniyang mag-ina.
"Daddy!" masayang bulalas ng four years old nilang anak na si Elliana. Excited siya nitong sinalubong ng yakap at halik. "Sabi ko po sa inyo, Mommy, na uuwi nang maaga si Daddy."
Pagkatapos kargahin ang anak, matamis ang ngiting nilapitan ni Nicolo ang asawang si Gwen, at umaktong hahalikan ito. Ngunit ang ngiti niyang iyon ay kaagad ding napalis nang umiwas si Gwen. Mabuti na lang at hindi iyon nakita ni Elliana.
Pilit na inignora ni Nicolo ang kirot na bumalatay sa puso niya. Itinuon na lang niya ang pansin kay Elliana.
"Puwede ba namang hindi darating ang daddy sa baking session natin? Kailan pa ba ako nag-promise na hindi ko tinupad?" malambing na kausap ni Nicolo sa anak. "Hmm?"
Pa-cute na umiling si Elliana. "You always keep your promises, Daddy. That's why I love you so much."
Hinagkan ito ni Nicolo sa forehead. "And I love you more, my princess."
"Wow! Flowers! Para po kay Mommy?" kapagkuwan ay bulalas ni Elliana nang makita ang bulaklak na hawak-hawak pa rin ni Nicolo.
"Yes, anak. Favorite flower kasi ng mommy mo ang tulips, 'di ba?"
Hinarap ni Elliana ang ina. "Look, Mommy, o. May flowers for you si Daddy. Can you give him a thank you kiss, please?"
Lihim na nagdiwang ang puso ni Nicolo nang marinig ang sinabi ng anak. Natutuwa siya sa kadaldalan ni Elliana dahil madalas ay napapagawa nito kay Gwen ang hindi kusang ginagawa sa kaniya ng asawa. Katulad na lang ng pag-kiss at pagyakap.
Pasimple siyang tinapunan ng tingin ni Gwen, bago ito lumapit sa kanila. "S-sure, my princess."
Dumukwang si Gwen at hinalikan sa pisngi si Nicolo. Sinadya niyang bumaling para magtama ang kanilang mga labi. Pero as usual, hindi iyon nagustuhan ni Gwen. Tiningnan siya nito nang masama at muntikan na silang talikuran kung hindi lang sila sabay na inakbayan ni Elliana.
"Masaya po ako, Mommy, Daddy, kapag nakikita ko kayong happy and sweet," nangingislap ang mga matang saad ni Elliana. Madaldal talaga ito sa edad na four. "Ang sabi po kasi ng teacher ko, kaming mga anak daw po ang nagpapasaya sa family."
Parang hinaplos ng mainit na kamay ang puso ni Nicolo. Nagkatinginan silang dalawa ni Gwen. Bakas din sa mukha nito ang pagkaantig sa mga sinabi ni Elliana. Mamasa-masa ang mga mata ng asawa nang umiwas ito ng tingin kay Nicolo.
Kapagkuwan ay nagpaalam ito para sagutin ang nag-ring na cellphone. At medyo malungkot na ito nang balikan si Elliana.
Umupo si Gwen at kinalong ang kanilang anak. "I'm sorry, my princess..." Doon pa lang ay may ideya na si Nicolo sa sasabihin ni Gwen. Malamang ay may biglaang trabaho na naman ito. Isa ring pulis si Gwen. Member ito ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG. Kaya madalas din itong nasa misyon. "I know na nag-promise si Mommy na magbe-bake tayo," pagpapatuloy ni Gwen. "Pero may bad guys na kailangang hulihin si Mommy, eh."
Naawa si Nicolo kay Elliana nang bigla itong nalungkot. "Aalis po kayo, Mommy?"
"Yes, baby. Pero promise, uuwi nang maaga si Mommy, okay? Babawi ako sa'yo."
Muling tumunog ang cellphone ni Gwen at mukhang nira-rush na ng mga kasamahan. Dali-dali itong umakyat sa kuwarto nila. At nang makababa ay nakasuot na ito ng police uniform at may nakasukbit ng baril sa tagiliran nito. Pagkatapos ay nagmamadali na itong lumabas ng mansiyon. Ni hindi na gaanong pinansin ang pag-iiyak ni Elliana.
Malalaki rin ang hakbang na hinabol ni Nicolo si Gwen sa garahe. "Kailangan ba talagang umalis ka? I mean, nag-promise tayo kay Elliana. In fact, idea mo ang baking session na ito para bonding n'yo, bonding nating tatlo."
"Alagad ka rin ng batas kaya alam mo ang tawag ng serbisyo," pilosopong sagot ni Gwen habang hinahanda ang kotse.
"I know. Pero hindi lang naman ikaw ang member ng CIDG. At saka naka-leave ka, 'di ba?"
"Hindi ko itinuloy dahil may bago at mas malaking kaso ngayon na hahawakan ang department namin. Kailangan nila ng tulong ko," hindi pa rin tumitingin sa kaniya na sagot ni Gwen. Abala ito sa pag-aayos ng gamit sa kotse.
"Paano naman ang anak natin? Nag-iiyak, o. Asang-asa 'yan sa baking session na ipinangako mo. Alam mo ba 'yon, Gwen?" Frustrated na napasapo sa noo si Nicolo. "At ako? Alam mo bang hindi ko sinipot ang awarding, na mga kasamahan ko ang pinakuha ko ng awards, para lang sa baking session na ito. Para ipakita kay Elliana na higit sa lahat ay mas importante siya?"
"And you know that I have to do this, too, Nic." Humihingi ng pagpapaunawa na hinarap siya ni Gwen. "Alam mong hindi ko puwedeng pabayaan ang trabaho ko. Dahil oras na pumalpak ako, may maisusumbat na sa'kin ang family ko. Na sana'y hindi na lang ako nagpulis, at nag-manage na lang sana ako ng business namin."
Noon pa man ay hindi na lingid kay Nicolo ang pagsisikap ni Gwen na maging matagumpay na pulis. Gusto kasi nitong patunayan sa pamilya, lalo na sa amang bilyonaryo, na kaya nitong gumawa ng sariling pangalan kahit wala sa business industry. Noon ay naiintindihan niya ang asawa dahil pareho sila ng gusto sa buhay. Pero sa ilang taon nilang pagsasama, nakikita ni Nicolo kung paano lamunin si Gwen ng pangarap nito. Parang mas priority na nga nito ang trabaho, eh, kaysa anak nila.
Kaya nga isang beses lang itong sinubukan ni Nicolo na patigilin sa trabaho. Hindi na siya umulit dahil ikinagalit lang iyon ng asawa. At hangga't maaari, ayaw na ayaw ni Nicolo na nagagalit sa kaniya si Gwen.
"O-okay, sige..." sa wakas ay pagsuko ni Nicolo. Dahil nga masiyado niyang mahal si Gwen at ayaw niya itong bigyan ng dahilan para magalit sa kaniya, kaya si Nicolo ang laging nagpapakumbaba at sumusuyo. At mas lalong ayaw niyang bigyan ng rason si Gwen na i-pursue ang nabanggit nito noong annulment. "Ako na ang bahala kay Elliana. Basta mag-ingat ka. Umuwi ka rin nang maaga."
Natutuwa siyang hinawakan ni Gwen sa kamay. "Thank you, Nic..." Pagkasabi ay sumakay na ito sa kotse. Pero bago tuluyang umalis ay sumilip pa ito sa bintana at kinausap si Nicolo. "Anyway, pagbalik ko, pag-uusapan natin ang tungkol sa sinabi ko sa'yo last week. Seryoso ako roon, Nic. Kaya sana, napag-isipan mo na."
Natigilan si Nicolo. Feeling niya ay mas dinig pa niya ang pagkapunit ng puso kaysa sa makina ng sasakyan ni Gwen na paalis na. Napakuyom si Nicolo habang hinahatid ng tanaw ang papalayong sasakyan ng asawa. At nang kumisap siya, doon lang niya nalamang lumuluha na pala siya.