1

3367 Words
Nagtaka tuloy ako kasi kahit si ate Chona ay wala rin sa buong bahay. Bakit kasi wala sila? Hindi naman sila umaalis na dalawa na hindi nagpapaalam o hindi naman kaya ay hindi nagsasabi sa akin? Kung aalis man sila ay alam ko, dahil sinasama naman nila ako. Aalis man sila na sila lamang dalawa ay alam ko pa rin, sapagkat iiiwan nila ako sa kabilang bahay, sa aming kapitbahay. Kaya ako ay nagtataka kung bakit wala silang dalawa. “Nay,” paulit-ulit kong tinatawag ang Nanay ngunit wala talaga ito. Nasaan kaya sila? Nasaan kaya ang Nanay? Dapat ganitong oras ay gising na siya at nakapagluto na ng almusal ko dahil papasok ako sa paaralan. Pero bakit wala naman sila? Wala akong kamalay-malay kung nasaan na ang Nanay ko. Kagabi lang ay katabi ko pa siya sa aming kwarto bago ako matulog. Naalala ko pa nga na hinalikan niya ako sa aking noo at saka niyakap nang mahigpit bago nag-good night sa akin. Buong-buo pa nga sa aking pandinig ang sinabi niyang, “Matulog ka na, Anak. Nandito lang ang Nanay. Mahal na mahal kita…” iyan ang mga katagang aking narinig kagabi, kaya nga maganda ang naging gising ko dahil alam kong maganda ang naging tulog ko. Pero nasaan ang Nanay? Nagtungo ako sa kwarto ni Ate Chona kahit na alam kong bawal akong pumasok doon. Iyon kasi ang sinabi ni Nanay sa akin. Huwag na huwag akong papasok sa kwarto ni Ate Chona dahil magagalita siya sa akin. Pero ngayon lang naman. Ngayong araw lang naman. Nakita ko ang kwarto ni Ate Chona. Pumasok ako. Nilibot ko ang aking paningin. Wala naman akong nakitang tao. Ang linis-linis pa nga ng kwarto. “Ate Chona…” tawag ko pa rito, nagbabakasakaling makikita ko ito kahit man lang sa isang sulok, ngunit wala talaga ito. “Wala naman si Ate Chona Lumabas na lang tuloy ako sa kwarto nito at saka nagtungo sa kusina. Baka sakaling nandoon ang Nanay at hindi lamang niya naririnig ang aking pagtawag. Baka hindi niya alam na gising na ako at na hinahanap ko siya. “Nay, nasaan ka na po?” tanong ko. Ngunit pagpunta ko sa kusina ay wala pa rin akong nakitang Nanay na nagluluto. Bakit ganoon? Nasaan na ba si Nanay? Nagtungo ako sa banyo, baka naliligo lang siya, ngunit wala pa rin ito. Walang tao kahit saan ako magpunta. “Nay… Ate Chona…” paulit-ulit kong pagtawag sa kanila. Nagtungo ako sa salas upang tingnan kung nando’n sila. Sa kasamaang palad ay wala akong nakita. Walang Nanay at Ate Chona. Bumalik akong muli ng kwarto at doon ko lamang napansin ang isang puting papel na nasa ibabaw nang maliit na mesa sa gilid ng higaan ni Nanay. Hindi ko ito napansin kaagad kanina ng ako ay bumangon. Kinuha ko ito at binasa. Nakasulat ang pangalan ko rito. Krixtine, Anak, marahil ay nagtataka ka kung bakit hindi mo ako nagisnan na nasa iyong tabi ng ikaw ay magising. Anak, humihingi ang Nanay ng tawad sa iyo. Hindi ko gustong magkaganito tayo pero mahal ko ang Ate Chona mo kaya sumama na ako sa kanya. Anak, tandaan mo sanang mahal na mahal ka ng Nanay pero kailangan kong gawin ito. Sana ay mapatawad at maintindihan mo ako paglaki mo, Krixtine. Mag-iingat kang palagi, Anak. Mahal na mahal na mahal kita. Nanay Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa mga oras na iyon. Basta na lamang akong umiyak. Iniwan ako ng Nanay ko? Pero bakit? Bakit niya ako kailangang iwan? Paano na ako? Paano ako mabubuhay ng mag-isa? Ano ang gagawin ko? “Nay!” sigaw ko na lamang ngunit alam ko namang kahit gaano pa kalakas ang aking maging pagsigaw ay wala rin naman na akong magagawa. Umalis na ang Nanay at iniwan na niya akong mag-isa. Magmula noon ay natuto akong magtrabaho sa sarili kong sikap. Naranasan kong magtinda ng dyaryo, magpunas ng sapatos sa bangketa, magtinda ng sigarilyo, magbuhat ng mga mabibigat na dalahin. Sa murang edad ay natuto na akong magbanat ng buto. Kahit nga sira na ang aking tsinelas ay wala kong pakialam dahil hindi ko naman pinagarap na makabili ng bago, sapagkat alam ko naman na wala akong pambili. Wala akong sapat na pera. Hanggang sa paglaki ay ganoon ang aking ginawa. Tumayo ako sa sarili kong mga paa. Sa umaga ay pumapasok ako sa eskwela habang sa gabi naman ay nagtitinda ako ng balot at chicharon o hindi naman kaya ay naglilinis ng sasakyan ni Mang Mato na kapitbahay namin. Minsan pa nga ay nagwawalis ako sa tapat ng kanilang bakuran upang ako ay mabigyan ng sampung piso at pagkain ko lamang. Silang mag-asawa ang nagbibigay ng pagkain ko kapag wala akong kinikita. Sila ang naging mga tagabantay ko at tumayong mga pangalawang magulang. Naging mabait din sila sa akin ngunit hindi nila ako pwedeng ampunin dahil may mga anak din sila, si Sallie at si Seban, mga ka-edaran ko sila, at sabay-sabay kaming pumapasok noon sa aming paaralan. Si Sallie ay kaklase ko mula elementarya hanggang high school habang si Seban naman ay mas nauna sa amin, Kuya niya kasi ito. Sila na kasi ang kasa-kasama ko hanggang sa aking paglaki. Palagi kaming magkasama ni Sallie kaya naman hindi ko inakalang mahuhulog ang loob ko sa kanya kahit na nanliligaw noon si Seban sa akin. Oo, nahuhulog na ang loob ko sa kanya. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko eh. Naa-attract ako sa mga babae at hindi sa mga lalaki. Para bang mas gusto kong kasama ang mga lalaki kaysa sa mga babae? Pero mas gusto kong mahawakan ang mga kamay ng mga babae kaysa lalaki. Napansin ko rin kasi na mas gusto ko ang mga ginagawa ng mga lalaki kaysa sa mga babae. Alam ko na kung ano ang nasa isip ninyo. Oo, lesbian nga siguro ako, pero hindi halata dahil hindi ako gupit lalaki, o kaya naman ay bihis lalaki. Sadyang ang puso ko ang kakaiba, dahil tumitibok ito sa kagaya ko ring babae. Pero kahit ganoon ay hindi ko hinayaan na maging marumi ako sa harap ng mga tao. Ganito man ang aking kasarian, ako pa rin naman ay maayos. Hindi ko hinahayaan na ako ay mabastos dahil lang sa aking kasarian. “Tinay, bakit ba kasi ayaw mo pang sagutin ang Kuya ko?” tanong ni Sallie sa akin ng isang araw na magkasama kami. Palagi na lang niya akong kinukulit na sagutin ko na raw ang Kuya Seban niya, eh hindi ko naman gusto ang Kuya niya. “Sallie, uulitin ko sa iyo, hindi ko gusto ang Kuya mo, wala kaming spark,” wika ko rito na kinaakbay ko sa kanya, “May nagugustuhan na ako, pero hindi ko alam kung gusto rin niya ako,” sambit ko sa kanya. “Hah, eh sino naman?” maang niyang tanong sa akin. Tumingin ako sa kanya, “Ikaw, Sallie,” pag-amin ko rito na kinagulat niya. “Hah?!” sambit niya. Hinawakan ko ang mga kamay ni Sallie, “Oo, Sallie, matagal na kitang gusto, kaya lang hindi ko naman masabi sa iyo dahil sa Kuya mo,” paliwanag ko rito. “Hah, a-ano kasi, gusto rin kita, Tinay,” pag-amin niya. Napangiti ako sa sinabi ni Sallie, “Pero hindi pwede, kasi mahal ka ng Kuya ko,” sabay bawi nito. “Pero Sallie…” “Matagal ko nang napapansin na iba ang mga kilos mo noon pa man, Tinay,” pagtatapat din niya sa akin, “Ako ang best friend mo kaya alam ko kung ano ang nangyayari sa iyo. Kung ano ang nagbabago sa iyo,” aniya, “Pero hindi pwede, Tinay,” dagdag niya. “Pero Sallie…” “Tinay…” Niyakap ko siyang bigla upang hindi na siya makapagsalita pa. “Sallie, mahal kita, mahal na mahal,” masaya ako habang niyayakap ko siya, “Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya.” “Tinay, mahal din kita, pero nangangamba ako para kay Kuya,” sabi niya na dahilan para magtanggal ako sa pagkakayakap ko sa kanya. Tinitigan ko tuloy siyang maigi, “Sige, ganito ang gagawin natin, hindi natin ipapahalata ang relasyon nating dalawa, gusto mo ba iyon?” tanong ko rito na kinangiti na niya sa akin. “Gusto ko, Tinay, gustung-gusto ko,” saad niya at saka niyakap na niya ako. “Mahal kita, Sallie.” “Mahal din kita, Tinay.” Naging masaya ang relasyon namin ni Sallie. Hindi namin pinahalata na may relasyon kaming dalawa lalo na sa harapan ng mga magulang at Kuya niya. Nagtagal ng isang taon ang relasyon namin ni Sallie bago dumating ang araw na kinatatakutan naming dalawa. Iyon ang araw na hindi ko napaghandaan. “Sallie, mahal na mahal talaga kita,” sambit ko rito bago ko tuluyang sakupin ang kanyang mga labi. “Mahal na mahal din kita, Tinay,” mahinang sambit din niya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa amin, basta ang tanging nasa isipan ko ngayon ay maiparamdam sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Magkahalikan kaming dalawa nang biglang, “Sallie, Tinay?!” sabay kaming naghiwalay at napatingin sa nagsalita. “Kuya?!” tanging naisambit ni Sallie rito. Nagkatinginan lang kami ni Sallie at ganoon din kami ni Seban. Mabilis na napatayo si Sallie habang si Seban naman ay mabilis na bumaba ng bahay. Nagkatinginan na lang kaming dalawa ni Sallie bago niya kinuha ang gamit niya at sumunod sa kanyang Kuya. Tinawag ko pa siya ngunit hindi na niya ako nilingon pa. Walang nangyaring pananakit ng araw na iyon. Basta na lamang kasing bumaba si Seban at iniwan kami. Akala ko tuloy ay okay lang, ngunit nagkamali ako. Nagulat na lamang ako kinabukasan na wala na sina Sallie at Seban sa bahay nila. “Aling Vita, kailan pa po sila umalis?” tanong ko sa Nanay nila. “Kaninang umaga pa, Tinay, hinabol nila ang unang alis ng bus kaya maaga sila,” sagot ni Aling Vita sa akin. “Pero bakit po sila umalis?” tanong ko na naman dito. “Kailangan sila ng Lola nila, Tinay, kaya roon na sila magtatapos ng pag-aaral,” paliwanang ni Aling Vita sa akin. Bagsak ang balikat na umalis ako sa kanila at pumasok ng eskwela. Magmula noon ay kinalimutan ko na si Sallie. Alam kong mahirap pero kinaya ko. Nag-aral akong mabuti upang makapagtapos ng pag-aaral. Ganoon pa rin ang ginawa ko, pasok sa umaga, habang waitress naman ako sa gabi sa isang Bar na malapit lang sa amin. Medyo nagdadalaga na rin kasi ako kaya hindi na raw ako pwede magtrabaho sa kalye sabi ni Aling Vita. Kaya ko naman ang sarili ko, ngunit pinilit niya akong huwag ituloy ang pagtatrabaho sa kalsada lalo kapag gabi, kaya naman tinulungan niya akong makapasok sa Bar na malapit sa amin. Sa tulong nang pagtatrabaho ko sa Bar ay nakapag-ipon ako at nakapagtapos ng pag-aaral. Naging mahirap ngunit nakaya ko naman na makapagtapos. Natapos ko ang high school at pumasok sa isang mababang Unibersidad na malapit lang din sa amin. Naging scholar ako upang hindi ako magbayad ng tuition fee. At kahit mahirap ay binuhay ko ang sarili ko. Aral pa rin sa umaga habang kayod-kabayo sa gabi. Kinuha ko ang kursong Business Administration upang mabilis akong makahanap at makapasok ng trabaho. Sa apat na taon na pag-aaral ko sa kolehiyo ay nakilala ko si Fear, ang classmate kong irregular. Magkaklase kami sa isang subject at nagustuhan ko kaagad siya. Mabait kasi siya sa akin, parang si Sallie, tanggap niya ang buong pagkatao ko kaya naman niligawan ko siya at sinagot naman niya ako. Mahal na mahal ko si Fear at ganoon din siya sa akin. Tanggap ako ng Nanay niya at ng kapatid niyang si Tere. At walang problema sa aming dalawa. May mga panahon na hindi kami nagkakasundo at nag-aaway kami, ngunit sinisigurado ko naman na hindi mauuwi sa hiwalayan ang pag-aaway naming dalawa. Mahalaga si Fear sa buhay ko dahil siya ang naging inspirasyon ko para makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo. “Baba,” napatingin ako sa tumawag sa akin. “Oh, Beb,” tawag ko rin sa kanya. Iyan kasi ang tawagan naming dalawa. Baba ang tawag niya sa kanya habang Beb naman ang tawag ko sa kanya. “Oh, kumusta ang paghahanap mo ng trabaho?” tanong nito sa akin at saka naupo. Naupo naman din ako sa tabi niya, “Ang hirap,” tanging naisagot ko rito. “Sa una lang iyan, Baba,” sabi naman niya sa akin. “Sana nga, Beb,” sabi ko naman na kinangiti ko rin sa kanya. “Ano ka ba,” akbay niya sa akin, “Huwag kang mawawalan ng pag-asa, trabaho lang iyan, si Krixtine ka kaya,” sabi nito sabay ngiti sa akin. Ito ang gusto ko kay Fear, hindi siya napanghihinaan ng loob at siya ang nagpapalakas sa akin. “Salamat, Beb,” sagot ko naman dito at saka ginawaran ito ng halik sa noo. Hindi ako nawalan ng pag-asa sa paghahanap ng trabaho sa tulong na rin ni Fear sa akin. Siya ay nakahanap na ng trabaho habang ako ay patuloy pa ring naghahanap. At habang naghahanap ako sa umaga ay patuloy pa rin akong nagtatrabaho sa Bar tuwing gabi. Kailangan ko rin kasing kumita para sa pambayad ng tubig at kuryente sa bahay at para sa pagkain ko araw-araw. “Baba, kumusta ka naman?” tanong ni Fear nang minsang tumawag ito sa akin sa Bar. “Okay naman ako, Beb, huwag kang mag-alala,” sagot ko rito. “Kapag may nang manyak sa iyo, sabihin mo lang sa akin, ah, akong bahala, susugurin ko,” sabi nito na kinatawa ko naman. “Ano ka ba, Beb, ako pa ba? Kaya ko sila, ano, isang uppercut lang sa kanila, makakatulog kaagad mga iyon,” tawa ko ring sagot dito. “Iyan ang Baba ko, I love you, Baba.” “I love you, too, Beb,” sagot ko naman dito, “Oh sige na, mamaya na lang ulit,” paalam ko rito. “O sige, kakain na ako, ikaw rin kumain ka ah,” paalala nito sa akin. “Opo, I love you,” huling sabi ko rito bago ko pinatay ang ginawa niyang pagtawag sa akin. “Krix!” napatingin naman ako sa tumawag sa akin. “Oh, Balat,” sambit ko rito. “May nagsuka ro’n sa table no. 6, linisin mo,” utos nito sa akin. “Yes, Sir, akong bahala.” Siya naman si Balat, ang bouncer namin sa Bar. Mukhang masungit at suplado pero mabait din siya sa akin. Nagtungo na nga ako sa sinabi ni Balat sa akin at nilinisan ang mesa. Ganyan ang trabaho ko sa Bar. Kung hindi tagabigay ng order ay tagalinis ng suka, taga-mop nang natapon na alak at kung anu-ano pa. Ako lang kasi ang tumanggap nang ganoong trabaho dahil marami akong kailangang pag-ipunan. Gusto ko kasing hanapin ang Nanay, Tatay at Kuya Jobert ko. “Krix!” natigil ako sa pag-iisip nang marinig ko ang pagtawag ng kung sino sa akin. Naalala ko na naman pala ang kahapon ko. “Hoy, bakla ka, kanina ka pa hinahanap ni Sir,” sambit nito sa akin nang makapasok na sa kwartong tinuluyan ko, “Hoy! Ano iyan?! Bakla ka!” gulat nitong sambit nang makita akong nakatakip ng tuwalya. “Tumahimik ka nga, Maya, hindi ako bakla, pwede ba,” inis kong sagot dito sabay tayo, “Nainitan lang ako kagabi kaya naghubad ako, tabi,” sabay sabi ko rito na pumasok na sa banyo. “Nainitan mo mukha mo!” sigaw nito sa may pinto ng banyo, “Bilisan mo at talagang hinahanap ka na ni Sir Ugi.” “Oo na, umalis ka na, susunod na ako,” sagot ko rito. Siguro ay umalis na ito dahil wala nang nagsalita pa. “Hay, salamat naman, napakaingay talaga ng babaeng iyon,” naisambit ko na lang bago buksan ang shower upang maligo. Iyon si Maya, ang kaibigan ko rito sa trabaho na ito. Teka, ano nga ba ang trabaho ko? Ay, oo nga pala, ako nga pala ang Personal Secretary ni Mr. Luigi Dale Cruz Mendez, ang nag-iisang anak nina Mr. and Mrs. Alfonso Miguel Cruz Mendez, ang isa sa pinakamayamang angkan na nabubuhay sa Pilipinas. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ngunit sadyang mayaman sila. Marami silang business, local or international man, chain of businesses. Ang yaman nila sa totoo lang. Saan kaya nila nilalagay ang mga pera nila, ‘no? Siguro ang saya at ang sarap ng buhay nila dahil nagagawa, nabibili at napupuntahan nila ang mga gusto nia. Hindi ko rin alam kung bakit ninais kong mag-apply ng trabaho sa kumpanya nila rati. Basta ang natatandaan ko lang ay janitress lang sana ang a-apply-an ko pero nang makita ni Sir Ugi ang curriculum vitae ko ay tinanggap niya ako kaagad bilang Personal na Secretary niya. Hindi pa nga makapaniwala ang mga tao noon sa buong opisina niya nang ipakilala niya ako, halos lahat sila ay nagbulungan noon, pero wala na iyon, dahil halos lahat naman sila ay na-vibes ko na ngayon dahil magaling akong makisama. “Bakla ka, ano ba, hindi ka pa ba tapos diyan?” narinig ko na naman ang pagtawag sa akin ni Maya, “Kanina ka pa riyan, hindi ka na natapos.” “Oo na, heto na,” pagmamadali kong sagot dito sabay labas ng banyo, “Oh, heto na,” nakatwalya pa rin ako, “Akala ko ba bumaba ka na?” tanong ko rito nang makita ko siyang nasa loob pa rin ng kwarto ko. “Oh, sige na, magbihis ka na, bilisan mo ah, mamaya na ang chika at question-and-answer portion, mukhang mainit ang ulo ni Sir eh,” dagdag pa nito. “Oo na, sige na, mauna ka na kasi,” ulit ko na naman dito. “Oo na,” sagot nito at saka lumabas na ng kwarto. Mabilis na akong nagbihis at nag-ayos. Nagsuot ako ng shorts at sleeveless na damit na pinaibabawan ko ng long sleeve na hindi ko binutones, rubber shoes, eyeglasses at saka nagtali ng buhok, ayoko kasing nakalugay ang buhok ko, nagmumukha lang akong babaeng-babae eh. At kahit naman pusong lalaki ako, hindi ko nakakalimutan na ang katawan ko ay babae pa rin. Sa totoo lang, masakit ang buo kong katawan. Para akong nabugbog na hindi ko alam kung bakit ganito ang pakiramdam ko, pero hindi ko pinahalata kay Maya. Pagkatapos kong mag-ayos ng sarili ko ay mabilis ko nang binuhat ang mga gamit ko at lumabas na ng kwarto. Nakita ko si Maya sa baba, “Maya,” tawag ko rito. “Krix!” sambit nito sa akin sabay tanggal ng salamin niya para pagmasdan ako. “Oh, ano bang tinitingin-tingin mo pa riyan?” tanong ko rito. “Bakla ka, umamin ka nga sa akin,” sabi nito habang nakapamewang na nakaharap sa akin. “Ano na naman ba?” maang kong tanong dito. “Tibo ka ba talaga o nagtitibo-tibohan ka lang, hah?” taas kilay na tanong nito sa akin. “Soplak gusto mo!” sambit ko tuloy sa kanya. “Tse! Tingnan mo naman kasi ang itsura mo, baklaaaa,” wika niya na hindi ko alam kung nang-aasar ba itong si Maya o nang-iinis sa akin. “Ano ba, Maya, aalis tayo o hindi?” “Relax, nagulat lang kasi ako sa iyo,” sabi nito. “Pwede ba, hindi porke’t nakaganito ako, babaeng-babae na ako,” paliwanag ko rito, “Lalaki ang puso ko, pero kahit na ganoon ay inaalagaan ko pa rin naman ang katawan ko. Dahil pinahiram lang sa akin ito ng Panginoon.” “Oo alam ko naman eh, ang sexy mo kaya, pagsuotin ka lang ng two-piece eh wala nang sinabi sina Bea Alonzo at Angel Locsin sa kurba mo, bakla.” “Pwede ba, Maya, tigilan mo na nga ako, mga crushes ko pa ang sinasabi mo, maghulusdili ka, uy!” sabi ko rito at saka ito tinalikuran. Tumawa ito nang malakas, “Oo na, sige na, alam ko namang lalaking-lalaki ka, tara na nga,” at naglakad na nga kaming dalawa nang sabay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD