DOS:
NAPALINGA-LINGA ako sa paligid namin na ngayo'y nagbubulungan at pasimple na rin kaming kinukunan ng videos. Kaya isinuot ko na ang shades ko at hinila sa kamay ang dilag na napagkamalhang ako si Bagyo. Ang bagong kaibigan kong kapangalan at kamukha ko.
Nagpatianod lang naman ito hanggang sa sumakay kami ng private elevator kung saan pamilya lang namin ang may access na gumamit dito sa mall.
Lihim akong napapangiti na hinayaan lang naman ako nitong naka-intertwined ang mga daliri namin. Hindi man gaanong malambot ang kamay nito na mas malambot pa ang kamay ko'y may puwang pa rin sa puso kong kinikilig at nagugustuhan ang pagkakahawak ko sa kamay nito.
Pipi akong nagdarasal na sana. . . sana hindi ito kasintahan ni Bagyo. Sayang naman kasi. Ngayon lang ako naka-encounter ng katulad niyang walang kaarte-arte sa katawan at pananalita para magpa-impressed sa akin.
"Woohh?! T-Teka, Bagyo, kanino 'toh?!" gimbal nitong bulalas paglabas namin ng elevator at dinala ito sa sportscar kong automatic na nagbukas.
"Sa akin," nakangiting sagot kong nakatitig sa magandang mukha nitong namamangha.
Napahaplos pa ito sa harapan ng kotse na tila pinapakiramdaman kung totoo ang nakikita.
"Sakay na."
Umiling-iling itong ikinakunotnoo ko.
"May problema ba?"
Napatitig ito sa aking nangungunot na rin ang noo.
"Umamin ka nga."
Napalunok ako sa matamang pagkakatitig nito ngayon sa akin.
" Saan?" kabadong tanong ko.
Napapilig ito ng ulo na lalo kong ikinabahala dahil tila binabasa na ako nito sa uri ng pagkakatitig sa akin.
"Anong ginawa mo? Una, bigla kang kuminis at pumuti saka 'yan!" duro pa nito sa suot ko.
"Saan galing ang pormahan mong ganyan? Umamin ka nga. . . m-may sugar Mommy ka dito, ano?!"
Napaubo ako ng sunod-sunod sa gimbal na bulalas nito. Kaagad din naman itong lumapit at inabutan ako ng bottled water na binuksan na nito. Hinihingal akong naubos ang tubig nito kaya tatawa-tawa pa itong tinatapik-tapik ang likod ko.
"Ang dumi mong mag-isip. Buti na lang. . . maganda ka."
Pinamulaan naman itong nag-iwas ng tingin sa mga mata ko. Inakay ko na itong pumasok ng kotse na maingat pang naupo at bakas ang kamanghaan sa mga mata nitong nagniningning.
"A-Anong ginagawa mo?" kabadong tanong nito.
Dmukwang ako dito at pinagtapat ang mukha namin habang matiim kong tinitigan ang kulay tsokolate nitong mga mata na may kabilugan at pinaresan ng malalagong pilikmata nito.
"Kinabit ko lang ang seatbelt mo, sweetheart," paanas ko.
Muli itong pinamulaan at napabaling sa labas ng bintana ang mukhang kitang itinatago sa akin ang pagngiti.
"May pupuntahan ka pa?" tanong ko habang nasa kalagitnaan kami ng highway at 'di ko alam kung saan ito dadalhin.
"Pabalik na sana ng nayon. Ikaw ba? Anong ginagawa mo dito? May utos ba si Suprimo na misyon sa'yo kaya ganyan ang postura mo?" magkakasunod nitong tanong.
Napapreno ako sa narinig dito at nanigas. Naalarma naman itong tinapik ako sa balikat.
"May problema ba, Bagyo?" tanong nito.
Napipilan ako at ni hindi maikurap ang mga mata sa narinig mula dito.
"Huy, anong nangyayari sa'yo? Ayos ka lang ba?" untag pa nito.
Panay ang lunok ko na dahan-dahang nilingon itong puno ng pag-aalala ang mga matang nakatutok sa akin.
"S-Suprimo?" utal kong pangungumpirma.
Nangunot ang noo nitong napapilig ng ulo sa akin na napatango-tango.
"Oo, may iniutos ba sayo si Suprimo kaya ka bumaba ng syudad? Ikaw lang ba? Nasaan si Tight? Ano bang nangyayari sa'yo? Para kang ibang tao," paturnada pa nito.
Namutla ako sa sunod-sunod nitong tanong at pagkumpirma sa binanggit nitong pangalan.
"Anong ibig niyang sabihing may iniutos ba sa akin si Suprimo? Isa bang terorista sina Bagyo at Tight? At itong magandang dilag na kasama ko. . . terorista din ba ito? Nagkataon lang ba na nagkrus ang landas namin ni Bagyo? O minamanmanan na ako ni Suprimo at alam na hawak ko ang kaso ng mga ito kaya lumalapit na sila ng palihim sa akin at pag nakakuha ng tiempo saka nila ako. . .isusunod kay Daddy." Piping usal ko na namimilog ang mga mata.
Bigla akong nilukob ng kakaibang takot na siyang ikinabilis ng pagtibok ng puso ko. Parang nagtatagpi-tagpi ang lahat at isa lang ang tinutumbok. Kilala na ako ni Suprimo at mukhang alam na ring ako ang nakahawak sa kaso nila.
Kung mga tao niya sina Bagyo, Tight at itong kaharap ko'y. . . nasa bingit na pala ako ni kamatayan ng 'di ko namamalayan!
Napapilig ako ng ulo at pasimpleng pinasadaan ng tingin ito. Pero wala naman akong makitang may dalang kahit anong weapon ito. Baka naman nagkunwari lang siyang hindi niya ako nakita kanina at ngayo'y nagkukunwari itong hindi alam na iba ako sa Bagyo na kakilala nito.
Posibleng pinaplano nila ang lahat para makuha ako kung gano'n? Ang talino naman nila. Paano nila nalamang ako ang may hawak ngayon sa kaso nila.
Pero hindi eh, kung alam na nilang hina-hunting ko sila? Bakit hindi ako tinuluyan ni Suprimo noong unang nagkaharap kami? P'wedeng-pwede na niya akong tapusin no'ng mga oras na 'yon pero. . . bakit hindi niya ako ginalaw gayo'ng kilala niya na ako?
O baka naman sa kanila din galing ang message sa akin noong araw ding 'yon para makuha ang loob ko.
Pero bakit? Anong mapapala nila sa akin kung makikipaglapit sila sa akin? O baka naman. . . dahil sa yaman ng pamilya ko. Baka plano nila akong dakpin ng buhay para makakuha ng pera kina Mommy!?
NAPAPITLAG ako sa pagtapik nitong muli sa balikat ko. Napakalalim na pala ng naiisip ko at tagaktak na lang bigla ang pawis ko kahit napakalamig dito sa loob ng kotse.
"May problema ba? Namumutla ka na oh," anito.
Pinahid pa nito ng kanyang panyo ang noo at leeg ko dahil umaagos na nga ang pawis ko. Napatitig ako dito at wala naman akong kakaibang maramdamang dapat ikabahala ko sa kanya. Ni hindi ako makaramdam ng ibang aura sa kanya.
Pero kung ang Suprimo na pinuno ng mga terorista ang binabanggit nito ay malaki ang posibilidad na isa din itong. . . terorista.
Pero p'wede rin namang nagkataong may kakilala lang itong Suprimo sa nayon nila. Baka masyado lang akong nago-over-think sa mga bagay-bagay dahil hindi mawala-wala sa isip ko ang paghaharap namin ni Suprimo na wala manlang akong nagawa para masingil ito kahit hawak ko na.
Pero. . . pero kung tao sila ni Suprimo at ngayo'y nakikipaglaro sila sa akin pwes. . . makikipaglaro din ako sa kanila. Gusto nila akong mapalapit sa kanila? Ako mismo ang maglalapit ng sarili ko at magkunwaring wala pang ideya sa mga nangyayari. Pagkakataon ko na rin ito para malutas ang kaso at sa susunod na magkaroon ako ng pagkakataong makalapit sa Suprimo na 'yon? Hindi na ako magsasayang ng oras. Ako mismo ang tatapos sa buhay niya. Kahit pa buhay ko rin ang kapalit. Nakahanda akong magbuwis ng buhay maiganti ko lang. . . ang pagpatay nila sa ama namin.
"Ahem!"
Makailang beses akong napatikhim dahil parang may batong nakabukil sa lalamunan ko sa dami ng tumatakbo ngayon sa utak ko.
"Okay lang ako, kumain ka na ba? Nagugutom na kasi ako," pag-iiba ko ng topic at muling pinatakbo ang kotse.
Umayos na rin ito ng upo at napasandal na tila pagod na pagod.
"Hindi pa. Dumaan ka na lang kung may makita ka d'yan na mabibilhan ng pagkain. Idlip na muna ako," inaantok nitong sagot.
Kita ko sa peripheral vision kong pumikit na nga ito na isinandal ang sarili.
"S-Saan ba tayo pupunta?" lakas-loob kong tanong dahil hindi ko naman talaga alam kung saan ito dadalhin.
"Uuwi na. May klase na ako bukas. Bakit, may gagawin ka pa ba? Kung hindi ka pa p'wedeng umuwi. . . ihatid mo na lang ako ng terminal."
Napalunok ako sa sinagot nito. Uuwi? Ni hindi ko nga alam ang daan sa nayon na binabanggit nila. Kung sa terminal naman? Saang terminal ko naman kaya ito ihahatid?
Sakto namang madadaanan namin ang isa sa restaurant namin kaya dito na ako bumili ng makakain. Nagugutom na man na talaga ako dahil mag-aalas-dos na ng hapon at wala pa akong tanghalin.
Napangiti akong pinakatitigan itong nahihimbing na nga at mukhang komportable dito sa loob ng kotse.
Napakaamo ng magandang mukha nito at napakainosenteng tignan kung tutuusin.
Maingat kong ini-slide ang upuan nito pahiga na ikinaungol pa nitong tila nagustuhan ang pagkakahiga.
Pasimple ko rin itong kinunan sa cellphone ko ng litrato. Saka ko lang napansin na naka-silent mode ang phone ko at ang dami ng missed calls at messages si Angelique!
PAGPASOK ko pa lang ng restaurant ay nakakaagaw attention na ako dahil kaagad akong sinalubong ng branch manager at ilang waiter namin na magalang bumati sa akin.
"Sir Dos, dine ba?" masiglang tanong ng manager ditong ikinangiti at iling ko.
"Take out for two, please?" simpleng sagot ko at naupo sa bakanteng mesa.
"Anything else, Sir?" muling tanong nitong.
"Ice tea."
"Right away, Sir."
Napakalapad ng ngiti nitong nagniningning nakatitig sa akin. Sa aming lima kasi ay ako ang minsanan lang napapadaan sa mga negosyo ng pamilya namin dahil halos umiikot na ang buhay ko sa headquarters at mansion.
Mansion at headquarters. Kapag off duty ako sa trabaho ay kay Mommy naman ako naka-duty. Pag tapos na ako kay Mommy ay balik ulit sa profession ko magdu-duty.
Kaya nga wala na akong oras makapaghanap ng totoong magiging girlfriend ko sa dami nilang instant girlfriend ko sa mansion. At syempre nangunguna sa kanila ang pinakamaganda kong ina.
"Nasaan ka na?!"
Napapikit ako at nailayo ang aparato sa tainga ko sa malakas na bulyaw ni Angelique sa kabilang linya.
"H'wag ka ngang sumigaw. Sorry, may biglaang lakad ako. Sa ibang araw na lang tayo lalabas."
Mariin akong napapikit habang hinihintay ang sagot nito.
"Saan? May kasama ka?" medyo mahinahon na nitong tanong kaya nakahinga ako ng malalim.
"Sir, iced tea niyo po," magalang paalam ng waiter at inilapag ang isang basong iced tea sa harap ko.
"Thank you," pabulong kong ikinangiti at napayuko pa ito bago umalis.
"Babae ba? Kanino ka naman nalingat? Ipagpapalit mo talaga ako?"
Napabungisngis ako sa tila batang pagmamaktol nito sa kabilang linya.
Nakikinita ko na naman ang itsura nito ngayong tiyak umuusok na naman ang mga butas ng ilong sa inis at gustong tirisin ako ng pinong-pino.
"Hindi, tungkol sa hawak nating kaso," pagtatapat ko nang 'di na ito magtampo.
"Bakit ka nagsosolo? Nasaan ka? Pupuntahan kita."
"H'wag na, Ange. Update na lang kita mamaya. Sige na."
Hindi ko na hinintay ang sagot nito dahil tiyak magpupumilit lang ito at sa huli ay siya na naman ang masusunod.
Saglit lang at dala na ng manager ang dalawang paper bag ng take out ko kaya sinalubong ko na ito.
"Balik ka ulit, Sir Dos," pagpapa-cute pa nitong ikinangiti at tango ko.
"Sure."
Nagpapabebe pa itong pinamumulaan sa pagkakasagi ko sa kamay nito pag-abot ng order ko.
"Ahm, Sir, sobra-sobra po ito," tanggi nito sa cash na inabot ko.
Kahit naman kasi pag-aari namin ang restaurant ay 'di kami makakalibre ng kain dito. Malilintikan kami kay Mama Liezel kapag nag-one-two-three kami sa restaurant nito na para namang ikalulugi ng restaurant ang hindi namin pagbayad ng kinain namin.
"Keep it, mag-party kayo mamaya kahit saan niyo gusto. My treat."
Napairit pa itong kilig na kilig sa sinaad ko sabay kindat kaya lalo itong pinamulaan.
"Thank you, Sir Dos! Ingat po," pahabol pa nito na ikina-wave ko lang at bumalik na ng kotse.
Nahihimbing pa rin naman ang dalagang kasama ko na hindi manlang naramdaman ang pagkakahinto ng sasakyan.
Napalingon ako dito ng mag-ring ang cellphone nito sa kanyang bulsa.
Panay ang lunok ko at dahan-dahang hinugot iyon at halos mapatalon ako ng mabasang si Bagyo ang tumatawag!
Mabuti na lang at napakahimbing ng pagkakatulog nito.
Kabado man ay pikitmata kong sinagot ang tawag nito. Para na rin makapagpatulong. At masimulang makipaglaro sa kanila kung totoo mang. . . mga terorista sila.
"Hello, Rosas? Pauwi ka na ba? Nandito na ako sa bayan," bungad nito.
Napalunok akong napalingon sa dalagang katabi ko.
"So, Rosas pala ang pangalan mo." Piping usal kong may matamis na ngiting kusang sumilay sa mga labi kong malaman ang pangalan nito.
Bagay na bagay nito ang pangalan. Maihahalintulad kasi ito sa magandang rosas na kay sarap pagmasdan sa angking kagandahan. Pero kung 'di ka mag-iingat sa paghawak mo dito. . . ay masasaktan ka sa mga tinik nito.
"Ahm, h-hi, Bagyo. Ako 'to. S-Si. . . Dos," lakas-loob kong sagot.
Saglit itong natahimik sa kabilang linya sa pagsagot ko.
"Dos? Paanong ikaw ang may hawak sa cellphone ni Rosas? Magkasama kayo?" sa wakas ay sagot nito na kalmado ang tono.
"Oo, tulungan mo naman ako. Napagkamalhan niyang ako ikaw. Nakaidlip siya at. . . pauwi na raw ng nayon. Saan ba ang nayon niyo?" kabadong tanong ko at halos hindi na humihinga na hinihintay ang sagot nitong natahimik sa kabilang linya.
"Ahm! Sige i-send ko ang address. I-on mo na lang ang gps mo ng 'di ka maligaw papunta dito. Tawagan mo ako kapag malapit na kayo dito sa bayan para makapaghanda ako dito."
Sunod-sunod akong napalunok sa sinagot nito at 'di maiwasang. . . kabahan.
"S-sige."
NAPAPAPILANTIK ang mga daliri ko habang nasa kahabaan ng byahe. Kung tama ang hinula kong mga terorista nga sila na kasapi ni Suprimo ay nakahanda akong suungin ang nakaabang sa aking panganib para sa ama ko.
Tiyak masasabon na naman ako nito ng pamilya ko pero mag-iingat na lang ako at nangangakong babalik sa kanila ng buhay. Babalik ako sa ina ko. Na laging naghihintay. . . ng pag-uwi ko.
"Mm. . . nasan na tayo?"
Napalingon ako sa katabi kong napapakusot-kusot na ng mga mata at umayos ng upo. Lihim akong napapangiti na marunong naman itong mag-ayos sa pagkaka-slide ko sa upuan nito.
"Malayo pa. Kumain na tayo nagugutom na ako. Subuan mo ako."
Napalingon ito sa akin kaya matamis kong nginitian at kinindatang ikinapula nito. Inginuso ko naman ang paper bag na namamanghang dinampot nito at binasa pa ang pangalan.
"EDZEL restaurant? Hindi ba't exclusive dito?! Ang mahal kaya ng pagkain nila sa gan'tong restaurant. Eh mas masarap pa nga 'yong mga luto sa turo-turo!" bulalas nitong mahinang ikinatawa ko.
"Woohh!! 50,000 thousand?! Gumastos ka ng 50,000 thousand para sa dalawang box na pagkaing 'to?! Ano bang uring pagkain ito, ginto?" gimbal na bulalas nito pagkabasa sa resibong ikinahalakhak ko.
"Bagyo, naman! 50,000 pinalipad mo lang!"
"Bakit ba ang hilig ng mga magagandang babaeng sumigaw? Ang sakit niyo sa tainga." Natatawang saad ko.
Napatikom ito ng mga labing napaiwas tingin sa akin sa sinaad ko dito.
"Kumain na lang tayo. Subuan mo ako."
"May kamay ka," ismid nito.
"Dalawa lang ang kamay ko at nagda-drive ako," palusot ko para subukan ang pasensiya nito.
"Arte mo, hah?"
Lihim akong nagdidiwang na pumayag din ito. Naghugas pa ito ng kamay at ako ang unang sinubuan.
Para akong teenager na kinikilig na malayang naisusubo ang kamay nito dahil nagkakamay ito at salitang sinusubuan ako at ang sarili ng walang pandidiri. Hindi naman ito nagre-react kahit pasimpleng sinisipsip ko ang mga daliri nito at tila nalalasahan ko pa doon ang laway nito!
Mukha ngang close sila ni Bagyo kaya gan'to siya kakomportable sa kanya.
Ano kayang magiging reaks'yon nito kung malaman niyang hindi ako si Bagyo? Tiyak manggugulpi ito. Kita pa namang may pagkatigasin ito sa uri ng kilos at pananalita. At kung totoong mga terorista nga sila. . . baka hindi lang gulpi ang aabutin ko. Baka balatan niya pa ako ng buhay!
"Bakit?" takang tanong nito ng matigilan ako sa naisip na babalatan ako ng buhay!
Dahan-dahan akong napalingon dito at binagalan ang patakbo.
Pero para naman akong napipilan na hindi makaapuhap ng sasabihin habang nagkakatitigan kami sa mata. Maging pagsubo ng pagkain nito ay walang halong pakeme-keme, walang halong arte. Katulad ng mga nakasanayan kong nakakasabayang mga babaeng kumain.
"Sa daan ka nga tumingin, babangga tayo niya'n." Suway nito.
Siya namang paglingon ko at muntik na nga kaming sumalubong sa paparating na truck kung 'di ko lang naagapang nakaiwas agad!
"Okay ka lang ba?!"
"Seryoso ka?! Itatanong mo pa talaga? Bagyo naman, muntik na tayong mabangga!" singhal nito na napapahinga ng malalim habang sapo ang dibdib na kitang kinabahan sa muntik naming pagbangga.
"Sorry na, ito naman. Mas gumaganda ka pala pag nagagalit," pagkakalma ko.
Kita ko sa peripheral vision kong napailing-iling pa itong nakatitig sa akin.
ILANG oras din kaming nasa byahe at napakaliblib nga sa bayan na hinintuan namin. Dito na raw kasi ang dulo kaya napakaliblib. Probinsyang probinsya ang dating.
May mga kabahayan naman dito at kuryente ang lugar. Pero sa katulad kong sa syudad lumaki ay nakaka panibago ng lahat nito sa akin.
"Tara na?" untag nito.
Maya pa'y may kumatok sa gawing bintana nito kaya in-unlock ko ang pinto at namilog ang mga mata nitong pumasok si. . .Bagyo.
"A-Anong ibig sabihin nito!?" gimbal na bulalas nito na napapatakip ng bibig at palipat-lipat ng tingin sa amin ni Bagyo na pinagitnaan namin ito.
"Kaya pala?! Sino ka?!" baling nito sa akin sa malakas na boses.
"Rosas, kaibigan ko siya. Kami ni Tight. Kakampi natin siya kaya kumalma ka na," kalmadong saad ni Bagyo.
"Hi, I'm Captain Typhoon Del Mundo Jr. AKA. . .Dos, Nice to met you. . . Rose," malambing pagpapakilala ko at naglahad ng kamay dito.
Natutulala tuloy itong nakatitig sa akin pero tinanggap pa rin naman ang kamay ko.
"C-Captain ka? Pulis?" kabadong tanong nito na namumutlang 'di makatingin sa aking mga mata.
"Yeah," simpleng sagot kong ikinaputla nito lalo at pinandilatan ng mga mata si Bagyo na katabi nito.
"Sinabi ko naman sa'yo. Kaibigan namin siya ni Tight," sagot nito.
Sunod-sunod din itong napalunok at muling bumaling sa akin.
"Bakit mo sinabing ikaw si Bagyo?" may pagkataray na tanong nito.
"Hindi ko naman sinabing ako siya ah," kakamot-kamot kong sagot.
Napapikit pa itong napatampal sa noong tila nagtitimpi ng pasensyang tirisin ako.
"Hindi nga, pero para mo na ring inaming ikaw siya. Pinagmukha mo akong katawa-tawa," pagtataray pa rin nito.
Natahimik akong hindi makaapuhap ng isasagot dito.
"Tama na 'yan, h'wag mo ng awayin si Dos. Ahm, Dos, magbihis ka muna. Hindi ka p'wedeng pumasok ng nayon na ganyan ang ayos mo," baling sa akin ni Bagyo.
"Bakit?" takang tanong kong ikinahinga nito ng malalim at may iniabot sa'kin na ecobag.
Pagkasilip ko ay mga damit lang naman ang laman.
"Magbihis ka na..Gayahin mo ang ayos ko nang 'di ka mapaghinalaan sa nayon. Ihahatid ka ni Rosas sa bahay. Ako ng bahala pumuslit ng sarili ko. Kabisado ko naman ang pasikot-sikot ng nayon namin," pagpapaliwanag nito.
"Bakit ako?" mahinang asik ni Rose dito na pinandidilatan ito ng mga mata.
"Sino pa ba? Alangang magsabay kaming pumasok ng nayon? Ipupuslit nga natin siya, 'di ba?" ani Bagyo.
"Pero--"
"May tiwala ako sa kanya, Rosas. Sinabi ko naman sa'yo. . . kaibigan namin siya ni Tight," putol nito sa sasabihin pa sana ni Rose.
"Sige na, Dos. Magbihis ka muna," baling nito sa akin at bumaba na ng kotse.
"Panonoorin mo ba ako. . . sweetheart?" nakangiting saad ko kay Rose na sinasamaan ako ng tingin.
Pinaningkitan ako nitong tila sinusubukan ako kaya napangisi akong sinimulang baglasin ang butones ng polo kong ikinapula at milog ng mga mata nito!
"Bastos!" singhal pa nitong sinabunutan ako bago lumabas ng kotse at pabalibag isinara ang pinto.
Tatawa-tawa akong nagbihis dito sa loob at ginaya ang ayos ni Bagyo. Mula sa simpleng maong at sweater nito. Bonet. . . at reading glasses.
Pagkababa ko ay napanganga pa sila parehong masilayan ako.
"Kumusta, p'wede na ba?" nakangiting tanong kong ikinatango-tango nilang nakamata sa akin.
"Ayos na ayos, Dos," napa-thumbs-up na sagot ni Bagyong ikinangiti ko.
"M-Magkapatid ba kayo nitong Dos na 'to, Bagyo?" tulalang tanong ni Rose sa katabi.
"Hindi," simpleng sagot nito.
"Pero bakit--"
"Nagkataon lang, Rosas," putol nito.
IPINARADA muna namin sa harap ng mini mart dito sa bayan ang sportscar ko at ihinabilin sa may-ari na pakibantayan.
Napakabait nga ng mga tao dito at ni hindi tinanggap ang perang renta ko sana sa paggamit ng parking space nila.
Sumakay kami sa pick-up ni Bagyo at 'di ko mapigilang mapalinga-linga sa paligid. Paakyat kami ng bundok kung saan matagtag at madilim ang daan.
Kahit kabado ako sa sinusuot ko ngayon ay mas nangingibabaw ang kagustuhan kong makarating ng nayon ng mga ito at makumpirma na rin ang mga guni-guni sa isip ko. Sana nga nagkakamali ako. Sana hindi iisa ang kakilala naming. . . Suprimo.