NAGBAYAD ng private detective si Dale para mahanap ang puntod ng ina ni Deile at ang pamilya nito. Pagkalabas ng anak niya ng ospital ay pinuntahan nila kung saan ito nakalibing. Doon niya lang namukhaan ang babae dahil sa picture na naroroon. Ang babaeng minsang nagmakaawa sa kanya sa panaginip na h’wag siyang iwan. Ngayon lang niya naintindihan kung bakit ito nagmakaawa. Dahil sa anak nila.
Umusal ng panalangin si Dale at humingi rin siya ng kapatawaran dito. Nangako siyang mamahalin at iingatan niya ang kanilang anak. Naglagay rin sila ng mga puting lily sa puntod nito.
Sunod nilang pinuntahan ang pamilya ng ina ni Deile. Hindi kalakihan ang bahay ng mga magulang nito sa isang probinsiya. May kasama siyang apat na bodyguard.
Pumarada sila sa tapat ng gate nito at nag-doorbell. Hindi nagtagal ay may nagbukas sa kanilang nay-edad na babae. “Magandang araw. Sino ho ang kailangan nila?”
“May sadya ho ang aking boss sa may-ari ng bahay. Nariyan ho ba sila?” sabi n’ong isang bodyguard.
“Ako ho ang may-ari ng bahay. Bakit ho?”
Sumenyas ang isang bodyguard kay Dale. Bumaba siya kasama ang anak.
“Ah, good day po, misis. May sadya lang po ako sa iyo, kami ng aking anak.”
“Tuloy kayo, hijo.” At pinagbuksan sila nito ng gate para makapasok sila. Sa loob ay nadatnan nila ang isang matandang lalaki na nakaupo sa wheelchair.
“Kumusta po?” Sabay abot ng kamay ni Dale dito. “Dale Montemayor ho. At ito naman ang aking anak na si Deile.” Lumapit naman ito at nagmano.
Sinenyasan sila nito na maupo. “Pagpasensiyahan n’yo na ang aking tahanan. Marahil ay galing pa kayo sa malayo dahil sa mga suot n’yo.”
“Ang totoo ho niyan, taga-Maynila kami at doon pa kami galing. Sinadya ho namin kayo ng anak ko para makilala niya kayo. Siya ang apo n’yo kay Rica.”
Hindi nakahuma ang mag-asawang matanda sa narinig. Itinaas ng matandang lalaki ang kamay para maabot si Deile.
“Son, lumapit ka sa lolo mo,” utos ni Dale sa anak. Bumaling siya sa matandang babae.
“Tingnan mo nga naman. May apo pala tayo sa batang iyon.” Umiiyak na niyakap ng dalawang matanda ang bata. Sinenyasan ni Dale ang mga tauhan na ipasok ang mga dala nilang pagkain. Mababait ang mga ito kaya naman naging magaan agad ang loob ni Dale dito.
Kumakain sila nang humahangos na pumasok ang isang babae na nasa edad trenta.
“Papang, Mamang, sino’ng bisita ninyo? Ang daming kotse sa labas.” Pagkakita nito sa bata ay tumakbo agad ito. “Baby Deile! Kumusta ka na?” At mahigpit niya itong niyakap. Masama naman ang tingin ng ama at ina nito.
“Kumain ka na at mag-uusap tayo mamaya.”
Tango lang ang isinagot ng babae sa ama. Alam niyang masama ang loob ng ama.
Pagkatapos kumain ay hiniling ni Dale na makausap ang mag-asawa. Iniwan niya muna saglit ang anak sa tita nito. Pagdating nila sa living room ay nagulat ang dalawang matanda. Lumuhod si Dale sa harapan ng mga ito.
“Humihingi po ako ng tawad sa nagawa ko sa anak ninyo.”
Isinalaysay niya kung papaano napunta sa kanya ang kanyang anak. Naunawaan naman siya ng mga ito. Inalok sila ni Dale ng tulong pinansiyal ngunit tinanggihan siya ng mga ito.
“Salamat, hijo, pero ilaan mo na lang ’yan para sa apo namin. Malakas pa naman ang ani ng mga pananim namin dito.”
Halos hapon na sila nang makaalis. Inihatid pa sila ng mag-asawa hanggang sa labas ng gate.
“Papasyal na lang ho uli kami ’pag hindi ako masyadong busy,” wika ni Dale. Tinanguan lang siya ng dalawang matanda.
Wala na sa paningin nila ang mga sasakyan nang magsalita ang lolo ni Deile.
“Mabuti naman at mabait pala ang ama ng apo natin.”
“Mukhang mayaman pa, ’pang,” sagot naman ng asawa nito.
“Papang, Mamang, pasensiya na ho kung hindi ko sinabi sa inyo ang tungkol sa anak ni Ate Rica. Nangako kasi ako sa kanya na huwag ipaalam sa inyo. Ayaw daw niya kayong ma-disappoint, lalo na no’ng lumala na ang sakit niya. Minabuti niyang ibigay ang bata sa ama para sa future daw nito.” Sumang-ayon na lang ang mag-asawa. Tama ang desisyon ng anak para sa ikabubuti ng apo nila.
***
AFTER a week, kinausap ni Dave ang kapatid para pakiusapan ito na siya na muna ang mamahala sa company. Nalaman na niya kung saan nakabase si Trisha at ang mga anak nito. Matapos i-turn over ang kompanya kay Dale ay lumipad agad si Dave papuntang Europe.
Nasa opisina si Dale nang tawagan siya ni Tyron. “Pare, what’s up? Tagal na nating hindi nagkikita, ah! Pasyal ka dito sa bar, madaming bago.”
“Pass muna ako, pare. Busy ako sa iniwang trabaho ni Kuya at hindi ko rin maiiwan sa gabi ang anak ko.”
“Oh? Kailan ka pa nag-asawa? At saan mo naman nakilala? Sa London ba? May pagkatsismoso talaga itong kaibigan niya. Nailing na lang si Dale.
Maaga siyang nag-out sa opisina, dadaan pa kasi siya sa supermarket. Gusto niyang ipagluto ang anak ngayon dahil marami nang bawal kainin ito.
Bumili siya ng fresh milk at yogurt para kay Deile at bumalik na sa kanyang kotse. Kauupo pa lang niya sa driver’s seat nang makita niya sa side mirror ang nakatayong batang lalaki habang umiiyak. Walang ibang tao sa parking lot kaya bumaba si Dale at nilapitan iyon. Luminga-linga pa siya pero walang kasama ang bata.
Lumuhod siya para magpantay sila ng bata. “Why are you crying?” Sabay kuha ng panyo sa kanyang bulsa at pinahiran ang luha nito. “Bakit ka nandito? Nasaan ang mommy mo?” Hindi naman sumagot ang bata. Nagulat si Dale nang bigla itong yumakap sa kanya nang makita siya.
“Dada!” Tumigil na rin sa pag-iyak ang bata. Tumayo si Dale at kinarga ito, siya namang dating ng isang babaeng marahil ay yaya nito.
“Baby, susme! Papatayin ako ng mommy mo, akala ko nawala ka na. Naku, sir, salamat ho at kayo ang nakakuha sa kanya. Ang dami pa naman ngayong nangunguha ng bata.”
“Next time, siguraduhin mong hindi mawawala sa paningin mo ang alaga mo. Kung hindi ko siya napansin, malamang na naatrasan ko na siya dahil nakatayo siya sa likod ng sasakyan ko.”
“Pasensiya na po, sir. At salamat ho uli.”
Hinaplos ni Dale ang buhok ng bata. “Bye, kiddo.”
“Dada!” tawag pa nito sa kanya. Pumasok na siya sa sasakyan at umalis.
‘Akala ko, anak ko na naman,’ naisip niya habang nagda-drive. Natawa pa siya nang maalala kung paano napunta sa kanya si Deile. ‘Pero bakit ako tinawag na ‘dada’ ng batang ’yon? Siguro kahawig ko ang ama niya.’
***
KINABUKASAN, maagang ginising ni Dale ang anak.
“Hurry! Para hindi tayo ma-traffic.” Sunday at family day kaya siguradong maiipit sila sa traffic kung tatanghaliin sila.
“Where are we going, Dad?”
“Pupunta tayo sa Batangas, magbi-beach tayo.”
“Wow! Talaga po, Daddy? Yehey!”
Nasa labas na ang apat na bodyguard nang lumabas sila. Dumeretso na sina Dale at ang kanyang anak sa kotse at umalis na. Tatlong sasakyan silang nauuna sa kanila: ang Toyota na sinasakyan ng dalawang bodyguard at sa likod ay may isa pang Toyota. Nasa gitna naman silang mag-ama gamit ang kanilang Audi. Isang oras na sila sa daan at madalang na rin ang sasakyan. Bahagyang binuksan ni Dale ang bintana ng kotse para makasagap ng sariwang hangin. Natanaw ni Dale na nag-stop ang bodyguard niya sa isang nakabalandarang kotse.
“What happened?” sigaw niya habang nakadungaw ang ulo sa bintana.
“Sir, may nabangga po sa poste. Malakas ang pagkakabangga niya. Sinusundan namin siya kanina nang bigla na lang siyang bumangga.”
“Tulungan ninyo!”
Bumaba rin ng sasakyan ang iba pa nilang bodyguard.
“Sir, babae ang nasa loob, mag-isa lang ho.”
“Big man, stay here, h’wag kang lalabas.” Sinigurado niyang naka-lock ang pinto bago lapitan ang kotse na umuusok.
Hindi masyadong makita ang mukha ng babae dahil nakalubog na ito sa lifevest bag na nasa harapan nito, pero nang mapadako ang tingin niya sa braso nito na nakalaylay ay kinabahan siya.
“Cathy!” Hindi siya puwedeng magkamali sa suot nitong bracelet at ang maliit na nunal nito sa braso. “Bilisan ninyo, ilabas n’yo siya!”
Kinailangang basagin ang salamin para mabuksan ang naka-lock na pinto ng sasakyan. Pagkabukas nito ay mismong si Dale ang humila sa babae.
“Sir, kami na lang ho ang magbubuhat sa kanya.” Lumapit agad ang isang bodyguard niya.
“No! Don’t touch her!” Nagtataka man ang bodyguard sa reaksiyon niya ay hindi na lang ito umimik.
Binuhat niya si Cathy at ipinasok sa Audi. Iniabot naman ng isang bodyguard sa kanya ang bag nito.
“Alamin ninyo kung may mga importanteng gamit sa loob ng kotse. Call the police.” At pinaharurot na niya ang kotse.
“Dad, ano po’ng nangyari sa kanya? ’Di ba, Dad, siya ang doktor ko?”
“Yes, at malakas ang pagkakabangga ng kotse niya, kaya kailangan natin siyang dalhin sa ospital.”
Sa Batangas Hospital nila dinala si Cathy. Mabilis ang kilos ni Dale na binuhat agad ito at itinakbo papasok sa emergency room. Sinalubong naman agad sila ng mga nurse.
Mahigpit na hawak ni Dale ang kamay ni Cathy habang nakatayo siya sa gilid nito.
“Sir, sa labas na ho kayo,” sabi ng doktor sa kanya.
Bibitiwan na sana ni Dale ang kamay ni Cathy nang gumanti ito sa kanya ng mahigpit na hawak.
“D-Dale, t-thank you.” May nahulog na luha sa mata nito.
Kakaiba ang pakiramdam ni Dale. Bakit gano’n? Nakararamdam siya ng paninikip ng dibdib nang makitang may luha ito sa mata. Nasasaktan ba siya na makitang umiiyak si Cathy?
Kinausap ni Dale ang mga bodyguard na mauna na sila sa beach resort at susunod na lang siya.
“Take care of my son,” mahigpit na bilin niya sa mga ito.
“Yes, sir!”
Naupo malapit sa ER si Dale habang naghihintay sa paglabas ng doktor.
Maraming taon na ang nakararaan nang mahalin niya ito at pinilit ibaon sa limot. Alam niyang okay na siya, until may nangyari sa kanila dahil lasing siya. Halos apat na taon na ’yon. Napukaw ang pagbabaliktanaw ni Dale nang tawagin siya ng doktor.
“Mister, okay na ho ang misis n’yo. Hindi naman malala ang sugat niya, masyado lang siyang shock sa nangyari.”
Pumasok si Dale sa room ni Cathy. Nilapitan niya ito dahil gising na rin naman ito.
“Kumusta na ang pakiramdam mo? Saan ba ang punta mo, C-Cathy. Ano’ng nangyari at nabangga ang kotse mo?” malumanay na tanong niya rito.
“Nakatulog siguro ako habang nagda-drive. Last night kasi, may dalawa akong inoperahan at kinailangan ko namang dalawin ang lola ko before siya bumalik ng UK.”
“Bakit nag-iisa ka? Nasaan ang asawa mo? ’Di ba dapat magkasama kayo? Hindi ka dapat nagmamaneho lalo na’t pagod ka at walang tulog.”
Napaiwas ng tingin si Cathy. “A-Ah, Dale, thank you pala. Ikaw, bakit nandoon ka sa aksidente?” balik-tanong nito sa kanya.
“Actually, papunta kaming Batangas, sa beach. Kasama ko si Deile at ang ibang mga tauhan ko nang madaanan namin ang kotse mo.”
“Naku, pasensiya ka na. Nasira tuloy ang gagawin ninyong pagre-relax. Nasaan ang anak mo?”
“Nandoon na sila. Sabi ko, susunod na lang ako sa kanila. How about you? Saan dito ang bahay ng lola mo? Ihahatid na kita bago ako tumuloy sa beach.”
“Naku, h’wag na. Magta-taxi na lang ako,” tanggi niya kay Dale.
“No. Ihahatid kita kung saan ka pupunta. Halika na at gutom na rin ako.” Napangiti siya kay Cathy na parang natulala lang sa kanya at wala nang nasabi. Sumunod na lang ito sa kanya.