Mula't sapul ay nakaalalay na si Sophia sa kanyang kaibigan. Siya ang naging sandalan at tagapagtanggol nito. Ngunit, lingid sa kaalaman ni Liza na may iba na pala itong pagtingin sa kanya.
Sa isang cafe bar ay nagkita muli ang magkaibigang Liza at Sophia. "Kumusta ka na? Na miss kita!" ani Liza na pumulupot kay Sophia at idinikit ang pisngi na parang isang pusa.
"Umiral na naman ang pagiging isip-bata mo!" pabirong sabi ni Sophia. "Liza, tignan mo ‘yang admirer mo, tingin ng tingin sa ‘yo," pilit na ngumiti si Sophia para hindi mahalata ng kaibigan ang pagseselos nito.
Naglakas ng loob si Leo at lumapit ito sa dalawa. "Sophia, ipakilala mo naman ako sa kaibigan mo!" pabirong sabi ni Leo. At halata naman ang kanyang kaba sa mukha pero mas lamang ang excitement niya na makilala ang ultimate crush niya.
"Ayoko nga!" inis na sagot ni Sophia, sabay talikod sa binata.
Nagulat si Leo nang si Liza pa ang mismong lumapit at nakipagkamay sa kanya. "I am Liza, and you are?" basag ni Liza sa katahimikan. "Hindi ko naisip na ako pa mismo ang magpapakilala sa aking sarili," pangiting sagot ni Liza.
"Uhm a...ako nga pala si Leo." Kanda utal utal na sabi niya, bakas sa mukha ang hiya nito pero nilakasan pa rin niya ang kanyang loob para makilala na niya ang babaeng matagal na niyang tinititigan. Sa angking kagandahan nito walang sinumang lalaki ang hindi mahuhumaling dito.
"Ah… Okay!" tipid na sagot naman ng dalaga.
Sa kabilang banda, isang nakasimangot na Sophia naman ang sumali sa usapan. "Tapos na ba kayo magpakilala sa isa't-isa? Ano ba ang ipinunta mo rito Liza?" tanong nito sa kaibigan.
"Friend, papasama sana ako sayo sa mall," aniya at pinisil nito ang kamay ni Sophia. Pero bakit mukhang nakatingin at nakangiti ito kay Leo? Nag-iilusyon na yata siya.
"Oo, ba! Basta't sandali lang tayo kasi marami pa akong gagawin," tugon ni Sophia. “Teka, bakit ganito ang nararamdaman ko? Parang may kurot sa puso ko habang nakatingin siya kay Leo..." wika ni Sophia sa kanyang sarili na nakakunot ang noo.
Habang nasa loob sila ng bookstore, ay siyang dating naman ni Leo. "Anong ginagawa mo rito?" galit na tanong ni Sophia.
"May bibilhin lang! Bakit may problema ba, Sophia?" nakangisi nitong sagot.
Napalingon tuloy si Sophia sa kaibigan. "Liza, matagal ka pa ba?" Humalukipkip si Sophia nang itanong iyon sa kaibigan.
"Ito na nga magbabayad na! Bakit ba nagmamadali ka?" Inis na tugon ni Liza.
"Alam mo naman na marami pa akong gagawin sa bar.” Tila ba’y napangiti na lang si Liza sa tinuran ng kaibigan. Habang nakapila si Liza ay naroon din si Leo na animo'y bantay niya. Masamang masama ang loob ni Sophia dahil ang buong akala nito ay sila lang dalawa.
Matapos sa bookstore ay inaya ni Leo ang magkaibigan na kumain sa labas. "Tara guys, meryenda naman tayo!" aya niya sa magkaibigan. Hindi umimik si Sophia, bagkus ay hinila niya ang kaibigan at umalis. Naiwan mag-isa si Leo na walang kaalam-alam sa nangyayari sa magkaibigan.
"Ano ka ba naman Sophia, problema mo? Bakit kailangan mo pa akong hilahin?" Kitang kita ang inis at panlulumo sa mga mata ni Liza.
"Bakit may balak ka bang sumama kay Leo? Hindi mo pa nga siya kilala ng lubusan." Halos magsalubong ang dalawang kilay ni Sophia nang itanong ito sa kaibigan.
Bahagyang napangiti si Liza at tumango. "Syempre naman wala naman sigurong masama kung sasama tayo," sagot nito sa kanyang kaibigan.
Hindi mapigilan ni Sophia ang mainis sa naging tugon ni Liza. "Okay... Fine! Sorry na friend sa inasal ko kanina. Saan ka naman pupunta?" seryosong tanong nito.
"Babalik na ako sa dorm. Pagod na ako, eh." Totoo naman iyon, she was really tired at mas gugustuhin na lang niyang magpahinga.
"Paano ka babalik ng dorm?" mahinahong tanong ni Sophia.
"I'll just take a cab," ani Liza.
"Well, mukhang hindi ka naman magpapapigil. I guess wala na akong choice," sabi nito sa kaibigan ngunit hindi pa rin niya ito tinantanan. "Liza.. ano ba naman? Dahil ba sa lalaking ‘yun iiwan mo na lang ako mag-isa? Ikaw itong nag-aya tapos mang-iiwan ka! Kausapin mo naman ako, please!” marahan nitong hinaplos ang balikat niya. “Huwag ka namang ganyan. Tara, kain na lang tayo, libre kita!" malambing na wika ni Sophia sa kanya.
Lumingon si Liza. "Ayoko!" madiing sabi niya.
"Pero Liza.." habol ng kaibigan. "Ayaw mo ba talaga..?"
"Ayoko nga! Ang kulit mo!" Napangiti ang dalaga nang umalis. Pagdating nito sa dorm ay sabay higa sa kama at napaisip. "Hindi lang ikaw ang puwedeng maging masaya, Sophia! Mas sociable naman ako kesa sa iyo." Kapipikit pa lamang niya nang may tatlong sunod-sunod na katok mula sa pinto ang nagpadilat sa kanya.
"Istorbo. Si Sophia na naman 'yan.” Imbes na pagbuksan ng pinto ang kung sinumang kumatok na iyon ay kinuha niya ang unan na nasa kanyang paanan at itinakip sa kanyang mukha.
"Liza.." boses iyon ni Leo kasabay ng pagkatok nito. Tinanggal niya ang unan at kumaripas ng takbo papunta sa pintuan.
"Hi! Ikaw pala!" Salubong kaagad niya nang pabuksan niya ito ng pinto. "Paano mo nalaman itong dorm?" aniya.
"Sa isang kaibigan," tugon ni Leo.
"What are you doing here?" kita sa mga mata niya ang kilig.
"Dinadalaw ka." Itinaas pa nito ang plastic bag na dala. Mga beer at chichirya ang laman niyon.
"Tara, pasok ka!" ani ng dalaga na may ngiti sa mukha. "Upo ka muna." Inilapag niya ang plastic bag sa sofa.
Inilabas ni Leo ang laman ng plastic bag at ipinatong sa center table. Maya maya pa ay naupo ito sa sofa. Naupo sa lapag ang dalaga dahil mas kumportable siya kapag sa sahig nakaupo. Ginaya naman ito ng binata.
"Anong meron at nagdala ka ng alak?" pagtatakang tanong nito.
"Wala naman," sagot nito.
"Hindi ako umiinom," ani Liza.
"Alam ko! Kaya nga may gatas rin akong binili," pabirong tugon ng binata.
Saka niya napansin ang isang karton ng fresh milk. "Nang-iinis ka ba?" Tinitignan niya ito ng masama. Nakadama siya ng inis. Nais na niyang iwan ang binata at bumalik na lang ulit sa pagkakahiga. "Hindi ka pa ba uuwi? Gabi na, medyo antok na rin ako, maaga pa pasok ko bukas eh."
"Ganon ba? O, sige! Uuwi na ako. Mukhang hindi ka naman masaya sa pagdalaw ko eh. Sige, mauna na ako, Liza..." Halatang nadismaya si Leo sa inasal ng dalaga. Pero hindi ito naging hadlang sa mithiin nito na mapalapit sa dalaga. Lingid naman sa kaalaman ni Sophia na nakadalaw na pala si Leo sa kaibigan.