GORGON
EMITT’S PALACE
"Panginoon, bakit hindi pa natin sila atakehin ngayon? Sa palagay ko ay sapat na ang ating maraming taong pagtatago at pananahimik. Sapat na rin ang maraming taon ng kanilang pamumuno."
"Hindi pa sa ngayon, hayaan natin silang namnamin ang tamis ng kanilan panandaliang kapayapaan."
"Ngunit panginoon kailan tayo magsasagawa ng pag atake? Nakahanda na ang lahat ng ating hukbo para sa unang pagsakalay."
"Sa lalo't madaling panahon, huwag kayong mainip aking pinakamamahal na mga tapat na alagad. Ang ating paghahari sa buong lupain ay nalalapit na. Kanila ang nakaraan ngunit sa atin ang hinaharap! Iyan ang tinitiyak ko sa inyong lahat."
"Kayo po ang masusunod, mahal na pinunong Emitt."
"Huwag kayong magmadali, sa pagbagsak ng hudyat ay magsisimula na ang pagkuha natin mga bagay na dapat sa atin. Ang pagkauhaw ay mapapawi rin at ang tagumpay ay tiyak na mapapasa atin."
"Nakahanda kami, anumang oras, pinuno."
Ngumiti si Emitt at sumiklab ang kulay pulang liwanag sa kanyang kamay. "Kaunting oras pa, ang lahat ay aayon sa ating nais."
Mula sa kadiliman ay nawala ang mga imahe ng mga tapat na alagad ni Emitt, habang siya naman ay mahinahon lamang na nakangiti sa kanyang trono. Sa wakas, ang matagal na panahon ng paghahanda ay halos tapos na. Malapit na siyang tumapak sa lupa upang magpakilala sa lahat. Upang kuhanin ang para sa kanya.
Ang galit at pagkasuklam na matagal na niyang kinikimkim sa kanyang dibdib ay tila hindi nawawala at mas nagsasanga pa ito habang lumilipas ang panahon. “Nararamdaman ko ang matinding galit sa iyong dibdib panginoon,” ang wika ni Raya, ipinahinga nya ang ulo sa kamay ni Emitt.
“Kaunting panahon pa Raya, huwag kang mainip,” ang wika ni Emitt sabay haplos sa ulo nito na parang isang alagang pusa.
Ngayon, ang pagsibol ng bagong emperyo ay napipinto na. Muling babangon ang kadiliman at ang walang katapusang labanan ng tiyak na magananap.