UNANG araw ng pasukan. Unang taon sa senior high si Dayanara sa San Vicente High School. Naninibago siya sa paaralan na may tatlong palapag lamang ang bawat tatlong gusali at sistema ng kalakaran. Hindi katulad noon sa Maynila na moderno at halos mga sosyal ang kanyang mga kaklase, ngayon ay mga simpleng mag-aaral na lamang. Walang magagarbong gamit, hindi nagyayabangan ng bagong school supplies, walang sasakyan na hatid-sundo, at higit sa lahat, walang mga lalakeng pakiramdam nila’y nakukuha nila ang atensyon ng bawat babae.
Magta-tatlong buwan siya sa San Vicente, ang plano niya’y magbabakasyon lamang pero nakita niya ang kanyang sarili na nagiging magaan ang loob sa lugar. Sa tingin niya'y matatagal pa ang kanyang pagbabalik sa Maynila, lalo na’t hindi niya gustong makita ang kanyang ina na nahihirapan ngayon sa sakit na Leukemia. Gusto niya ring lumayo upang matigil ang sapilitang pagpapakilala sa kanya sa pamilya ng mga Castañares, ang kasosyo ng kanyang ina sa negosyo.
“Dito na lang ako, Yan.” Nahinto si Jocelyn at binaba ang payong. Malamig na napatingin sa kanya si Dayanara bago nito tinanggap ang baon nitong pagkain sa kanya. “Kainin mo ‘yan sa recess. Pancake at chocolate syrup. Saka may may chocolate drink din sa loob pantulak.” Anito at ngumiti.
“Sa tanghali naman, susunduin ka namin ni Mang Pilyan. Sa may sentro ng baluarte marami raw’ng mga restaurant doon.” Ani ng yaya at napangiti. Ang tinutukoy nitong Mang Pilyan ay ang driver ng kanyang Daddy. May hika iyon at parating umuubo.
“Hindi ho ba magre-resign na si Mang Pilyan, ate?” tanong ni Dayanara sa kanya.
“Huling linggo niya ata ngayon,” wika naman ni Jocelyn. Tumango naman si Dayanara at hinahanap na ang classroom niya. Sa bawat classroom na nadadaraanan niya ay napapansin niya ang magulo ngunit masayang nagkukulitan na mga kaklase. Sa Maynila ay binabantayan ng mga madre ang bawat galaw ng mga estudyante.
Sumilay ang ngiti sa kanyang labi. Mukhang sa lugar na ito ay hindi sila lilimitahan ang kanilang mga galaw, pwera na lamang kung tungkol sa mga basic rules and etiquette ang pag-uusapan. Hindi siya nagkamali ng desisyon na hindi muna umuwi ng Maynila.
Pagpasok niya sa pintuan ay agad na natahimik ang kanyang mga kaklase. Ang mga lalake naman na nagkukulitan ay napatingin sa direksyon niya. “Dayanara?” tanong ni Antonette at lumapit sa kanya.
“Ikaw pala,” aniya sa babaeng naging kaibigan niya noong summer. Niyakap siya nang mahigpit ni Antonette at hinawakan ang kanyang kamay. “Magkaklase pala tayo,” ani naman ni Dayanara sa kanya. Nagagalak ang kanyang puso nang may makilala sa mga kaklase niya.
“Akala ko bumalik ka na ng Maynila noong huli nating laro,” ani ni Antonette sa kanya nang ibinaba niya ang kanyang bag sa kanyang upuan. Isang buwan lamang silang nagkakilala ni Antonette, pero matapos ang huling laro nila ay hindi na siya nakipaglaro dahil sa madalas niyang pagtulong sa simbahan na pinapagawa ng kanyang Daddy.
“Sorry. Marami kasing inuutos si Daddy sa akin,” panghihingi ng paumanhin ni Dayanara.
“Okay lang. Ano ka ba!” nakangiting wika naman ni Antonette.
“Hoy, Antonette. Kapag magkatabi kayong dalawa para kang uling,” wika naman ng isang lalake sabay tawa nito. Nakitawa rin ang iilang nakarinig sa biro ng lalake. Aminado si Dayanara na maputi ang kanyang balat bukod sa kapansin pansin niyang tangkad. Hindi na rin bago sa kanya na iba ang pakikitungo ng mga taga- San Vicente sa kanya.
Kung siya ay nasa Maynila, tila ba isang normal lamang na residente ang tingin sa kanya ng mga tao, ngunit sa San Vicente ay tila siya ay nangingibabaw.
Dumating ang kanilang adviser. Isa isa silang nagpakilala at ang atensyon ng buong klase ay nasa kanya. “Ano ang gamit mong sabon?” tanong ng isang dalaga sa kanya.
Nahihiya namang ngumiti si Dayanara sa kanya bago sumagot, “Kahit anong available,” aniya. Napatingin ang kanyang katabing lalake sa kanyang kamay. Hindi siya naging komportable kaya tinakpan niya ito.
“Dayanara! Sabay na tayo ng lunch. Kasama namin ang mga pinsan namin,” ani naman ni Antonette. Nagdadalawang isip si Dayanara dahil may susundo naman sa kanya pero kalaunan ay pumayag siya.
SUMAPIT ang lunch break. Mabilis na nagtungo sa labas sina Antonette at Dayanara kasama ang mga kaibigan nitong kaklase. Sina Rico, Abbigail, Lucia, at Maya ang kanilang kasama. Sina Abbigail at Maya ay panay pag-uusap tungkol sa kanya. Naririnig naman ito ni Dayanara pero hindi niya lang binibigyan ng importansya.
“Huwag na kayong sumakay ng tricycle. May darating naman na Van mamaya,” ani ni Dayanara sa kanila nang pumara ng tricycle si Rico.
“Hanep talaga kapag may napulot na mayamang kaibigan!” masayang sabi ni Rico. Parati na ba kaming sasakay sa service ninyo, Dayanara ngayong magkaibigan na tayo?” pahabol pa na tanong ng lalake.
Tumango naman si Dayanara. “Huwag mo siyang pansinin,” bulong sa kanya ni Antonette. Nang dumating ang Van ay naunang pumasok si Rico. Si Jocelyn na naman na nasa harapan ng driver ay nagtaka kung bakit maraming pumasok sa sasakyan.
“Mga kaibigan ko, Ate.” Tugon naman ng dalaga kahit pa’y walang tanong na lumalabas sa bibig ni Jocelyn. Tumango naman ang kanyang yaya. Dahil bago lamang si Jocelyn sa lugar ay sina Antonette na mismo ang nagturo kung saan masarap kumain.
SA isang karinderya nahinto ang sasakyan. Agad namang bumaba ang magkakaibigan, sina Jocelyn at ang kanilang driver. “Ano ba ang pakiramdam ng buhay mayaman?” biglang tanong ni Maya kay Dayanara. Hindi naman alam ng dalaga kung ano ang isasagot niya.
“Sigurado ka ba na dito ka kakain?” tanong ni Jocelyn sa kanya, “sensitive ang tyan mo at hindi garantisado na malinis ang mga hinahanda dito.”
“Okay lang, Ate. Huwag kang mag-aalala,” nakangiting sabi ni Dayanara. Sa Karinderya na iyon ay kapansin pansin ang grupo ng mga lalake sa isang pinakamaling table. Mga estudyante lamang siya pero hindi nakasuot ng uniporme. Tila ang mga ito ay nasa kolehiyo na.
“Antonette!” sigaw ng isang magandang babae at kumaway sa kanila.
“Ate!” sigaw naman pabalik ni Antonette at tumakbo patungo sa direksyon nila. May bakante pa ang malawak na table at mukhang doon sila lahat uupo.
“Mga Abetierre pala,” bulong naman ni Rico.
“Abetierre?” nagtatakang tanong ni Dayanara. Kumaway si Antonette sa kanila at tinuro ang upuan na nasa giliran nilang lahat. Nagtama naman ang mga mata ni Dayanara at ng isang lalaking nakita niya noong may ginagawang kalaswaan noong nagtatago siya. Sa gulat ni Dayanara ay muntik na siyang matalisod.
Ang lalakeng iyon ay gulat ding nakatingin sa kanya. Ang isusubo sanang kanin ay naibalik niya sa kanyang plato habang nakatingin lamang nang mariin sa dalaga.
“Kilala ang Clan nila bilang tenant ng isang pinakamalawak na plantasyon ng tubo dito sa amin.” Si Maya na mismo ang nagpaliwanag sa kanya. “Bukod sa malaki ang sakop ng Clan nila, magaganda at gwapo rin ang mga Abetierre.”
“Isa na riyan si Augustin,” agik-ik na sabi ni Abbigail. Nang maupo silang lahat doon at tinuro ni Abbigail ang tinutukoy niyang Binata. Lahat sila ay napatingin sa lalakeng may kayumangging balat at malaking pangangatawan. Kung hindi nagkakamali si Dayanara iyon ‘yong lalakeng nakita niya noong may ginagawang kabulastugan.
“Augustin,” bulong ni Dayanara nang makilala ang pangalan ng lalakeng iyon. Napansin niyang pasulyap sulyap si Augustin sa kanya. Sa tuwing nahuhuli naman ng dalaga ang kanyang mga mata ay mabilis siyang umiiwas at nagkukunwaring hindi nito tiningnan ang dalaga.
Isa isa namang pinakilala ni Antonette ang kanyang mga pinsan at kapatid. “Hindi ko pa sila napakilala sa iyo, Yan. Siya ang ate ko, Praire Abetierre.” Turo sa kanya ng babaeng tumawag kay Antonette kanina. “Si Kuya Preston, at Kuya Henrik magkapatid sila.” Turo niya sa dalawang lalake. Kumindat naman si Henrik sa kanya sabay ngiti. Gwapo, pero hindi tipo ni Dayanara. “Si Kuya Cillian at si Ate Maeve naman, magkapatid sila.” Turo niya babae at lalakeng magkatabi na akala ni Dayanara ay magjowa dahil parehong gwapo at maganda. “Si Kuya Eliseo at si Kuya Augustin naman,” kumaway sa kanya si Eliseo pero nanatiling tahimik si Augustin. “May kapatid silang lalake si Kuya Terrance, pero wala siya rito. Si Kuya Augustin ang pinakamatanda sa amin.” Kwento ni Antonette.
“Isama mo na rin si Elora,” natatawang sabi ni Maeve.
Ngumiwi naman si Antonette bago umupo sa kanyang upuan. “Pangit naman ugali no’n,” aniya at umirap. Hindi pa nakikita ni Dayanara kung sinong babae ang tinutukoy nito. Hindi na niya kailangang alamin pa. Sa lahat ng pinsan na pinakilala ng kaibigan ay buong atensyon ang naituon niya kay Augustin.
Nang dumating ang pagkain ay agad nilang pinagsaluhan iyon. “Wait lang, Yan. Ako muna kakainin. Dapat siguraduhin natin na malinis ang kinakain mo.” Ani ni Jocelyn at naunang tikman ang ulam.
Ang mga nakarinig naman ay napatingin sa kanila. “Ano ang pangalan mo?” tanong ni Prairie Abetierre. Maamo ang mukha nito, maputi at makinis ang balat, at may natural na kulot ang buhok.
“Dayanara Palileo po,” sagot naman ni Dayanara. “Yanyan po for short,” patuloy niya.
“Iyong anak ni Pastor Samuel?” tanong ni Preston. Isa sa mga naka-uniporme na sa tingin ni Dayanara ay kanyang kaedad lamang o mas matanda sa kanya ng isang taon. Tumango naman si Dayanara at ngumiti sa kanya.
“Makikilala mo talaga ‘yong mga taga hindi dito, ano?” natatawang wika naman ni Eliseo. May pagkahawig sila ni Augustin ngunit mas bata lamang ng features sa mukha si Eliseo. Nakitawa naman sina Antonette at Rico sa biro nito.
Hindi niya pa nakikilala ang iilan na tahimik at may pinag-uusapan, ngunit sa palagay niya’y si Augustin ang pinakamatanda sa kanila. Magkakaiba ang mukha ng magpinsan ngunit iisa lamang ang pareho sa kanila na masasabing mong kabilang siya sa Clan, ang kanilang mga matatangos na ilong, mahahabang pilikmata, at aura.
“Mga mayayabang, mahihirap naman.” Bulong ni Lucia sa kanya. Hindi iyon pinansin ni Dayanara. Hindi pa naman niya nakilala ang buong clan pero aminado siyang nagkainteres siya sa kanilang lahat lalong lalo na kay Augustin.
NAGPAALAM si Dayanara na mag C.R muna habang abala sa pakikipag-usap ang mga magpinsan. Bago pa siya pumasok sa cubicle ay napatalon siya sa gulat nang marinig sa loob ang boses ng isang baritonong lalake.
“Hi?” tanong ni Augustin sa kanya. Napalingon naman si Dayanara sa kanya habang nakahawak sa kanyang puso.
“Uh, Hi…” Tugon ni Dayanara sa kanya.
“Pwede ba tayong mag-usap?” tanong ni Augustin sa kanya, “Yanyan?” habol nito sa kanyang palayaw. Hindi naman maintindihan ni Dayanara ang kanyang puso kung bakit mabilis ang pagtibok nito.