CHAPTER 2

2504 Words
Grabe na talagang pagpapahirap 'to. Literal na ngang mahirap ang buhay ko, mas pinapahirap pa ni Chloe! Argh! "Shít talaga! Ang kati sa lalamunan!" sigaw ni Jinky, kasabay nang pagtatawag niya sa uwak. Maduwal-duwal siyang tumakbo sa gilid ng kalsada. Panay ang pagsuka niya roon. Ganoon din ako na hindi mawala-wala ang lasa ng pinagsamang carbonara at bagoong sa dila ko. Pakiramdam ko ay nakakapit na iyon na kahit ilang beses ko nang sinundot ang ngalangala ko ay nalalasahan ko pa rin iyon. Hindi ko nga alam kung paano ba namin naubos ang mga natira ni Chloe nang hindi naduduwal sa harapan niya. Lahat ng tira ni Chloe ay sa amin niya ipinakain na ano man ang pag-ayaw at pagtanggi naming tatlo ay sadyang nadadala lang talaga kami sa pagpapa-cute niya. "Ack!" Halos manghina ako, hilung-hilo ako sa ilang beses kong pagsuka. "Ayoko na! Huli na talaga 'to! Last na! Hindi na ako makakapayag sa susunod!" "Ako rin! Hindi rin ako papayag na inaapi lang ako ng ganito!" segunda ni Jinky. Kahit sukong-suko na ako sa buhay ay natatawa pa rin ako. Tawang-tawa dahil sa kinahinatnan namin. Feeling ko tuloy ay kukunin na ako ni San Pedro. Nandidilim ang paningin ko at kung hindi lang din talaga buntis si Chloe ay baka nasipa ko na ito sa tiyan. Kailan ba siya manganganak? Grabe, mukhang malayu-layo pa ang pagdadaanan namin ni Jinky sa kaniya, pero hindi! Hindi na siya makakaulit pa sa akin. Diyos ko, sana lang ay mailuwal na kaagad niya ang mga bata at nang matapos na ang paghihirap ko sa mga paglilihi niya. Mayamaya lang nang malakas akong napasinok. Tumigil na rin ako nang halos matuyo ang lalamunan ko. Halos kumati iyon at hindi na rin maipinta ang mukha ko sa sobrang pangangasim. Maagap akong tumayo at inayos ang sarili, saka ko naman nalingunan ang ilang mga tao na nagdaraan sa likuran namin. Nasa tabing kalsada kami na hindi kalayuan sa bahay nina Chloe at Sir Melvin. May pagkakataon na pinagtitinginan kami ni Jinky, hindi lang dahil sa pagsusuka namin kung 'di maging sa suot namin ngayon. I'm wearing Blossom's costume, samantalang Bubbles naman kay Jinky. Sa totoo lang ay hindi ko na alam, parang gusto ko na lang maglaho bigla sa kahihiyang natatamo ko ngayon. Ewan ko ba kay Chloe, ang lala masyado maglihi at talagang kami pa ang pinaglihian. Akala ba nila ay swerte kapag pinaglihian ng isang buntis? Hindi. Walang swerte roon at purong hirap at kahihiyan ang nararamdaman ko, but at some point, masaya ako na pinagbibigyan si Chloe. Ang saya lang din kasi na makitang nasa-satisfy lahat ng needs at paglilihi niya. Ang cute kasi, nakakainis. So yeah, kaysa naman ma-back kick niya ako ay mabuti nang sumunod na lang. Huwag lang talagang lumala pa ito. Kapag ako nagkaanak ulit ay tiyak kong babawi talaga ako sa kaniya. "Hindi pa ba kayo tapos diyan?" maang na pagtatanong ni Andrew na hanggang ngayon ay hindi pa rin umaalis, ayaw niya yata kaming iwan gayong may trabaho pa siyang babalikan sa Dela Vega Publishing House. Kararating lang din niya sa pwesto namin, hindi ko alam kung saan siya nanggaling dahil kasama lang naman namin siya kanina ngunit hindi ko na napansin ang pag-alis niya since abala akong maglabas ng sama ng loob. Nauna niya akong napansin dahil hindi pa natapos si Jinky. Tumagilid ang ulo ko, nagbaba pa ako ng tingin sa hawak niyang plastic bag— huwag niyang sabihing nag-take out pa ito ng carbonara na may bagoong? Nanlaki ang mga mata ko. Sumama naman ang timpla ng kaniyang mukha. Lumapit siya sa gawi ko, pero kaagad ding tumigil sa gilid ko kung saan nasa bandang likod ako ni Jinky. Inilabas niya mula sa plastic bag ang isang bottled water. Binuksan na niya iyon bago maagap na iniabot kay Jinky. Bahagya pa siyang yumuko para dungawin ito. "Ito, oh, tubig," aniya na siyang madali ring kinuha ni Jinky at mabilis lang na nilagok ang laman no'n. Hindi nagtagal nang umayos siya ng tayo. Nasilayan ko ang mumunting ngiti sa kaniyang labi. Sumunod si Jinky na malamyos na pinupunasan ang kaniyang bibig gamit ang palad niya ngunit naging maagap din si Andrew na nagawa niyang ilahad ang kamay. Iminwestra niya ang hawak niyang kulay puting panyo na gusto niyang ibigay kay Jinky. Alanganin man din ay kinuha iyon ni Jinky at ipinunas sa kaniyang bibig at pisngi. Umawang ang labi ko, kasunod nang mapakla kong pagtawa sa loob-loob ko. Ano 'to, nanonood ba ako ng live love story? Gosh! Umasim ang mukha ko, kapagkuwan ay inungasan na lang sila. Tumalikod ako, saka pa lihim na pinahid ang gilid ng labi ko. Kasabay nang hirap kong paglunok. Self love, eh? Nailing-iling na lang din ako sa kawalan. Okay lang. Nakaya ko ngang alagaan ang sarili ko noong nagbubuntis ako, kahit noong ipinanganak ko si Anna. I am strong independent woman. Kaya ko ang sarili ko, kaya bakit ako apektado sa simpleng effort na iyon ni Andrew? Oo, marahil ay nagseselos ako, pero syempre ay hindi ko na iyon ipapakita sa kanila. Over my dead body! "Matagal pa ba kayo riyan?" Kalaunan ay nilingon ko ang dalawa, kung gaano pa kalamig ang boses ko ay ganoon naman kaseryoso ang mukha ko. Wow, hindi raw ipapahalata. "Heto na, tapos na. Let's go," ani Jinky at sumenyas pang papanhik. "Sabay ba kayong dalawa uuwi?" tanong ni Andrew kay Jinky kung kaya ay sinipat ko siya nang nang-uuyam na tingin. "Natural, magkasabay kami kaninang nagpunta rito. What do you expect, Andrew? Sasabay ba siya sa 'yo sa kotse?" balik pagtatanong ko sa kaniya. "Well, nagtatanong lang naman ako. And yes, gusto ko nga siyang ayain na sumabay na lang sa kotse para tipid na lang din sa pamasahe. Galit ka?" Umawang ang labi ko at kamuntikan nang kumawala ang malakas kong paghagalpak. Hindi ko talaga malaman kung saan humuhugot ng lakas ng loob itong si Andrew. Ang tapang niya para harap-harapan akong ipahiya at saktan. "No. Sa akin sasabay si Jinky. Maya mauna ka na, sampid ka lang naman dito." Inirapan ko siya. "At hindi ako galit, kapal mo. Ganito lang talaga ako magsalita." "Excuse me—" "Bumalik ka na kung saan ka nanggaling—" "Then mauna ka," kaagad niyang sabat bago ako inis na tinitigan. "Saan ka nga galing? Sa Cordova 'di ba?" Tuluyan na akong natawa. Sa sobrang lakas ng pagtawa ko ay hindi maipagkakailang takas nga ako sa Mental. Nakakairita na talaga ang pagkatao ng lalaking 'to. Sa kagustuhan kong bumawi ay mabilis ang mga hakbang kong nilapitan siya. Akmang aambahan ko siya ng sapak nang mabilis na pumagitna sa amin si Jinky. And for the record, nasa gilid kami ng kalsada kung kaya ay hindi hamak na pinagtitinginan kami ng mga tao sa paligid. Nagmukha lang kaming mga isip-bata na nag-aamok ng away. Bakit ko ba pinapatulan ang lalaking 'to? In the first place, bakit ko nga ba siya pinatulan noon? Ano bang special sa kaniya bukod sa mukha siyang daga? "Tama na, nag-aaway na naman kayo. Hindi na nga kayo magkasundo noon ay mas lumala pa kayo ngayon. 'Yung totoo, ano bang nangyari o pinag-usapan ninyo noon nang makulong kayo sa kwarto ng Isla Mercedes? Care to tell me?" Sa tanong na iyon ni Jinky ay nakagat ko ang dila ko. Wala akong makapang masabi dahil literal na ayoko namang sabihin sa kaniya iyong mga pinag-usapan namin ni Andrew. Sa ngayon ay hindi pa ako handang ikwento sa kaniya ang totoo. Sa palagay ko nga ay mas mabuti nang walang nakakaalam patungkol sa naging past namin ni Andrew dahil malabo naman nang maayos ang lahat sa pagitan namin. Hindi na maitatama ang mga mali at wala ng kabayaran sa nagawa naming kasalanan. Oo at hinangad ko na sana ay magkabalikan kami, pero kung ganito lang din naman siya kawalang respeto sa akin ay huwag na lang. Tama na iyong mga panahon na pareho kaming nangungulila at nasasaktan, mas okay na sa ganito kami matatapos. "Wala!" magkasabay na sagot namin ni Drew kung kaya ay inirapan ko ito. "Wala naman pala, pero dinaig niyo pa iyong mag-ex na punung-puno ng hinanakit." Malakas na bumuntong hininga si Jinky, saka pa niya ako hinawakan sa siko ko. "Sasabay ako kay Elsa." Sa sinabi niya ay nilingon siya ni Andrew, kalaunan nang marahas siyang napahinga nang malalim. Samantala ay maigi ko namang tinitigan si Jinky— kung alam mo lang, Jinky. Kung alam mo lang sana. "Fine, sumabay ka na rin sa kotse. Ihahatid ko na lang kayong dalawa," labas sa ilong na pahayag ni Drew, kaya muli akong napairap sa hangin. "No need—" "Huwag ka nang choosy diyan," palatak niya at saka pa ako hinila sa siko ko. "Bayaran mo na lang iyong gas na masasayang." Bali pareho na nila akong hawak sa magkabilaan kong braso, madalian nila akong itinulak palapit sa kotse ni Andrew. Si Jinky na rin mismo ang nagbukas ng pinto mula sa back's seat para sa akin. Nang makaupo ay tamad na tiningala ko ang mga ito. Ang akala ko pang susunod sa tabi ko si Jinky ay maagap na isinarado ni Andrew ang pinto. Saglit silang nag-usap sa labas, mayamaya lang nang pumasok si Jinky sa passenger's seat. Nangunot ang noo ko sa nasaksihan. Ganoon pa man ay hindi na ako nagsalita o nagreklamo. Nagawa pa niya akong tingnan mula sa rear view mirror ng sasakyan at saka pa nag-peace sign ngunit nagdesisyon akong mag-iwas na lang ng tingin. Humalukipkip ako sa gilid at tahimik na nilingon ang labas ng bintana. Kalaunan nang sumunod si Drew sa driver's seat at magaling na pinausad ang kotse palabas ng villa. Maang ko pa siyang nalingunan. Hindi maiwasan na mamangha ako sa katotohanan na marunong siyang magmaneho, roon ko masasabing nagbago na nga ito, katulad ng mga bagay na nagbabago paglipas ng mahabang panahon. Kumurap-kurap ako bago inalis ang atensyon sa kaniya. Ayokong dumating sa punto na bumalik sa puso ko iyong dahilan kung bakit ko nga ba siya minahal, kasi sa totoo lang ay hindi ko na makita sa kaniya iyong Andrew Evangelista na minahal ko noon. Kibit ang balikat kong binalingan muli ang paligid sa nadadaanan namin. Pasado alas dose na ng tanghali, dapat ay tanghalian na ngayon ngunit hindi ko naman magawang magutom dahil busog pa ako kanina sa ilang box ng carbonara na kinain ko. Mamaya nga ay matanggal na sa contact list ko si Chloe para hindi na niya ako matawagan pa sa oras na kailangan niya ulit ng kasamang kumain. Sa ngayon ay kailangan ko na ring maghanap ng matinong trabaho at nauubos na ang ipon ko. Sa nagdaang araw na paghahanap namin ni Jinky ng trabaho ay wala kaming makita, kung mayroon man din ay isa lang ang maswerteng nakapapasa. Gayong may usapan kami na dapat ay pareho kaming makakapasok sa banga. Dapat ay pareho kami ng pinapasukan dahil anang Jinky; bawal kaming magkahiwalay. Kung nasaan siya ay dapat nandoon din ako. Same goes with me na kung nasaan ako ay dapat naroon din siya. Huminga ako nang malalim. Hindi pa nagtagal nang huminto ang kotse sa maliit na guard house papasok sa isang villa. Kaagad na nilingon ko si Jinky nang marinig ko ang pagkalas niya ng kaniyang seatbelt. "Dito na ang bahay mo?" takang pagtatanong ko, rason para tumango-tango siya. Bestfriend kung magturingan kami ni Jinky, pero totoong hindi pa namin alam kung saan ang bahay ng isa't-isa. May isang lugar lang kasi kaming pinagkikitaan sa tuwing may lakad kaming dalawa. At ayaw din niyang magpapunta sa bahay nila dahil sinabi niyang atribida ang kaniyang ina. "Alam pala ni Andrew kung saan ka nakatira," pagpuna ko dahil wala naman akong maalala na nagtanong siya kanina sa biyahe namin. Mahinang natawa si Jinky. "Oo, hindi ko pa pala nabanggit sa 'yo— minsan na niya akong inihahatid dito." "Ahh, I see." Ilang ulit akong tumango bilang pagsang-ayon, since wala naman akong dapat na sabihin pa patungkol doon. Isa pa ay hindi naman malabong mangyari iyon. Malay ko ba na nagliligawan na ang dalawang ito? Hindi lang masabi sa akin ni Jinky dahil nahihiya pa siya, lalo at alam niyang minsan kong nagustuhan si Andrew. Iyon ang naging palabas ko para may rason ako na habul-habulin si Drew. Napanguso ako, kapagkuwan ay umahon mula sa pagkakasandal ko. Akmang tatanggalin ko na rin ang seatbelt ko nang pigilan ako ni Jinky. "Don't worry, ihahatid ka ni Andrew sa bahay niyo. Right, Drew?" Binalingan niya si Andrew, kaya nagawa ko siyang bigyan ng atensyon. "Ihatid mo na siya sa kanila." "Huh?" bulalas niya bago ako nilingon sa rear view mirror. Tumagilid ang kaniyang ulo at saglit na nag-isip. "Pwede naman. Wala naman akong pagpipilian." "Oh, 'di ba? Sige na, mauna na ako at please lang, huwag kayong mag-away sa daan at baka mapaano pa kayong dalawa. Mag-behave kayo!" palatak ni Jinky. Mabilis lang din niyang binuksan ang pinto sa kaniyang gilid at maagap na lumabas. Hindi na rin niya kami hinayaang magsalita nang isarado niya kaagad ang pinto dahilan para mamutawi sa loob ng kotse ang katahimikan. Hindi ako umimik at bumalik lang ulit sa pagkakahalukipkip ko. Samantala ay ipinagpatuloy naman ni Andrew ang pagmamaneho ngunit kaagad ding tumigil para lang lingunin ako. "Saan ka nakatira?" maang na tanong niya. "Hindi mo alam?" maanghang na sambit ko. "Hindi, paano ko ba malalaman? Ni wala ka ngang paramdam noon." "Deretso ka lang, saka ka kumaliwa. Pangatlong kanto at kaliwa ulit, then kanan naman." "Seryoso ka riyan?" Pinanlakihan niya ako ng mata, tipong ayaw maniwala. "Ayaw mo ba? Bababa na lang ako kung ayaw mo," palatak ko. "No." Mas bumilis naman ang pagda-drive niya. Katulad ng sinabi ko ay iyon ang sinunod niya. Kalaunan nang muli siyang tumigil, saka ko lang napansin na naroon na kami sa dulo ng kantong tinutukoy ko. "Dito ba?" muling pagtatanong ni Andrew, kaya tumango ako. Maagap ko ring kinalas ang seatbelt ko at madaling binuksan ang pinto, pero napahinto lang nang may iabot sa akin si Andrew kung kaya ay nagbaba ako ng tingin sa bagay na hawak-hawak niya. "Hindi ko naibigay sa 'yo ito kanina. Nakalimutan kong dalawa pala ang nabili ko," paliwanag niya na ang tinutukoy ay ang bottled water. Sa oras na iyon ay hindi ko mawari kung nang-aasar lang ba siya, o talagang may pakialam pa siya sa akin. Ngunit masyado nang nauna ang inis ko sa kaniya na hindi ko siya magawang ma-appreciate ngayon. Tipid akong ngumiti bago siya saka hinarap. "Kaunting lakad na lang din naman na ay nasa bahay na ako. Isang water jag ang kailangan ko ngayon." "Dalhin mo na lang ito. Sayang naman kung itatapon ko," wika nito, kaya napahinga ako nang malalim. "K." Madalian kong kinuha ang tubig at saka tuluyang lumabas ng kaniyang kotse. Wala nang lingun-lingon na naglakad ako palayo. Nang sa tingin ko pang hindi na niya ako natatanaw ay isang beses ko siyang nilingon. Wala sa huwisyo nang umalpas ang mapait na ngiti sa labi ko. "Bwisit ka talaga," bulong ko sa hangin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD