"Magandang hapon po," bati ko sa manager ng clothing line na pagtratrabahuan ko simula bukas.
"Magandang hapon po," bati rin ni Manuel rito.
"Good afternoon sa inyong dalawa. Kumusta ang biyahe?" masiglang bati nito sa aming magpinsan. Nagagalak ako dahil Pinoy ang manager ko at maging ang mga kasamahan ko. Actually, halos lahat ng workers ng mall ay mga Pinoy rin.
"Okay naman po, Sir," sagot ni Manuel para sa amin.
"Sino sa inyo si Mikoy?" Kay Manuel siya unang tumingin bago sa akin.
"Ako po, Sir," maagap kong sagot. Napatayo ako nang tuwid nang pasadahan niya ako ng tingin.
"Handa ka na bang mag-umpisa bukas, Mikoy?" tanong niya nang siguro ay makuntento na siya sa pag-aaral na ginagawa niya sa kabuoan ko.
"Opo, handang-handa na po," kaagad kong sagot na alam ko namang inaasahan niya.
"Mabuti kung ganon at inaasahan ko na ang sagot mo. Wala akong masasabi sa mga Filipino kung trabaho ang pag-uusapan. Masisipag at matitiyaga ang mga Pinoy. Halika. Hanapin natin si Elsie na siyang mag-oorient sa'yo sa magiging trabaho mo," paanyaya niya sa akin.
"O, paano, Insan? Maiiwan na kita. Naibigay ko naman na ang telephone number ko sa'yo. Kung ano't anuman, tumawag ka lang sa akin."
Umakbay siya sa akin at sumunod kami papalabas sa opisina ng manager.
"Maraming salamat, Manuel. Hayaan mo at kapag nasanay na ako sa lugar na ito ay papasyalan kita."
"May day off ka naman sa Linggo, hindi ba?" Tumango ako sa kanya. Iyon kasi ang nakasaad sa kontratang pinirmahan ko.
"Hayaan mo at dadalaw ako sa'yo sa Linggo. Itawag mo na lang ang address ng tutuluyan mo."
Tumango akong muli sa kanya. Ang kumpanya na siyang nagmamay-ari ng mall na pagtratrabahuan ko ang siyang bahala sa tutuluyan kong apartment. Maganda nga dahil solo ko lang ang bahay na tutuluyan ko. Row house iyon at katabi ng bahay ang mga tinutuluyan din ng mga kasamahan kong trabahador dito sa mall.
Nagpaalam ulit sa akin at sa manager si Manuel bago ito tuluyang umalis. Sumunod naman ako sa manager at isa-isa niyang ipinakilala sa akin ang mga kasamahan ko sa store na iyon. Nakilala ko na rin ang tinutukoy niyang Elsie na siyang kasama ko sa paglilibit sa mga puwesto at pagpapaalam sa akin sa mga dapat kong alamin na mga lugar. Itinuro na rin niya kung saan ako puwesto at ang mga dapat kong malaman sa oag-aasiste ng mga magiging customers ng store.
Sinabi niyang karamihan ay ang mga maykaya ang customers namin at nakakaintindi rin ng Ingles ngunit kinakailangan ko ring matutunan ang lengguwaheng gamit nila.
Pagkatapos ng halos isang oras na pagtuturo sa akin ay sumama na ako sa mga kasamahan ko pauwi sa tutuluyan namin bitbit ang maleta ko at dala ang anim na pares ng uniporme ko na mula rin sa management ng store.
"Mayroon tayong monthly food allowance ngunit kapag sumasahod ka na ay makakabili ka na ng anumang gusto mong kainin," pag-imporma sa akin ng isang kasamahan ko na nangngangalang Lito.
"Mabuti naman kung ganon." Nakahiga ako nang maluwang. Iyon din ang isa sa mga problema ko kung saan ako kukuha ng mga kakainin at gagastusin ko habang hindi pa ako sumasahod.
"Mayroon ding mga basic necessities ang tutuluyan mo. Maalaga sa mga empleyado nila ang management ng mall kaya masuwerte tayong trabahador nila," pagkukuwento niya pa sa akin.
"Nakailang balik ka na po ba rito?" interesado kong tanong sa kanya.
"Nakatatlo na. Bukod sa maalaga sila ay maayos naman ang sahod kaya ito, babalik at babalik talaga ako hanggang gusto nila ang serbisyo ko. Dito kasi, kapag nakita nilang masipag ka at maayos ang trabaho mo, sila na mismo ang magpapa-renew sa'yo ng kontrata mo," pagkukuwento pa niya na ikinakislap ng mga mata ko.
"Mabuti naman po kung ganon. Sagot na ang trabahong ito sa mga panalangin ko lalo na at may pag-aaralin po ako ng Nursing," natutuwa kong saad.
"Kapatid o nobya?" pabiro niyang tanong.
"Kapatid po. Bunsong kapatid ko po. Wala po akong nobya," natatawa kong sagot.
"Oh? Sa guwapo at tikas mong iyan ay wala kang nobya?" tila gulat niyang dagdag tanong.
"Pag-aaral lang ang inatupag ko, Kuya. Gusto ko kasing makatulong kaagad sa pamilya ko. Kaya ako naririto ngayon ay upang kahit papano ay gumaan na ang buhay ng mga magulang ko sa Pilipinas. Kung doon kasi ay hindi ko kikitain ang kikitain ko rito lalo na gaya nga nakuwento ko kanina, gusto kong mapag-aral ang kapatid ko sa kursong gusto niya. Siya man lang ang makatupad sa pangarap niya."
Nakangiti siyang tumingin sa akin at hindi maipagkakaila na humanga siya sa akin dahil sa mga sinabi ko.
"Napakabuti mong anak at kapatid at ang mga katulad mo ay lalong binibiyayaan ng Diyos. Hayaan mo at darating din ang araw na matutupad mo ang lahat ng mga plano mo. Mapapagaan mo ang kabigatan ninyong mag-anak at mapagtatapos mo sa pag-aaral ang kapatid mo."
"Maraming salamat po, Kuya," natutuwa ko namang sagot sa sinabi niya.
"Kaya mag-iingat ka..."
"Po?"
Labis kong ipinagtaka ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha niya.
"Magandang lalaki ka, Mikoy. Alam kong alam mo iyon kaya sa tuwing papasok ka o uuwi, kailangang may kasama ka palagi. Sumabay ka na parati sa akin. Kapag nakauwi ka at bago matulog, palagi mong i-double check ang mga pintuan at bintana ng tutuluyan mo," seryosong bilin niya.
"Uso din po ba ang mga magnanakaw rito, Kuya?" Bahagya akong natakot sa sinabi niya lalo na at napakaseryoso na niya ngayon.
"Kung pagnanakaw lang ang magiging motibo nila, ibigay mo na ang lahat basta huwag ka lang masasaktan. Ngunit kung iba na..."
Nagsipagtayuan ang lahat ng balahibo ko dahil sa tinutukoy niya.
"...baka pagsisihan mong umalis ka pa sa Pilipinas."
...
Saka lang gumaan ang pakiramdam ko nang masiguro kong nakakandado na ang lahat ng pintuan at maging ang bintana sa tinutuluyan kong tila studio type na apartment.
Dahil sa huling bilin sa akin ni Kuya Lito kanina ay may kaba na akong hindi maalis-alis sa dibdib ko. Siya na ang ikalawang tao na nagsabi sa akin na mag-iingat ako dahil sa itsura ko at natitiyak kong pagbibigay iyon ng babala sa akin at kailangan kong seryosohin.
Iginala ko ang paningin ko sa aking tutuluyan. May sarili akong maliit na salas, maliit na kusina na may two-seater na kainan. Ilang hakbang lang mula sa sala ay ang aking tulugan. May isang maliit na pinto rin na alam kong ang palikuran. Kagabi nito ay isa ring pinto papunta sa likuran ng maliit kong bahay king saan ako pwedeng maglaba at magsampay ng aking labahan. Sinabi ni Kuya Lito na maraming laundry shop dito sa lugar na kinaroroonan namin ngunit kaya ko namang maglaba kaya ako na lang ang gagawa niyon. Hanggang kaya kong magtipid ay gagawin ko upang malaki-laki ang maipapadala ko sa Pilipinas at may maitatabi ako para sa gagawin kong pag-iipon.
Dahil nakakain na kami kanina ay ang pag-aayos sa mga damit ko ang unang ginawa ko. May mga kabinet naman roon kung saan ko sila mailalagay at maaayos.
Nang matapos ako ay nagpunta ako sa kusina upang tignan kung ano ang maaari kong ihanda bukas para sa aking almusal. Laking tuwa ko nang makita kong puno ng pagkain ang maliit na ref. Binuksan ko rin ang maliliit na kabinet sa itaas ng ref at lababo. May mga de latang pagkain doon. Tama nga si Kuya Lito. May makakain na ako sa loob ng isang buwan. Makatitipid talaga ako sa mga gastusin ko rito.
Muli akong bumalik sa may tulugan at kinuha ang cellphone kong pinaglumaan na ng panahon. Nagbukas ako ng f*******: at hinanap ang pangalan ng kapatid ko. Napangiti ako sa magkakausnod na mensaheng natanggap ko mula sa kanya.ay mga ipinadala rin siyang larawan nila nina Inay at Itay.
Miss ka na namin kaagad, Kuya Pangit!
Natawa ako sa mensahe ng aking kapatid. Kaagad naman akong sumagot.
Miss ko na rin kayo, mas Pangit!
Nag-selfie ako at ipinadala iyon sa kanya. Sinabi ko na naririto na ako sa tutuluyan ko at nagsisimula na ako sa aking trabaho bukas.
Nang isara ko ang ang mensahe ko sa aking kapatid ay nakita ko ang account ni Gabriel at nakita ko rin ang mga mensaheng ipinadala niya.
Where are you?
Why did you leave?
Do you hate me that much?
Please, Mikoy, tell me where you are.
Please, come back.
Bumalik ka na, please!
Nawala ang ngiting nakaguhit sa mga labi ko. Nanhapdi ang dibdib ko habang paulit-ulit na binabasa ang mga mensaheng ipinadala niya sa akin.
Hindi ko iyon sinagot. Isinara ko ang mensahe niya at saka ako nagpunta sa profile niya. Pinagsawa ko ang mga mata ko sa kaguwapuhan ni Gabriel sa profile picture niya habang sakay niya ng mamahalin niyang motor. Pinalaki ko iyon at nakailang ulit kong hinaplos ang mukha niya.
I'm sorry, Gabriel. Tanggapin na lang natin na hindi tayo para sa isa't isa.
Mahina kong bulong habang titig na titig ako sa nakangiti niyang larawan.
Isinara ko iyon at pinindot ang block sa setting ng profile niya. Alam ko na malalaman at malalaman niya rin sa darating na mga araw kung nasaan ako ngayon ngunit mas makabubuti para sa aming dalawa kung tuluyan ko nang puputulin ang anumang komunikasyon sa pagitan naming dalawa. Mas mabuti na iyong sa trabaho na ang buong konsentrasyon ko dahil kung makikita ko pa siya palagi ay mapupuno lang ako ng panghihinayang dahil hindi talaga kami pwede. Kahit na sabihing mahal namin ang isa't isa, dudumihan lang niyon ang kagalang-galang na pamilya niya. Masisira lang ang reputasyon ng buong pamilya niya kapag kumalat na may karelasyon siyang kapwa niya lalaki. Sapat na sa akin ang mga alaala naming dalawa. Kontento na ako roon.
Itinabi ko na ang cellphone at hinanap ang charger para habang naliligo ako ay maicha-charge ko na ito.
Nang maayos ko na ang phone na naka-charge ay kinuha ko na ang tuwalya at dumiretso na ako sa banyo. Nilabahan ko muna ang mga ang mga kasuotan ko bago ako naligo. Nakakatuwa na may shower pa ang banyo ko. Hindi lang iyon. Pwede pang timplahin ang init ng tubig kaya mas enjoy akong naliligo.
Nagsasabon na ako sa aking katawan nang bigla na lang pumasok sa isipan ko ang mga sinabi nina Manuel at Kuya Lito lalo na ang sinabi ng pinsan ko na tumatak sa isipan ko tungkol sa taong unang makakaulayaw ko ba baka hindi iyon babae.
Ipinilig ko ang ulo ko at pilit na inaalis ang mga katagang iyon sa isipan ko. Habang nagsasabon ako, wala sa isipan ko ay unti-unting bumaba ang isang kamay ko patungo sa gitna ng dalawang maumbok na likuran ko. Nanlaki ang mga mata ko nang tila tumibok ang sensitibong bahagi kong iyon.
Muntik na akong mapaupo nang bigla na lang manlambot at manginig ang mga tuhod ko nang pasukin ng isang nakakapangilabot na pangitain ang isipan ko.
Diyos ko! 'Wag naman po sana. 'Wag naman po sana.