Third Person POV
Isang lalaki na may payat na pangangatawan ang nakaupo sa tapat ng kahera sa isang tindahan. Ang lalaki ay may kayumangging buhok at maputlang kulay na balat. Ilang sandali pa ay may lumapit sa payat na lalaki na isang exousian na may suot ng kulay puting damit at nakaimprenta sa puting damit ng lalaki ang katagang DEM SHOP. Ordinaryo lamang ang itsura ng lalaking nakaputi at kung tatayo ito sa gitna ng mga naglalakad na exousian ay hindi mo agad mapapansin ang lalaki dahil sa madali lamang kalimutan ang mukha nito.
“Amo, nais bilhin ng ginoong iyon ang patalim na ito at ang bote ng lason na ito sa halagang 50 gintong barya” magalang na sambit ng lalaking nakaputi sa lalaking may kapayatan, tinuro pa nito ang lalaking nakatayo sa isa sa mga estante kung saan nakalagay ang ilan sa mga sandata na binebenta ng tindahan sa ikalawang palapag ng tindahan.
Hinablot ng lalaking may kapayatan ang lalaking nakaputi ang damit.
“Sino ba ang tangang bibili ng mga paninda sa Black Market gamit ang gintong barya?! Anong akala niya na sa outer region tayo ng Black Market! Ang tindahan ko ay naka pwesto sa pagitan ng inner region at core region. Ang lahat ng mga paninda sa pwestong ito ay maaari lamang bumili gamit ang spiritual na bato o ng enerhiyang bato, kung wala siya niyon ay maaari siyang bumalik sa outer region ng Black Market!” may galit na sambit ng mapayat na lalaki, matapos nito ay binitawan niya na ang damit ng lalaking nakaputi. Makikita na naamutla ang lalaking nakaputi at agad agad na umalis sa harap ng kanyang amo. Malakas ang boses ng lalaking may kapayatan at makikita ang ugat sa leeg nito dahil sa pag sigaw. Hinilot ng lalaking payat ang kanyang sentido.
“Kabago-bago pa lang ay pinapainit na ang ulo ko” sambit ng lalaking mapayat. Tumunog ang pagbukas ng pintuan at ang kaninang galit na may ari ay napalitan ng pag ngiti. Humarap ang may ari ng tindahan sa pintuan upang batiin ang pumasok sa kanyang tindahan. Biglang nanigas ang pagngiti ng lalaking payat ng makita niya ang pumasok sa kanyang tindahan. Ang pumasok sa tindahan ng Dom Shop ay may suot ng itim na roba at itim na maskara na may disenyo na tila patak ng dugo, ngunit ang kapansin-pansin sa lalaking ito ay ang kulay pula at itim nitong mata.
Hawak hawak ng lalaki na may itim at pulang mata ang hawakan ng pintuan, nang makapasok ang lalaki ay agad niyang binitawan ang pintuan kaya naman lumikha ito ng malakas na tunog.
Clanggggggg
“Oh! Pasensya ka na” sambit ni Gabriel habang nakangiti at sa pag ngiti nito ay kitang kita ang dalawang maliit na pangil ng binata sa magkabilang gilid ng kanyang bibig. May pagkapasaway ang tono sa boses ng binata at mapaghahalataang hindi ito sinsero at may mapaglarong katauhan. Lumakad si Gabriel na tila ba pagmamay-ari niya ang tindahan, hindi naman naka imik ang lalaking payat na may ari ng tindahan, bagkus sa loob loob nito ay pinapakalma niya ang kanyang sarili.
‘Bakit nandito siya?!’ kinakabahang tanong ng lalaking payat sa kanyang sarili.
“Heh! Mukhang umaangat ka na talaga Dominique, akalain mo nga naman huling kita ko sa iyo ay marami ka pang utang sa akin. Ngayon tingnan mo naman may sarili ka ng tindahan” iginala ni Gabriel ang kanyang paningin sa loob ng tindahan, at nakita nito ang mga itinitinda ni Dominique. Lumapit si Gabriel sa estante ng mga lason na nakalagay sa mga bote, kinuha nito ang isang bote ng lason at binuksan ito upang amoyin.
“Pambihira meron ka pa lang tinitindang lason galing sa Poison Demon” manghang sambit ni Gabriel ng maamoy niya ang lason at makilala ito.
“Tsk… Tsk… Naalala ko pa na ang mga Poison Demon ay napaka sungit at mapagmataas, hindi sila basta-basta nagbibigay ng kanilang mga lason. Kinailangan ko pang itali sa puno ang Poison Demon upang kumuha ng lason niya, napakadamot talaga nila. Sampong bote lang naman ng lason ang kailangan ko bakit ba kailangan nilang magdamot” pagkukwento ni Gabriel, dahil sa narinig ay pinagpawisan si Dominique.
Si Dominique ay isang Faceless Demon, isa siya sa mga nakakakilala kay Gabriel, kilala si Gabriel sa Demon Dimension bilang pasaway na Demon. Noong bata si Gabriel ay nais nitong makipaglaro sa isang Snake Demon, ngunit dahil mapagmataas ang Snake Demon ay hindi nito nais na makipaglaro sa isang batang Demon na walang alam kaya nagpalit ito ng anyo at naging isang ordinaryong ahas upang mabilis na makatakas. Ngunit bago pa makatakas ang Snake Demon ay hinablot ni Gabriel ang ulo nito at hinila ang kanyang buntot upang banatin. Naging tila ba isang goma ang ahas dahil sa ginawa ni Gabriel, minsan pa ay ginamit niya ang Snake Demon na panali sa isang regalo na ibinigay niya sa kanyang ama. Walang magawa ang hari ng Demon Dimension na ama ni Gabriel dahil sa kapilyuhan nito. Kaya naman simula noon ay kapag nakikita ng ilang Demon si Gabriel ay agad na silang tumatakbo palayo.
Naalala ni Dominique na kasabwat siya ni Gabriel sa paghuli, bah bah mali, paghingi ng lason sa Poison Demon. Kinailangan niya kasi ito upang proteksyon dahil ang Faceless Demon na katulad niya hindi ganoon kalakas. Ang Poision Demon ay kaya lamang gumawa ng dalawang bote ng lason sa isang araw kaya naman ng malaman ng Poison Demo na nais ni Gabriel ng sampung bote ng lason mula sa kanya ay nanlaban ito. Naalala pa ni Dominique ang mga makatarungang salita ni Gabriel habang pilit na kumukuha ng lason sa Poison Demon, na tila ba napakadamot ng Poison Demon upang hindi siya bigyan ng sampung boteng lason nito. Matapos makakuha ng bote ng lason si Gabriel ay tila ba isang tuyo na Puno ang Poison Demon dahil sa dami ng lason na nakuha dito. Nang makuntento si Gabriel ay hindi niya inalis ang tali sa Poison Demon sapagkat ito daw ang kabayaran dahil sa pagpapahirap sa kanya.
Simula noon ay umiwas na si Dominique kay Gabriel ngunit talagang malupit ang mundo sapagkat nagtagpo pa rin sila. Muling pinunasan ni Dominique ang pawis sa kanyang noo gamit ang isang puting panyo.
“Ahem…. Ahem….” Pag ubo ni Dominique ngunit hindi iyon pinansin ni Gabriel bagkus ay nagpatuloy ito sa pagsasalita.
“Naalala mo ba noon, na pinaghahanap ka ng mga Poison Demon tin—”
“Diretsuhin mo na lamang ako prinsipe Gabriel—” agad itinaas ni Gabriel ang kanyang hintuturo sa kanyang bibig upang senyasan si Dominique na huwag magsalita. Lumapit si Gabriel kay Dominique at inilagay ang kanyang kanang braso sa balikat ng binata.
“Ano ka ba naman, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na Gabriel na lamang ang itawag mo sa akin. Ilang beses na rin tayong nagkasama sa paghahanap ng mga kakaibang bagay sa Demon Dimension upang ibenta sa ibang lugar. Hindi ka na iba sa akin hehehehehe” ngiting sambit ni Gabriel, ngunit imbes na matuwa ay biglang natakot si Dominique, sa dami ng nakakabangga ni Gabriel ay marami ang may galit sa kanya ngunit dahil prinsipe ito ay walang magawa ang ilang Demon kay Gabriel kaya naman siya ang pinagbabalingan ng galit ng mga Demon na ito. Kaya nga kung maaari ay nais nitong lumayo kay Gabriel ngunit kung minamalas ka nga naman, nakatadhana na ata siyang magsakripisyo at maging martyr. Lumunok si Dominique pinilit na maging normal.
“Ga- Gabriel, ano ba ang magagawa ko para sa iyo?” lakas loob na tanong ni Dominique rito. Lumawak naman ang pagkakangiti ni Gabriel, ngunit sa paningin ni Dominique ay may binbalak na hindi maganda ang binata na tiyak na ikakapahamak niya. Pumikit si Dominique at pilit kinumbinsi ang sarili na walang mangyayaring masama sa kanya.
“Hehehehe, huwag kang mag alala hindi ka mapapahamak sa plano ko. Isa lang ang tanong ko sa iyo. Nais mo bang yumaman?” tanong ni Gabriel kay Dominique napamulat naman ng mata ang binata sa narinig, alam ng binata na kahit madalas siyang napapahamak sa plano ni Gabriel ay matapos naman nito ay marami siyang napapala. Sa katunayan ang mga iba’t ibang paninda ni Dominique sa kanyang tindahan ay nakuha niya sa pagsama-sama kay Gabriel kaya naman ng marinig nito ang boses ni Gabriel ay napukaw ang kanyang atensiyon. Gayunpaman ay kinabahan pa rin ito sa narinig.
“Ano bang balak mo?” may pagaalinlangan sa boses ni Dominique, napangisi naman si Gabriel sa narinig. Alam ni Gabriel na mauuto este makukumbinsi niya ito sa kanyang plano.
“Huwag mo na nating pagusapan ang aking plano. Ang pag usapan natin ay ano ang pabuyang makakamit natin kapag nagtagumpay tayo sa plano ko” pangdedemonyo ni Gabriel kay Dominique, muling napalunok si Dominique sa narinig.
“Ano naman ang mga iyon?” tanong ni Dominique kay Gabriel, mas lalong lumawak ang ngiti ni Gabriel sa narinig.
“Kayamanan” simpleng wika ni Gabriel.
“Kayamanan?”
“Spiritual na bato at enerhiyang bato, hindi lamang iisa kungdi marami” muling panunukso ni Gabriel kay Dominique, umikot si Gabriel kay Dominique habang kinukumbinsi niya ito.
“Maraming spiritual na bato at enerhiyang bato” pag uulit ni Dominique sa sinambit ni Gabriel, nakikita na ng binata ang mga nakatambak na spiritual na bato at enerhiyang bato na nakatambak sa kanyang kwarto.
“Hindi lang iyon!” nasa likuran si Gabriel ni Dominique.
“Meron pa?” nanginginig na wika ni Dominique na may halong pagkasabik.
“Makakakain ka ng masasarap na pagkain” muling wika ni Gabriel, napakunot naman ang noo ni Dominique sa narinig
“Masarap na pagkain? Ang ibig mong sabihin –”
“Kaluluwa. Masasarap na kaluluwa ng isang exousian” buong ni Gabriel sa tenga ni Dominique, dahil sa narinig ay biglang nagutom si Dominique at ang kaninang pag aalinlangan ay napalitan ng pagiging determinado.
“Isali mo ako sa plano mong iyan Gabriel hehehehehe” ngiting wika ni Dominique habang nangangarap ng maganda niyang kinabukasan. Nang makita ito ni Gabriel ay mas lumawak ang ngiti nito at napahalakhak, sumama naman sa pagtawa si Dominique dahil dito.
Sa loob naman ng katawan ni Dark ay nakita niya ang lahat ng ginawa ni Gabriel, hindi makapag salita si Dark sa kanyang mga nakita. Hindi siya makapaniwala na may ganito pa lang ugali si Gabriel at higit sa lahat ngayon lamang siya nakakakita ng isang Demon na nademonyo ng isa pang Demon.