[Christen Park]
ILANG oras yata akong natulog. Mabuti na lang at pinayagan ako na sa hapon na pumasok sa ospital. Ala-una na ng tanghali ako nagising. Ngunit nakatanggap ako ng mensahe kay Xiel na huwag na daw akong pumasok sa araw na iyon.
Pero nasa ugali ko na kasi ang suriin muli ang pasyente matapos ang surgery. Ayoko nang magbabase lang sa isusulat ng physician na nakatoka sa oras ng roving nito.
Ako ang resident doctor ng ginang na pasyente na inoperahan nang nagdaang gabi kaya obligasyon ko na suriin din ang lagay niya hanggang sa tuluyan siya na makalabas ng ospital. Hindi maganda na basta ipasa ko ang trabaho sa iba pa. Kaya naman kahit pa nga hindi ko naman kailangan na pumasok, tumuloy pa rin ako sa ospital.
Nabigla si Xiel na makita ako. "Doc. Christen, you're here!"
"Yes, don't worry, magr-rounds lang ako." Nginitian ko siya na parang bulaklak sa umaga.
Pumasok ako sa personal space ko at kinuha ang white coat na nakasabit sa cabinet. Hanggang balakang lang ang haba ng coat ko na ito. ‘Di bale, balang araw ay aabot din ito hanggang tuhod. Ang bawat ranggo kasi o level ng bawat doktor ay nakikita sa haba ng white coat na suot namin.
Una kong tinungo ang ginang na inoperahan namin nang nagdaang gabi. Hiningi ko ang files ng pasyente sa nurse station.
"I'm sorry, Doc. Christen, hiningi na ni Doc Mikko ngayon-ngayon lang," sabi niya sa salitang german. Kumunot ang noo ko sa narinig. "He is now in the patient's room."
"Oh! Okay."
Ibig sabihin, si Doc Mikko ang sumuri sa pasyente para sa akin? Tinanggal ko rin naman sa isipan ko ang mga huling kataga. Malamang ay dahil iyon sa pasyente at hindi dahil sa akin. Heto na naman ako na nagmamaganda!
"Why are you here?" Halos liparin ang kaluluwa ko sa nadinig dahil sa pagkagulat.
Narinig ko ang boses ni Doc. Mikko. Hindi ko alam na nasa likuran ko na pala siya. Hindi ko man lang siya naramdaman na lumapit na para lang siyang nag-magic.
"Oh! Sorry, Doctor J-Jang. Naisip ko kasi na i-tsek ang pasyente," sabi ko nang makabawi.
Tinitigan niya lang ako nang matagal. Gumilid ang mata ko saka kinagat ang labi. Alam mo 'yung pakiramdam na para akong spaceship na lilipad patungong outer space? Kaunti na lang ay mauubusan na ako ng hangin dahil sa paraan ng tingin niya.
"Mahina pa ang puso niya. But it was better kaysa kahapon," narinig ko na lang na wika niya.
"K-kung gano’n, u-uuwi na lang po ako."
Tumango lang siya. Tumalikod na ako at mabilis na naglakad para maiwasan si Doc.
"Doc. Christen," tawag niya sa akin. Napilitan ako na lingunin siyang muli.
"Hindi ba, patungo dito ang clinic mo?" turo ni Doc Mikko sa likuran niya o ang daan sa kabilang panig ng tatahakin ko.
Pesteng pusa! Bakit bigla yata akong nawala sa sarili? "S-sa ladies’ room ako p-pupunta," dahilan ko.
Nakita ko na ngumisi siya. Ngisi na nakakaloko. Napalunok ako dahil hindi ko gusto ang paraan ng pag-ngiti niyang iyon. "Dito rin ang daan papuntang ladies’ room."
Natameme ako. Wala na akong maisip na dahilan. Parang gusto ko na magpanggap na langgam na lang. At least kahit maliit, may utak pa rin sila. Dali-dali ko siyang nilagpasan. Tinakpan ko ng palad ang gilid ng mukha ko kung saan siya nakatayo dahil sa sobrang hiya. Halos itago ko ang sarili sa hindi niya makikita.
Hindi pa man ako nakalalayo ng isang metro, pumailanlang ang ringtone ng cellphone ko sa mahabang pasilyo, kasabay ng tunog ng pager ni Doc. Mikko.
Sinagot ko ang tawag. "Yes?"
"Doc. Christen, pinapatawag kayo ni Director Austin. You should be at his office as soon as possible," sabi ni Xiel sa kabilang linya.
"Okay, thanks!"
Sa tingin ko, alam ko na ang dahilan kung bakit ako pinatawag. Si Mikko naman ay nakatingin sa gawi ko matapos nitong mabasa ang mensahe sa pager na hawak. Sinalubong ko ang tingin niya.
Bawat doktor na nakatoka o nakaschedule para sa shift ng emergency ay may hawak na pager para mas mabilis na makontak ang isang doktor. Gamit iyon lalo na kung emergency.
"It's the director?" tanong niya.
"Yes."
"Let's go, pinatawag din ako," aniya. Hinawakan niya ako sa pulsuhan para igiya.
Mabibilis ang mga hakbang namin na tinungo ang opisina ng direktor. Halos uminit ang braso ko na hawak niya hanggang sa makarating kami sa opisina ng director, Si Director Austin.
Pinapasok agad kami ng sekretarya nang makita kami ni Mikko. Mainit ang ulo ng director na mabigat na ibinagsak ang isang folder ng mga papel sa ibabaw ng kahoy na mesa.
" Was ist die Bedeutung davon? (Ano ang ibig sabihin nito?)" tanong niya sa amin sa salitang German. Isang purong German kasi siya.
Looking at the folder with the patient's name on it, I know the reason why he's angry.
" Sie haben Doctor Park letzte Nacht mit Ihnen kardiothorakale Operationen durchführen lassen? (Last night, you let Doctor Park do cardiothoracic surgery with you?)" galit na tanong niya kay Mikko sa German.
Malamang na nabasa ng direktor ang pangalan ko base sa mga dokumento na ako ang nakapirma bilang assistant ni Doc. Mikko sa nakaraang surgery.
"Yes, may nangyari kagabi at biglaan ang lahat. Kung hindi dahil kay Doc Christen, malamang na pinaglalamayan na natin ngayon ang pasyente," sagot din ni Mikko sa German na diretsong nakatingin sa may-edad na lalaki.
"Doctor Jang! Hinayaan kita na isama si Doctor Park sa operasyon kagabi bilang resident doctor, hindi bilang co-doctor!"
Natahimik kaming parehas ni Doc Mikko. Parang nagkaroon ng mahabang katahimikan sa kuwarto bago nagsimula muli ang direktor sa paliwanag sa amin. Mas kalmado na siya kumpara nang una kabing pumasok sa silid. Sa akin siya direktang nakatingin
"I understand na magaling ka Christen, you graduated with one of the highest scores in history. You even get 98% in your latest medical exam as a passing score and a resident doctor at the age of twenty-one, but you have to follow the medical rules." Nakagat ko ang labi ko. Si Doc. Mikko naman ay napakuyom ang kamao. "I don't have a choice but to punish you. Both of you are suspended for one month!"
Nanlaki ang mata ko. "O-one month?"
Matagal ang isang buwan. Isang buwan pa nga lang ako na nagd-duty sa ospital bilang resident doctor, suspended na ako agad ng isang buwan din? Isa pa, hindi makagaganda sa scorecard ko ang ibibigay niya na parusa.
"Dismissed!" sabi ng direktor at inikot niya na patalikod sa amin ang swivel chair kung saan siya nakaupo, halatang ayaw niya na kaming kausapin.
Wala akong nagawa kung hindi ang lumabas sa opisina ng direktor na masama ang loob sa kung sino ang nagpauso ng mga 'bawal-bawal' sa bibliya ng medisina.