CHAPTER 14

2098 Words
Hindi ko alam kung ilang oras na ang nagdaan, kamuntikan na akong makatulog sa pagkakaupo ko sa sobrang tagal nang hinintay ko. Mayamaya lang nang halos magising ang diwa ko nang bumukas ang pinto na nasa gilid ko. Kaagad akong nag-angat ng tingin dito at nakita roon ang paglabas ni Andrew, madalian niyang isinarado ang pinto at saka dere-deretsong naglakad papalayo. Bago pa man din ako nito malampasan ay maagap akong tumayo. "Andrew," pagtawag pansin ko rito ngunit katulad kanina ay ayaw niya akong pansinin. Mas iniyuko nito ang ulo para marahil hindi ko makita ang itsura niya ngayon, pero aware naman ako na namamaga ang kaniyang mga mata. Kita ko rin ang pamumula ng dalawang tainga nito at ng pisngi niya. Nagawa ko pang hawakan ang braso nito upang pigilan siya sa tangka niyang pag-alis, pero mabilis lang din nito iyong pinaalis. Mahina siyang napabuntong hininga, kalaunan nang wala rin akong magawa nang maging desidido itong makalayo. Pinanood ko na lamang ang unti-unti niyang pagliit sa paningin ko hanggang sa tuluyan itong mawala kung kaya sa hinaba ng hallway na iyon ay ako na lang din ang naiwang mag-isa. Wala sa sarili nang makagat ko ang pang-ibabang labi. Saglit kong tiningala ang kulay puting kisame bago nagpasyang silipin si Anna sa loob, doon ay naabutan kong mahimbing na ang tulog nito na para bang hinintay muna rin siyang makatulog ni Andrew bago niya ito iwanan. Literal na hindi ko alam kung ano ang napag-usapan nila o kung nagkaroon ba sila ng kasunduan. May parte na naroon pa rin iyong takot sa puso ko, pero mas inisip ko na mas kailangan siya ngayon ni Anna. Ayokong dumating sa punto na sa pangalawang pagkakataon ay maulit ulit itong nangyari. Marahil ay nagkaroon lang ako ng huling tsansa para makasama ang anak ko, kaya hindi siya tuluyang inilayo sa akin. Ngayon ko rin natanto, ilang taon akong inintindi ni Anna sa pagiging tahimik ko patungkol sa kaniyang ama. Higit kumulang sampung taon nitong tiniis iyong pangungulila niya na kailan man ay hindi ako nito kinulit. Kaya ako naman ngayon ang kailangang umintindi sa kaniya. Kailangan kong suklian lahat ng pagtitiis nito na walang kinilalang ama, kailangan kong bumawi at ito na iyong tamang panahon para roon. Mapait akong napangiti sa kawalan. Hindi ko na tinangkang pumasok pa sa loob at baka magising ko pa ito, nakuntento na ako na pagmasdan siya mula rito sa labas— kung saan masaya ang anak ko ay doon ako. Ilang araw pa ang nakalipas, nakalabas na rin si Anna kinabukasan. Ngayon nga ay kitang-kita ko ang sigla sa kaniya, maging ang pagsasayaw ng kasiyahan sa dalawang mata nito. Wala iyong katumbas at hindi mapapantayan. Narito kami sa bahay, sabado at walang pasok kung kaya ay marami akong oras para pagtuunan ng pansin si Annalisa. Pero sa totoo lang ay ilang araw na rin akong hindi nakapapasok sa trabaho. Sinunod ko ang payo ng doctor na mas alagaan at bigyan ng atensyon si Anna, ngayon ko masasabing effective nga iyon ngunit hindi ko rin alam kung dahil ba ito sa naging presensya ni Andrew noong gabing iyon kung kaya ganito ngayon ang anak ko. Ganoon pa man ay hindi ko na inisip pa iyon, masyado lang din kasi akong natutuwa sa pagbabago ni Anna. Kung dati ay libro ang hawak nito, ngayon ay kahit papaano nagagawa na niyang i-appreciate ang mga binili kong laruan noon na hindi niya pinapansin. Dati ay madalas na seryoso ang expression ng mukha niya, tipong ang cold ng dating nito ngunit ngayon ay hindi maitatangging ang gaan niyang tingnan. Ang layo nito sa Anna na nakasanayan ko, pero sobrang proud ako. Hindi lang sa akin, maging sa sarili niya na madali lang pala para sa kaniya ang magbago. Marahil ay naghihintay lang siya ng tamang oras— hinihintay lang talaga nito ang pagdating ng kaniyang ama. At some point, gusto kong pasalamatan si Andrew. Baliwala iyong mga nasayang na panahon, iyong mga panunuyo ko noon na palaging naisasantabi, makita ko lang si Anna na masaya ay masaya na rin ako. Hindi ko na nga rin tinanong kung ano ang pinag-usapan nila ni Andrew, kasi kung may balak naman itong sabihin sa akin ay hindi na tumagal ng ilang araw. Naiintindihan ko na baka ayaw nitong sabihin sa akin. Kay Andrew na lang din siguro ako magtatanong. Sa ngayon kasi ay wala pa akong naging balita sa kaniya, hindi na nasundan ang pagkikita nilang dalawa. Wala na rin akong balita sa kanila ni Jinky at hinayaan ko na rin. Matapos ko kasing makapagpaalam kay Sir Melvin na isang linggo akong hindi makapapasok, hanggang ngayon ay hindi ko pa rin binubuksan ang cellphone ko. Pinatay ko iyon para walang umabala sa akin. Malamang din na nag-aalala na sa akin si Jinky, kung alam nga lang siguro nito ang bahay ko ay matagal na siyang napabisita rito. Umimpis ang labi ko para sa isang ngiti, natutuwa lang ako sa posibleng reaction ni Jinky. Hindi hamak na dadaigin pa nito ang nanay ko sa kapuputak para pagsabihan ako. Kahit papaano rin naman ay nami-miss ko ang babaeng iyon, pero kailangan kong mas pagtuunan ng atensyon ang anak ko. Mayamaya lang nang lumabas si Anna mula sa loob ng kwarto niya, napansin kong nakapormado ito na para bang aalis siya. Aba, kanina lang ay nasa harapan ko ito. Suot niya ang kulay pink na t'shirt na pinaresan nito ng white maong pants. Talagang ang aliwalas niyang tingnan, nakakapanibago. Nakita ko rin ang dala-dala niyang sling bag at saka ito dagling naupo sa maliit na bangko upang suotin ang kaniyang paboritong rubber shoes. Mas lalong nangunot ang noo ko, kapagkuwan ay madaling tumayo sa pagkakaupo ko mula sa sala. Namaywang ako sa harapan niya habang maiging pinapanood ang ginagawa nito, nang matapos ay abot-langit ang ngiti niya nang mag-angat siya ng tingin sa akin. "Saan ka pupunta? May date ka?" nagtatakang banggit ko, huwag niyang sabihin na may boyfriend siya at malilintikan talaga sa akin kung sino man ang lalaking iyon. "Opo, Ma," nangingiting banggit ni Anna, rason para magpilantikan ang mga kilay ko. "A—ano? No! Hindi ka lalabas, hindi ako pumapayag. Dapat ay dalhin mo muna ang lalaking iyon dito!" "Okay po. Susunduin ko lang siya sa labas." Mas nanlaki ang dalawang mata ko, kulang na lang ay pumutok ang mga ugat ko sa leeg sa pagpipigil na maging normal lang ngunit sadyang hindi ko magawa. Nagmukha lang akong sinilaban ng apoy. "Hindi pwede!" muli kong palatak, siya namang pagngiti ni Anna na animo'y nagpapa-cute sa akin dahilan para mapapikit ako. "Dito ka lang." "Ma, please..." Sinasabi ko na nga ba, hindi sa ganito niya ako makukuha nang pagpapa-cute nito. "Ilang taon naman na ako, Ma." Dinig kong dugtong nito ngunit paulit-ulit lang akong umiiling bilang pagtanggi. "Iyon na nga, ilan ka pa lang. Sampung taong gulang ka pa lang. Bata ka pa, marami ka pang magagawa sa buhay mo—" "Si Papa po ang ka-date ko ngayon," anang Anna na pinipigilan ako sa ano pa mang sasabihin ko. Sa narinig pa ay kaagad akong napamulagat at napatigalgal sa harapan ni Anna. Tila pa umurong ang emosyon ko at maang ko itong tinitigan, kamuntikan na akong ma-highblood— talagang ang batang 'to, hindi na lang ako deretsuhin. Well, kahit papaano ay nahimasmasan ako sa sinabi niya. Marahas akong napahinga, kapagkuwan ay nanlilisik ang mga mata nang balingan ko si Anna na dumoble ang ngiti sa kaniyang labi. Kita mo ang batang 'to, hinintay pa talaga muna akong magalit. "Nag-usap po kasi kami no'n sa hospital na magkikita kami ngayon dahil off daw niya sa trabaho," paliwanag nito kung kaya ay napatango na lamang ako. "Akala ko kung ano na. Bakit ba naman kasi nagmana ka sa ama mo," angil ko sa mahinang boses na hindi na ipinarinig pa sa kaniya. "Hindi ko po alam. Baka po mahal na mahal niyo siya dati noong pingabubuntis niyo ako—" "Oh, tama na. Nasaan ba ang Papa mo?" tanong ko na siya naman ang 'di pinatapos magsalita, hindi hamak na sa akin nito namana ang pasmadong bibig. "Sinabi ko po na sa kanto niya ako hintayin." "Tara na, samahan kita roon." Sumenyas ako at madaling isinuot ang tsinelas, samantala ay sumunod naman sa akin si Anna kung saan kitang-kita ko pa ang gulat sa mukha nito habang pinapasadahan ako ng tingin pamula ulo hanggang paa. "Nakaganiyan ka lang, Ma? Ayaw mo pong magbihis ng maganda?" Sa tanong niyang iyon ay nagbaba ako ng tingin sa damit ko. Wala namang masama, literal lang na nakapambahay ako sa suot kong ternong pajama na may nakaimprintang Hello Kitty. Paano at kagigising lang naman namin kanina. Pasado alas dies pa lang ng umaga, nag-iisip pa nga ako kung maglalaba ba ako ngunit napagpasyahan kong bukas na lang. Sa monday kasi ay papasok na ako, okay na siguro na maiwanan si Anna at uuwi na lang ako parati nang maaga. "Bakit? Ihahatid lang naman kita roon, hindi ako sasama," anas ko habang hawak-hawak ang kamay ni Annalisa. Nang makadaan pa sa masikip na eskinitang iyon ay hindi na ako nagulat nang mabungaran ang tatlong mukha ng Powerpuff Girls, old version na sina Aling Puring, Aling Lukring at Aling Budjing na nakangiti habang inaabangan kaming matapat sa tindahan. "Uy, Elsa." Kumaway si Aling Puring, saglit akong huminto bilang respeto na rin sa mga nakatatanda. "Ang sarap daw ng Jollibee, sabi ng apo ko. Sa susunod ulit, ah?" Aba... "Ay, oo! Nakakuha rin ang apo ko, salamat daw, Elsa!" segunda ni Aling Lukring. "Hala! Sayang at hindi nakaabot ang apo ko, sana pala ay sinabihan niyo ako na nagpaagaw ng Jollibee itong si Elsa." "Iyan tayo, Budjing. Sinasabi ko na nga ba at ikaw ang pinakamatanda sa atin—" Napailing-iling ako sa kawalan bago mabilis na hinila si Anna palayo sa kanila. Nang makalabas pa sa lugar namin ay deretso lang kaming naglalakad, panay pa ang paniningkit ng mata ko habang hinahanap ang kotse ni Andrew. "Totoo ba 'yun, Ma? Bakit ako, walang Jollibee?" maang na pagtatanong ni Anna. "Para sa 'yo talaga 'yun. Pasalubong ko sa 'yo, pero noong makita kitang nakahandusay sa sahig ay nabitawan ko iyon. Hindi ko alam na pinagpiyestahan pala nila 'yon," mahabang paliwanag ko. "Huwag kang mag-alala at si Andrew ang sasagot ng Jollibee mo ngayon." "Oo nga pala..." Bago pa man kami makarating sa sinasabing kanto ni Anna ay dagli siyang huminto sa paglalakad dahilan para mapatigil din ako. Nagbaba ako ng tingin dito, samantala ay nakatingala naman siya sa akin. "Hindi pa ako nakahihingi ng sorry sa ginawa kong kasalanan sa 'yo," panimula nito, saka naman humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko. "Sorry, Ma. Sorry po at naging selfish ako, hindi ko inisip ang mararamdaman niyo." "Okay na iyon, Anna. Ang importante ay nandito ka at hindi ka nawala sa akin." Masaya akong napangiti para hindi na mabagabag ang damdamin ni Anna. "Huwag mo na lang ulit iyon uulitin kung 'di ay magagalit na talaga ako." "Hindi na talaga, lalo at nandito na si Papa," magiliw niyang banggit, kapagkuwan ay nauna na ring naglakad. Sandali kong pinanood ang pagtalon-talon niya sa sobrang kasiyahan nito, rason para umalpas ang mumunti kong pagtawa. Hindi pa nagtagal nang sundan ko ito at ilang minuto lang nang naroon na kami sa may kanto. Pareho pa kaming napahinto ni Anna nang masilayan namin si Andrew, prente itong nakatayo habang nakasandal pa siya dala nitong kotse. Ang isang kamay niya ay nakaakbay sa bubungan ng kotse, samantalang ang isang paa nito ay mahinang tumatapik sa kalsada. "Papa!" tili ni Anna na naging mitsa upang lingunin kami ni Andrew, bumalatay pa ang gulat nito nang makita ako. Ngunit maagap rin siyang yumuko upang yakapin si Anna, ilang segundo silang nagyakapan hanggang sa napuno ng tawanan nila ang paligid. Hindi maiwasan na mapangiti ako habang pinapanood sila. "Sinamaan ako ni Mama, pero hindi naman daw siya sasama," bulong ni Anna ngunit sapat na upang makaabot pa sa pandinig ko. "I see. Sige na, pumasok ka na muna sa loob," anang Andrew at pinagbuksan pa ang bata ng pinto mula sa back's seat. Nang maisarado iyon ay doon lamang niya ako binigyan ng pansin. Nangunot pa ang noo nito, kasabay nang pagpasada niya sa kabuuan ko na para bang may mali talaga sa damit ko. Tch, mag-ama nga sila ni Anna— mga judger! "Aayain sana kitang sumama, kaya lang ay huwag na lang," aniya sa alanganing boses ngunit dinig ko pa rin ang kayabangan niya, rason naman para pagtaasan ko ito ng kilay. "Wala ka kasing suot na bra."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD