CHAPTER 4
Nasa elevator pa lang ako kasama ng lalaking nagpakilalang assistant ng lalaking siyang makakauna sa akin ay kinakabahan na ako. Hindi na yung bodyguard ang ipinasama sa akin. Siya na raw mismo ang maghahatid sa akin sa suite ng hotel na iyon.
Hindi ko pa rin kung anong nararamdaman ko. Maaring takot dahil hindi pa naman ako handa sa ganito. Kilig kasi alam ko sa sarili kong humahanga na ako sa lalaking nakita ko kanina. Basta hindi ko alam kung ano nga ba ang dapat kong maramdaman kagaya ng hindi ko alam kung ano itong aking napasok.
“Dito ka muna,” sabi ng lalaki habang binuksan niya ang kuwarto.
“Anong oras ho ba siya darating.”
“Aba’y hindi ko alam. Saka wala ka naman ibang gawin kundi ang maghintay. Wala ako sa posisyong magtanong kung hanggang anong oras siya sa party.”
“Nagugutom kasi ako. Hindi pa kami pinapakain ni Tita.”
“Iyon lang naman pala eh. Ang sabi ni Sir, mag-order ka lang ng kahit anong gusto mo kung kulang pa ang nakahain sa mesa.”
“May pagkain na sa loob na nakahain?” Natakam ako. Nanghihina na ako sa gutom kasi gusto ni Tita, flat ang tiyan naming lahat. Mga nasa dose oras na mula nang huli kong kain.
“Kumain ka na lang muna mamaya. Maligo ka ha.” Pinaypayan pa niya ang ilong niya sabay tingin sa akin na para bang nababahuan. “Ayaw ko ng amoy mo kaya sure akong maduduwal lang si Sir sa’yo. Mababango ang mga body wash na nasa CR. Gamitin mo ang mga iyon. Ayaw ni Boss ang cheap na pabango tulad ng pabango mo ngayon. Kahawig na kahawig ng mga pabago sa purinarya. Nakakasuka. Saka pwede ba? Tanggalin mo ang makapal na make up mo. Maghilamos ka kasi ayaw niya yung sobrang tingkad na kulay ng kolorete mo sa mukha. Nagmumukha ka tuloy legit na pokpok.”
“Grabe ka naman sa akin, kuya.” Sinimangutan ko siya saka ako pumasok.
“Ahm one more thing pa pala.”
“Ano ho ‘yon?”
“Anong pangalan mo nga uli?”
“Nadia, ho.”
“Okey. Nadia, huwag mong pakialaman ang kahit anong gamit sa loob ng kuwarto maliban sa aircon, ref, TV, remote at mga pagkain sa mesa. Iyon lang ang gagalawin mo, okey?”
Tumango lang ako.
“Tandaan mo, ref, aircon, TV, remote at pagkain sa mesa lang. Yung mga hindi ko sinabi, huwag na huwag mong pakialaman. Kung magnanakaw ka, hindi ka rito makakalabas without his permission o my permission. Kung may mawawala sa kuwarto, ikaw ang agad na pagdududahan at hindi mo magugustuhan ang mangyayari sa’yo once na may nilabag ka sa sinabi ko. Saka nakikita mo yang dalawang guard dito sa pintuan? Nandito lang sila, nagbabantay.”
Tinignan ko ang dalawang gwardiya na nakatingin sa akin. Malaki ang katawan nila at may mga nakasukbit silang mga b***l. “p****k po ang trabaho ko. Hindi akyat bahay. Saka mukha ba akong magnanakaw?”
“Oo naman,” mabilis na sagot niya sa akin.
“Ay grabe talaga siya oh?”
“Sige na. Maligo ka kasi amoy imburnal ka. Sayang naman. Ang ganda ganda mo pa naman sana. Tanggalin mo yung make-up mo ha? Pinapatanda ka at pinapapangit imbes na gumanda ka sana lalo. Ewan ko ba kung bakit ikaw ang pinili ng Boss ko eh napaka-ordinaryo naman ang histura mo. Siguro wala na talaga siyang mapili. Narinig mo naman ang sinabi niya hindi ba? Hindi ka niya type. Napilitan na lang na piliin ka.”
Hindi ko na lang siya pinatulan. Alam ko naman kasing hindi maganda ang make up ko kasi sinadya ko talagang kapalan at itago ang tunay kong ganda. Saka ako man, nang pinagamit na ako ni Tita ng pabango niya, hindi ko na nagugustuhan. Ang lahat pati ako ngayon, hindi ko gusto. Hindi ako ito. Kaya wala akong pakialam sa sinasabi niya sa akin.
“Sige na. Maligo ka. Magpabango. Kumain at manood. Maraming drinks sa ref. Ikaw na ang bahala sa sarili mo, okey?”
“Salamat po, Sir.”
Tumango lang ang lalaki at isinara ang pinto.
Naiwan ako sa loob ng magarang kuwarto ng hotel. Kuwarto? Hindi ito kuwarto lang. Para na itong isang palasyo sa paningin ko. Nalula agad ako pagpasok ko. May sala, dining, kusina, terrace at dalawang kuwarto kaya mali ang description kong kuwarto lang.
Nakita ko agad ang malaking TV sa sala na pinangarap kong magkaroon kami dahil ni radyo wala kami sa bahay. Nakikinig lang kaming magkakapatid sa TV ng kapitbahay. Para na rin kaming nanonood. Sa umaga naman kapag nagpapatugtog ang kapitbahay namin, nakikipakinig na lang kami. Hanggang gano’n lang kami. Salat sa lahat ng bagay pero ang tanging meron ako ay ang pag-asa at pangarap. Pag-asang aahon din kami sa hirap at pangarap na ako ang mag-aahon sa pamilya ko sa kahirapang iyon.
Tinungo ko ang napakagarang sofa. Umupo ako at hinaplos-haplos ko ang malambot nitong cover. Hanggang sa may masarap akong naaamoy. Amoy pagkain. Kumulo ang tiyan ko. Pumunta ako sa dining. Oh my! May nakahanda ngang pagkain sa mesa. Mukhang bagong order pa ang mga iyon. Napalunok ako. Hindi pa kasi ako kumakain at ilang araw na akong hindi nakakakain ng sapat. Lagi na kasing noodles na sinabawan ng maraming tubig ang kinakain namin para lang magkasya sa aming apat nang nasa bahay pa ako. Si Tita naman walang pakialam sa akin. Di siya nagluluto kaya kung anong pancit canton o de lata na lang ang kinakain ko sa bahay niya. Agad kong tinanggalan ng hita ang isang buong pritong manok. Kinagat ko.
“Hmnnnn grabe! Ang sarap!”
Hindi ko na alam kung sadyang masarap talaga o sadyang patay gutom lang talaga ako. Umupo muna ako sa dining table na nakataas ang isang paa. Nilantakan ko ang manok at iba pang nakahain na pagkain na lahat ay masarap ngunit hindi ko alam ang mga pangalan. Yung buong fried chicken nga lang nakangalahati ako. Hindi na ako nagkanin. Gusto ko kasing tikman ang lahat ng nandoon at mabubusog lang ako agad kung magkakanin pa. Tutal naman, kukunin na ang virginity ko, sa pagkain man lang makabawi-bawi ako.
Nang mabusog ako, nakita kong konti na lang ang natira sa mga nakahain. Pati mga dessert at drinks ang sasarap lahat. Kung nandito lang sana sina Junior at Budyok na mga kapatid ko, sigurado akong ubos ito ngayon. Sina Nanang at Tatang kaya nakatikim na rin ng ganito sa tanang buhay nila? Tingin ko, hindi pa. Sayang ako lang ang nakatikim. Ang hirap kong huminga sa pagkabusog. Medyo lumaki na tuloy ang tiyan ko sa dami ng aking nakain. Inayos ko ang pinagkainan ko.
Bumalik ako sa sala. Napakalaki ng TV. Kinuha ko ang remote at binuksan ko ito. Noon lang ako nakakita at makapanood ng ganoong size ng TV. Umupo muna ako sa sofa. Ang lambot din ng sofa. Humilata ako at napagtihulog na parang bata saka ako muling uupo at nagpatihulog. Ang dulas talaga ng ng sofa na ‘to.
Tumayo ako. Tinungo ko ang kuwarto. Tinignan ko ang maluwang na kama. Mabilis akong tumakbo at ibinagsak ang aking katawan. Ang lambot nga. Ang sarap-sarap ibagsak ang katawan. Hanggang sa narinig ko ang pagkapunit ng mumurahin kong dress. Nakakainis naman. Isang dangkal agad ang punit sa tagiliran ko. Hanggang sa nakita ko ang nakasabit na nighties na pula sa gilid ng kama. Bumangon ako. Ang ganda. Parang ang seksing tignan ang damit. May nakalagay pang presyo. Tinignan ko. Kumunot ang noo ko. Akala ko 520 pesos lang pero hindi eh, 52,000.00 ang nakita kong amount ng damit na iyon. Totoo ba ito? May ganito kamahal na pantulog lang? Kung ganito pa lang ang presyo ng nighties lang, gaano kaya kayaman ang misteryosong gwapong lalaking iyon?
Ibinalik ko sa pagkakasabit ang damit. Baka masira ko, hindi ko kayang bayaran.
Binuksan ko ang malaking aparador na lagayan ng mga damit. Mga damit panlalaki ang nakita ko roon. Isasara ko na sana nang nakita ko ang ang isang jewelry box. Nakikita ang laman ng jewelry box na iyon. Parang bagong bili lang. Nanginginig ko iyong tinignan ang laman. Isang set ng alahas. Cartier ang pangalan ng box at may presyo ito sa likod na nakasulat sa dollar, 62,000 USD.
Napa-compute pa tuloy ako.
Napalunok.
Sandaling napatulala habang tinitignan ko ang set ng cartier na alahas.
“Oh my God! True ba ito? Mahigit tatlong milyon? As in tatlong milyon ang hawak ko ngayong alahas?” malakas kong nasambit. Habang hawak ko ang alahas, nakita ko ang white envelop. Hindi pa naman siguro darating yung lalaki. Gusto ko lang isukat ang alahat tapos mag-picture para naman may souvenir ako. May proof na nagsuot ako ng alahas na nagkakahalaga ng 3.5 million pesos.
Habang isinusuot ko ang paghuling alahas na hikaw ay napapatanong ako. Kanino kaya niya ito ibibigay? Sa akin? Regalo niya sa akin para sa aking virginity? Well, ang hirap namang mag-expect pero libre naming mangarap. Libre din namang isipin na para sa akin talaga ito.
“Oh my God! Ito na ba ang katuparan? Ibinibigay mo na ba ang pangarap kong maging mayaman o makapag-asawa ng mayaman?” napalakas kong tanong sa Diyos. Sinipat ko ang aking hitsura sa salamin.
“Ang ganda! Sobrang ganda!” naibulalas ko.. Nagmukha akong expensive. Ang ganda ng kuwintas at bracelet sa akin pati na ang hikaw. Nagkapustura ako. Nagmukhang sosyal. Kinunan ko ng maraming picture ang sarili ko.
Tinignan ko ang laman ng white envelop. “Oh My. Ang kapal na tig, 100 dollars.” Nakapapanginig kasi ang isang 100 dollars ay nasa higit limanlibo na, sa kapal nito, mukhang aabutin ng milyon.
Ibabalik ko na sana ang hawak kong pera nang biglang nagbukas ang pintuan.
Nagulantang ako.
Hindi ko alam kung anong sasabihin ko.
Naabutan ako nang pumasok na hawak ang milyon na pera at suot ang milyon din na mga alahas. Paano ko ito ipaliliwanag ngayon?