Chapter 3

1069 Words
CHARMAINE Kahapon ay ang unang pagtatagpo namin ni Caleb Rhys, 'yung lalaking natipuhan ko na agad sa aking unang tingin pa lang. Hindi ko alam kung bakit hindi man lang niya napansin ang kagadanaan ko o sadyang siya ay isa sa mga tao na kung saan, mas tinitingnan ang panloob na pag-uugali kaysa sa labas na kaanyuhan. Kasalukuyan akong kumukuha ng parte ng pagkain ko sa hapagkainan, isang pirasong prinitong itlog tsaka isang sandok ng kanin. Kaunti lang ang nasasaing ni mama araw-araw kaya kailangan namin palaging magtipid, mabuti na lang ay hindi ako gaanong matakaw sa kanin. Pagkatapos kong kumuha ng makakain ko ay inabot ko na ang tira kay mama. "Wala ka bang klase ngayon, anak?" mahinahong tanong niya sa akin tsaka niya ininom ang tubig na nasa baso niya. Umiling ako at hinintay ko munang maubos ang nginunguya ko bago ako nagsalita. "Wala po, Ma. Pero aalis po ako pagkatapos kong kumain, pupunta lang po ako sa malapit na mall dito." "Bakit? Wala naman akong natatandaan na pinabibili ko sa 'yo ah?" pagtatakang tanong pa niya. Pinag-isipan ko muna kung tama bang sabihin ko sa kanya kung ano ba talaga ang bibilhin ko, at nang mapagdesisyunan kong ilihim na lang ito ay nagbanggit na lang ako ng ibang bagay na maaaring makita sa mall. "Nasira na po kasi 'yung ano Ma..." nahihirapan akong magsinungaling at maglihim kay mama dahil hindi ko pa naman iyon nagagawa dati. "'Yung earphone ko po, Ma. Sira na kahapon pa, didiretso na nga po sana ako sa mall kaso naisip ko po wala pa po si Papa rito, maiiwan po kayong naghihintay sa akin mag-isa." Mukhang naniwala naman si mama sa sinabi ko dahil dinagdagan ko pa iyon ng kaunting pagpapanggap. "Sige anak, basta mag-iingat ka ha? Tawagan mo lang ako kung may kailangan ka o kung gusto mong sunduin kita sa mall. Bago sumapit ang alas-otso ng gabi dapat nandito ka na sa bahay ah. Maliwanag ba?" nag-aalalang wika niya. "Opo, Ma. Magsasabay na rin po ako ng hapunan natin para po hindi na po kayo mag-abalang magluto pati si Papa," nakangiting sambit ko at naramdaman ko ang paggaan ng pakiramdam ni mama. Minadali kong tapusin ang pagkaing pananghalian ko para makapag-umpisa na akong mag-ayos at makalabas na. Ilang minuto lang ang nakalipas ay sabay kaming natapos kumain ni mama kaya kinuha ko na ang plato niya, niligpit ko na ang mga kalat sa lamesa tsaka ko hinugasan ang mga iyon. Nakapag-asikaso na ako ng sarili ko at dinampot ko na ang wallet ko na nakapatong lang sa ibabaw ng maliit na cabinet. Walang second floor ang bahay namin kaya ang lahat ng gamit dito ay halos pakalat-kalat na lang, kasi nga walang mapaglagyan. Ipinasok ko na iyon sa bulsa ko tsaka ko nilingon si mama. "Ma, aalis na po ako," paalam ko sa kanya habang inaayos ko ang sapatos na suot ko, ito rin ang ginagamit ko pamasok sa school kaya medyo marumi na rin. Nang bubuksan ko na ang pinto ay narinig ko pang magsalita si mama. "Mag-ingat ha? Sige na baka dumami pa 'yung mga tao sa mall at matagalan ka pa." Lumabas na ako sa bahay at hinatak ko na ang pinto pasarado. Sakto sa pagkahila ko no'n ay ang pabagsak naman na tunog ng isa pang pinto ang narinig ko sa aking tabi. Lumingon ako sa aking kanan para makita kung saan mismo nanggaling ang malakas na ingay na iyon. "C-Caleb..?" pabulong na tanong ko sa sarili. Paano nangyaring narito siya sa katabi ng bahay namin? Kapit-bahay namin ang pamilya niya— 'yung mayaman na halos hindi naman lumalabas sa kanilang lungga? Mas nagulat pa ako nang tumingin siya sa kinaroroonan ko, mukhang narinig niya ang pagbigkas ko sa pangalan niya. Bumilog ang aking bibig sa pagbabalak na magsalita pero napigilan ko ang aking sarili nang umiwas na siya ng tingin. Hindi ko na lang din pinansin pa ang pangdededma niya sa akin dahil baka isipin pa niya ay patay na patay ako sa kanya, mas ayaw ko namang gano'n ang isipin niya. Kuntento na ako sa kung ano ang turing niya sa akin ngayon kahit pa simpleng kaklase lamang iyon, hindi ko naman din hinihiling na humigit pa kami roon at ayaw ko rin magmadali. Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad papunta sa mall. Sa bawat paghakbang ko ay nadarama ko ang pagsunod ng mga yapak ni Caleb sa likuran ko. Hindi mapakali ang isipan ko at nagkakadikit na rin ang mga kilay ko. Ayaw ko man mag-assume ay siya naman din ang kusang nagbibigay ng motibo na talaga ngang sinasadya niyang sundan ako. Ilang metro pa ang nilakad ko at nang napansin kong naroroon pa rin siya sa likod ko ay huminto na ako sa paglalakad. "Hindi mo ba ako titigilan sa pagsunod mo sa akin?" pagmamataray ko kunware sa kanya nang hindi ko siya nililingon. Akala ko ay magrereklamo siya at sasabihing hindi naman niya ako sinusundan at 'wag akong assumera pero wala talaga akong narinig mula sa kanya. Kung hindi ko nga lang siya narinig na magpakilala kahapon ay iisipin ko talagang pipi siya. Lilingon na sana ako para tingnan kung nandoon pa rin siya kaso bigla na lang siyang naglakad palagpas sa kinatatayuan ko. Ngayon ay ako naman ang nasa likuran niya at siya naman ang naglalakad sa harapan patungo sa mall. Ano ba naman 'yan, Charmaine? Lumabas lang din siguro si Caleb para bumili sa mall! Kung anu-ano naman kasi iniisip ko, nakahihiya. Baka ipagkalat niya kung ano ang nangyari ngayon kahit wala naman talaga. Binilisan ko ang paglalakad ko para habulin siya at tumayo ako sa mismong harapan niya. Tinitigan niya lang ako sa mga mata ko na para bang hangin lang pero nilakasan ko pa rin ang loob ko. Inunat ko ang magkabilang braso ko at huminga ng malalim bago ko siya pinagsabihan. "Caleb Rhys! 'Wag kang magtatangka na ipagkalat ang ginawa ko kanina dahil sa oras na makarating 'yan sa ibang estudyante ay mayayari ka talaga sa akin," pagbabanta ko sa kanya, walang pagbabago sa ekspresyon ng kanyang mukha kaya tiniklop ko ang mga kamao ko, pati na rin ang bibig ko. "Are you done?" malamig na sambit niya tsaka niya ako muling nilagpasan. "Ha!" Umihip ako ng hangin paitaas na siyang nagpagalaw sa buhok ko. "Makukuha ko rin ang loob mo, Caleb. Maghintay ka lang," bulong ko sa sarili nang makalayo na siya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD